Skip to main content

    Pagbabalik-tanaw sa taong 2022

    The 293 survivors - including 146 minors - are waiting for a place of safety to disembark. Mediterranean Sea, 2022. © MSF/Candida Lobes

    Ang 293 na nakaligtas, kung saan kabilang ang 146 na menor de edad ay naghihintay na makarating sa  ligtas na lugar bago sila bumaba.  Mediterranean Sea, 2022. © MSF/Candida Lobes 

    Karahasan sa Haiti 

    Ang napakadelikadong sitwasyon ng pulitika, ekonomiya at seguridad sa Haiti ay lalong lumala noong 2022, na para bang ang bansa’y nasa bingit na ng pagbagsak. Gayunpaman, hindi sila gaanong nakakuha ng atensyon o tulong mula sa pandaigdigang komunidad. Dahil sa matitinding insidente ng karahasan sa kabisera, ang Port-au-Prince, may mga komunidad  doon na nawalan ng mapagkukunan ng pagkain, tubig o pangangalagang medikal. Tinanggap na kami ng mga armadong grupong namamayagpag sa mga kapitbahayan, ngunit madalas pa rin nilang pinupuntirya ang mga taong nasa kalsada. Binibiktima rin nila ang mga medical staff nang walang pakundangan. 

    Ang trauma hospital ng Doctors Without Borders sa Tabarre, at ang dalawang stabilisation centres sa Turgeau at Carrefour – mga kapitbahayan sa kabisera – ay kadalasang napupuspos sa dami ng mga pasyenteng nasaktan dahil sa karahasan, partikular na  noong Mayo, kung kailan tumindi ang mga sagupaan. Ang aming Drouillard hospital sa kapitbahayan ng Cité Soleil ay nasa gitna ng sagupaan para sa mga teritoryo ng mga armadong grupo, kung kaya’t napilitan kaming isuspindi ang aming mga aktibidad nang ilang beses dahil sa mga kaguluhan. Pagdating sa seguridad ng aming staff at supplies, ang Haiti ay isa sa pinakamapanghamong bansa para sa Doctors Without Borders.   

    A trauma patient is transferred to the MSF emergency centre in Turgeau, Port-au-Prince. Haiti, June 2022. © MSF

    Ang isang pasyenteng may trauma ay inilipat sa emergency centre ng Doctors Without Borders sa Turgeau, Port-au-Prince. Haiti, Hunyo 2022. © MSF

    Ang paglala ng digmaan sa Ukraine 

    Ang Doctors Without Borders ay aktibo na  sa pagsuporta sa mga taong apektado ng digmaan sa silangang Ukraine, mula pa noong ito’y nag-umpisa noong 2014. Ngunit noong Pebrero 24, 2022, nagulat ang aming mga team sa mabilis na paglala ng labanan matapos ang malawakang pag-atake ng mga puwersang Ruso sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Agad naming dinagdagan ang aming pagtugon sa pamamagitan ng pagbibigay ng karagdagang staff at materyales, at pati na rin ng pagsasanay para sa mga surgeon at mga healthcare worker sa Ukraine upang makayanan nila ang pagdagsa ng mga sugatan. Tinulungan din namin ang mga taong piniling manatili na lang sa kanilang mga tahanan, ang mga lumipat sa iba’t ibang bahagi ng bansa, at ang mga lumikas sa mga karatig-bansa tulad ng Poland, Moldova, Belarus at Russia, sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng pangangalagang medikal at suporta para sa kalusugang pangkaisipan

    Ang paglala ng digmaan ay nagdala sa amin ng maraming hamon. Kinailangan naming lakihan ang saklaw ng aming mga aktibidad upang makatugon sa mas maraming pangangailangan – hindi lang ang mga pinsalang pisikal at pangkaisipan na naidulot ng digmaan ang aming gagamutin, kundi pati na rin ang mga kondisyong dati nang mayroon ang pasyente gaya ng mga sakit na hindi nakakahawa – upang umangkop sa nagbabagong sitwasyon at sa mabilis na pagkilos sa mga frontline. Kailangan naming balansehin ang aming ambisyon na makapaghatid ng pangangalaga kung saan ito pinakakinakailangan, at ang pangangailangang matiyak ang kaligtasan ng aming staff, kung saan kabilang ang maraming Ukrainian staff na nawalan ng tirahan. 

    Upang tugunan ang mga hamong ito, naghanap kami ng mga bagong paraan upang mapalapit sa mga tao. Gumamit kami ng mga medical train sa pagdadala ng mga pasyente palayo sa mga danger zone; nagpatakbo kami ng mga mobile clinic sa mga shelter at sa mga metro station, kung saan sumilong ang mga tao upang makaiwas sa mga hinuhulog na bomba; at nagbukas din kami ng mga hotline para sa mga konsultasyon ukol sa mga sakit na hindi nakakahawa. 

    The medical team inside the intensive care unit (ICU) of the Doctors Without Borders medical train monitor and stabalise a seriously war-wounded patient during the journey from Pokrovsk, eastern Ukraine to Lviv, in western Ukraine. Ukraine, May 2022. © Andrii Ovod

    Habang naglalakbay mula sa Pokrovsk sa silangang Ukraine patungo sa Lviv sa kanlurang Ukraine, sinusubaybayan ng isang medical team sa loob ng intensive care unit (ICU) ng Doctors Without Borders medical train ang isang pasyenteng malubha ang tinamong pinsala mula sa digmaan. Ukraine, Mayo 2022. © Andrii Ovod

    Ang pangmatagalang epekto ng COVID-19 

    Noong simula ng 2022, ang ikatlong taon ng pandemya, ang mga team ng Doctors Without Borders ay tumutugon pa rin sa mga kaso ng COVID-19 sa maraming lugar. Patuloy ang aming paggamot sa mga bansang tulad ng Iraq at Eswatini, at gayon din ang pagbibigay ng bakuna sa Lebanon, South Africa at Uganda. 

    Samantala, nabigyang-pansin sa pamamagitan ng Doctors Without Borders Access Campaign ang pagangailangan para sa isang intellectual property waiver upang mabigyang-daan ang mas maramihan at mas mabilis na paggawa ng bakuna para sa kasalukuyang  pandemya, at sa hinaharap. Bagama’t ang aming pagtugon sa COVID-19 ay nabawasan na sa pagdaan ng mga buwan, ang aming mga team ay nagsusumikap pa ring masolusyunan ang mga kakulangan sa tao at sa mga sistema ng pangangalagang pangkalusugan, gaya ng kawalan ng regular na pagbabakuna, na nauwi sa mga outbreak ng mga sakit na kaya namang pigilan. 

    Ang pagbabalik ng Cholera 

    Nasaksihan namin ang pambihirang pag-akyat ng bilang ng mga kaso ng cholera noong 2022—tatlumpung bansa ang nagtala ng mga kaso, at ng  mga outbreak. Tumugon ang Doctors Without Borders upang labanan ang lubhang nakahahawang sakit na ito sa hindi bababa sa sampung bansa, gaya ng Nigeria, Syria, Cameroon, Niger, Lebanon, Democratic Republic of Congo at Kenya. May iba’t ibang dahilan ng pag-akyat ng mga bilang ng mga kaso sa buong mundo, gaya ng pagbabago sa klima, kakulangan sa tubig, at ng mga krisis na humanitarian tulad ng mga alitan. 

    Ang Haiti, na tatlong taon nang walang naiuulat na kaso ng cholera, ay nag-anunsiyo noong Setyembre ng  cholera outbreak sa kanilang bansa. Noong magwakas ang taon, umabot na ng mahigit sa 15,000 ang naitalang kaso. Karamihan sa kanila’y ginamot sa aming mga pasilidad, at sumuporta rin ang aming mga team sa pagbabakuna

    Dahil sa kakulangan ng  bakuna sa buong daigdig para sa cholera, ang International Coordinating Group – kung saan kabilang ang Doctors Without Borders – ay nagdesisyong gawin ang kailanma’y di pa ginagawa: ang pansamantalang irekomenda ang one-dose, sa halip na two-dose vaccination strategy upang matulungan ang mas maraming taong makaiwas sa sakit. 

    A healthcare worker examining Mohamad Al-Merhi, a Cholera patient in the Doctors Without Borders-supported Cholera Treatment Unit (CTU) in Idlib governorate. Syria, November 2022. © Abd Almajed Alkarh/MSF

    Sinusuri ng isang healthcare worker si Mohamad Al-Merhi, isang pasyenteng may cholera sa Cholera Treatment Unit (CTU) na sinusuportahan ng Doctors Without Borders sa governorate ng Idlib. Syria, Nobyembre 2022. © Abd Almajed Alkarh/MSF

    Ang krisis sa klima ay nag-iwan ng bakas

    Noong 2022, tinulungang muli ng Doctors Without Borders ang mga taong naapektuhan ng mga matinding kaganapan dahil sa pagbabago ng klima gaya ng mga pagbaha sa South Sudan at South Africa; tagtuyot sa Somalia; at ang mga bagyo sa Madagascar at sa Pilipinas

    Noong Enero, ginamot ng mga Doctors Without Borders team ang mga batang may malnutrisyon sa may labas ng N’Djamena, Chad, sa itinuturing ng iba na pinakamaikli at pinakamahinang tag-ulan. Ngunit pagdating ng Agosto, nagkaroon ng malakas na pag-ulan sa lugar ding iyon. Ito’y naging sanhi ng pag-apaw ng mga ilog at pagbaha, kung kaya’t libo-libong tao ang nawalan ng tirahan. 

    Noong Hunyo, ang Pakistan ay nakaranas din ng matinding pagbaha. 1/3 ng bansa ang nalubog sa tubig, at nanatiling mataas ang tubig sa ilang mga lugar doon nang mahigit tatlong buwan. Tatlumpung milyong  tao ang nawalan ng tirahan, at libo-libo ang namatay at nasaktan dahil sa kalamidad na ito. Bilang tugon, nagbigay ang mga Doctors Without Borders team ng suportang medikal, tulong para sa kanilang nutrisyon, at pati na rin para sa kanilang tubig at sanitasyon sa probinsiya ng Sindh at Balochistan.   

    Sa pagtatapos ng taon, nagsimula kaming magtrabaho sa Kiribati upang paunlarin ang maternal healthcare, partikular na ang pagtukoy at paggamot ng diabetes, isang sakit na pangkaraniwan sa bansang ito sa Pacific Island, kung saan ang tumataas na tubig-dagat ay nagiging sanhi ng pagguho ng lupa at pagkakaroon nito ng asin, na maaaring makaapekto sa mga pananim. 

     

    Ang pagdami ng mga kaso ng malnutrisyon  

    Ang paggamot sa mga batang may malnutrisyon ay isa pa sa mga pinagtuunan namin noong 2022. Tulad ng cholera, ang malnutrisyon ay kumplikado at madaming maaring sanhi:  tagtuyot, pangit na ani, pagbagsak ng mga sistema para sa kalusugan at ekonomiya, alitan, pagmahal ng mga bilihin – ang ilan sa mga ito o ang kombinasyon ng mga ito  ay naging sanhi ng malnutrisyon na nakita namin sa Nigeria, Ethiopia, Kenya, Afghanistan, Chad at Yemen noong nakaraang taon. 

    Sa Baidoa, Somalia, kung saan ang matagal na tagtuyot ay pinalala ng matagal nang alitan at hindi sapat na pagtugong humanitarian, ang aming mga team ay tumitingin ng 500 na batang may matinding malnutrisyon kada linggo. 

    Doctors Without Borders’s medical team is travelling by boat to run mobile clinics in Johi town following floodings in Dadu district, Sindh. Pakistan, October 2022. © Asim Hafeez

    Ang medical team ng Doctors Without Borders ay naglalakbay lulan ng bangka upang magpatakbo ng mga mobile clinic sa bayan ng Johi pagkatapos ng pagbaha sa distrito ng Dadu, Sindh. Pakistan, October 2022. © Asim Hafeez

    Migration pushbacks 

    Ayon sa refugee agency ng United Nations, ang UNHCR, may mga 100 milyong tao sa buong mundo na napilitang lisanin ang kanilang mga tirahan noong 2022. Ang iba sa kanila’y naipit sa mga border sa pagitan ng Belarus at Latvia, Lithuania, at Poland, kung saan sila’y sinalubong ng walang humpay at kadalasa’y marahas na pushback. Mula noong nag-umpisa ang taon, nahirapan na kami sa pagtulong sa mga tao sa mga lugar na ito dahil sa mga patakarang humahadlang sa amin. Ang paglala ng digmaan sa Ukraine noong patapos  na ang Pebrero ay naglantad ng di patas na European migration policies; para sa milyon-milyong taga- Ukraine na tumatakas mula sa kaguluhan, tulad ng mga taong di makaalis sa Belarusian border – ang kanilang pagpasok sa mga bansang EU  bilang mga refugee ay mabilis na inaprubahan. 

    Ang mga refugee at migrante na dumadating sa hilagang hangganan ng Mexico ay patuloy ring nakararanas ng pushback mula sa US sa ilalim ng Title 42, isang  patakaran na bagama’t ilang dekada nang nariyan ay  noong Marso 2020 lang ginamit ng marami. Ginamit ito upang kontrolin ang mga pagtawid sa border, na ayon sa kanila’y bahagi ng pag-iingat laban sa COVID-19. Samantala, libo-libong migranteng papunta sa baybayin ng Mediterrranean sa hilagang Africa – o umaatras mula sa mga panganib sa Libya – ay pinatalsik mula sa Algeria papuntang Niger, at inabandona sa hangganan sa gitna ng disyerto. 

    Patuloy rin ang mga pushback sa karagatan. Noong Setyembre, pinuwersa ng Malta ang isang barko na dalhin ang mga taong sinagip mula sa search and rescue zone ng Central Mediterranean Sea sa Egypt. Ito’y isang malinaw na paglabag ng maritime at international law. 

    Limang taon matapos lisanin ng  mahigit sa 750,000 Rohingya ang estado ng Rakhine sa Myanmar dahil sa di mailalarawang karahasan, ang buhay ng etnikong grupong ito ay hindi bumubuti. Ang mga dumadating sa Malaysia lulan ng mga bangka ay sapilitang ibinabalik sa dagat, o di kaya nama’y inaaresto, kinukulong, at kinakasuhan. Sa Bangladesh, nakatira ang mga Rohingya sa siksikan at maruming kampo kung saan may isang milyong residente.Hinahadlangan ang kanilang pagkilos at pagtrabaho, mga pagbabawal na nakakadagdag sa kanilang pagdurusa. 

    An aerial view of a road and dykes being built by the UN in Bentiu. The dykes are up to 2.5 metres high and 5 metres wide. The flooding around Bentiu spans 80km. South Sudan, August 2022. © Christina Simons

    Isang kuha mula sa himpapawid ng isang kalsada at mga dike na pinapagawa ng UN sa Bentiu. Ang mga dike ay may taas na 2.5 metro at may lapad na limang metro. 80 km ang saklaw ng pagbaha sa paligid ng  Bentiu. South Sudan, Agosto 2022. © Christina Simons 

    Mga tagumpay sa paggamot ng TB, subalit may mga hamon pa rin  

    Sa pagtatapos ng taon, inilathala ng New England Journal of Medicine ang mga resulta ng aming TB-PRACTECAL clinical trial, na sumubok sa epekto at kaligtasan ng anim na buwan na all-oral treatment regimen para sa drug-resistant tuberculosis (DR-TB). Ang rehimen na ito ay nakapagpagaling ng 90 porsiyento ng mga pasyente, isang pag-unlad mula sa dating mga paggamot na inaabot ng dalawang taon bago makumpleto, at nakapagpagaling ng 50 porsiyento lamang sa mga pasyente. Kabilang na ito ngayon sa pinakabagong World Health Organization’s updated TB treatment guidelines

    Ang mga mas maikli na all-oral regimen ay kailangang isulong upang mas maraming tao ang makakuha ng gamot na ito at gumaling. Ngunit mangyayari lang ito kung ang mga gamot na ginagamit sa rehimen ay mabibili sa mababang halaga. Ang mga presyo ng bedaquiline at delamanid, na ginagamit sa aming PRACTECAL at/o endTB at endTB-Q trials, ay masyado pa ring mataas upang magamit nang malawakan ng mga bansang maraming kaso ng TB. Kailangang maibaba ang presyo ng mga ito. 

    Tulad ng PRACTECAL, ang endTB at endTB-Q trials ay para rin sa paggamit ng mas maikli, mas ligtas, at epektibong rehimen, kahit ng mga pasyenteng  menor de edad. Ito’y lubhang mahalaga kasunod ng bagong inirekomendang algorithm ng WHO upang matukoy ang TB sa mga bata.

    A 7-year-old DRTB (Drug Resistant​ Tuberculosis) patient being given her TB medication by her mother.​ India, February 2022. © Prem Hessenkamp

    Isang pitong taong gulang na pasyenteng may DRTB (Drug Resistant​ Tuberculosis) ay binibigyan ng gamot sa TB ng kanyang ina.​ India, Pedbrero 2022. © Prem Hessenkamp

    Ang Epekto ng Anti-NGO rhetoric sa mga aktibidad ng Doctors Without Borders  

    Sa iba’t ibang bahagi ng mundo, patuloy na nakikita ng aming mga team ang epekto ng counterterrorism at ng anti-NGO rhetoric. Apat na miyembro ng aming mga team sa Southwest region, sa Cameroon, ang inaresto at kinasuhan ng complicity with secessionists matapos nilang dalhin, sakay ng ambulansya, ang isang pasyenteng nagtamo ng sugat sa pagkakabaril sa isang ospital sa Mamfe. Ikinulong sila sa loob ng sampung buwan haggang mahigit isang taon bago napawalang- bisa ang kaso laban sa kanila noong katapusan ng Disyembre. Dahil sa hindi magarantiyahan ang aming kaligtasan, napilitan kaming suspindihin, at sa kalaunan ay isara ang aming proyekto sa Mamfe, na lalong nakabawas sa makukuhang pangangalagang pangkalusugan sa isang lugar na may matinding pangangailangan. 

    Isyu pa rin sa Tigray at sa ibang mga bahagi ng Ethiopia ang access sa pangangalagang pangkalusugan, isang taon pagkatapos patayin ang aming mga kasamahan na sina María, Yohannes at Tedros noong Hunyo 2021. Mula noong nangyari iyon, sinikap namin itong maintindihan at makakuha ng pag-amin ng responsibilidad para sa mga naganap na nauwi sa pagpaslang sa kanila. Sa kabila ng pakikiugnay sa mga awtoridad, wala pa rin kaming nakuhang malinaw na sagot sa aming mga katanungan kung kaya’t nagdesisyon ang Doctors Without Borders na lisanin ang bansa.

    Sa Afghanistan, patuloy ang Islamic Emirate ng Afghanistan (na kilala rin bilang Taliban) sa pagtanggal sa mga kalayaan ng kababaihan simula noong  Agosto 2021, nang sila na muli ang may kapangyarihan sa bansa. Noong  Disyembre, naglabas sila ng mga kautusang nagbabawal sa mga kababaihang makapag-aral. Ipinagbawal din ang mga babaeng magtrabaho para sa mga NGO, maliban na lang sa larangan ng pangangalagang pangkalusugan. Bagama’t hindi namin kinailangang alisin ang mga babae sa aming team –sa ngayon—lubos kaming nag-aalala para sa pangmatagalan. Kung hindi papayagan ang mga babaeng medical students na tapusin ang kanilang pag-aaral ng medisina, hindi sila magiging mga doktor, nars, o mga espesyalista na kailangang-kailangan sa kanilang bansa. 

    Nasaksihan ng aming mga team kung paanong napapalabas na krimen ang pagdala ng tulong sa ibang mga lugar, gaya ng Mali at Niger. Dahil dito, naging lubos na mahirap na maipaabot ang tulong sa mga taong nasa gitna ng kaguluhan sa Sahel border region ng Niger, Mali at Burkina Faso. 

    May mga kaakibat  na panganib ang aming trabaho. Ang aming mga staff ay kumikilos sa harap ng mga banta ng pagsalakay, pagdukot, o pagkulong. Sa kabila ng mga hamon sa bahaging ito ng Sahel, at sa mga iba pang mga lugar kung saan kami nagtrabaho noong 2022, nagawa pa rin ng aming mga team na maghatid ng makasagip-buhay na pangangalaga sa milyon-milyong tao. Ngunit hindi ito magiging posible kung hindi dahil sa suporta ng halos pitong milyong donors, na lubos naming pinasasalamatan.