Lebanon: Pagkatapos ng mga malawakang pagbobomba, dumarami ang mga pangangailangang humanitarian
PEBRERO 2024: Nagbigay ang mobile unit ng Doctors Without Borders ng pangunahing pangangalagang pangkalusugan, mga gamot, at followup para sa mga pasyenteng may di-nakahahawang sakit, at pati na rin psychological first aid at mga sesyon para sa pagtataguyod ng kalusugan sa tatlong lugar sa timog na bahagi ng Lebanon. © Maryam Srour/MSF
Matapos ang malawakang pagbobomba ng mga Israeli sa ilang mga lugar sa Lebanon noong Lunes, Setyembre 23, unti-unti nang dinaragdagan ng Doctors Without Borders ang pagtugon sa lumalaking mga pangangailangang humanitarian ng mga taong nawalan ng tirahan sa pamamagitan ng paghahatid sa kanila ng pangunahing pangangalagang pangkalusugan at ng mahahalagang relief items. Ayon sa Ministry of Health, 558 ang napatay at 1,835 ang nasaktan, habang libo-libo naman ang napilitang lisanin ang kanilang mga tahanan upang makahanap ng mas ligtas na lugar sa ibang bahagi ng bansa.
Ang aming mga team ay namamahagi ng mga kagamitang tulad ng mga kutson at mga hygiene kit sa mga shelter sa iba’t ibang bahagi ng bansa, at ang aming mga mobile medical unit ay nagbibigay ng pangunahing pangangalagang pangkalusugan at pangangalaga para sa kalusugang pangkaisipan sa mga nangangailangan nito. Dagdag pa rito, nagpapatakbo kami ng mga mental health helpline, upang makapagbigay ng suportang sikolohikal sa mga nawalan ng tirahan at iba pang mga apektado sa ganitong panahon ng pagkaligalig.
Patuloy kaming nakikipag-ugnayan sa aming mga katuwang at sa mga network ng ospital, kasama ang pangakong tutulong kami kung saan kami maaaring magbigay-suporta.
Simula kahapon, nilisan ng ilan sa aming mga staff sa South Lebanon, sa Beirut, at sa ibang mga bahagi ng bansa ang kanilang mga tirahan. Ang ilan sa kanila ay ilang oras na naipit sa trapik sa kanilang paghahanap ng ligtas na lugar. Sa South Lebanon at sa Baalbek-Hermel, mga lugar na patuloy pa ring nakararanas ng matitinding aerial strike, ang mga staff ng Doctors Without Borders ay nag-ulat ng pagbobomba malapit sa kanilang mga tirahan. Marami sa mga staff namin ay nasa mga bahay nila noong gabing iyon, at abot-tanaw nila ang patuloy na paglipad ng mga eroplanong pandigmaan ng mga Israeli sa himpapawid, sa buong magdamag.