Bihag ng takot: Ang mga refugee na Syrian ay humaharap sa mga hindi mabatang mapagpipilian sa Lebanon
Nakasilip ang mga batang Syrian refugee sa bukas na bentilasyon ng tolda.
Lebanon, Hunyo 2024. © Carmen Yahchouchi for MSF
- Ang mga Syrian refugee na gustong kumuha ng pangangalagang pangkalusugan ay nahaharap sa dumaraming hadlang sa kinakailangang serbisyong medikal dahil sa mga pangamba at pagpigil sa kanilang pagkilos.
- Ang access sa pangangalagang pangkalusugan ng mga mahihinang komunidad ay hindi dapat hadlangan ng pananakot. Hindi dapat kailangang mamili ng mga pasyente kung uunahin ang kanilang kaligtasan o ang pagkuha ng medikal na atensyon.
- Ang bigat ng panghuhusga sa kanila bilang mga refugee at ang mga banta ng pagpapaalis sa kanilang pinamamalagian ay nakadudulot ng masamang epekto sa kalusugang pangkaisipan ng mga pasyenteng Syrian.
"Gusto ko nang mamatay," sabi ni Umm Khattab, isang Syrian refugee na ilang taon nang nakatira sa isang marupok na tolda sa may hilagang silangang hangganan ng Lebanon. "Namumuhay kami na laging balisa at takot. Mas may awa pa ang kamatayan kaysa ang mamuhay rito."
Inilarawan ng kanyang mga salita ang malagim na katotohanang hinaharap ng sampu-sampung libo ng mga refugee sa Hermel, Qaa, at Arsal, Lebanon, kung saan ang pansamantalang kampo na gawa sa mga trapal at pira-pirasong materyales ay makikita sa tigang na lupain. Kakaunti ang maibibigay na proteksyon ng mga mahihinang masisilungan na ito laban sa mga kalupitan ng kalikasan at lalo nang mas kaunti pa laban sa bugso ng mga damdaming kontra sa mga refugeesa Lebanon. Sa mga refugee na nagsisiksikan sa mga maliliit na espasyo kung saan lupa ang mga sahig at walang heating system. Pang-araw-araw na hamon ang pagharap sa pangamba na dala ng mga security checkpoint at mga away-away sa komunidad.
“Dahil sa takot, buong araw na nagsisiksikan ang sampung miyembro ng aming pamilya sa iisang tolda,” sabi ni Wael, isang 36 na taong gulang na ama na may altapresyon at diabetes. “Hindi kami lumalabas ng tolda pagkalampas ng alas sais ng hapon, dahil iyon ang curfew na itinakda ng mga Syrian. Hindi rin makalabas ang mga bata, dahil kinakaya-kaya sila ng mga batang taga-roon.”
Ilang taon nang pasyente si Wael ng klinika ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) sa Hermel, kung saan nakatatanggap siya ng mga gamot na kailangan para sa kanyang talamak na sakit, ngunit may mga bagong panukala na nagpapahirap sa pagkuha ng makasagip-buhay na pangangalaga.
Mula Abril, pinaigting ng Lebanon ang mga raid at mga hakbang sa seguridad upang harapin ang isyu ng mga hindi rehistradong indibidwal. Bilang resulta, ang mga pasyenteng Syrian na gustong makakuha ng pangangalagang pangkalusugan sa mga klinika ng Doctors Without Borders sa governorate ng Baalbek-Hermel ay humaharap sa mga lumalaking hadlang dahil sa takot at mga paghihigpit sa kanilang kalayaang kumilos. Para sa maraming refugee na nasa governorate, ang desisyon na humingi ng tulong medikal ay nababalot sa takot. Isang halimbawa si Wael, na kinakailangang dumaan sa mga checkpoint upang makarating sa klinika ng Doctors Without Borders sa Hermel.
Lagi akong kinakabahan kapag mayroon akong appointment sa klinika ng Doctors Without Borders. Natatakot ako sa mga security checkpoint. Noong Mayo 20, may appointment ako ngunit dahil sa isang kampanya para sa seguridad ng lugar, natakot akong lumabas at hindi ako tumuloy. Dahil sa takot umakyat ang blood sugar ko, at nag-alala akong wala akong kakayahang pababain uli iyon.Wael, pasyente
Sa naturang kampanya para sa seguridad, ang mga Syrian na ang mga papeles ay lampas na sa nakatakdang petsa ay kadalasang hinuhuli sa mga checkpoint at at sapilitang ibinabalik sa Syria. Kadalasa’y hindi sila binibigyan ng pagkakataong makapagbigay-alam sa kanilang mga pamilya sa Lebanon.
Ang ginagawa naman ng ibang mga pasyenteng may talamak na sakit ay tinitipid o tuluyan nang hindi iniinom ang mga gamot nila dahil sa takot na lumabas para bumili nito. Sa Qaa, na ilang milya lang ang layo mula sa Lebanon, si Amer, isang 36 na taong gulang na may altapresyon, ay naubusan na ng kanyang gamot mula pa noong Abril.
“Naubusan ako ng gamot at wala akong kakayahan o katapangan para makakuha ng pamalit,”sabi ni Amer. “Natatakot akong hahabulin ako ng mga awtoridad. Hindi ako nangangahas na dumaan sa checkpoint dahil baka ihiwalay nila ako sa aking pamilya, at habambuhay ko na silang di makasama.”
Hawak ng isang 36-year-old na Syrian refugee sa Lebanon ang walang lamang lalagyan ng kanyang gamot para sa altapresyon. Dahil sa krisis sa ekonomiya ng bansa, kasabay ng mga panukalang pangseguridad na ipinatupad kamakailan lang, naging tila bangungot para sa maraming pasyenteng may hindi nakahahawang sakit ang pagkuha ng mga kinakailangan nilang gamot. Lebanon, Hunyo 2024. © Carmen Yahchouchi para sa MSF
“May altapresyon ako,” sabi ni Talal, 60 taong gulang, mula sa sahig ng kanyang sira-sirang tolda sa Arsal. “Dalawang buwan na ang nakararaan mula noong nagsimula akong uminom ng gamot dahil sa mabilis na tibok ng puso, at ang presyon ng dugo ko ay laging mataas kaysa normal.”
Ang tanging paraan para makatawid si Talal sa bulubunduking daan ng Arsal upang makuha ang kanyang mga gamot ay sa pamamagitan ng kanyang kakarag-karag na motorsiklo na kamakailan lang ay nakumpiska. Dahil sa paghihigpit sa buong bansa sa mga hindi rehistradong sasakyan sa Lebanon, maraming mga Syrian ang nawalan ng motorsiklo na kadalasa’y tangi nilang transportasyon matapos ang krisis sa ekonomiya.
“Iyon lang ang aming paraan upang maasikaso namin ang aming mga pangangailangan,”daing niya. “Kung gusto kong bumili ng pagkain para sa aking pamilya, o kumuha ng konsultasyon o mga gamot mula sa inyong klinika, kailangan ko pang mangupahan ng motorsiklo o tuktuk, na mas mura kaysa kotse ngunit mahal pa rin para sa amin.”
Mula 2010, nasa governorate na ng Baalbek-Hermel sa hilagang silangan ng bansa ang Doctors Without Borders. Mahigit isang dekada nang nagbibigay ang Doctors Without Borders ng de-kalidad at libreng serbisyong medikal kaugnay ng pediatrics, sexual at reproductive healthcare, paggamot ng mga sakit na di nakahahawa, pagbakuna laban sa mga sakit na maaaring mapigilan, suporta para sa kalusugang pangkaisipan ng mga refugee at sa mga lokal na komunidad.
Sa kasalukuyan, ang mga team ng Doctors Without Borders ay nagpapatakbo ng klinika sa Arsal at isa pa sa Hermel, at nagsusuporta rin ng access sa sekundaryong pangangalagang pangkalusugan sa pamamagitan ng mga katuwang na ospital. Subalit, kahit sa gitna ng ganitong pagtulong, marami pa rin ang hindi sumisipot sa kanilang mga medical appointment dahil sa takot na sumasaklot sa komunidad ng mga refugee.
Ang mga team ng Doctors Without Borders ay sinasamahan ng mga bata habang sila’y naglilibot sa isang informal tent settlement sa Qaa, sa hilagang silangang bahagi ng Lebanon. Ang bayan na ito ay naging saksi sa bugso ng mga damdaming laban sa mga Syrian, na nakaapekto sa abilidad ng mga refugee na makakuha ng pangangalagang pangkalusugan. Lebanon, Hunyo 2024. © Carmen Yahchouchi para sa MSF
Dalawang tolda mula sa sinisilungan ni Amer ay nakatira si Umm Omar, na nanganak sa bahay wala pang isang buwan ang nakalilipas. Hindi malinaw ang alaala niya sa gabing iyon, ngunit tandang-tanda pa niya kung paanong ang takot ng komunidad na tumawid sa mga army checkpoint ay nakapigil sa kanilang maghanap ng tulong sa labas ng kanyang tolda kung saan nilabanan niya ang sakit ng panganganak nang walang anesthesia.
“Humihiyaw ako sa kadiliman ng gabi, ngunit walang makapagdala sa akin sa klinika,” sabi ni Umm Omar habang binibigkisan niya ang kanyang sanggol. “Pinatawag nila ang isang kapwa namin na refugee na anak ng isang komadrona. Buti na lang, nagawa niyang mapaanak ako sa pagkakaalala lang sa ginagawa ng kanyang ina. Kaya lang, hindi pa rin ako makaalis ng kampo upang makakuha ng birth certificate para sa aking anak.”
Karga ng isang Syrian refugee ang isang buwang sanggol na tinulungan niyang makalabas mula sa sinapupunan ng kanyang ina sa Qaa, sa hilagang silangang bahagi ng Lebanon. Ang mga hakbang sa seguridad at paghihigpit sa mga checkpoint ay nagkaroon ng epekto sa abilidad ng mga refugee na makakuha ng pangangalagang pangkalusugan kung kaya’t naitulak ang komunidad na magtulungan para sa isang biglaang pagpapaanak. Lebanon, Hunyo 2024. © Carmen Yahchouchi para sa MSF
Sa kanilang pagmuni-muni sa nakaraan, madalas na binabalikan ng mga refugee ang kanilang mapanganib na paglalakbay patungong Lebanon, tumatakas sa kaguluhan nang wala halos dala kundi ang mga damit na kanilang suot. Nakatagpo sila ng pag-asa na mabuhay sa mga burol ng Lebanon.
Bagama’t noong una’y mainit ang pagtanggap sa kanila ng Lebanon, nag-iba na ang ihip ng hangin nang bumagsak ang ekonomiya ng bansa. “Noong umpisa, pagdating namin sa Arsal, tinulungan kami ng munisipalidad,” sabi ni Maya, na mas matagal na ang inilagi sa Lebanon kaysa Syria.“Binibigyan nila kami ng mauupuan at magagamit. Ipinasok nila ako sa isang paaralan, at nagsimula akong mag-aral. Noong una, malugod kaming tinanggap ng komunidad at hindi kami itinuring na mga dayuhan.”
Subalit, ngayong ikalimang taon na ng krisis sa ekonomiya ng Lebanon, nahaharap ang mga refugee na Syrian sa kawalang-paraya sa bansa ngayon. Ang kahirapan sa ekonomiya, na pinapalala ng takot sa pagkilos, ang nagtutulak sa mga refugee na mamili sa pagitan ng kanilang kaligtasan o kanilang kalusugan. At lalong hindi nila prayoridad ang kanilang kalusugang pangkaisipan.
Si Maya, isang refugee na Syrian sa hilagang silangang bahagi ng Lebanon, ay may hawak na kalapati na kanyang inaalagaan sa tolda ng kanyang pamilya sa Arsal. Isang biyuda at biktima ng child marriage, marami nang pinagdaanan si Maya na matitinding trauma, lalo na noong namatay ang kanyang mga anak sa isang sunog. Naghahanap ngayon si Maya ng mga paraan upang mapagaling ang kanyang sarili at ang mga taong nasa paligid niya sa pamamagitan ng pangangaral ukol sa communal care at suporta para sa kalusugang pangkaisipan. Subali’t, ito’y ginagawang mas mahirap ng mga damdaming kontra sa mga refugee sa rehiyon. Lebanon, Hunyo 2024. © Carmen Yahchouchi para sa MSF
"Namumuhay kami nang laging balisa at takot. Hindi ako makatulog dahil sa mga kampanya para sa seguridad at dahil sa pangamba ko para sa aking mga anak,” sabi ni Umm Khattab, na matagal nang nagdurusa sa mga nervous breakdown mula noong ang kanyang anak na lalaki ay sapilitang inalis sa bansa noong huling bahagi ng 2023.
“Bumibilis ang tibok ng puso ng aming mga anak dahil sa takot at pagkabalisa sa mga kampanyang ito. Maririnig na lang namin silang sasambitin ang katagang, 'Paparating na sila!' Sinusubukan kong bigyan sila ng kaginhawaan, subali’t, mas takot pa ako sa kanila."
"Matapos ang ilang taon ng displacement, may mga ilang refugee na Syrian na nagpapakita ng mga sintomas na sikolohikal," sabi ni Amani Al Mashaqba, ang mental health manager ng Doctors Without Borders sa Baalbek-Hermel.
Ang matinding pagkabalisang sikolohikal ay makikita sa mga refugee dahil sapaulit-ulit na krisis na kanilang nararanasan. Ang mga pag-iiba sa mga inaasal kaugnay ng pagkalantad sa mga kaganapang nakapagdudulot ng trauma ay iniulat ng aming mga pasyenteng may suliranin sa kalusugang pangkaisipan, bata man o matanda.Amani Al Mashaqba, MH Activity Manager
“Naapektuhan at nabago ang kanilang pang-araw-araw na pamumuhay; wala nang tulad ng dati. Bihira na silang lumabas, kaunti na lang ang mgasandaling sila’y nakapagpapahinga. Hiwa-hiwalay ang mga pamilya, at ang mga tao’y hindi na kasingbukas tulad ng dati. Pagod na ang mga tao. Nawalan sila ng kumpiyansa sa kanilang sarili, at nakakaramdam sila ng matinding kalungkutan. Ang mga kabataan ay hindi nakatitiyak kung paano sila mabubuhay—hindi na sila makababalik, ngunit hindi rin sila makausad. Sila’y nasa gitna lamang ng kawalan ng isang walang katapusang limbo, na nakakaapekto sa buong pamilya,"pagpapatuloy ni Amani.
“Ang lahat ay nakakaramdam ng tensyon,” sabi ni Umm Khattab, at kanyang inilarawan ang mga sintomas ng mga kabanatang post-traumatic.“Kapag nakarinig kami ng mga taong malakas ang boses, o ng malakas na ingay, iniisip agad namin na may nagaganap na raid, at kami’y natataranta.”Ganito rin ang mga ibinahagi ng mga refugee sa Arsal at Hermel.
Malalim ang mga epekto nito sa pisikal na kalagayan at sa kalusugang pangkaisipan ng mga refugee. “Ang gusto lang naman namin ay mamuhay nang ligtas, at hindi kami lalapitan ng mga security force. Takot ang pinakapangunahing pinanggagalingan ng aming pagdurusa," sabi ng isang refugee.
"Maniwala kayo, kung ligtas lang ang aming dating tinitirhan sa Syria, hindi ako mamamalagi rito. Ngunit anong gagawin namin sa Syria? Wala nang naiwan para sa amin doon. Ngayon, gusto na lang naming mamatay, dahil mas mahabagin pa ang mamatay kaysa mabuhay rito,”sabi ni Umm Khattab.
Ang digmaan sa Syria, na nagsimula noong 2011, ay nagdulot ng malawakang pagkawasak at karahasan. Milyon-milyong tao ang napilitang lumikas sa mga karatig-bansa na tulad ng Lebanon, Turkey, Jordan, Iraq at iba pang bayan. Ang kasalukuyang kawalan ng katatagan ay naging sanhi ng kawalan ng kaligtasan sa Syria, kung kaya’t malaking hamon para sa karamihan ang bumalik sa kanilang tinubuang bayan. Ang mga Syrian refugee na naghahanap ng pangangalagang pangkalusugan sa hilagang silangang Lebanon ay nahaharap sa dumaraming balakid dahil sa mga takot at paghihigpit sa kanilang pagkilos. Ang access sa pangangalagang pangkalusugan ng mga mahihinang komunidad ay hindi dapat hadlangan ng takot o intimidasyon. Hindi dapat kailangan ng mga pasyenteng mamili sa pagitan ng kaligtasan o pagkuha ng medikal na atensyon.
“Ang hinihingi ko lang ay kaligtasan”—isang pakiusap na sumasalamin sa malalim na pagnanasa para sa katatagan na naglalarawan sa karanasan ng mga refugee sa Lebanon ngayon.
*Ang mga pangalang ginamit dito ay pinalitan para sa proteksyon ng mga kinapanayam.