Lebanon: Dahil sa banta ng deportasyon, nahihirapan ang mga Syrian na makakuha ng pangangalagang pangkalusugan
Pahirap nang pahirap para sa mga Syrian refugee sa Lebanon na makakuha ng kinakailangan nilang serbisyong medikal dahil sa mga nabababalitang kaso ng sapilitang deportasyon at pagpigil sa kalayaan nilang kumilos. Kuwento ng mga pasyente sa mga team ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) at sa kanilang mga kasamahan, pinapalala pa ang sitwasyon ng diskriminasyon laban sa mga refugee, na nagiging sanhi ng kanilang pag-aalala ukol sa kanilang kaligtasan at lumilikha ng mundong puno ng pangamba.
Dahil sa intimidasyon, maraming mga refugee ang natatakot lisanin ang kaligtasan ng kanilang mga tahanan, kahit upang makakuha ng kinakailangang pangangalagang medikal. Isa sa mga lugar kung saan malala ang sitwasyon ay ang Arsal, isang nakabukod at napabayaang bayan sa hilagang Lebanon malapit sa hangganan ng Syria, kung saan mahigit sampung taon nang nagtatrabaho ang mga team ng Doctors Without Borders.
"Ang lahat ay nakakaramdam ng stress. Di na sila umaalis ng bahay, dahil sila’y paralisado sa takot,” sabi ni Farhat, 75, isang Syrian refugee na siyam na taon nang nakatatanggap ng paggamot para sa diabetes sa klinika ng Doctors Without Borders sa Arsal. “Walang may lakas ng loob na lumabas ng bahay, kahit para sa kanilang mga pangunahing pangangailangan." Siya mismo ay takot maaresto ng mga awtoridad at mapatalsik mula sa Lebanon. "Natatakot akong kukunin nila ako, papahiyain, at sapilitan akong paaalisin ng bansa,” sabi niya. Dagdag pa niya, marami silang ganoon ang inaalala.
Nitong nakaraang dalawang linggo, napansin ng Doctors Without Borders ang lumalaking bilang ng mga di nagpapakita sa takdang araw ng kanilang konsultasyon sa klinika, diumano dahil sa pangambang haharap sila sa deportasyon habang sila’y dumadaan sa mga checkpoint upang makarating sa mga pasilidad pangkalusugan.
Ayon pa sa ulat ng mga team ng Doctors Without Borders, ang takot ay nagiging sagabal din sa kanilang pagsangguni sa mga ospital. "Nagkaroon kami ng pasyente na bagama’t nangangailangan ng agarang pangangalagang medikal ay tumangging mailipat sa isang ospital dahil sa kanyang takot sa deportasyon, sapagkat alam niyang hindi siya rehistrado,” sabi ni Dr. Marcelo Fernandez, ang head of mission ng Doctors Without Borders sa Lebanon.
Kamakailan lamang, ang istriktong pagpapatupad ng mga patakaran at mga pagbabawal kaugnay ng mga refugee sa Lebanon ay nagresulta sa pagkumpiska ng mga kotse at motorsiklo ng maraming Syrian. Kadalasan, ang mga sasakyang ito ang tanging abot-kayang paraan ng paglalakbay pagkatapos ng krisis sa ekonomiya na naging sanhi ng pagbagsak ng mga pampublikong transportasyon.
Si Mahmoud, 56, ay tumatanggap ng paggamot para sa diabetes sa klinika ng Doctors Without Borders sa Arsal, na 5 kilometro ang layo mula sa kanyang tirahan. Isa siya sa maraming pasyenteng nagsusumikap na makapunta sa klinika upang sumailalim sa check-ups at makakuha ng mga gamot. "Dati, nagmomotorsiklo ako papunta sa klinika,” sabi niya, “ngunit ayon sa mga bagong regulasyon, bawal nang gumamit ng motorsiklo, kaya’t nilalakad ko na lang."
Hirap ang pamumuhay ng marami sa mga residente ng Arsal, at limitado ang mga serbisyo at imprastruktura sa lugar na iyon. Maraming hamong hinaharap ang mga residente at mga refugee upang makakuha ng kinakailangang serbisyo sa loob at labas ng bayan.
"Ang pagkumpiska ng mga sasakyan ay nag-iwan sa maraming mahihinang tao nang walang maaasahang transportasyon," sani ni Dr. Marcelo Fernandez. "Ito ay nagpapalala lamang ng mga hamong hinaharap ng mga indibidwal na limitado ang mga mapagkukunang- yaman at walang kalayaang kumilos. Ito’y dagdag na sagabal sa kanilang pagkuha ng kinakailangang pangangalagang medikal."
“Ang sitwasyong ito ay hindi dapat manatiling ganito,” sabi ni Dr. Marcelo. “Walang maaaring ipalit sa kalusugan ng tao. Ang lahat ng grupo ng mga tao na nasa laylayan ng lipunan ay dapat magkaroon ng access sa napapanahong pangangalagang pangkalusugan nang pantay-pantay, ano pa man ang kanilang estado sa buhay.”