Skip to main content

    Isang taon pagkatapos ng pagsabog sa Beirut, naging mas malala pa ang sitwasyon sa Lebanon

    refugee camp

    Arsal refugee camp © Tariq Keblaoui/MSF 

    Sa kanyang kusina sa hilagang silangang bahagi ng Lebanon, nagluluto si Fawziyya Al-Sahili ng mga gulay. “Dinala ito ng mga kapitbahay namin kahapon. Kung di dahil sa kanila, wala kaming sariwang gulay, “sabi niya.  “Isang taon na kaming di nakakakain ng karne. Sapat lang ang kinikita ng anak ko para makabili kami ng tinapay, beans at lentils. Ganyan na kami ngayon.”

    Animnapu’t apat na taong gulang na si Fawziyya. Dahil meron siyang altapresyon at diabetes, kailangan niyang kumain ng masusustansyang prutas at gulay. Ngunit ang mga ganitong klaseng pagkain ay hindi abot kamay ni Fawziyya o ng kanyang pamilya. Ang isa sa kanyang mga anak na lalaki ay nagtatrabaho sa isang tindahan kung saan kumikita siya ng 10,000 Lebanese pounds kada araw. Kung ang pagbabasehan natin ay ang kasalukuyang exchange rate, ang katumbas nito ay hindi pa aabot sa US$1. Ang isa pa niyang anak ay walang trabaho. Silang tatlo ay nakatira sa isang hindi pa natatapos na bahay, at wala silang sapat na pera para ipagawa iyon.

    Nitong nakaraang dalawang taon, binibisita niya ang klinika ng Doctors Without Borders malapit sa kanyang bahay sa bayan ng Hermel sa hilagang bahagi ng Lebanon. Dito, regular siyang nakapagpapatingin at nabibigyan din siya ng mga gamot na kailangan niya, tulad ng insulin. 

    Fawziyya Al-Sahili

    Fawziyya Al-Sahili

    Si Fawziyya Al-Sahili sa kanyang kusina, nagluluto ng gulay. © Tariq Keblaoui/MSF 

    Fawziyya Al-Sahili, 64, suffers from high blood pressure, diabetes (and osteoporosis). She regularly visits the MSF clinic in Hermel where she is examined and given the right medication.

    Marami nang nasaksihan na krisis si Fawziyya sa Lebanon. Bagama’t napakahirap ng sitwasyon nila sa kasalukuyan, umaasa siyang balang araw ay bubuti rin ang lahat.  Naniniwala siya sa kahalagahan ng samahang walang iwanan, at ng pagpapasensya. Nagpapasalamat siya sa tulong na natatanggap niya mula sa klinika ng Doctors Without Borders. © Tariq Keblaoui/MSF 

    Fawziyya Al-Sahili

    Si Fawziyya Al-Sahili, kasama ang isang social worker. © Tariq Keblaoui/MSF 

    Fawziyya Al-Sahili, 64, suffers from high blood pressure, diabetes (and osteoporosis). She regularly visits the MSF clinic in Hermel.

    Si Fawziyya Al-Sahili, habang sinusuri sa klinika ng Doctors Without Borders sa Hermal pagkatapos niyang matumba.  © Tariq Keblaoui/MSF 

    Pagkatapos ng pagsabog 

    Si Fawziyya at ang kanyang pamilya ay bahagi ng kalahati ng populasyon ng Lebanon na ngayo’y nabubuhay sa matinding kahirapan. Mula 2019, ang maliit na bansa sa silangang dalampasigan ng Mediterranean ay lubhang tinamaan ng krisis sa ekonomiya, pagtaas ng presyo ng mga bilihin, kawalan ng katatagan sa pulitika, at ng pandemyang dulot ng COVID-19.  Dumagdag pa rito ang pagsabog na yumanig sa kabisera ng bansa, ang Beirut, noong ika-4 ng Agosto 2020.

    Ang malakas na pagpapasabog sa pantalan ay nagdala ng mga nakapanlulumong resulta. Halos 200 ang nasawi, mahigit 6,000 ang nasaktan, at libo-libong tao ang nawalan ng tirahan. Nawasak din nito ang ilang mga pasilidad na pampubliko, kabilang ang mga ospital. Malala rin ang pinsalang natamo ng pangunahing imbakan ng mga nangangasiwa sa kalusugan,kung kaya’t naantala ang pamamahagi ng mga gamot, lalo na sa mga matatanda at sa mga pasyenteng talamak ang sakit.  

    Pagkatapos ng pagsabog, nagbigay ang mga Doctors Without Borders team ng mga first aid kit sa Lebanese civil defense, at mga medical supplies at mask sa Lebanese Red Cross. Ang mga Doctors Without Borders team na nasa tatlong lugar–sa Karantina, Mar Mkhayel at Khandak–ay nagbigay lunas sa 1,800 na pasyenteng nasugatan dahil sa pagsabog at 4,500 na pasyenteng may mga talamak na sakit at nangangailangan ng suportang medikal.  

    Naglibot din sa mga bahay-bahay sa mga apektadong lugar ang mga Doctors Without Borders  team upang matasa ang mga pangangailangan ng mga tao. Nagkabit sila ng mga tangke ng tubig, at namahagi ng water purification at hygiene kits; pinalakas din nila ang psychosocial support.

    Sa mga sumunod na linggo’y may ilang mga pampublikong ospital ang halos nasagad na ang kapasidad dahil sa mataas na bilang ng mga pasyenteng may COVID-19. Ang mga nasugatan dahil sa pagsabog ay nagmamadaling makarating sa mga ospital, at di gaanong nag-ingat dahil sa mga sandaling iyon, hindi ang coronavirus ang inaalala nila.

    Dahil sa mabilis na pagdami ng mga pasyenteng may COVID-19, sumailalim ang Lebanon sa lockdown nang ilang linggo. Bago pa man ang pandemya, ang kanilang sistema ng pampublikong kalusugan ay humaharap na sa mga balakid na dulot ng krisis sa ekonomiya, mga bagay na nakapipigil na makakuha ang mga tao ng mga gamot at medical supplies. Pagdating ng pandemya, naging mas malala pa ang sitwasyon. 

    Kakulangan ng gamot

    Gayong isang taon na mula nang pinasabog ang Beirut, napakalaki pa rin ng pangangailangan ng mga tao para as tulong medikal at sikolohikal. Kasabay pa nito, ang pagbisita sa doktor ay nagiging luho na para sa maraming tao dahil sa malaking halagang kinakailangan upang makakuha ng pribadong pangangalagang pangkalusugan. “Ang sistemang pangkalusugan sa Lebanon ay nasa kamay ng pribadong sektor, kung kaya’t parami nang parami ang mga taong hindi makabili ng gamot,o magpatingin sa doktor,” sabi ni Hammoud al-Shall, Doctors Without Borders assistant project coordinator. “Kailangang magdesisyon ang mga tao kung saan nila gagastusin ang pera nila, sa pagkain o gamot.  Parehong nagmahal ang mga ito nang limang beses ng kanilang dating presyo."

    Kinailangan ni Fawziyya ng gamot upang mawala ang sakit ng ulo niya, pero nahirapan siyang makakuha kahit mga simpleng gamot lang, tulad ng paracetamol. “Natumba kasi ako at sumakit ang ulo ko,” kuwento niya. “Gusto kong bumili ng paracetamol, pero wala raw sila no’n, sabi ng parmasyutiko. Tatlong botika pa ang sinubukan namin, pero wala pa rin kaming nahanap. Wala nang paracetamol sa Lebanon.” 

    Ang mga ganitong kakulangan ng gamot ay malaking hamon, kahit para sa mga organisasyong gaya ng Doctors Without Borders. Nahihirapan ang mga lokal na kompanya na mag-angkat ng gamot papasok sa bansa, kung kaya’t ang mga Doctors Without Borders team na ang nag-aangkat ng mga pinakakinakailangan. Dahil sa lumalalang krisis sa gasolina, umakyat ang kailangang gastusin para sa transportasyon, at parehong naapektuhan ang stocks ng medical supplies, at ang mga pasyenteng gustong makakuha ng pangangalagang medikal.

    Di-tiyak na kinabukasan

    Marami sa mga taga-Lebanon – Lebanese man o refugee – ang nakikipagbuno na sa stress at psychological trauma na kaugnay ng digmaan o pagkawala ng tirahan. Ngayon, ang lumalalang kalagayan ng kanilang pamumuhay ay nagiging dagdag na pasanin at nakakaapekto sa kanilang kalusugang pangkaisipan. Marami sa pasyenteng humihingi ng sikolohikal na tulong mula sa Doctors Without Borders ay nakararanas ng matinding kalungkutan, pagkabalisa, at kawalan ng pag-asa.

    Nag-aalala si Fawziyya Al-Sahili para sa kinabukasan ng kanyang pamilya. Ang partikular na inaalala niya ay ang kanyang anak na walang trabaho. Nagpupunta rin ito sa klinika ng Doctors Without Borders sa Hermel, kung saan nakakatanggap siya ng psychosocial support.

    Handa na ang kakainin niya, at umupo na si Fawziyya sa karpet. Nakahain ang kanin, tinapay at gulay sa harap niya. Ang kanyang pag-aalala tungkol sa kinabukasan ay laging nariyan, ngunit di siya nawawalan ng pag-asa. Nagkakaisa ang mga Lebanese at damang-dama niya ang suporta ng kanyang komunidad—hindi lang ng mga kapitbahay na nagdadala sa kanya ng pagkain, kundi pati na rin ang mga doktor sa klinika ng Doctors Without Borders kung saan nakukuha ng pamilya niya ang libreng pangangalagang medikal at psychosocial, at pati na rin ang mga gamot na kailangan nila.

    Categories