Tungkol sa Doctors Without Borders
Ang Doctors Without Borders ay isang pandaigdig na medikal na organisasyon, na kumikilos para sa kapakanan ng tao. Nagdadala kami ng makakasagip-buhay na emergency medical humanitarian aid para sa mga taong apektado ng mga armadong labanan, epidemya, pandemya, mga natural na kalamidad, at pagkakabukod sa pangangalagang pangkalusugan.
Kumikilos kami sa mahigit 70 bansa sa iba’t ibang bahagi ng mundo, mula North Africa hanggang South America, sa Asia Pacific at sa Middle East, sa mga lugar na di makikita sa kahit anong mapa, sa mga kampo ng refugees, sa mga ospital at klinika, sa mga proyekto, nagsisilbi sa mga itinuturing na walang kalaban-laban.
Mga pasyente muna
Ang aming mga pasyente ang nasa sentro ng aming misyon at ng lahat ng aming ginagawa. Kumikilos kami upang ibsan ang pagdurusa ng mga tao, lalo na sa krisis, upang maprotektahan ang kanilang buhay at kalusugan.
Ang mga field workers ng Doctors Without Borders ay nagbibigay ng pangangalagang medikal upang makatulong sa mga taong mabuhay sa gitna ng mga sakuna, kung saan maaaring hindi kaya ng sistema ng pangangalagang pangkalusugan na punan ang mga pangangailangan ng komunidad. Kung kinakailangan, nagsasagawa rin kami ng mga pananaliksik ukol sa mga lugar na kinikilusan namin. Sa karamihan ng mga pinupuntahan namin, walang ibang healthcare provider o aid organisation sa mismong lugar. Kadalasa’y nakikipagtulungan kami sa Ministry of Health ng bansa, o sa mga ibang organisasyon upang mabigyan ng tamang pangangalaga ang aming mga pasyente.
Isang bata sa orthopaedic ward ng Boost hospital, na pionapatakbo ng Doctors Without Borders, sa isang kaugnayan sa Ministry of Public Health sa Lashkar Gah, Helmand, Afghanistan. © Kadir Van Lohuizen/Noor
Ang aming kasaysayan
Sinimulan ang Doctors Without Borders noong 1971 sa France ng isang grupo ng mga doktor at mga mamamahayag matapos and digmaan at tag-gutom sa Biafra, Nigeria. Layunin naming magtatag ng isang organisasyong may kasarinlan, at nakatuon sa paghatid ng emergency medical aid kung saan ito kinakailangan – sa paraang mabilis, epektibo, at walang kinikilingan.
Tatlong daang boluntaryo ang bumuo sa organisasyon noong nagsimula ito: may mga doktor, nars at iba pang staff. Kasama rito ang labintatlong doktor at mamamahayag na nagtatag ng Doctors Without Borders.
Ang Doctors Without Borders ay nilikha ayon sa paniniwalang karapatan ng lahat ng tao ang makakuha ng pangangalagang pangkalusugan nang di binibigyang pansin ang kasarian, lahi, relihiyon, kredo, o politikal na kaanib. Naninindigan din kami na ang mga pangngailangang medikal ay mas matimbang kaysa sa paggalang sa mga hangganan ng bawat bansa.
Ang mga prinsipyong gumagabay sa aming mga pagkilos ay nakasaad sa aming charter, na nagtatakda ng balangkas para sa aming misyon at mga aktibidad sa iba’t ibang panig ng daigdig.
Ang ginagawa namin
Ang misyon ng Doctors Without Borders ay ang magbigay ng de-kalidad na pangangalagang medikal sa lahat ng aming pasyente, kahit maraming hamon at limitado ang mga makatutulong na tao at kagamitan sa lugar.
Ang aming mga pangkat medikal at field workers ay nagbibigay ng pangunahing pangangalagang pangkalusugan, nagsasagawa ng mga operasyon, nakikipaglaban sa mga epidemya, inilalagay sa ayos at pinangangasiwaan ang mga ospital at klinika, nagsasagawa ng mga kampanya para sa pagbabakuna, nagpapatakbo ng mga sentro para sa nutrisyon, nagbibigay ng pangangalagang pangkalusugan para sa kaisipan, naglalaan ng yamang-tao, at nagsasagawa ng pagsasanay para sa medical staff ng lugar. Minsan, upang magawa namin ang aming mga proyekto, kailangan naming magpatayo ng mag pasilidad para sa malinis na tubig, o upang magkakuryente. May mga pagkakataon din kung kailan maaari kaming magtayo ng isang Doctors Without Borders field research unit at ilathala ang mga nalaman namin mula sa aming pananaliksik.
Ang aming emergency staff ay sanay at may kapasidad upang mabilis na makapaghatid ng tulong sa mga taong nasa krisis.
Sa pagtutulungan ng aming international staff at ng mga katuwang naming mga lokal, nagbibigay ang Doctors Without Bordersng pangangalagang medikal at suportang sikolohikal para sa mga nakatira sa mga lugar kung saan lagi o madalas ang emergency. Ang mga halimbawa rito ay mga lugar na may armadong labanan, epidemya, o kalamidad. Mayroon din kaming mga programa para sa mga pasyenteng may mga sakit na tulad ng tuberculosis, HIV/AIDS at kala azar.
Pag kinakailangan, gumagawa kami ng mga balon, naghahatid ng tubig na ligtas inumin, at namamahagi ng mga materyales para sa paggawa ng mga pansamantalang tirahan. Namimigay rin kami ng relief items tulad ng mga gamit na pangluto at panghugas.
Isang nurse ng Doctors Without Borders, sa Samantha Hardeman, sa neonatal intensive care unit ng Boost hospital sa Afghanistan. © Kadir Van Lohuizen/Noor
Sa Bangassou, Central African Republic, inooperahan ng Doctors Without Borders surgery team ang pasyente na may inguino-scrotal hernia. Enero 2021. © Alexis Huguet/MSF
Tinitignan ni Laura, isang midwife sa Doctors Without Borders, ang pasyenteng nagdadalang-tao sa Jamtoli camp, Bangaladesh. © Vincenzo Livieri/MSF
Dinalaw ng Doctors Without Borders team ang isa sa survivors sa evacuation camp sa Susukan Kampong, Sukarame Village, Indonesia. Dito may nakilala silang batang 13 taong gulang, na dumaan sa Doctors Without Borders adolescent health project sa Banten. © Muhamad Suryandi/MSF
Isang dalaga mula sa Tondo, Manila, na nakatanggap ng libreng bakuna para sa HPV sa Likhaan clinic. Nagbibigay ang Likhaan ng reproductive healthcare services para sa mga mahihirap na pamilya sa Pilipinas, kung saan may kakulangan ang kaalaman ng maraming kababaihan tungkol sa kanilang reproductive rights. © Hannah Reyes Morales
Mabilis kaming kumilos
Sa iba’t ibang bahagi ng mundo, ang Doctors Without Borders ay kadalasang nauuna sa lugar na pinangyarihan ng sakuna o krisis. Ang bawat rehiyon ay mayroong sariling logistics centre na handang magbigay ng mga kagamitan, mga gamot at iba pang mga pangangailangan. Una sa lugar ay ang aming mga field teams na magtatasa ng sitwasyon, inaalam nila kung ano ang mga gamit at mga kaalamang medikal na kinakailangan. Iba-iba ang suliraning pangkalusugan ng mga taong tinutulungan namin. Ilan sa mga halimbawa’y mga problemang may kaugnayan sa mental health, trauma, dehydration, malnutrisyon, at iba’t ibang sakit.
Noong 2014, sa mga unang buwan ng Ebola outbreak sa West Africa, kami lang ang nagbigay ng pangangalagang medikal sa maraming lugar doon. Nanguna rin kami sa pananawagan para bigyan ito ng atensyon ng mundo.
Ilang minuto pa lamang matapos ang nakapipinsalang lindol sa Haiti noong 2010, nasa eksena na agad ang isa naming field team, nagbibigay ng pangangalagang medikal para sa mga unang nakaligtas.
Kadalasan, ang mga kalamidad ay nakaapekto sa iba’t ibang bansa, tulad ng mga bansa sa Africa na may iisang border, mga bansa sa Middle East na nagkakasagupaan, at mga bansa sa Timog Silangang Asya na sinalanta ng mga tsunami at mga bagyo. Sa maraming ganyang sitwasyon, taon-taon, nagbibigay kami ng tulong sa mga lugar na ni hindi mo mahahanap sa anumang mapa.
Maila Gurung, 26, is assisted off of a helicopter by MSF Dr. Hanni when returned home to Diol village, Gorkha District, Nepal on May 2015. Maila had been evacuated to the Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF) hospital in Arughat Bazaar where his broken leg was treated. © Brian Sokol/Panos Pictures
- Stories from the field: Pagtatrabaho sa mobile clinic
Sa magkakasunod na sakuna unang nakatrabaho ni Dr. Achmad Yusuf Toba, isang Indonesian, ang Doctors Without Borders. Kinuwento niya ang kanyang karanasan:
“Noong nalaman ko na naghahanap sila ng mga doktor na tutugon sa trahedya, nagprisinta ako agad. Pagdating ko doon, nalaman ko na nagbibigay ng pangangalagang medikal ang Doctors Without Borders sa mga biktima ng mga sakuna sa Palu at Donggala. Ginagawa na nila iyon mula pa noong pangalawang araw nila sa rehiyon. Ang pangunahing tungkulin ko ay manggamot ng pasyente sa mobile clinic. Karamihan sa mga pasyente ko ay na-trauma, tulad ng babaeng napaso ng mainit na tubig habang tumatakbo siya palabas ng bahay noong lumindol. Marami rin akong pasyenteng nahihirapan dahil nabalian sila ng buto o may sugat sila. Iba-iba ang pagkalala ng kanilang mga sugat – may pasa, may hiwa, may malubha ang pagkakapinsala. Kasama rin sa mga ginawa ko ay ang tasahin ang evacuation centres na itinayo ng Doctors Without Borders, at magsagawa ng disease surveillance. Sa pamamagitan ng pagtutok sa mga indibidwal na pasyente, tinitiyak namin na ang pagpasa ng mga nakahahawang sakit tulad ng diarrhea, mga problema sa balat, at respiratory tract infections ay maiiwasan.”
- Kuwento ng mga pasyente: Elis at Purwanto
Nasa bahay si Elis at ang kanyang pamilya noong hinampas ng isang tsunami ang baybayin ng Sunda Strait. Ang kanyang bahay ay nasa baybayin ng Laba Kampong sa Cigondang Village, Labuan Sub-district. Magkatabi ang bahay nila ng kanyang mga magulang.
Noong humampas ang unang alon, sumigaw ang asawa ni Elis na si Purwanto ng babala at tumakbo sa kabilang bahay para iligtas ang kanilang anak at ang mga magulang ni Elis.
Mataas ang alon, mas mataas pa nga kaysa poste ng kuryente. Umaabot ng 7 hanggang 12 metro ang taas, winasak ng alon ang kanilang bahay hanggang naging durog-durog ito. Si Purwanto, 35 taong gulang, ay nasaktan nang nabagsakan ng yero ang kanyang kaliwang hita. Samantala, naipit naman si Elis sa gitna ng paminggalan at isang mesa, at napapaligiran siya ng mga durog na bahagi ng kanilang bahay.
Sa kabutihang palad, kahit na nasaktan, nasagip ni Purwanto si Elis. Naglakad ang mag-asawa ng dalawang kilometro papunta sa health centre sa Labuan.
Sina Elis at ang kanyang asawa ay ginamot ng Doctors Without Borders team sa Labuan health centre. “Tiningnan nila ang kondisyon ko, at ang kondisyon ng anak ko. May mga pasa ako at pamamaga sa buong katawan ko. Pero salamat sa Diyos, ligtas naman ang anak ko.“
Inasikaso ng Doctors Without Borders team si Elis, at tiniyak na nakakakuha siya ng angkop na pangangalagang medikal. Tatlong araw siyang namalagi sa Labuan Health Centre. Samantala, si Purwanto at ang nanay ni Elis ay isinangguni sa ospital sa Pandeglang dahil sa malala ang kanilang mga tinamong sugat. Ang tatay ni Elis ay isinangguni rin sa ospital na yun dahil sa pinsala sa kanyang kaliwang kamay.
Pagsuporta sa Indonesia sa gitna ng magkakasunod na sakuna noong 2018
Noong ika-28 ng Setyembre 2018, malalakas na lindol ang yumanig sa Central Sulawesi sa Indonesia. Ito ang naging sanhi ng tsunami, at ang tsunami naman ang naging dahilan ng pagguho ng lupa,at liquefaction na lumulon sa mga buong pamayanan. Sa pangkalahatan, ang mga sakunang ito’y kumitil ng buhay ng 4,340 na tao.
Kabilang sa unang grupo mula sa Doctors Without Borders na dumating sa lugar ang isang coordinator, nars, isang sikolohista, at tatlong nephrologists.
Noong araw ding iyon, papunta na ng Indonesia ang isa pang team na nanggaling naman sa Panama. Ang pangkat ay binubuo ng tatlong staff na may karanasan sa mga natural na kalamidad. Di kalaunan, marami pa ang sumali sa misyon—mga surgeons, nars, logisticians, at isang sikolohista. Dumating rin mula sa Brussels at Bordeaux ang mga donasyon ng relief items at mga kagamitang medikal.
Noong ika-22 ng Disyembre ng taon ding iyon, isang malaking tipak ng bulkang Anak Krakatau ang nakalas at dumausdos sa ilalim ng karagatan, na siyang naging dahilan ng isang tsunami na sumalanta sa mga islang Sumatra at Java sa Indonesia. Noong ika-28 ng Disyembre, iniulat ng Indonesian National Disaster Management Agency (BNPB) na 40,386 na tao ang nawalan ng tirahan,at mahigit sa 80 porsiyento noon ay mga taga-Pandeglang District sa Banten Province. ang bilang ng mga namatay ay umabot ng 426, samantalang 7,202 naman ang nasaktan, 23 ang nawawala, at 1,296 na bahay ang napinsala.
Tatlong pangkat ang pinakilos namin: isang susuporta sa Carita Health Center, at ang isa pa, sa Labuan Health Center naman. Ang ikatlong pangkat ay mobile, bumibisita sila sa mga nagtamo ng sugat o pinsala sa katawan, ngunit di makapunta sa mga ospital o health centre. Ang case management ay ginagawa habang palipat-lipat sila ng lugar, at ang mga malubhang kaso ay sinasangguni sa mga ospital.
Sa mga health centre, nagbigay kami ng pangangalagang medikal at tiniyak naming isinasatupad ang infection prevention and control protocols. Ang Doctors Without Bordersdin ang nagpasimula ng pagbibigay ng psychological first aid (PFA) sa mga pasyenteng tinatanggap, at naglunsad ng mental health programme.
Noong tumutulong kami sa mga nasalanta ng Typhoon Haiyan, naglakbay sakay ng bangka ang aming mobile team – na binubuo ng isang medical doctor, mga nars, sikolohista, at logistician – upang bisitahin ang mga liblib na barangay. Walang mga daan papunta rito, at hindi pa sila nakatatanggap ng kahit anong tulong para sa kanilang mga pangangailangang medikal. © Florian Lems/MSF
- Stories from the field: Ang mga hamon sa paghahatid ng emergency aid
Sampung araw matapos dumaan ang bagyo, inilarawan ni Emergency Coordinator Caroline Seguin ang malalaking hamon sa paghahatid ng emergency aid.
"Nagawa naming magpasok ng mahigit 150 na tao at daan-daang tonelada ng supplies sa bansa. Hindi biro ang dami ng kinakailangan para sa pangangalagang pangkalusugan, lalo na’t dahil ang kondisyon ng kanilang mga tinitirhan ay hindi pa ganoon kalinis o kaayos. Maaari silang magkaroon ng respiratory tract infections, pulmonya, at mga waterborne diseases.
"Sa karamihan ng mga lugar na pinupuntahan namin, ang mga sistemang pangkalusugan ay napatid ng kalamidad, kaya’t kami’y nakatuon sa pagbabalik ng de-kalidad na pangunahing pangangalagang pangkalusugan at hospital services. Sa Guian, isang tent hospital ang itinayo sa lote ng gumuhong ospital. Sa Tacloban naman, magbubukas ng inflatable hospital para sa lahat ng serbisyong medikal, katulad ng emergency room, inpatient department, at operating theatre.
Magtatayo ang mga Doctors Without Borders ng maternity, obstetrics at gynaecology units. Malaki ang pangangailangan para sa mental health services. Isa itong napakahalagang aspeto ng aming tugon, at madaling ipatupad kung ikukumpara sa ibang mga serbisyo."
Isang araw pagkatapos ng bagyong Haiyan, dumating ang medical teams sa Pilipinas
Noong 2013, ang bagyong Haiyan – isa sa pinakamalakas na super typhoons sa kasaysayan – ay naging sanhi ng mahigit sa 6,300 na kumpirmadong namatay, at ang pagkawala ng tirahan na mahigit sa apat na milyong tao sa Pilipinas. Ang mga importanteng imprastruktura kasama ang mga health facilities, at ang mga kalsada at pantalan ay nasira o nawasak. Tinangay ng baha ang emergency supplies. Napakalaki ng mga pangangailangang medikal, at napakataas ng posibilidad ng pagkalat ng nakahahawang sakit.
Ang Doctors Without Borders ay nagpadala ng mga tao sa mga apektadong lugar isang araw matapos tumama ang bagyo sa lupa.
Ito ang mga nagawa at naipamahagi ng Doctors Without Borders: 11,624 surgical interventions; 29,188 na bakuna laban sa tetano, tigdas, polio at hepatitis; 27,044 mental healthcare at counselling sessions; 2,445 na sanggol ang ipinanganak;133 na lugar ang nagkaroon ng mobile clinics; isang semi-permanent hospital ang naitayo; pitong ospital ang naayos; 71,979 relief kits, 50,000 food packs, at 14,473,500 na litro ng tubig ang naipamahagi.
Sa kabuuan, nakapagpadala kami ng 1,855 tonelada ng cargo at halos 800 relief workers sa bansa. Ang ganito kalaking pagtugon ay naging posible lamang dahil sa kabutihang loob ng mga taong mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo na nagbibigay ng donasyon at sumusuporta sa Doctors Without Borders. Nakakalap kami ng 32.4 million euros bilang pondo para sa pagtugon sa bagyong Haiyan.
Ginagamot namin ang mga walang kalaban-laban
Taon-taon, bilang isang pandaigdig na medikal na organisasyon na kumikilos para sa kapakanan ng tao, kasama sa misyon ng Doctors Without Borders ang pagbibigay ng tulong medikal sa mga kampo ng refugees at detention centres sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Sa Timog Silangang Asya, nagsusumikap kaming magbigay ng pangangalagang pangkalusugan sa mga Rohingya, isa sa pinaka-inuusig na grupo sa mundo.
Pagkatapos ng matinding karahasan na pinakita ng mga awtoridad ng Myanmar laban sa mga Rohingya sa Rakhine noong Agosto 2017, mahigit 700,000 Rohingya ang tumakas papunta sa Cox's Bazar district ng Bangladesh.
Nawalan ng dalawang anak si Um Kalsoum noong inatake ang kanyang komunidad sa Myanmar noong August 2017. Kasama niyang nakaligtas ang 18-buwang-gulang na anak na si Abdul Hafiz. © Mohammad Ghannam/MSF
- Stories from the field: Iniwan para magutom sa karagatan
Limandaang taong galing sa refugee camps sa Bangladesh ang sumubok na makarating sa Malaysia sakay ng kahoy na bangkang ginagamit sa pangingisda. Ginutom sila at binugbog ng mga smugglers sa kanilang dalawang buwang paglalakbay noong 2020. Lahat ng mga pasahero ay mga Rohingya mula Myanmar. Karamihan sa kanila ay 12 hanggang 20 taong gulang pero mayroon ding mga batang-bata pa. Hindi sila pinahintulutang dumaong sa Malaysia, kaya’t ang mga 400 na natirang buhay ay kinailangang sagipin ng Bangladeshi coastguard.
Inilarawan ni Amina*, isang 14 na taong gulang na batang Rohingya mula sa isang maliit na bayan sa kanlurang Myanmar, ang kanyang karanasan habang nakaupo sa ilalim ng umaapoy na araw at nakikipagsiksikan sa daan-daang tao sa loob ng mahigit dalawang buwan. “Kailangan, ganito ka umupo,” sabi niya habang niyayakap niya ang kanyang mga binti at idinidikit ang kanyang mga tuhod sa dibdib. “Namamaga at napaparalisa ang mga binti ng mga tao. May mga namatay at tinapon na lang sila sa dagat. Palutang-lutang lang kami sa dagat habang may namamatay araw-araw. Pakiramdam namin, galing kami sa impiyerno.”
Ayon sa refugees, sinasaktan sila nang walang kadahilanan, at konting-konti lang ang binibigay sa kanilang tubig at pagkain. “Sobrang init at walang makain o mainom,” kuwento ni Amina. “Binigayn lang kami ng isang dakot ng dal at isang takip ng tubig sa bawat araw.” Ayon sa mga iba niyang kasama, madalas raw ay wala silang natatanggap na pagkain o tubig sa loob ng ilang araw. Dahil sa matinding uhaw, ang iba sa kanila ay uminom na ng tubig-dagat.
Hindi pinayagan ang bangka na dumaong sa Malaysia, o kahit saang daungan, kaya’t napilitan din itong bumalik sa Bangladesh. Ilang araw bago makarating sa Bangladesh, iniwan ng mga smugglers ang bangka at ang mga pasahero nitong halos mamatay na sa gutom. Sinagip ng Bangladeshi coastguard ang 400 sa mga naiwan. Nagdala kami ng medical at mental health staff upang tumulong sa rescue at magbigay ng emergency care sa mga nanghihinang Rohingya. Ginamot ng mga medics ang may karamdaman at isinangguni nila sa ibang ospital ang mga may malnutrisyon at kumplikasyon dahil sa ibang kondisyon. Ang aming mental health teams ay nagbibigay ng counselling para sa mga naiwang buhay.
“Karamihan sa mga taong ito’y nakaranas ng matinding stress, trauma, at takot. Nagdadalamhati sila para sa mga nawalang kapamilya, at may mga batang naulila,” sabi ni Hanadi Katerji, nars at medical team leader.
“Sabi ng mga nagpapatakbo ng bangka: ‘Refugee ka kahit saan ka pumunta,” sabi ni Amina. “Sa Myanmar, refugee ka. Sa Bangladesh, refugee ka rin. Kahit dito sa bangka at sa Malaysia, itinuturing ka pa ring refugee. Mamamatay ka kahit saan ka mapunta.”
Tumutugon kami sa krisis pangkalusugan
Nagsimulang tumugon ang Doctors Without Borders sa Ebola outbreak noong 2014, at nagpatuloy sa pagtugon sa iba’t iba pang outbreaks. May mga iba pang pandemya at epidemya. Ang cholera, tigdas at yellow fever ay maaaring kumalat ng mabilis at maaaring makamatay. Ang malaria ay likas sa mahigit 100 na bansa. Milyon-milyon ang nabubuhay ng may HIV/AIDS at tuberculosis.
There are many children in the Guéckédou Ebola case management centre in Guinea, West Africa. Some are orphans, which makes caring for them more complex. Staff easily become attached to these patients, whom they are the only ones to touch and comfort through two pairs of gloves and a mask. © Julien Rey/MSF
Ngayon, ang COVID-19 ay nakakaapekto sa halos lahat ng bansa at rehiyon ng mundo. Milyon-milyon na ang nahahawa at mahigit isang milyon na ang namamatay. Sa halos lahat ng bansa, lahat ng rehiyon, at lahat ng aming proyekto sa Europe, Southeast Asia, Africa at sa Middle East, nagbibigay suporta kami sa pagtugon sa COVID-19.
- Mga dayuhang domestic helpers sa Hong Kong
Sa Hong Kong, naging alalahanin ang kalusugan ng kaisipan sa panahon ng pandemya, lalo na sa mga grupong madaling magkasakit ngunit maaaring hirap humingi ng tulong. Ayon sa isang survey, 72 % ng mga dayuhang domestic helpers na tumugon sa survey ang nakararanas ng matinding kalungkutan. 47% ay humingi ng tulong mula sa kanilang kapwa helper sa Hong Kong.
Nagsagawa ang Doctors Without Borders ng pagsasanay para sa mga namumuno ng mga komunidad sa Hong Kong. Itinuturo sa kanila ang mga kasanayan sa active listening at psychological first aid, upang magkaroon sila ng kakayahang suportahan ang kanilang mga kasamahan, nang may pang-unawa sa hangganan ng pagtulong sa iba.
Ayon kay Karen Lau, Doctors Without Borders Mental Health Supervisor, “Limitado ang mapagkukunan ng pangangalaga para sa mental health ng mga dayuhang domestic helpers ng Hong Kong. Pero, nakita namin na ang kanilang kakaibang sense of community at ang kanilang mga pagkakaibigan ay maaring gamitin upang magbigay ng social support at paunlarin ang kanilang pang-unawa sa mental health. Makakatulong ito sa mga dayuhang domestic helpers na maprotektahan ang kanilang mga sarili,at maging ang iba, ngayong marami tayong kinakaharap na hamon.”
Nagsagawa rin kami ng COVID-19 health education activities sa Hong Kong, namigay ng mga leaflets sa wikang Tagalog, Bahasa Indonesia at iba pang wika, nag-organisa ng mga sesyon kung saan maaaring magtanong at matuto. Isang emergency medical team ang lumapit sa mga piling populasyon sa Hong Kong: ang mga nakatatanda, mga naglilinis ng kalye, mga bulag, mga walang tirahan, mga katutubo, mga migrante at asylum seekers. Isang sesyon ng pagtatanungan ay inilaan para masagot ang mga agarang alalahanin.
- Ang mga namumuno sa mga komunidad ng Indonesia
Sa simula pa lamang ng pandemyang dulot ng coronavirus, nabahala na ang mga tao sa Indonesia nang napabalitang may mga kaso na ng COVID-19 sa bansa. Naglipana ang mga bali-balita, mga kathang-isip, at fake news. Pinaulanan ng tanong ang mga namumuno sa mga komunidad at ang mga opisyales. Nagmakaawa ang mga mamamayan na mabigyan sila ng malinaw na impormasyon tungkol sa COVID-19.
Masyadong maraming impormasyon ang pumapasok, at sari-sari ang mga pinanggagalingan nito— social media, chat groups, mga balita sa TV, sa radyo at sa diyaryo. Lumala ang sitwasyon ng idineklara ang Kalibata, isang Pancoran sub-district, bilang isang COVID-19 red zone.
Sinuri ng isang Doctors Without Borders team ang sitwasyon sa Kalibata. Nadiskubre nilang laganap ang kalituhan at pangamba sa South Jakarta at nahihirapan ang mga taong makahanap ng mapagkakatiwalaan nilang pagkukunan ng impormasyon ukol sa COVID-19.
“Nalaman namin na mga gustong-gusto ng mga lokal na health centres, o Puskesmas, ng aming suporta,” sabi ni Dr. Dirna Mayasari, deputy medical coordinator sa Indonesia. Inimbita ng Puskesmas ang community leaders, religious leaders at ang mga binigyan ng pagsasanay upang makapagsanay ng iba, sa isang pagpupulong kung saan maaari nilang ipahayag ang kanilang mga saloobin.
“Kailangan ng komunidad ng malinaw na patnubay kung paano nila poprotektahan ang sarili nila laban sa COVID-19. Pero gusto rin nilang makipag-usap. Ang lahat ng impormasyon ay nakukuha nila sa pamamagitan ng one-way communication, ”paliwanag ni Mayasari. “Gusto nila ng oportunidad na makapagtanong, pag-usapan ang kanilang mga inaalala, at mabigyang-linaw kung aling paraan ang pinakamainam upang mapigilan ang pagkalat ng virus. Gusto rin nilang magbahagi kung paano magpalaganap ng impormasyon sa kanilang mga komunidad.” Dahil dito,nagdesisyon kaming dalhin ang impormasyon sa kanila, at magsimulang magsagawa ng pagsasanay na face-to-face para sa mga pinuno ng sambahayan.
- Mga evacuees at ang mga dukha sa Pilipinas
Isang malaking hamon ang COVID-19 para sa mga sistema ng pangangalagang pangkalusugan sa sari-saring konteksto, pero lalong mahirap ito para sa mga bansa kung saan may mga sagupaan, at sa mga bahagi ng siyudad kung saan malaki ang populasyon. Sa mga lugar kung saan limitado ang malinis na tubig, nagiging alalahanin ang kalinisan. Nagiging mas malaking hamon ang infection prevention and control kapag halos imposible ang physical distancing.
Noong 2017, isang grupo ang lumusob sa Marawi, sa timog na bahagi ng bansa. Nagsagupaan ang grupo at ang hukbong sandatahan ng Pilipinas. Tumagal ang kaguluhan ng limang buwan at mga 370,000 na residente ang napilitang lumikas mula sa kanilang mga tahanan. Pagkalipas ng mahigit tatlong taon, may mga 70,000 pa ring namumuhay sa mga pansamantalang masisilungan na hindi kanais-nais ang kondisyon, at itinatayang may 50,000 na nakikitira sa mga kamag-anak nila. Pagkatapos ng paglusob, tiniyak ng Doctors Without Borders na ang mga inilikas ay may access sa libreng malinis na tubig. Di kalaunan ay pinalawig ang suporta ng MSF, at naging kasama na ang mental health care. Sinuportahan na rin ang tatlong health centres sa lugar, kung saan ginagamot ang mga sakit na di nakakahawa tulad ng hypertension at diabetes , at nagbibigay din sila ng libreng gamot para rito.
Noong nagsimula ang pandemya, at itinakda ang community quarantine, sinuspindi ang mga konsultasyon sa mga pasilidad. Dahil sa kakulangan ng mapagkukunan ng malinis na tubig, naging hamon para sa mga tao ang pagsunod sa mga rekomendasyon upang mapigilan ang pagkalat ng sakit. Ang mga pasyenteng may di nakakahawang sakit , tulad ng hypertension o diabetes, ay madaling kapitan ng virus. Binisita ng Doctors Without Borders ang mga pasyente sa kanilang mga tahanan upang matiyak na patuloy silang tumatanggap ng kanilang mga gamot, at upang bigyan sila ng leaflet na may impormasyon ukol sa virus at paano protektahan ang kanilang sarili at ang kanilang mga pamilya.
Sa Maynila, na siyang kabisera ng Pilipinas, ang mga bahay sa Tondo ay lubhang masikip, kaya’t ang home isolation rito ay halos imposible. Dahil sa paghigpit sa paggalaw at sa pagsara ng maraming maliliit na negosyo, marami ang nawalan ng hanapbuhay. Upang matulungan ang mga nasa home quarantine, namigay kami ng higit pa sa 2,000 COVID-19 hygiene kits. Ang bawat kit ay naglalaman ng disposable masks, thermometer, alkohol, sabon, at contact card ng isang social worker. Halos ganito rin ang mga laman ng hygiene kits na ibinigay namin sa mga tumutulong sa amin sa komunidad. Dahil ang mga nasa home quarantine ay di makapagtrabaho, nakipagtulungan kami sa isang lokal na organisasyon, ang Missionaries of Charity, upang magbigay ng food packs kung kinakailangan.
Noong una, ang San Lazaro Hospital sa Maynila ay may dalawang COVID-19 intensive care units na puwedeng tumanggap ng tig-sampung pasyente. May isang ward ito na may 20 kama, isang adult male ward na may 20 kama, isang adult female ward na may 20 na kama rin. Pinaunlad namin ang kanilang COVID-19 testing, data management, at ang kanilang kapasidad upang humawak ng mga kaso ng COVID-19 sa pamamagitan ng pagbibigay ng biomedical equipment, mga gamot, medical supplies, personal protective equipment, at pagsasanay tungkol sa infection prevention and control.
Sinuportahan din namin ang SLH sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga taong tutulong sa Departments of Laboratory and Epidemiology, at mga doktor at nars para sa mga COVID-19 wards at triage, at sa tuberculosis ward. Bukod sa pagbibigay ng staff, kagamitan at mga gamot, sinuportahan din namin ang SLH sa pamamagitan ng pagpapabuti ng kanilang mga imprastruktura.
- Stories from the field: Pagtalima sa relihiyon sa panahon ng pandemya
Inilahad ni Chika Suefuji, project coordinator sa Marawi, ang mga hamong hinarap ng komunidad nang ipinatupad ang community quarantine noong Marso 2020.
“Hindi makapunta ang mga tao sa kanilang masjid o mosque, na mahalagang gawin para sa Ramadan. May mga taong sumama ang loob dahil sa kailangan nilang baguhin ang kanilang pag-oobserba ng Ramadan ngayong taong ito. May mga hindi rin sumang-ayon sa patuloy na paghihigpit dahil kakaunti naman ang mga kaso ng COVID-19 na naiulat sa kanilang siyudad. Pinag-usapan namin ito ng mga namumuno sa komunidad at ng mga religious leaders. Ipinaliwanag namin kung paano kumakalat ang virus. Naintindihan naman nila, at naglabas sila ng pahayag na nagsasabing kailangang sumunod ang mga tao sa mga panukala sa kaligtasan. Nakatulong ang pagkakaroon ng diyalogo para makapagbigay ng tamang impormasyon at makumbinsi ang karamihan na sumunod sa mga panukala. Sa pangkalahatan, iginagalang naman ng mga tao ang kaayusang panlipunan upang protektahan ang kanilang mga pamilya at komunidad. Nakatulong ito sa pagpigil ng pagkalat ng sakit.”
- Stories from the field: Pagkain at psychological first aid para malampasan ang quarantine
Dahil sa mga kahirapang dala ng pandemya, maraming pamilya sa Tondo ang nakaranas ng matinding pagkabalisa at kalungkutan. Kuwento ni Lyka Lucena, na nagtrabaho bilang mental health social worker, “Nag-aalala silang makahawa, lalo na ng kanilang mga mahal sa buhay. Natatakot din silang magkasakit, o magka-COVID 19 uli. Marami sa aming mga pasyente ang nakararanas ng kalungkutan dahil nawalay sila sa kanilang mga pamilya. Marami ang nagsabi na nakakaramdam sila ng galit, pagkadismaya, at kawalan ng kakayahan sa kanilang sitwasyon.”
Nagbigay ang Doctors Without Borders ng remote mental health support para sa mga nakabukod sa loob ng kanilang bahay. “Sinubukan naming kilalanin at bigyang-diin ang mga paraan upang makaya nila ang dinadala at makahanap ng daan upang matulungan nila ang kanilang mga sarili. Tiniyak din naming isaalang-alang ang mga nararamdaman nilang diskriminasyon o stigma. Hinihikayat din namin ang mga pasyenteng makipag-ugnayan sa kanilang mga mahal sa buhay,” sabi pa ni Lucena.
- Ang mga migrante at refugees sa Malaysia
Ang Malaysia ay may masiglang sistema ng pangangalagang pangkalusugan pero pinakita ng COVID-19 na ang mga patakaran ng pagbubukod at limitadong access sa pangangalagang pangkalusugan ay maaaring magkaroon ng pangkalahatang epekto sa lipunan. Kahit na nagdesisyon ang pamahalaan na gawing libre ang COVID-19 testing para sa lahat, ang mga refugees at mga illegal na migrante ay laging nangangamba na sila’y maaaresto o pansamantalang makakulong. Ang pangambang ito ay di lang nila nararamdaman pag sila’y nasa labas kundi pati na rin pag sila’y nasa loob dahil madalas ang mga immigration raids, kahit sa mga health care facilities.
Kaya naman nanawagan kami sa pamahalaan na kanselahin ang Circular 10/ 2001, na nagsasaad na kapag may mga illegal immigrants (pendatang asing tanpa izin, or PATI) na humihingi ng pangangalagang pangkalusugan, obligado ang mga healthcare providers na isuplong sila sa mga pulis at opisyal ng imigrasyon. Nanawagan din kami para sa access sa subsidized health insurance at ang paggawad ng legal status para sa irregular migrants ayon sa batas ng Malaysia, na siyang mag-aabsuwelto sa kanila mula sa Immigration Act.
Isinusulong din namin na tantanan na ng pamahalaan ang pagpuntirya sa mga migrante at mga refugees sa mga immigration raids, na nagiging sanhi ng posibleng pagkalat ng COVID-19 sa detention centres.
Sa Penang, nagbigay din kami ng COVID-19 health education sa iba’t ibang wika, tulad ng Rohingya at Burmese, at mga serbisyo ng pagsasalin sa mga ospital. Nagsagawa rin kami ng COVID-19 health promotion campaign para sa mga Rohingya refugees gamit ang isang online Rohingya news network.
Naninindigan kami
Dahil ang Doctors Without Borders ay sinimulan ng hindi lang mga doktor kundi pati na rin mga mamamahayag, hindi namin nililimitahan ang aming gawain sa pagbibigay lang ng pangangalagang medikal. Kailangan naming ipahayag at panindigan ang aming mga saloobin tungkol sa mga mahahalagang isyu. Ito ang tinatawag naming temoignage.
Ang temoignage ay ginagawa ng may layuning pabutihin ang sitwasyon ng mga taong nasa panganib. Kapag kami’y nakakasaksi ng mga maramihang paglabag sa karapatang pantao, nagpapahayag kami ng aming saloobin sa publiko. Ang ilang halimbawa ng paglabag na ito ay genocide, war crimes at ang puwersadong pagpapauwi sa mga refugees. Kasama sa paninindigan ang pangangampanya at lobbying, o ang pagsusumikap na kumbinsihin ang mga gumagawa ng batas na gawin ang sa tingin nami’y nararapat. Halimbawa, ilang taon na kaming nangangampanya para sa pagpapababa ng presyo ng mga gamot para sa tuberculosis. Isang kasalukuyang halimbawa ang mga kampanya para matiyak na ang mga mahihirap na bansa ay makakakuha ng sapat na bakuna kontra COVID-19.
May mga kaso kung saan mas mapoprotektahan ang biktima kung tutulungan sila ng Doctors Without Borders nang hindi nagpapahayag ng opinyon sa publiko. At mayroon din namang mga sitwasyon kung saan sa halip na pagbigyan, pinipili naming tuligsain ang humihingi ng tulong. Isang posibleng dahilan nito ay pag minamanipula ang tulong na dapat ay para sa kapakanan ng mga tao.
Naniniwala kami sa kahalagahan ng pagsabi ng katotohanan tungkol sa mga balakid sa paghahatid ng tulong medikal kapag may emergency. Hindi laging tama ang nagagawa namin, kaya patuloy ang aming pagpupursigi na mas mapabuti ang aming mga sarili. Lagi nnaming pinag-aaralan ang epekto ng aming mga ginagawa at handa kaming panindigan ang aming mga pagkilos sa aming mga pasyente at tagasuporta.
Kami ay may kasarinlan
Ang Doctors Without Borders ay isang pribadong pandaigdig na asosasyon. Karamihan sa aming mga miyembro ay mga doktor at health sector workers, pero ito’y bukas din para sa mga nasa ibang propesyon na makatutulong sa pagkamit ng aming mga layunin.
Bihirang-bihira kaming tumatanggap ng pondo mula sa gobyerno. Sa halip ay nakasalalay kami sa mga kabutihang-loob ng mga pribadong indibidwal. Mahigit 90 porsiyento ng aming pondo ay galing sa mga pribadong indibidwal na nagbibigay ng maliliit na halaga. Dahil sa aming kasarinlan sa pinansiyal na aspeto, ang tulong na ibinibigay namin ay di maaaring gamitin upang isulong ang mga layuning politikal o militar.
Nagsisikap kaming gawin nang tama ang pagtatasa ng mga pangangailangang medikal, nang walang paghihigpit sa access sa mga pasyente. Kaya naman kapag may emergency, mabilis kaming makakakilos batay sa aming pagtasa ng mga pangangailangan. Gamit ang perang mula sa mga pribadong donasyon, malaya rin kaming makakasagip ng mga buhay.
Ang aming pamamaraan ng pagkalap ng donasyon ay di pangkaraniwan sa charity sector. Hindi kami naglulunsad ng emergency appeal maliban na lang kung sigurado kaming gagastusin namin ang pera para sa isang partikular na krisis. Wala kaming itinatagong motibo at balak na gamitin ang pera para sa ibang mga gawain ng organisasyon.
May mga pagkakataon pa nga na inaalok naming ibalik ang natanggap na donasyong pera kapag higit pa sa inaasahan ang nakuha namin, o di kaya’y tinitiyak namin na ang mga tagasuporta namin ay pabor sa paggamit ng kanilang pera sa ibang proyekto. Bukod sa emergency appeals, ang mga hinihingi naming donasyon ay para sa general funds, na iniipon sa isang emergency reserve. Ito’y handang gamitin kung sakaling magkaroon ng emergency.
Ayon sa 2019 activity reports, mahigit 6.5 milyon na indibidwal at mga pribadong institusyon (mga pribadong kompanya at foundations) ang nagbigay ng 96.2 porsyento ng €1.63 bilyon na nakalap bilang pondo.
Ang mga pondo namin ay nakasalalay sa mga indibidwal na nagbibigay ng mga maliliit na halaga. Ito ay nakatutulong na matiyak ang aming kasarinlan at kakayahang umangkop sa kagyat na pagtugon sa mga krisis na pinakanangangailangan ng pagkilos pati na ang mga hindi naulat at hindi nabibigyang pansin.
Mula 2016, hindi kami tumatanggap ng pondo mula sa European Union, sa mga estadong miyembro nito at sa Norway,upang ipakita ang aming oposisyon sa kanilang nakapipinsalang patakaran ukol sa migration at ang kanilang pagpupursigi na itulak ang mga tao palayo sa Europe.
Hindi rin kami tumatanggap ng mga kontribusyon mula sa kompanya at industriya na ang mga aktibidad ay maaaring sumasalungat o nililimitahan ang aming abilidad na makapagbigay ng tulong medikal na makatao. Hindi kami tumatanggap ng pera mula sa mga pharmaceutical at biotechnology companies; mga nasa industriya ng pagmimina (tulad ng langis, natural gas, ginto o mga diyamante); tobacco companies; at mga gumagawa ng armas.
Isang pasyenteng may sunog na balat na nagpapagaling sa Doctors Without Borders Drouillard hospital sa Haiti. © Yann Libessart/MSF
Walang ligtas na lugar para sa mga bakwit sa Iraq. © Mohammad Ghannam/MSF
Sa aming search and rescue operations sa karagatan ng Mediterranean, isa-isang tinitingnan ang mga nailigtas na pasyente ng mga mediko ng Doctors Without Borders at ng Sea-Watch protection team. © Chris Grodotzki/Sea-Watch.org
Kami ay walang kinikilingan, walang kinakampihan
Nagbibigay kami ng pangangalagang medikal sa mga pinakamalaki ang pangangailangan. Hindi mahalaga kung saang bansa o rehiyon sila nanggaling at hindi rin namin binibigyang- pansin ang kanilang lahi, kasarian, pati na rin ang kanilang mga paniniwala at interes sa larangan ng politika, ekonomiya, at rehiyon. Binigyan namin ng prayoridad ang mga nasa seryosong sitwasyon at maaaring nasa panganib.
Wala kaming kinakampihan at hindi namin sinusuportahan ang kahit anong agenda sa mga armadong labanan. Sa halip ay pumupunta kami kung saan pinakamalaki ang pangangailangan. Minsan, hindi kami mahahanap sa lahat ng panig ng isang di pagkakaunawaan. Marahil ito ay dahil hindi kami pinayagang magbigay ng tulong o di kaya naman ay hindi na nila kinakailangan ang aming suporta.
Sa isang ospital, karaniwan nang makakita ng mga nasaktang sibilyan katabi ng mga sugatang sundalo mula sa dalawang panig. Kailangang iwan ang lahat ng sandata sa tarangkahan.
Tinatrato namin ang aming pasyente nang may dignidad
Ang mga aktibidad ng Doctors Without Borders ay una sa lahat, medikal. Ginagawa namin ang aming trabaho na may paggalang sa medical ethics, partikular na sa tungkulin na magbigay ng pangangalaga nang walang sinasaktan na indibidwal o grupo. Nirespeto namin ang pagsasarili, pagiging kumpidensyal at ang karapatan na pumayag o tumanggi nang may basehang impormasyon. Tinatrato namin ang aming mga pasyente nang may paggalang sa kanilang dignidad, at respeto para sa kanilang mga paniniwala sa larangan ng relihiyon at kultura. Upang umangkop sa mga prinsipyong ito kami ay nagsusumikap na makapagbigay ng de-kalidad na pangangalagang medikal sa lahat ng pasyente.
Mga serbisyong pambata sa Zahle hospital, Bekaa Valley, Lebanon. © Florian Seriex/MSF
Ang Kids’ Zone ng Doctors Without Borders Thalassemia programme sa Lebanon. © Joffrey Monnier/MSF
Binibigyan ng Doctors Without Borders nurse na si Aiofe Ni Mhurchu' ng pantanggal-hilo ang isa sa 27 katao na nailigtas sa Mediterranean Sea noong January 2017. © Federico Scoppa
Makipagtrabaho sa amin
Taon-taon, ang Doctors Without Borders ay nagpapadala ng mga 3,000 international field workers na nagtatrabaho kasabay ng 32,000 locally hired staff para magbigay ng emergency medical aid para sa mga populasyon na ang pagkabuhay ay hinahamon ng mga armadong labanan, epidemya, malnutrisyon, pagkakabukod sa pangangalagang pangkalusugan at natural na sakuna. Sa kahit anong araw, mahigit 30,000 medical humanitarian staff mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo ay makikitang nagbibigay ng tulong sa mga taong nasa krisis.
Sila ay mga doktor, nars, komadrona, surgeons, anaesthetists, epidemiologists, psychiatrists, sikolohista, pharmacists, laboratory technicians, mga eksperto sa logistics, inhinyero para sa water and sanitation, administrators at marami pang klaseng support staff at field workers.
Mahigit sa 90 porsyento ng aming staff ang kinukuha mula sa mismong lugar at sila ay nagtatrabaho para sa aming mga programa kasama ang konting staff mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Ayon sa 2019 field updates, tinatayang 65,000 staff mula sa Doctors Without Borders na nagbibigay ng tulong medikal para sa mga tao mula sa higit 70 bansa.
Ang programa namin na sinusuportahan ng mga tauhan sa aming mga opisina. May kontribusyon ang mga pangkat na nakatuon sa communications, advocacy, fundraising, finance at human resources para makatiyak na mabibigyan namin ng tulong medikal ang mga nangangailangan nito. Tinitiyak ng mga field research projects at specialised medical and logistical support departments na ang mga pagbabago at pag-unlad sa pagsasaliksik ay naisasama sa aming mga ginagawa sa mga klinika at ospital sa iba’t ibang bahag ng mundo.
Kumukuha kami ng mga medical at non-medical field workers. Ang lahat ng aming staff ay mga propesyonal na piniling magtrabaho para sa Doctors Without Borders dahil sa dedikasyon at pagmamalasakit para sa kalusugan at buhay.