Lebanon: Inuudyukan ng Doctors Without Borders ang pagprotekta sa mga sibilyan at medical staff sa gitna ng pagbobomba ng mga Israeli
Mga Doctors Without Borders health promotion activities sa Downtown Beirut. Lebanon, Oktubre 2024. © Elham Haider/MSF
Habang tumitindi ang pagsalakay ng mga Israeli sa Lebanon, napipilitang magsara ang mga pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan sa mga lugar na pinakanaaapektuhan ng mga airstrike. Ito ay nauuwi sa mga mapangwasak na kahihinatnan para sa mga sibilyan at ng kanilang access sa pangangalagang pangkalusugan.
Ang mga team ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ay walang pagod na nagtatrabaho upang matiyak ang pagpapatuloy ng pangangalaga sa aming mga pasilidad, habang pinalalaki rin ang aming mga aktibidad upang tugunan ang mga pangangailangan na ibinubunga ng kasalukuyang alitan. Subali’t dahil sa matinding mga airstrike na isinasagawa ng mga Israeli, napilitan kaming suspindihin ang ilan sa aming mga aktibidad sa mga pinakaapektadong lugar. Patuloy pa rin naming ginagawang angkop ang aming mga aktibidad upang makapagbigay sa mga tao ng lubos na kinakailangang pangangalagang pangkalusugan.
Inuudyukan ng Doctors Without Borders ang lahat ng partidong sangkot sa digmaan na iwasan ang pagwasak sa mga pasilidad medikal, at ang pananakit sa mga sibilyan at mga medical personnel sa Lebanon upang matiyak na sapat ang mga maibibigay na serbisyo upang tugunan ang mga pangangailangang medikal ng mga tao.
Dahil sa tindi ng mga nagaganap na karahasan, pagkawasak ng mga madadaanan, at kakulangan sa magagarantiyahang kaligtasan, kasalukuyang hindi namin maabot ang lahat ng apektadong lugar sa Lebanon sa kabila ng pagdami ng kanilang pangangailangang medikal at humanitarian.François Zamparini, Emergency Coord.
Nitong nakaraang linggo, napilitan ang Doctors Without Borders na isara ang klinika sa Palestinong kampo ng Burj el Barajneh sa labas ng timog na bahagi ng Beirut. Kailangan din naming pansamantalang itigil ang aming mga aktibidad sa Baalbek-Hermel, sa Northeast Lebanon. Ang mga lugar na ito ay lubhang naapektuhan ng mga airstrike.
“Bahagya naming muling binuksan ang aming klinika sa Hermel ngayong linggong ito upang tiyakin na ang aming mga pasyente ay makatatanggap ng mga gamot, at mabibigyan sila ng sapat na stock para sa dalawa hanggang tatlong buwan, depende sa kung gaano kalala ang kanilang kondisyon at sa mga medikal na panganib na maaari nilang harapin,” sabi ni Zamparini.
Ang mga pasyente sa mga lugar na ito ay nasa panganib na, habang sila’y nagsusumikap na makuha ang pangangalagang pangkalusugan na kailangang-kailangan nila. Dahil sa pagsasara ng mga pasilidad medikal, naiwan sila, partikular na ang mga taong may talamak na sakit, nang hindi nakakakuha ng mahahalagang serbisyong medikal.
Ang mga medical team ng Doctors Without Borders ay hindi rin makakilos nang maayos sa Southern Lebanon dahil sa kakulangan ng magagarantiyahang kaligtasan ng aming medical personnel. “Isa sa mga ospital sa Nabatiyeh na iilang kilometro lang ang layo mula sa mga aktibong frontline na binabalak naming suportahan at binigyan ng mga gamot at trauma kit, ay tinamaan noong Oktubre 5,” paliwanag ni Zamparini.
Isang mobile medical team ng Doctors Without Borders, na aktibong sumusuporta sa mga sentro para sa pangkalahatang pangangalagang pangkalusugan sa Nabatiyeh at sa ibang mga lugar na mas malapit sa hangganan ng Lebanon mula Nobyembre 2023 ay napilitang tigilan ang kanilang mga aktibidad. Hindi na kaya ngayong maabot ng team ang dating kaya nilang mapuntahan na mga lugar malapit sa hangganan. Sa kasalukuyan ay limitado na lang ang kanilang pagkilos hanggang sa Saida, na may mga 50 na kilometro papuntang hilaga ng timog na hangganan, kung saan pinakamatindi ang pangangailangan.
Pamimigay ng non-food item kits sa Downtown Beirut. Lebanon, Oktubre 2024. © Maryam Srour/MSF
Nitong nakaraang dalawang linggo, hindi bababa sa limampung paramedic ang napatay ng mga Israeli airstrike. Ang kabuuang bilang ng mga healthcare worker na pinatay mula noong Oktubre nitong nakaraang taon ay mahigit isang daan, ayon sa Lebanese Ministry of Public Health. Ang matinding pagbobomba ng mga Israeli ay naging sagabal din sa pagkuha ng pangangalagang medikal sa iba’t ibang bahagi ng Lebanon. Nitong Oktubre1, 2024, anim na ospital at 40 na general healthcare centre ang nagsara na habang ginawa nang imposible ng matitinding labanan ang pagtatrabaho nang walang garantiya para sa kanilang kaligtasan, ayon sa OCHA.
Pinapalala ng mga armadong labanan ang kasalukuyang krisis na humanitarian, at dinadagdagan ang mga pangangailangan. Ang sistema para sa pangangalagang pangkalusugan ng Lebanon ay dati nang sobra-sobra ang pinapasan dahil sa krisis sa ekonomiya ng bansa, na naging sanhi ng paglikas ng maraming medical staff at sinagad ang kapasidad at mapagkukunang-yaman ng mga pasilidad medikal. Ang mga lokal na health centre, na tumatakbo ngayon nang sagad sa kanilang kapasidad ay nahaharap sa patindi nang patindi na panggigipit habang sila’y nagsusumikap na tugunan ang lumalaking pangangailangang medikal ng mga taong nawalan ng tirahan.
Ang paglaki ng displacement sa Lebanon ay lampas na sa kakayahan ng bansa na magbigay ng sapat na masisilungan. Ayon sa UNHCR, mahigit isang milyong tao na ang nawalan ng tirahan. Ang karamihan sa mga shelter kung saan ang mga tao’y nakahahanap ng kaligtasan ay nasa mga kondisyong kahila-hilakbot. Bilang pagtugon, nagpadala ang Doctors Without Borders ng 12 na mobile medical team sa iba’t ibang rehiyon ng bansa, gaya ng Beirut, Mount Lebanon, Saida, Tripoli, Bekaa, at Akkar. Ang mga team na ito ay nagbibigay ng psychological first aid, mga pangkalahatang konsultasyong medikal, at suporta para sa kalusugang pangkaisipan. Dagdag pa rito ang pamamahagi ng mga kutson, hygiene kit, pagkain, at malinis na tubig. Gayunpaman, higit na malaki pa rin ang mga pangangailangan ng mga tao kaysa natutugunan namin.
Dapat nating matiyak ang pagpapatuloy ng pangangalaga para sa mga nangangailangan. Inuudyukan namin ang lahat ng partido na igalang ang pandaigdigang humanitarian law. Ang mga sibilyan at imprastrukturang sibilyan, mga pasilidad medikal at medical personnel ay hindi dapat puntiryahin ng pagsalakay. Sa halip, dapat magarantiyahan ang kanilang kaligtasan.François Zamparini, Emergency Coord.