Skip to main content

    Lebanon: "Nasa ligtas na lugar kami, sa ngayon."

    Airstrikes in South Beirut. Lebanon, September 2024. © MSF

    Airstrikes sa South Beirut. Lebanon, Setyembre 2024. © MSF

    "Noong Biyernes, Setyembre 27, narinig namin at naramdaman ang sunod-sunod na pagsabog habang nasa gitna kami ng pagpupulong sa opisina. Tinapos agad namin ang trabaho, umalis kami ng opisina, at naipit sa trapik. Kakalipat ko lang noon sa isang mas ligtas na lugar pagkatapos tumindi ang pagbobomba sa paligid ng Beirut at sa iba’t ibang bahagi ng bansa noong Lunes. Pagdating ko sa bago kong tirahan ng alas diyes ng gabi, nandoon na ang mga kamag-anak ko. Umalis sila sa kanilang mga tirahan, dahil iniisip nilang mas ligtas sila sa amin. 

    “Mula sa aking balkonahe, nakita ko ang mga dose-dosenang taong naglalakad sa kalye, dala-dala ang mga kaya nilang bitbitin – mga nakaplastik, o mga nasa backpack. Ang iba nama’y walang dala. Ang mga ibang taong nasa timog na bahagi ng labas ng lungsod ay nakatanggap ng mga kautusang lumikas mula sa hukbong sandatahan ng Israel. 

    “Nakita namin ang mga taong tumatakas nang naglalakad lang, mga bata’t matanda. Ang iba’y naglalakad nang may tungkod. May mga nagdala ng sariling sasakyan. Wala kami sa mismong kapitbahayan na pinuntirya, ngunit narinig namin ang mga drone at mga eroplano. Naramdaman namin kung gaano sila kalapit."

    "Biglang dumilim ang buong paligid at nagsibagsakan ang mga bomba. Napaligiran kami ng makapal na usok at narinig naming umuubo ang mga taong nasa kalye."

    “Kasama ko ang aking ina, kapatid na lalaki, at kapatid na babae. Inisip namin kung ano ang dapat naming gawin. Ligtas ba ang mga kalsada? Saan kami pupunta? 

    “Ilang araw pa lang ang nakalilipas mula noong lumipat ako galing sa Dahieh sa timog na bahagi ng labas ng Beirut dahil sa matitinding pagbobomba roon. Lumipat kami rito dahil akala namin, mas ligtas kami rito. Ngayon, kailangan na naman naming umalis. Binitbit ko ang isang bag ng mahahalagang gamit. Sabi sa amin, mas mabuting magdala ng kutson, kaya nagsiksik kami ng dalawa sa aming sasakyan. Nagdala rin kami ng mga bote ng tubig. 

    “Hindi ko alam ang dapat kong gawin. Kabi-kabila ang mga sunog pagkatapos ng mga airstrike, at nakarinig ako ng matinding pagsabog. Narinig namin, naramdaman, at nakita ang mga pagbomba. Nayanig ang aming gusali. Nagkaroon ng malakas na pagsabog sa isang lugar na hindi binigyan ng babala para lumikas ang mga tao.” 

    “Napaligiran kami ng apoy at usok. Paulit-ulit kong sinabi sa sarili ko na, ‘kailangan lang namin ng plano at kumilos agad, plano at kilos agad; hindi kami puwedeng maghintay rito.’ Umalis kami agad. Hindi ko na alam kung anong nangyari sa bahay ko, o sa bagong bahay. Mga dalawang oras kaming naglilibot bago namin napagdesisyunan kung saan kami pupunta. Mga alas singko ng umaga, nakahanap kami ng lugar sa kabilang panig ng mga bundok."

    "Buti na lang, nakaalis kami agad dahil patuloy pa rin ang paglagablab ng apoy mula sa mga airstrike sa pinanggalingan namin. Kailangan lang namin ng lugar kung saan makakapagpahinga kami nang kaunti, upang makapag-isip kung saan kami pupunta. Wala pa kasi kaming tulog. May mga taong nasa sasakyan pa rin nila. Ngayon, nanonood kami ng balita at nakagugulantang ang makita ang mga pangyayari. Alam ko na ang mga kasamahan ko sa Doctors Without Borders ay aktibong tumutulong na sa mga tao sa pamamagitan ng paghahatid ng tubig sa mga shelter at paaralan sa Beirut at Mount Lebanon, kung saan namamalagi ang mga pamilyang nawalan ng tirahan. 

    “May mga taong nakahiga sa mga tabi ng kalsada. Nakapagbigay ang Doctors Without Borders ng 86,000 na litro ng tubig sa loob ng 24 na oras, at nakapamahagi rin sila ng mga kit na may mga lamang gamit para sa personal na kalinisan at mga relief item, pati na rin mga kutson para sa mga taong nawalan ng tirahan. Ang aming mga mental health team ay nasa mga kalye at nagbibigay ng psychological first aid sa mga taong dumanas ng trauma at sa mga taong naghahanap ng pansamantalang tirahan sa mga paaralan."

    "Sanay na akong maging isang humanitarian worker, ngunit ngayon, ako ay isa na ring taong nawalan ng tirahan dahil sa mga airstrike sa sarili kong bansa. Nasa ligtas na lugar kami, sa ngayon."

    Susuportahan mo ba ang aming emergency response?

    Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.

    Categories