Lebanon: Paglampas sa mga pagsubok na dala ng digmaan sa pamamagitan ng pangangalagang pinamumunuan ng komunidad
Sa sentro ng Beirut, isa sa mga inisyatibang pinamumunuan ng komunidad ay ang pagtulong sa mga taong nakatira sa gusali ng Al Azarieh. Ang gusaling ito’y dating sentro ng komersyo, na ngayo’y isa nang tirahan para sa mahigit 2,500 na taong nawalan ng tirahan dahil sa mga pagbobomba at paglusob ng mga puwersang Israeli.
Sinusuportahan ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ang isang kitchen project na nagpapakain nang libre sa mga taong nakatira sa gusaling ito. Ito’y inilunsad ng Ahla Fawda, isang lokal na NGO at ng restawran na Barzakh.
“Sinimulan namin ito nang walang paghahanda,” paliwanag ni Khodor Al Akhdar, ang operational manager ng Barzakh. “Mula noong nag-umpisa ang digmaan at nagsimulang dumagsa ang mga lumikas na tao rito, nakipagtulungan na kami sa Ahla Fawda upang makapagbigay ng pagkain. Ang layunin ng proyektong ito’y hindi lang basta magbigay ng nakahanda nang pagkain. Sa halip, nagbibigay rin kami ng mga sangkap at ng mga pagsasanay sa mga taong nakatira rito sa Al Azarieh upang sila mismo ang maghanda at magluto ng kanilang kakainin. Pinagtutuunan din namin ang pagpapanatili ng kalinisan at kaligtasan sa pamamagitan ng tamang paghahanda at pagluluto.”
Upang simulan ang kitchen project na ito, ang isang bakanteng bahagi ng Al Azarieh ay ginawang isang malaking kusina ng logistics team ng Doctors Without Borders. Samantala, ang Ahla Fawda at Barzakh naman ang nagbigay ng mga kinakailangan upang ang pasilidad ay umayon sa mga pamantayan para sa kalinisan at kaligtasan. Sila rin ay nagbibigay ng mga pagsasanay sa mga residente kung paano ihahanda ang kanilang mga kakainin gamit ang mga libreng sangkap. Ngayon, ang kusinang ito’y naghahain na ng humigit-kumulang 2,500 na meal araw-araw.
Mula pa noong nag-umpisa ang digmaan, kahanga-hanga na ang mga inisyatibang pinangungunahan ng mga komunidad sa Lebanon. Ang pagsusuporta sa mga ganitong proyekto ay nagpapayaman sa mga ugnayan at ng mga pagtutulungang kailangang-kailangan at nagbibigay ng katiyakan sa mga mapapanatiling pagtugon [sa digmaan].Elena Fernandez Tajadura, Logistic Coord
Ang Lebanon ay humarap sa sunod-sunod na krisis nitong mga nakaraang taon, tulad ng nakapanlulumong pagsabog ng pantalan ng Beirut noong Agosto 2020 at ng pagbagsak ng kanilang ekonomiya na itinuturing na isa sa pinakamalalang krisis sa mundo. Ang pagtindi ng pagsalakay ng Israel kamakailan lang sa bansa ay naging sanhi ng pagkawala ng tirahan ng mahigit isang milyong tao mula noong Oktubre 2023, at nag-iwan sa marami na mamuhay sa mga kondisyong walang katiyakan. Ang kumbinasyon nito at ng tumatagal na mga krisis ay nagdadala na sa buong populasyon sa bingit ng panganib.
“Ipinagmamalaki kong ako’y bahagi ng proyektong ito,” sabi ni Aziza, na napilitang lisanin ang South Beirut at ngayo’y isa na sa mga residente ng Al Azarieh. “Marami sa mga tao rito ay nawalan ng hanapbuhay dahil sa digmaan o di kaya’y ginastos na ang natitira nilang pera sa mga mahahalagang pangangailangan nitong mga nakaraang buwan. Wala na silang natitirang pera upang mabuhay. Kaya’t noong narinig kong kailangan ng mga magtatrabaho para sa proyekto, nagprisinta ako. Sama-sama naming ginagawa ang aming makakaya upang harapin ang sitwasyon. Sana, sa awa ng Diyos, magwawakas din ang digmaang ito at bubuti na ang kalagayan ng lahat.”
Sinuportahan din ng Doctors Without Borders ang iba pang mga inisyatibang pinamumunuan ng mga komunidad (nang may pagtuon sa pagbibigay ng pagkain) sa iba’t ibang lugar sa Lebanon, pati sa Saida at Tyre sa timog na bahagi ng bansa. Simula noong tumindi ang pagbobomba ng mga Israeli noong Setyembre 23, 2024, nakapamahagi na ang Doctors Without Borders ng 7,432 na meal, 7,342 na mga kumot, 6,050 na kutson, 79,504 na litro ng inuming tubig, 8,013 na hygiene kit, at 6,678,000 na litro ng tubig sa mga shelter sa iba’t ibang bahagi ng Lebanon.
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.