Skip to main content

    Lebanon: Ang pagtulong sa mga bata at nakatatanda upang harapin ang mga trauma na dulot ng digmaan

    A Lebanese mother and daughter displaced by the war in Lebanon. Lebanon, October 2024. © Antoni Lallican/Hans Lucas

    Si Ezdihar at ang kanyang anak na babae ay kabilang sa 1.2 milyong taong nawalan ng tirahan dahil sa digmaan. Lebanon, Oktubre 2024. © Antoni Lallican/Hans Lucas

    “14 na taong gulang pa lang ang anak kong babae, ngunit sa dami ng aming mga pinagdaanan, ang reaksyon niya sa mga pagbobomba ay parang sa mas nakatatanda na,” sabi ni Ezdihar, isang inang nawalan ng tirahan sa Lebanon. “Napabilis ang pagdaan niya sa pagkabata.” 

    Noong gabi ng Setyembre 28, naghahapunan si Ezdihar kasama ang kanyang pamilya sa kanilang tahanan sa may labas ng timog na bahagi ng Beirut, nang nakatanggap sila ng alerto ukol sa paparating na strike ng mga puwersang Israeli. Pinuntahan ng kanyang asawa ang ina nito, habang si Ezdihar, kasama ang kanilang mga anak at mga kapitbahay, ay naghanap ng masisilungan sa Central Beirut. Pagkatapos nilang magpalipas ng isang gabi sa kalye, lumipat sila sa Azarieh shelter, isang gusaling dati’y para sa komersyo na ngayo’y tirahan na ng mga 3,500 na tao. Sila ay kabilang sa 1.2 milyon na taong nawalan ng tirahan dahil sa digmaan sa pagitan ng Hezbollah at Israel, ayon sa mga awtoridad ng Lebanon. 

    Ang Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF) ay tumutugon sa mga pangangailangang medikal at mga pangangailangan para sa kalusugang pangkaisipan ng mga taong nakatira sa mga shelter gaya ng Azarieh, kasama ang mga batang tulad ng anak ni Ezdihar. Kabilang siya sa henerasyong naghahanap ng daan sa gitna ng mga pangamba at kawalan ng katiyakan, kung saan ang mga bata ang pinakanagdurusa.
     

    A Doctors Without Borders staff member organizes activities for the children of the Azarieh shelter, Beirut. Lebanon, October 2024. © Antoni Lallican/Hans Lucas

    Isinasaayos ng isang staff ng Doctors Without Borders ang mga aktibidad para sa mga bata sa Azarieh shelter sa Beirut. Lebanon, Oktubre 2024. © Antoni Lallican/Hans Lucas

    Ang epekto ng digmaan at pagkawala ng tirahan sa kalusugang pangkaisipan

    Wala pang isang buwan mula noong tumindi ang mga labanan sa digmaan, mahigit 2,300 na tao na ang napatay sa Lebanon. Karamihan sa mga pagkamatay ay naganap nito lang nakaraang tatlong linggo, at mahigit 11,100 na ang nagtamo ng pinsala, ayon sa mga awtoridad pangkalusugan. Ang karahasan at ang pagkawasak na nasasaksihan ng mga tao ay maaaring magkaroon ng mga pangmatagalang epekto sa kanilang sikolohikal at emosyonal na kalagayan, lalo na sa mga bata. Gaya ng anak ni Ezdihar, maraming mga bata sa Lebanon ang masasabing tumanda agad dahil sa masasakit na idinulot ng digmaan:  ang sapilitang pag-alis mula sa kanilang mga tahanan, ang pagkaantala ng kanilang edukasyon, ang pagkakahiwalay nila sa kanilang mga kaibigan, at ang pagkawala ng kanilang access sa mga pangunahing pangangailangan gaya ng tubig at tirahan.

    “Maraming mga magulang ang nakapupuna ng mga problema sa inaasal ng kanilang mga anak—gaya ng galit, kapusukan, at iba pang mga nakababahalang gawi—na dumadagdag sa mga inaalala para sa kanilang kagalingan,” sabi ni Amani Al Mashaqba, ang Mental Health Activity Manager ng Doctors Without Borders sa governorate ng Bekaa.

    Hindi lang ang mga bata ang nangangailangan ng suporta para sa kalusugang pangkaisipan. Marami sa mga pasyente ng Doctors Without Borders ay nagpapahayag ng pakiramdam ng pagkapuspos at trauma dahil sa palagiang banta ng karahasan, at ng pag-aalala sa kanilang kinabukasan sa isang hindi matatag na kapaligiran. Ang pagdadalamhati sa pagpanaw ng mga miyembro ng pamilya at ang sakit ng pagkawala ng kanilang tirahan ay lalo pang nakadadagdag sa kanilang pagkabalisa. Ang iba naman ay nag-aalala tungkol sa kanilang mga talamak na kondisyong pangkalusugan o di kaya’y sa posibilidad na isang taon silang hindi makakapasok sa paaralan. Ang mga karanasang ito ay lubhang nakakaapekto sa kalusugang pangkaisipan ng mga tao.

    Nagpapahayag ang mga tao ng pangangailangan para sa serbisyo kaugnay ng kalusugang pangkaisipan, partikular na para sa trauma, na nakaaapekto sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay, mula sa kakulangan ng maayos na tulog hanggang sa pagkawala ng ganang kumain.
    Amani Al Mashaqba, MH Activity Manager

    Ang mga team ng Doctors Without Borders ay tumutugon sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga taong nawalan ng tirahan ng pangunahing pangangalagang pangkalusugan, at ng pangangalaga para sa kanilang kalusugang pangkaisipan. Kabilang  rito ang psychological first aid at psychoeducation na ibinibigay ng mga mobile medical unit sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Subali’t hindi madaling paaminin ang mga tao na sila’y may pinagdadaanan at magpahayag ng kanilang mga kahinaan. Ayon sa mga naobserbahan ng aming mga mental health team, marami ang nag-iisip na dapat silang magpakita ng katatagan sa gitna ng mga kahirapan. Isang hamon ang pagkumbinsi sa kanila na okay lang na maging emosyonal, lalo na ang mga batang lalaki na karaniwang tinuturuang pigilan ang kanilang damdamin.

    Upang madagdagan pa ang pagsuporta, naglunsad din ang Doctors Without Borders ng helpline na magagamit upang makakuha ng tulong mula sa mga clinical psychologist na harapin ang mga sintomas ng trauma, gaya ng pagkabalisa at pagdadalamhati.

    MSF medical team treated a patient in the Azarieh shelter in central Beirut. Lebanon, October 2024. © Antoni Lallican/Hans Lucas

    Si Maryam ay ginagamot para sa pananakit ng tiyan ng medical team ng Doctors Without Borders sa Azarieh shelter sa Central Beirut. Lebanon, Oktubre 2024. © Antoni Lallican/Hans Lucas

    Isang helpline para sa pagpapagaling

    Sa pamamagitan ng Doctors Without Borders helpline, nagagawa naming maabot ang mga taong hindi makakuha ng aming serbisyo nang personal, lalo na sa timog na bahagi ng Lebanon, kung saan ang mga matinding pagbobomba at ang mga pagpigil sa paglalakbay ay nakahahadlang sa mga taong bumisita sa aming mga klinika. Ang accessibility ay mahalaga kapag ganitong panahon, kung kailan maraming tao ang nagsisilikas at nahaharap sa mga hadlang sa pagkuha ng pangangalaga gaya ng kamahalan ng transportasyon, at ang stigma na kaakibat ng pagkakaroon ng suliranin sa kalusugang pangkaisipan.

    Marami sa mga tumatawag sa helpline ay mga magulang na nahihirapang gabayan ang kanilang mga anak kung paano kakayanin ang stress na dulot ng digmaan. Kadalasan, kasabay nito’y may napapansin silang mga pagbabago sa inaasal ng kanilang mga anak. Nahihirapan din ang mga magulang na ipaliwanag sa kanilang mga anak ang mga nakakatakot na ingay ng pagbobomba at pamamaril, kaya’t kung minsa’y gumagamit na lang sila ng mga di makatotohanang paliwanag para lang hindi matakot ang mga bata. Ang pagpapaputok ng baril, halimbawa, ay maaaring ilarawan lamang bilang  “happy shooting,” o pagpapaputok sa mga masasayang pagdiriwang gaya ng mga kasal. Binibigyan ng mga sikolohistang nasa helpline ang mga magulang ng mga estratehiya upang maging matapat sa kanilang mga sinasabi, at lumikha ng ligtas na lugar kung saan maaaring ipahayag ng mga anak ang kanilang mga nararamdaman.

    “Bagama’t kailangan nating harapin nang makatotohanan ang sitwasyon, kailangan din nating isiping normal ang kanilang mga nararamdaman,” paliwanag ni Al Mashaqba. “Mahalagang pakinggan ng mga magulang ang kanilang mga anak, at intindihin kung paano sila naaapektuhan ng mga naririnig nila sa kanilang paligid. Maaari nilang hikayatin ang mga batang ibahagi ang kanilang mga nararamdaman sa pamamagitan ng pagguhit o pakikipag-usap.”

    Sa pagdami ng nais magkaroon ng access sa serbisyong ito, kinakitaan ng dramatikong pagtaas ng bilang ng mga tumatawag sa helpline. Mula sa limang tawag kada araw noong ito’y nagsisimula pa lang, ngayon ay nakatatanggap na ng 80 na tawag sa isang buong maghapon lamang. Sa kabuuan, nakatanggap na ang helpline ng halos 300 na tawag ukol sa kalusugang pangkaisipan, at karamiha’y pumasok lamang nitong nakaraang dalawang linggo.

    Dagdag pa rito, ang aming mga mobile team ay nagsagawa ng mga psychological first aid group session para sa halos 5,000 na mga indibidwal hanggang Oktubre 21, 2024, at mahigit 450 na tao naman ang nakinabang mula sa mga indibidwal na mental health session.  Ang aming mga team ay nagbigay din ng psychological first aid, kung saan kasama ang aktibong pakikinig at ang mga pamamaraan para maalis ang stress. Pinahihintulutan ang mga pasyenteng ipahayag ang kanilang mga nararamdam at inaalala. Kasama ng pagbibigay ng kritikal na pangangalagang medikal at pangangalaga para sa kalusugang pangkaisipan, ang aming mga team ay namamahagi rin ng mga kinakailangang non-food item gaya ng mga kutson at mga hygiene kit sa mga taong nawalan ng tirahan.

    Isang bansang nasa krisis

    Ang kasalukuyang digmaan ay naganap pagkatapos ng isang mahabang krisis sa ekonomiya kung saan naiwan ang mahigit sa 80% ng populasyong Lebanese sa matinding kahirapan at nangangailangan ng agarang tulong. Ang sektor ng pangangalagang pangkalusugan ay humarap sa mga matitinding hamon, tulad ng pagkasira ng mga pampublikong serbisyo samantalang ang mga pribadong pangangalagang pangkalusugan naman ay hindi abot-kaya ng karamihan. 

    “Ikinuwento ng isa sa aming mga sikolohista na noong nalaman ng isang babae na libre ang aming mga serbisyo, napaiyak siya,” sabi ni Al Mashaqba. “Ang mga tao ay hindi sanay na magkaroon ng access sa ganitong klase ng mga serbisyo nang walang kasamang kabayaran.”

    Displaced families from the Azarieh shelter crowd around a water tank during a water distribution. Lebanon, October 2024. © Antoni Lallican/Hans Lucas

    Ang mga pamilyang nawalan ng tirahan at ngayo’y nakatira sa Azarieh shelter  ay nagsisiksikan sa paligid ng isang tangke ng tubig upang makakuha sila ng pinamamahaging tubig. Lebanon, Oktubre 2024. © Antoni Lallican/Hans Lucas

    Ang Lebanon ay tahanan ng maraming mga refugee— kabilang rito ang 1.5 milyong Syrian at mahigit 200,000 na Palestino. Karamihan sa kanila ay ilang beses nang nawalan ng tirahan. Para sa mga taong ito, ang takot na sapilitan silang pabalikin at ang hirap na pinagdadaanan nila sa paghanap ng kaligtasan ay nakapupuspos. “Sabi ng iba sa kanila, mas mamatamisin pa nilang mamatay kaysa maranasang muli ang trauma ng pagiging refugee,” sabi ni Al Mashaqba.

    Ang Doctors Without Borders ay nagsasagawa ng pagtatasa ng pangangailangan ng mga internally displaced people, at habang nagbabago ang sitwasyon, ang aming mga team ay nakikipagtulungan sa aming mga katuwang at sa mga hospital network upang magbigay ng komprehensibong suporta kung saan man ito posible.


    Susuportahan mo ba ang aming emergency response?

    Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.