Skip to main content

    Ang kalusugan ng ating pisikal na katawan ay mahalaga. Ngunit sa panahon ngayon,  nabibigyang-pansin na rin ang kahalagahan ng pangangalaga ng ating isipan at ng psychosocial support para sa pangkalahatang kalusugan.

    Sa iba’t ibang bahagi ng mundo, maraming mga tao ang nagpapahayag ng kanilang pagkabalisa dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19. May mga taong takot mahawaan ng virus. May iba namang nag-aalala  kung paano sila makakakuha ng gamot o oxygen para sa mga kapamilyang nahawaan ng sakit. Bukod sa mga pangamba ukol sa virus, marami ang kinakabahan at balisa tungkol sa mga ibang bagay na may koneksyon pa rin sa pandemya, kagaya ng posibilidad na mawalan sila ng hanapbuhay, ang kawalan ng kalayaan sa paggalaw, at ang kalungkutang dala ng matagal na di pagkikita ng mga mag-anak at magkakaibigan.

    Iba’t iba man ang paraan, ang lahat ay naapektuhan ng pandemya, at marami ang nahihirapan.

    Sa aming mga proyekto sa iba’t ibang sulok ng mundo, nakita ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ang iba’t ibang epekto ng pandemya sa mga tao, at ginagawa namin ang lahat upang makapagbigay ng suporta.

    Sa India, nakikipag-ugnayan sa telepono ang Doctors Without Borders sa mga pasyenteng may COVID-19 upang tulungan silang mapaglabanan ang kanilang pagkabalisa at mga alalahanin habang sila’y nakabukod. Sa Lebanon, marami sa mga pasyenteng humihingi ng sikolohikal na tulong ay nakakaramdam ng matinding lungkot, pagkabalisa, at kawalan ng pag-asa. Sa Bangladesh, nagbibigay ang aming mga team ng pangangalaga para sa mental health. Kabilang rito ang indibidwal na konsultasyon para sa mental health ng mga survivor ng karahasang sekswal at karahasang nakabatay sa kasarian, at ng mga refugee na Rohingya sa Cox’s Bazar. Ang mga hamon ay lalo pang pinaiigting ng mahihirap na sitwasyon ng mga tao ngayong may pandemya, sila man ay mga refugee sa Kenya, o mga domestic worker sa Hong Kong

    Bago pa man nagsimula ang pandemya ay matagal nang tumutugon ang Doctors Without Borders sa mga pangangailangan ng mga pasyente kaugnay ng mental health sa iba’t ibang klase ng emergency. Sa halos siyamnapung (90) bansa kung saan naroon ang Doctors Without Borders, ang aming mga team ay nagbibigay ng komprehensibong suporta para sa mental health ng mga pasyente. Nagbibigay kami ng pangangalaga para sa mental health bilang psychological first aid sa konteksto ng isang emergency, bilang bahagi ng pangangalaga sa mga kondisyong dati nang meron ang mga pasyente, o bilang standalone psychosocial at psychiatric care

    Sa iba’t ibang uri ng emergency, ang mga pangangailangan para sa mental health ay kasinghalaga at kasingkagyat ng mga pangangailangang medikal. Ang mga proyekto nami’y sumasaklaw sa iba’t ibang sitwasyon: mula mga armadong labanan hanggang sa natural na kalamidad, mula kalusugang sekswal hanggang tuberculosis, mula sa mga krisis na hinaharap ng mga refugee hanggang sa mga search and rescue, kung saan kailangan ng aming mga pasyente ng pangkalahatang serbisyong medikal.

    Ang Nakikita Namin: Ang Mental Health sa mga Emergency
    Ang Nakikita Namin: Ang Mental Health sa mga Emergency
    Ang Ginagawa Namin: Pagbibigay ng Suporta sa Mental Health
    Ang Ginagawa Namin: Pagbibigay ng Suporta sa Mental Health
    Ang Maaari Mong Gawin: Pangalagaan ang iyong Mental Health
    Ang Maaari Mong Gawin: Pangalagaan ang iyong Mental Health

    Ano ang mental health?

    Ang pagkakaroon ng masiglang mental health ay nangangahulugang kaya ng isang taong harapin ang mga bagay na laging nagbibigay ng stress sa kanya sa trabaho at sa tahanan, at kasabay nito’y makapagbibigay pa siya ng kontribusyon sa kanyang komunidad. (World Health Organization).

    Ang mental health ay di lamang tungkol sa kawalan ng mga partikular na kondisyon na kaugnay nito.   Nakabatay ito sa biological, psychological at contextual factors––ang pagiging malusog sa paraan ng ating pag-iisip, pagdama, at pakikipag-ugnay sa ibang tao, at sa ating kapaligiran.

    Bakit mahalaga ang mental health?

    Ang mga kondisyong may kaugnayan sa mental health o kalusugang pangkaisipan—tulad ng matinding kalungkutan, pagkabalisa, pagkagumon sa alak o droga, at mga psychoses—ay nakakasagabal sa maayos na pamumuhay at sa kapasidad ng taong magkaroon ng makabuluhang buhay. Ang mga kondisyong ito ay madalas ding nakakabit sa maagang pagkamatay. Ayon sa mga datos mula sa World Health Organization (WHO), sa buong mundo’y 800,000 ang nagpapakamatay taon-taon.

    Ang mga taong may suliranin sa kanilang mental health ay mas makararanas ng comorbidities, na nagpapalala sa kanilang pisikal na kondisyon, at naglalagay sa kanila sa panganib ng kamatayan. Ayon sa WHO, ang average life expectancy o inaasahang haba ng buhay ng mga taong may matinding mental health disorder ay mas mababa ng sampu hanggang dalawampu’t limang taon kumpara sa ibang mga miyembro ng populasyon.

    Sa mga lugar kung saan nagtatrabaho ang Doctors Without Borders, may mga pasyenteng nabuhay sa gitna ng karahasan o mga trahedyang dala ng natural na kalamidad, ngunit ang kanilang survival ay higit pa sa kanilang pisikal na kondisyon. Matapos man ang pagbibigay-lunas sa kanilang mga pisikal na karamdaman, may mga naiiwang sikolohikal na sugat sa kanilang kalooban. Ito ang dahilan kaya’t ang pagbibigay ng holistic medical care, kalakip ang pangangalaga sa kalusugang pangkaisipan, ay mahalaga para sa karamihan ng aming mga proyekto.
     

    Ano ang mga hamon sa pagpapabuti ng mental health?

    Ang mga taong may kondisyong kaugnay ng mental health o kalusugang pangkaisipan ay ang isa sa pinakanaisasantabi at pinakamahinang grupo sa buong mundo. Bagama’t may mga epektibong lunas naman para sa mga kondisyong ito, kakaunti lamang sa mental health patients ang may access sa mental health services, at kahit na meron man, madalas na hindi ito ang mga lunas na pinaka-epektibo, o nakabatay sa ebidensiya.

    Maraming mga taong hindi nakauunawa kung ano ang kalusugang pangkaisipan, at hindi nila alam na may lunas na makatutulong sa kanila. Ang pagkakaroon ng sakit sa pag-iisip ay isinasawalang-bahala sa maraming lugar,at ang kakulangan sa kamulatan ay maaaring mauwi sa paniniwalang ang mga taong may suliranin sa kalusugang pangkaisipan ay masasamang tao na dapat katakutan. Ang kahihinatnan ng mga taong may ganitong klaseng sakit na di nauunawaan ng kanilang mga pamilya o komunidad ay maaaring maging trahedya.  Sa iba’t ibang bahagi ng mundo, daan-daang libo ng mga taong may sakit sa pag-iisip ay kinakadena o kinukulong nang labag sa kanilang kagustuhan.

    Maraming mga bansa ang may limitadong kapasidad para sa pangangalaga  sa mental health. Ito ay maaaring dahil sa kakulangan ng akmang imprastruktura, resources, o mga bihasang propesyonal. Ang mga taong nahaharap sa pagsasawalang-bahala, karahasan, sapilitang paglikas sa kanilang tirahan, mga trahedyang dulot ng kalamidad, at iba pang mga krisis ay maaaring magkaroon ng sakit sa pag-iisip, (o kung dati nang meron, lumala). Sila ay posible ding humarap sa marami pang balakid sa pagkamit ng pangangalaga tulad ng pagkabuwag ng mga istrukturang pangkalusugan at panglipunan, kahirapan, at ang distansiya nila mula sa mga pagamutan o tagabigay ng pangangalagang pangkalusugan.