Opinyon: Kaming mga refugee ay hindi na ninyo makikita
Isang Rohingya refugee sa pansamantalang kampo sa Jamptoli, kung saan mahigit 50,000 na tao ang nanirahan noong 2018. Bangladesh. © Anna Surinyach
Noong kami ay bagong dating pa lamang sa kampo – isa sa maraming refugee camps na itinayo sa Cox’s Bazar, Bangladesh – akala ko’y makakauwi na ako sa Myanmar pagkatapos ng dalawa hanggang tatlong buwan. Naroon pa ang ilan sa aming mga kapitbahay at ang aming baryo ay hindi pa nagagambala. Ang aming kampo ay malapit sa pagitan ng dalawang bansa, kaya’t magiging madali lang ang bumalik sa amin.
Apat na taon na ang lumipas. Matagal nang wala ang bahay ko, tinupok ng apoy.
Kung may magsasabi sa aking bumalik sa Myanmar ngayon, iisipin kong nababaliw sila, dahil walang paraan. Walang legal na paraan upang makabalik, lahat ng pamamaraan na maaaring gamitin ay illegal. Gusto namin ng tamang solusyon na nasa tamang katwiran at makatarungan dahil kami ay mga mamamayan ng Myanmar. Kapag isinuko na namin ang karapatan namin at nagdesisyon kaming bumalik, paano na lang ang aming kinabukasan?
Hindi ko naman ibig sabihing ayaw na naming bumalik sa aming mga tahanan. Gusto naming makabalik sa lalong pinakamadaling panahon. Walang may gustong maging refugee. Minsan, pakiramdam ko’y hindi ako tao. Para bang nakatira ako sa loob ng isang gubat, sa piling ng mga mababangis na hayop, at wala akong pag-aari na maaari kong tawaging akin-- walang edukasyon, walang kaligtasan, ni walang kalayaan. Pero gusto naming bumalik sa aming mga tahanan, habang iniingatan ang aming mga karapatan, at nang alam naming kami’y ligtas. Upang magtagumpay kami sa prosesong ito, kailangang makipag-ugnayan sa amin ang mga awtoridad na Bangladesh at isali kami sa mga diskusyon, tulad ng ginagawa nila sa ibang mga partido at bansa. Habang tumatagal ang pamamalagi namin sa Bangladesh, mas lalo akong nangangamba na ang isyu ng mga Rohingya ay unti-unting kalilimutan ng mundo hanggang umabot sa puntong hindi ninyo na kami makikita.
Dito sa mga kampo, napakalimitado ng nakukuha naming pangangalagang pangkalusugan dahil ang karamihan sa mga pasilidad ay nagbibigay lamang ng pangunahing pangangalaga. Walang makukuhang atensyong medikal para sa mga seryosong kaso, habang nagiging mas mahirap para sa amin ang makapaghanap ng mga solusyon sa labas ng kampo dahil sa mga dumaraming paghihigpit na sinasabing kaugnay ng COVID-19. Kung minsan, ang mga pasyenteng nangangailangan ng emergency surgery o advanced medical care ay nagkakaproblema sa mga paghihigpit sa paglabas sa kampo. Ito rin ang hamon para sa mga taong may mga talamak na karamdaman, o mga sakit sa pag-iisip. May mga pagkakataong di sila pinapayagang lumabas ng kampo sa takdang oras, kung kaya’t di nila napupuntahan ang kanilang mga katagpo, o nauubusan sila ng gamot.
Si Khin Maung, isang 26 na taong gulang na etnikong Rohingya,ay dumating sa Cox’s Bazar noong 2017 matapos niyang iwan ang kanilang bayan na katapat lang ng hangganan ng Myanmar. Pangarap niyang maging abogado at ipaglaban ang mga adhikain ng Rohingya sa pandaigdigang korte.
Kakaunti lang ang mga blood bank sa mga kampo, at ang kawalan ng pagtutulungan ng mga awtoridad at mga NGO ay nauuwi sa pagkawala ng mga buhay. Ang mga miyembro ng Rohingya Youth Association, na itinatag ko upang suportahan ang aking komunidad, ay nagsisikap na magbigay ng dugo kapag kinakailangan. Ngunit hindi iyon sapat. Kamakailan lang, may natanggap kaming alerto mula sa isang pasyenteng kritikal na ang kalagayan mga 20 minuto bago siya pumanaw. Hindi namin siya nailigtas.
Naiintindihan naman namin na ang COVID-19 ay isang seryosong usaping pangkalusugan, kaya’t kailangan talaga ng paghihigpit sa paggalaw. Pero kailangang may mga pagbubukod, gaya ng ginagawa para sa mga mamamayang nakatira sa labas ng kampo.
Tulad ng nasabi ko, pakiramdam namin minsa’y hindi kami mga taong nabubuhay nang may dignidad. Ang ilang mga pamilya sa mga kampo ay may mga maliliit na negosyo na bagama’t konti lang ang kinikita’y malaki ang naitutulong sa kanila. Kumikita sila ng $20-30 kada buwan, pero ang lahat ng iyon ay nawala dahil sa mga paghihigpit kaugnay ng COVID-19. Dahil sa mga paghihigpit na ito, umaasa na lang ang mga tao sa mga pinapadalang pagkain ng mga organisasyong humanitarian, pero kulang na kulang ito.
Pangarap ko na balang araw, magiging abogado ako at ipaglalaban ko ang aming mga karapatan sa mga pandaigdigang korte. Ginamit ng pamahalaan ng Myanmar ang batas upang kitilin ang aming mga karapatan, kaya’t kailangang gamitin din namin ang batas upang malabanan sila. Ngunit di pamilyar ang aming mga kabataan sa nakasaad sa UN Declaration of Human Rights – isang pandaigdigang dokumento ng UN General Assembly na nagbibigay-galang sa mga karapatan at kalayaan ng lahat ng tao—na nagsasabing pantay-pantay ang lahat sa mata ng batas. Ngunit ni walang mga panimulang pagsasanay sa mga kampo upang mabigyan ng kaalaman ang aming mga kabataan tungkol sa mga karapatang pantao. Alam kong may mga unibersidad sa ibang mga bahagi ng mundo na magbibigay sa amin ng pagkakataong dumalo sa kanilang mga klase,pero gumagawa ang mga awtoridad ng mga paraan upang mapigilan ito.
Kung di namin maipagpapatuloy ang aming edukasyon, isang buong henerasyon ang mawawala sa amin. Kung mananatili kami rito nang sampung taon, anong mangyayari sa aming mga anak?
Sa kabila ng mga hamong ito, sana’y di ako mawalan ng pag-asa.
Si Khin Maung ay isang 26 na taong gulang na etnikong Rohingya, na naging refugee noong 2017, nang sinalakay ng hukbong sandatahan ang kanilang bayan sa Myanmar. Ang artikulong ito’y inilathala noong ika-29 ng Agosto 2021 sa pahayagang “The National."