Nakukulong at nalilimutan: Saan makahahanap ang mga Rohingya ng kaligtasan?
“Nakarinig kami ng mga pagsabog, mga putok ng baril, at mga taong nagsisigawan,” sabi ni Ruhul, isang batang Rohingya, sa kanyang paglalarawan ng pagsalakay sa kanyang kabayanan ng Buthidaung noong gabi ng Mayo 17. “Tumakas kami ng pamilya ko mula sa kaguluhan, at naghanap ng kaligtasan sa mga burol sa di-kalayuan.”
Siyam na araw na hindi nakatanggap ng pangangalagang medikal si Ruhul hanggang sa siya’y nakatawid sa hangganan patungong Bangladesh, at nakarating sa isang ospital ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) sa Cox's Bazar.
Mula noong Nobyembre 2023, ang estado ng Rakhine sa hilaga ng Myanmar ay lubhang napipinsala ng mga tumitinding labanan sa pagitan ng Myanmar Armed Forces at Arakan Army. Mga buong barangay ang winasak ng sukdulang karahasan. Maraming sibilyan ang namatay, nasaktan, at nawalan ng tirahan dahil sa mga makapangyarihang armas, mga drone strike, at mga panununog. Sapilitang isinasali ng magkabilang panig ang mga sibilyan sa mga labanan at ginagatungan ang mga dati nang tensyon sa pagitan ng mga komunidad.
Bagama’t naaapektuhan din ng karahasan ang iba’t ibang etnikong grupo sa Rakhine, ang komunidad ng mga Rohingya, na ilang dekada nang nakararanas ng pang-uusig, ay kadalasang nauuwi sa gitna ng mga alitan.
Noong Mayo 17 at 18 sa Buthidaung, sinunog ang mga bahay at mga iba pang pag-aari ng mga sibilyan. Libo-libong mga Rohingya (kabilang rito ang maraming lumikas na dati mula sa ibang lugar) ang tumakas.
Si Mojubullah ay isa sa mga lalaking Rohingya na napilitang umalis sa Buthidaung. “Tinamaan ng mortar shell ang bahay namin. Napatay ang asawa ko, at may mga iba ring nasaktan,” paglalahad niya. “Masakit man sa aming kalooba’y kinailangan naming umalis patungong Bangladesh. Napakahirap para sa aming iwan ang aming mga tahanan, alagang hayop, at ang aming mga ani.”
Sa Maungdaw, 20 na kilometro patungong kanluran ng Buthidaung, matitinding labanan ang pumutok noong Mayo at muling lumala ang karahasan noong Agosto. Ang mga sinalakay ay mga grupo ng Rohingya—ang ilan sa kanila ay mga nakaligtas sa mga labanan sa Buthidaung.
Mula Agosto 5 hanggang 17, ang mga team ng Doctors Without Borders sa mga kampo sa Cox’s Bazar, Bangladesh ay gumamot ng 83 na pasyenteng Rohingya na nagtamo ng mga pinsala dahil sa karahasan; 48% sa kanila ay mga babae at mga bata. Ayon sa kanila, tumakas sila mula sa pagsalakay sa Maungdaw at tumawid sa hangganan.
Ang mga pasyenteng dumating sa mga pasilidad ng Doctors Without Borders ay nagtamo ng mga pinsala dahil sa tama ng bala ng baril, o di kaya’y nasabugan ng landmine. Ang iba sa kanila’y nasa kritikal na kondisyon dahil sa kakulangan ng mga gamot para sa mga sakit na maaaring makamatay gaya ng HIV o tuberculosis. Ang mga gamot na ito ay di na makukuha sa Rakhine.
May ilang mga naglarawan ng kanilang paglalakbay upang tumawid sa hangganan bilang puno ng mga panganib, tulad ng pagtawid nila sa ilog ng Naf, ang pagsalakay sa kanila habang naghahanap sila ng ligtas na mapupuntahan, at ang pagtaob ng sinasakyan nilang bangka. Dahil pinasara ng mga opisyal ang hangganan, napipilitan ang mga taong magbayad ng malaking halaga bilang lagay sa mga awtoridad ng Myanmar, sa mga armadong grupo o sa mga smuggler.
Sa hilagang bahagi ng Rakhine, walang access ang mga tao sa pangangalagang pangkalusugan. Ang mga pasilidad pangkalusugan ay di na magamit dahil nawasak ang mga ito ng mga labanan, iniwan ng mga medical staff na tumakas mula sa karahasan, o naubusan ng supplies dahil sa mga pagharang at di pagbibigay ng pahintulot na maihatid ang mga kinakailangang kagamitan.
Noong Hunyo, napilitang suspindihin ng Doctors Without Borders sa di matiyak na haba ng panahon ang mga gawaing medikal at humanitarian sa mga kabayanan ng Buthidaung, Maungdaw at Rathedung, matapos sunugin ang aming opisina at parmasya. Bago naganap ang pagsuspindi, nasaksihan ng Doctors Without Borders ang mga pagsalakay sa mga lugar kung saan maraming mga sibilyan, gaya ng mga pamilihan at mga barangay, pati na rin mga pagsalakay sa mga pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan, na naglagay ng buhay ng mga pasyente at mga healthcare worker sa panganib.
Kung may pagsusumikap mang ginagawa ang mga partidong sangkot sa alitan upang protektahan ang mga sibilyan at tuparin ang kanilang mga obligasyon nang naayon sa pandaigdigang batas na humanitarian, ito’y di sapat upang maging makahulugan. At ito rin ay totoo tungkol sa kahit anong pagsusumikap ng mga awtoridad na bigyan ng pahintulot ang pagbibigay ng makabuluhang pagtugong humanitarian.
Napakalaki ng kabayaran para sa pagwawalang-bahala sa buhay ng mga tao. Ang mga team ng Doctors Without Borders sa Bangladesh ay nakatanggap ng 115 na pasyenteng Rohingya na nasugatan dahil sa digmaan sa mga pasilidad ng Doctors Without Borders mula noong Hulyo 2024. Kabilang rito ang mga lalaki, babae at mga bata na nagtamo ng mga pinsala dahil sa matinding karahasan. Habang ang mga bagong dating na Rohingya sa Cox's Bazar ay nakatakas sa lugar na may hidwaan at nagawa nilang kahit paano’y makakuha ng pangangalagang medikal, nahaharap sila sa walang katiyakang sitwasyon sa mga kampo kung saan ang 1.2 milyon na tao ay nakatira sa likod ng bakod na alambre. Bukod sa dumaraming insidente ng karahasan at pangingidnap sa mga kampo, pati na rin ang puwersahang pagsama ng mga sibilyan sa mga armadong grupo sa Myanmar, marami ang nananatiling takot at balisa tungkol sa kanilang naranasan, at tungkol din sa naging kapalaran ng kanilang mga pamilya sa Bangladesh at sa kanilang dating tirahan. Ang mga bagong walang dokumentong tao mula sa Myanmar ay lagi ring nagkukubli dahil sa panganib na ipatapon o ipabalik sila sa Myanmar, kung saan hindi matitiyak ang kanilang kaligtasan.
Bagama’t nakabalik na siya sa Bangladesh, patuloy pa rin ang pagdurusa ni Mojibullah. “Nahihirapan kami ng pamilya kong tanggapin ang pagkawala ng aming mga mahal sa buhay at ang kawalang-katiyakan ng aming kinabukasan.”
Ayon sa mga datos ng UN, tinatantiyang mga 327,000 na tao ang nawalan ng tirahan sa estado ng Rakhine at sa kabayanan ng Paletwa sa estado ng Chin mula noong nag-umpisang muli ang mga labanan sa Myanmar noong Nobyembre 2023. Kung idadagdag dito ang bilang ng mga dati nang nawalan ng tirahan, ang kabuuang bilang ng mga nawalan ng tirahan sa estado ng Rakhine at sa kabayanan ng Paletwa sa estado ng Chin ay aabot ng mahigit sa 534,000 na tao. Nananawagan ang Doctors Without Borders sa mga partidong sangkot sa alitang ito na tuparin ang kanilang mga obligasyon nang naayon sa pandaigdigang batas na humanitarian at sa mga prinsipyo ng distinction, proportionality at precaution. Kabilang rito ang pagpoprotekta sa mga sibilyan mula sa mga direktang pagsalakay at sa mga epekto nito, at pati na rin ang pagbabawal sa walang pinipiling pagsalakay. Hinihingi rin namin sa lahat ng awtoridad at ng mga kumikilos sa magkabilang panig na bigyan ng prayoridad sa lalong madaling panahon ang pagbibigay ng karagdagan at walang kinikilingang pagtulong medikal at humanitarian sa mga nangangailangan.
*Hindi ginamit ang mga tunay na pangalan.