Myanmar: Nahaharap sa malalaking hadlang ang mga team ng Doctors Without Borders sa pagbibigay ng pangangalagang medikal para sa mga komunidad sa estado ng Rakhine
Ito ang dating mobile clinic ng Doctors Without Borders sa isa sa limang kampo sa Pauktaw kung saan ang mga health staff ay nauubusan na ng medical supplies.
Noong Hunyo 2024, ang Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ay napilitang suspindihin ang kanilang mga gawaing medikal at humanitarian sa Northern Rakhine matapos ang paglala ng alitan at ang pagkasunog ng opisina ng Doctors Without Borders sa Buthidaung Township.
Bagama’t napanatili ng Doctors Without Borders ang ilang mga gawain upang makatulong sa mga ilang kabayanan sa sentro ng Rakhine, ang aming mga team doon ay nahaharap sa karahasan at mga matinding paghihigpit. Narito ang ilan sa mga pangunahing hamon na aming hinaharap sa pagbibigay ng pangangalagang pangkalusugan:
Ang mga kahirapang maabot ang mga pasyente at maihatid ang pangangalagang pangkalusugan
Mula noong Nobyembre 2023, noong muling nagsimula ang mga labanan sa pagitan ng mga hukbo ng Myanmar at ng Arakan Army, nahirapan ang mga team ng Doctors Without Borders na mapaabot sa kanilang mga pasyente ang kanilang serbisyo. Sa loob ng walong buwan, hindi pinahintulutan ang Doctors Without Borders na magpatakbo ng mga mobile clinic sa Rakhine State. Kabilang rito ang mga internally displaced person (IDP) sa mga kampo ng Pauktaw Township, kung saan ang Doctors Without Borders lang ang kalimitang tanging tagapagbigay ng pangangalagang pangkalusugan. Ang mga kampong ito ay mararating lamang ng mga bangka, ngunit dahil sa paglala ng mga labanan sa Pauktaw Township, ang aming mga team ay hindi na makapaglakbay upang magbigay ng pangangalagang pangkalusugan.
Hindi rin makapunta ang mga nangangailangan ng emergency care sa ospital sa Sittwe. Ito ay malaking suliranin para sa mga pasyenteng may mga chronic health issue, mga emergency need at mga kumplikasyon sa pagbubuntis. Noong Hunyo 2024, nakatanggap ang Doctors Without Borders ng pahintulot na maglakbay at muling buksan ang aming mobile clinic ng isang buwan sa Aung Mingalar Quarter sa Downtown Sittwe, kung saan karamihan sa mga nakatira ay mga Rohingya. Kumikilos ang aming mga team doon nang bawas ang kapasidad, at kabilang sa mga dahilan noon ay ang matinding kakulangan ng supply. Sa ngayon, ang aming mga klinika sa Pauktaw at iba pang kabayanan ay nananatiling nakasara.
Hindi lang ang Doctors Without Borders ang naapektuhan ng mga paghihigpit sa paglalakbay, kundi pati na rin ang ibang mga organisasyon at institusyong nagbibigay ng makasagip-buhay na pagtulong at pangangalagang pangkalusugan.
Ang Doctors Without Borders ay wala ng pahintulot na magpadala ng mga gamot sa kampo sa Pauktaw. Bagama’t patuloy pa rin ang mga community staff ng Doctors Without Borders sa pagbibigay ng mga pangunahing serbisyong pangkalusugan, nahihirapan sila dahil sa unti-unting pagkaubos ng medical supplies o di kaya nama’y hindi nila mapuntahan ang mga pasyente.
Ang paghadlang sa mga emergency referral
Bago nagsimulang muli ang alitan noong Nobyembre 2023, noong ang mga nakatira sa mga kampo o sa mga barangay na sinusuportahan ng Doctors Without Borders ay nangangailangan ng secondary hospital care, umaasa sila sa pagbibigay ng Doctors Without Borders ng mga emergency referral, pati na rin ang pagsundo sa mga pasyente at transportasyong tulad ng kotse o bangka na magdadala sa kanila sa mga secondary hospital. Ito’y hindi na posible ngayon dahil sa mga paghihigpit sa paglalakbay, kung kaya’t ang mga tao ay wala nang pagkakataong makatanggap ng pangangalagang medikal mula sa mga espesyalista.
Para sa mga pasyenteng sinusubukang makarating sa ospital nang hindi humihingi ng tulong, ang paglalakbay ay puno ng hamon. Para sa mga taga-Pauktaw, halos imposibleng makapaglakbay sa karagatan upang makarating sa Sittwe. Ang mga serbisyo para sa pangangalagang pangkalusugan na makukuha nila sa ilang mga kabayanan ay limitado, apektado rin ng alitan, at kadalasa’y kailangan pa nilang bumiyahe nang mas matagal.
Minsan, may mga namamatay habang patungo sa mapagkukunan ng pangangalagang pangkalusugan. Ang iba naman sa kanila’y namamatay nang hindi man lang nasubukang maglakbay dahil hindi nila abot-kaya ang gagastusin o harapin ang mga hirap sa pagbiyahe. Kaya naman, nasaksihan ng Doctors Without Borders ang nakababahalang pagtaas ng bilang ng mga maternal at neo-natal death. Noong Enero, nag-ulat ang aming mga team ng pagkamatay ng isang ina at ng kanyang mga anak na kambal, at ng dalawang ina na namatayan ng kanilang mga sanggol dahil sa napilitan silang manganak sa bahay. Nitong Hunyo lamang, ang aming mga team ay nakapagtala rin ng isang inang namatay dahil sa hindi siya nakatanggap ng antenatal care mula noong Abril. Natakot kasi siyang umalis mula sa displacement camp sa Pauktaw Township dahil sa mga road blockage.
Hindi na gumagana ang mga pampublikong pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan
Mula noong nag-umpisang muli ang mga labanan, maraming mga health worker ang bumitiw sa kanilang mga trabaho sa pampublikong pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan, karamihan dahil sa mga isyu ng kaligtasan at seguridad. Dahil dito, napilitan ang ilang mga pasilidad na magsara. Ang ibang mga nananatiling bukas ay nahihirapan dahil sa kakulangan ng staff, medical supplies at gasolina. Wala nang mga supplier ng kuryente sa Rakhine, kaya’t ang mga pasilidad pangkalusugan ay umaasa na lang sa mga generator. Ngunit hindi madaling makakuha ng gasolina para patakbuhin ang mga ito dahil sa paghadlang sa mga dumarating na supplies kung kaya’t nahihirapan sila sa kanilang mga gawaing medikal.
Ang kawalan ng phone signal ay hamon para sa mga teleconsultation
Upang maabot ang kanilang mga pasyente, ang mga medical team ng Doctors Without Borders ay nagbibigay ng mga konsultasyon sa pamamagitan ng pagtawag o pagpapadala ng mensahe sa telepono. Subalit, ito rin ay malaking hamon dahil sa pinsalang naidulot sa mga phone network na naging sanhi ng signal na pahintu-hinto at mahina sa maraming lugar. Kadalasan, ang mga pasyente at mga boluntaryong mula sa komunidad ay kinakailangang lumayo o umakyat pa sa mga burol para makasagap ng signal.
“Mahalaga ang mga teleconsultation para sa mga maraming tao dahil ito na lang ang natitirang paraan upang mag-ugnayan ang komunidad at Doctors Without Borders,” sabi ni Caroline de Cramer, ang papaalis na Project Medical Referent. “Kapag ang mga pasyente ay nakipag-ugnayan sa isang nars, health promotion officer, o doktor, sila’y nakakuha ng suporta para sa kalusugang pangkaisipan. Ito ang tanging paraan upang maramdaman nila na hindi sila nakakalimutan, na narito pa rin kami, at makakaasa sila sa aming tulong”.