Skip to main content

    Magkakaroon ba ako ng pagkakataong makita silang muli?

    M MSf

    Naglalakad ang Doctors Without Borders sa may mga shelters sa IDP camp sa Rathedaung, kung saan nakatira ang mga taong ethnic Rakhine.

    Kinapanayam ko ang mga pasyente ng Doctors Without Borders upang maintindihan ang kanilang mga hamong hinaharap sa pagkuha ng pangangalagang pangkalusugan. Kabilang rito ang mga etnikong Rakhine, Rohingya, at iba pang komunidad ng mga minorya.  Ang kasamahan kong Rohingya, na bihasa sa apat na wika, ay nagsilbing tagapagsalin namin ni Htwe.

    Bigla na lang akong nakarinig ng pamilyar na kanta na may mga salitang Koreano na pinapatugtog mula sa isang bahay na gawa sa kawayan. Inisip ko, “Alam ko ang kantang ito!” Nalaman kong ang dalagitang anak ni Htwe ay nakikinig sa K-pop. Bagama’t hindi ko alam kung ano ang pamagat ng kanta, parang narinig ko na iyon noong nasa Korea pa ako. Noong binanggit ko na taga-Korea ako at na ako’y nagulat sa narinig kong musika mula sa aking bayan, nagtawanan kaming tatlo. Nagkaroon ako ng kakaibang karanasan sa pagpunta sa kampo ng mga IDP sa estado ng Rakhine, na ngayo’y nasa listahan ng mga lugar na kabilang sa South Korea travel ban. Katabi ng aking katrabahong Rohingya, kinakapanayam ko ang isang pasyenteng Rakhine habang may nagpapatugtog ng K-pop sa bahay nila.

    Isang taon na ang nakalipas, ngunit binabalikan ko pa rin ang espesyal na araw na iyon nang may paggiliw. Aking pinahahalagahan ang lahat ng naging bahagi ng araw na iyon—ang pagpatak ng ulan, ang pag-uusap naming tatlo, at ang mga sandaling nagtatawanan kami sa gitna ng mapanghamong buhay sa kampo sa panahon ng tag-ulan.

    Sa tulong ng aking mga kasamahan sa trabaho, may isang buwan akong nakipag-usap sa mga pasyenteng Rakhine at Rohingya. Pag-alis ko, hindi ko naisip na hindi ko na sila makikitang muli. Sa kasamaang-palad, mabilis na nagbago ang sitwasyon doon pagkatapos ng Oktubre 2023. Maraming mga grupo ang naging sangkot sa mga armadong labanan, na sa kalaunan ay naging isang malaking digmaan na nakaapekto rin sa ibang estado, gaya ng Rakhine. Ayon sa UN, dahil sa digmaang ito’y mahigit tatlong milyong tao ang lumikas sa Myanmar. Sa maraming rehiyon ay umakyat ang bilang ng mga taong nangangailangan ng humanitarian aid. Ang Doctors Without Borders at ang iba pang mga  organisasyong humanitarian ay kinailangang magbawas ng aktibidad o tumigil na nang tuluyan dahil sa kakulangan ng seguridad, mga supply at mapagkukunang-yaman, at dahil sa mga paghihigpit sa paglalakbay. 

    Sa Rakhine, karamihan sa mga lugar kung saan kumikilos ang Doctors Without Borders ay lubhang naapektuhan ng matitinding labanan. Noong Abril 2024, ang opisina ng Doctors Without Borders sa Buthidaung, pati ang aming parmasya at mga medical supply, ay natupok ng sunog na sanhi ng mga labanan. Noong araw na iyon, nasaksihan namin kung paanong ang 200 na bahay ay nilamon ng apoy, at libo-libong tao ang nagsilikas sa isang lugar malapit sa aming opisina. Dahil sa kawalan ng garantiya para sa kanilang personal na kaligtasan, hindi nakapagbigay ang aming team ng kinakailangang humanitarian aid. Ang mga pasyenteng umaasa sa mga mobile clinic at mga emergency referral service ng Doctors Without Borders ay naharap sa isang malaking puwang sa pangangalagang pangkalusugan, at sila’y hindi nakatanggap ng kahit pinakakaunting pangangalagang medikal. Kasama rito ang mga batang mapabubuti ng mga pangunahing gamot at mga nagdadalang tao na nangangailangan ng emergency transfer o mga dapat sumailalim sa cesarean section. Lahat sila’y umalis nang hindi nabibigyan ng kahit anong tulong medikal.

    myanmar clinic

    Nagsisiksikan ang mga tao sa waiting room ng mobile clinic ng Doctors Without Borders sa Aung Mingalar Quarter, Sittwe Township. Ito ang pangalawang mobile clinic na pinatakbo ng Doctors Without Borders mula noong Nobyembre 2023 nang muling pumutok ang alitan sa Rakhine. Sa Aung Mingalar, napuno agad ang waiting room ng daan-daang pasyente. Dose-dosena ng mga kababaihang Rohingya at Rakhine ang naghintay para sa kanilang konsultasyon sa maternity ward. Dito’y makikita ang mga pangangailangang medikal na hindi natutugunan.

    Ang mga alitan at pagdurusa sa Myanmar ay hindi bagong kaganapan. Mula noong inagaw ng militar ang kapangyarihan noong Pebrero 2021, ang bansa ay kinakitaan na ng kawalan ng katatagan. Noong 2023, mahigit 6,000 na sibilyan ang napatay, at mahigit 1,000 na pasilidad medikal ang sinalakay. Sa estado ng Rakhine, ang mga Rohingya, isang grupo ng etnikong minorya na nalantad sa nakapuntiryang karahasan sa loob ng ilang dekada, ay walang proteksyon mula sa magkabilang panig ng digmaan. Mahigit pitong taon na mula noong may mga 700,000 na Rohingyang tumakas mula sa estado ng Rakhine at pumunta sa Cox’s Bazar sa Bangladesh. Ang daan-daang libong Rohingyang naiwan sa estado ng Rakhine ay nabubuhay sa gitna ng dumaraming napapatay o nasasaktang sibilyan at pagtindi ng karahasan.

    Umalis ako sa Myanmar noong Hulyo 15, pagkatapos kong makumpleto ang 15 na buwan ng aking proyekto. Ngayon ay isang taon na mula noong kami’y masayang nagtawanan sa bahay ni Htwe sa kampo ng mga IDP. Ngayon, habang isinusulat ko ito mula sa aking tahanan sa Korea, wala pa rin akong nalalaman ukol sa kinahinatnan ng marami sa mga pasyenteng gaya ni Htwe, pati na rin ng mga kasamahan ko sa Doctors Without Borders na nakilala ko roon. Wala rin akong impormasyon ukol sa karamihan sa aking mga nakatrabaho at sa kanilang mga pamilya, na tumakas din mula sa karahasan. Hindi ko alam kung sila’y ligtas, may sakit, o kung may access sila sa pagkain at tubig.

    Sa huling pakikipag-usap ko sa telepono noong Marso sa isa kong kasamahan sa trabaho, sabi niya,"Hindi ako sigurado kung buhay pa ako sa susunod na oras." Ito’y nakabibigat sa aking kalooban. Iniisip ko kung magkakaroon pa ba ako ng pagkakataong makita muli ang aking mga kasamahan sa trabaho at mga pasyenteng nakilala ko sa Myanmar at marinig ang mga kuwento ng kanilang mga paghihirap at pagkabuhay. Umaasa akong balang araw, mabibigyan din ng humanitarian aid ang napakaraming pasyenteng nabubuhay sa Myanmar nang may pangamba.

    Tae-Eun Kim
    Humanitarian Affairs Manager MSF Myanmar