Skip to main content

    Bangladesh: Nasasaksihan ng Doctors Without Borders ang pagtaas ng bilang ng mga dumadating na mga Rohingyang sugatan mula sa Myanmar

    border violence

    Sa Kutupalong Hospital, naghahanda ang team na tumulong sa mga pasyenteng nasugatan sa karahasan sa mga lugar sa pagitan ng Myanmar at Bangladesh. ©Jan Bohm/MSF

    Sa loob ng apat na araw bago mag-Agosto 7, 39 na tao ang ginamot ng mga team ng Doctors Without Borders sa Cox’s Bazar, Bangladesh para sa mga pinsalang dulot ng karahasan. Mahigit 40% sa mga nasaktan ay mga kababaihan at mga bata. Marami ang nagtamo ng mga pinsala mula sa pagsabog ng mga mortar shell at sa mga tama ng baril. Pinakamarami ang ginamot ng mga team ng Doctors Without Borders noong Agosto 6—21 na sugatan. Ayon sa staff ng Doctors Without Borders sa klinika, ito ang ka-una unahang pagkakataon sa loob ng isang taon na nakasaksi sila ng ganito karaming malubha ang tinamong pinsala.

    “Sa pagtaas ng bilang ng mga sugatang pasyenteng Rohingya na tumatawid mula sa Myanmar nitong mga nakaraang araw, at sa klase ng mga pinsalang ginagamot ng aming mga team, lubos na nag-aalala kami sa epekto ng alitan sa Myanmar sa mga Rohingya,” sabi ni Orla Murphy, ang country representative ng Doctors Without Borders sa Bangladesh. “Malinaw na ang ligtas na mga lugar para sa mga sibilyan sa Myanmar ay nababawasan araw-araw. Ang mga tao’y nadadamay sa mga nangyayaring labanan at napipilitan silang sumuong sa mapanganib na paglalakbay patungo sa Bangladesh upang makahanap ng kaligtasan.”

    Inilarawan ng mga pasyente sa mga staff ng Doctors Without Borders ang desperadong sitwasyon sa Rakhine. May ilang nag-ulat na nasaksihan nila ang pagbomba sa mga tao habang naghahanap ang mga ito ng mga bangkang magtatawid sa kanila sa ilog patungo sa Bangladesh nang kanilang matakasan ang karahasan. Inilarawan naman ng iba ang daan-daang bangkay na nakita nila sa mga tabing-ilog. Maraming mga pasyente ang nagkuwento na nagkahiwa-hiwalay ang kanilang mga pamilya sa  paghahanap ng ligtas na mapupuntahan, at kung paanong nasaksihan nila ang pagkamatay ng kanilang mga mahal sa buhay sanhi ng karahasan. Marami ang nangangambang hindi makakaligtas nang buhay ang mga kamag-anak nilang naiwan sa Myanmar. 

    Mula pa noong Oktubre 2023 ay lumalala na ang alitan sa Rakhine, na nagiging sanhi ng pagdurusa ng mga Rohingya at pagiging paralisado ng sistema para sa pangangalagang pangkalusugan. “Ayon sa aming mga pasyente, napakahirap makakuha ng serbisyo mula sa mga pasilidad medikal sa Myanmar dahil sa lubhang mapanganib na sitwasyon doon,” sabi ni Murphy.

    Naapektuhan din ng mga labanan ang pagpapatakbo ng Doctors Without Borders ng mga gawaing medikal. Noong Hunyo, napilitan ang Doctors Without Borders na suspindihin ang mga serbisyong ibinibigay nito sa Northern Rakhine dahil sa karahasan. Napagkaitan ang mga tao ng mahalagang pangangalagang medikal at lalong lumala ang krisis na humanitarian.

    Nananawagan ang Doctors Without Borders para sa agarang proteksyon ng mga sibilyang nadadamay sa alitan. “Hindi dapat idinadamay ang mga tao sa mga walang pinipiling pagsalakay. Dapat ay pinahihintulutan silang pumunta sa mga mas ligtas na lugar, at ang mga nangangailangan ng pangangalagang medikal  ay dapat mayroong walang hadlang at pananatiliing access sa mga pasilidad medikal,” sabi ni Murphy.

    Categories