Ang krisis ng mga Rohingya refugee
Sa Myanmar, Bangladesh, at Malaysia, nakikita namin ang isang marupok at desperadong kasalukuyan at isang alanganin at malungkot na hinaharap para sa mga komunidad ng Rohingya.
Pinakahuling balita
Sa Myanmar, 18.6 milyong tao ang nagpapakahirap upang makamtan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan—kabilang rito ang access sa pangangalagang medikal. Dahil sa pagtindi ng digmaang sibil, milyon-milyon ang napilitang lumikas.
Mahigit 30 na taon nang nagtatrabaho ang Doctors Without Borders sa Myanmar. Ngunit kakaiba ang mga hamon ngayon, habang hindi na mapuntahan ang conflict zones, and pinupuntirya ang mga pasilidad medical. Kailangan kumilos ng ang pandaigdigang komunidad, para patuloy na makapaghatid ang organisasyong humanitarian, tulad ng Doctors Without Borders, ng makasagip-buhay na pangangalaga sa mga taong nangangailangan.
Ang pagdurusa ng Myanmar ay hindi dapat isawalang-bahala.
Related articles
Myanmar: Nahaharap sa malalaking hadlang ang mga team ng Doctors Without Borders sa pagbibigay ng pangangalagang medikal para sa mga komunidad sa estado ng Rakhine
Bangladesh: Ang kakulangan ng pangangalaga para sa mga mayroong hepatitis C at ang nakababahalang pagdami ng mga kaso nito sa mga refugee camp ng mga Rohingya
Ang mga pangmatagalang solusyon--mga solusyon na papasa sa pagsubok ng panahon--ay kinakailangan para sa mga Rohingya. Hindi maaaring patuloy silang isawalang-bahala at kalimutan, na para bang tau-tauhan lang sila sa isang larong politikal.
Noong 1948, nakuha ng Myanmar ang kanilang kasarinlan mula sa mga mananakop na British. Dito nagsimula ang isang panahon kung kailan naranasan ng mga Rohingya ang makatanggap ng mga karapatang tulad ng natatanggap ng iba sa kalilikha lamang na nasyon. Ngunit nagbago ang lahat noong 1982, nang sa halos isang iglap, tinanggalan ang mga Rohingya ng pagkamamamayan nila, at sila’y nawalan ng estado.
Ang biglaang pagbabagong ito ay simula lamang ng ilang dekada ng pang-uusig at pang-aabuso, kung saan ipinagkait sa mga Rohingya ang kanilang mga pangunahing karapatan at pagkamamamayan sa Myanmar. Lumala ang sitwasyon noong Agosto 2017. 6,700 na Rohingya ang napatay at mahigit 600,000 ang napilitang tumakas mula sa Myanmar dahil sa karahasan. Ang mga naiwan ay kinailangang humarap sa mahirap na pamumuhay sa mga kampo sa estado ng Rakhine, sapagkat ang kanilang mga tahanan ay winasak.
Ang mga lumikas naman ay dumanas ng mga mapanganib na paglalakbay sa lupa at sa karagatan sa kanilang paghahanap ng bagong matitirhan. Sila’y nakarating sa mga bansang tulad ng Bangladesh, Malaysia, Cambodia, Thailand, at India.
Sa tinatayang 2 milyong Rohingya sa Timog Silangang Asya, mahigit kalahati ang nakatira sa mga binakurang kampo sa Cox's Bazar, Bangladesh—ang pinakamalaking displacement camp sa mundo—habang 600,000 naman ang nagtitiis sa mga mahihigpit na kondisyon ng pamumuhay sa estado ng Rakhine. Sa kanilang kaawa-awang pamumuhay, limitado ang kanilang mga oportunidad para sa edukasyon, hanapbuhay, o pagsulong, at maraming paghihigpit sa kanilang pagkilos kung kaya’t hindi sila puwedeng lumabas sa kanilang mga tinitirhang barangay sa kampo. Ang mga nakatira sa ibang bahagi ng mundo ay nasa laylayan ng lipunan, at limitado rin ang kanilang mga oportunidad na makapagtrabaho o makapag-aral. Lagi silang sinusundan ng takot na maaresto.
Isa sa bawat limang Rohingya lang ang naiwan sa Myanmar. Ang karamihan sa mga batang Rohingya ay ipinanganak sa labas ng kanilang sariling bayan, at wala silang alam tungkol sa kanilang pinanggalingan. Dahil sa pagkait ng kanilang pagkamamamayan, halos imposible para sa kanilang makakuha ng pasaporte, kaya’t wala silang legal na paraan upang makatawid ng mga hangganan o kumuha ng proteksyong naaayon sa batas. Ito ang dahilan kung kaya’t ang mga Rohingya ay itinuturing na isa sa mga pinakamalaking populasyon na walang estado, nakabukod mula sa mga legal na daan para sa malayang pamumuhay, at napipilitang mamuhay sa laylayan ng lipunan. Ang lahat ng ito’y lubhang nakaaapekto sa kanilang kalusugan at kapakanan.
Dahil sa kawalan ng kalayaan, hindi nila mabago ang kanilang mga buhay o mapahilom ang mga sugat mula sa ilang taon ng trauma. Ang pakikibaka ng mga Rohingya para sa kanilang mga karapatan at pagkamamamayan ay nananatiling isang makabagbag-damdaming isyu na nangangailangan ng agarang atensyon mula sa mundo.
Kailangan ng mga Rohingya ng isang kapani-paniwalang larawan ng kinabukasan. Dahil sa palagiang pamumuhay sa pansamantalang mga kondisyon, napagkakaitan sila ng buhay na may dignidad.Erik Engel, project coordinator
Ang timeline ng krisis ng mga Rohingya
Ipinasa ng pamahalaan ng Burma, na pinapatakbo ng mga militar, ang Emergency Immigration Act. Ayon sa batas, ang mga taga-Bangladesh, China, at India ay itinuturing na "foreigners" o dayuhan, at mas kaunti ang kanilang mga karapatan. Nagsimula ang mga awtoridad na kumpiskahin ang mga national registration cards ng mga Rohingya. © Willy Legrendre/MSF
Inilunsad ng Burma ang Operation Dragon King (Naga Min) upang magparehistro ang mga mamamayan at matiyak ang estado nila at ng mga taong itinuturing na dayuhan. Dito nagsimula ang pambubugbog at pananakot ng mga sundalo sa mga Rohingya.
Dahil dito, 200,000 na Rohingya ang tumakas papuntang Bangladesh, kung saan may mga itinayong refugee camp. © Bangladesh/MSF
Ang mga Rohingya sa Bangladesh ay pinabalik sa Burma. Sa mga natira sa Bangladesh, mahigit 10,000 na tao ang namatay–karamihan ay mga bata–matapos putulin ang rasyon ng kanilang pagkain. © John Vink/MAPS
Ang Burmese parliament ay nagpasa ng bagong batas na nagsasaad na nakabatay ang pagiging mamamayan sa ethnicity. Hindi saklaw ng batas na ito ang mga Rohingya at iba pang minority communities. © Bangladesh/MSF
Matapos sugpuin ang isang popular na pag-aklas, pinalitan ang pangalan ng Burma, at naging kilala ito bilang Myanmar.
Ayon sa pamahalaan, kailangang magkaroon ang lahat ng bagong identification cards, na tinatawag na Citizenship Scrutiny Cards. Ngunit ang mga Rohingya ay hindi nakatanggap nito.
Ang namumunong State Law and Order Restoration Council ay nagpadala ng karagdagang militar sa estado ng Northern Rakhine. Ayon sa mga ulat, ang mga Rohingya ay pinagtrabaho nang sapilitan, pinuwersang lumipat ng tirahan, ginahasa, pinagpapatay, at pinagdusa sa pamamagitan ng torture. Libo-libong Rohingya ang tumakas papuntang Bangladesh. © Willy Legrendre
Ang mga militar ng Myanmar ay naglunsad ng Operation Pyi Thaya, o “Malinis at Magandang Bansa,” kung kailan ang mga sundalo ay gumawa ng mga malawakang karahasan. Mga 250,000 na Rohingya ang tumakas papuntang Bangladesh.
Nagbigay ang Doctors Without Borders ng serbisyong medikal sa siyam sa 20 na refugee camps na itinayo para sa mga Rohingya sa Southwestern Bangladesh. Hindi sapat ang pagkain, inumin, at sanitasyon sa mga kampong ito. © John Vink/MAPS
Pumirma ang mga gobyerno ng Bangladesh at Myanmar ng kasunduan na pauuwiin ang mga refugee, at ang mga kampo ay isasara na sa tagsibol. Pagdating ng taglagas, nagsimula na ang forced repatriation, sa kabila ng mga pagtutol ng pandaigdigang komunidad. Lumikha ang pamahalaan ng isang special border security force, ang NaSaKa, na nanggigipit at nang-uusig ng mga Rohingya. Sa mga sumunod na taon, 150,000 na Rohingya ang pinauwi sa Myanmar, at ang mga bagong refugee ay hindi pinapasok sa Bangladesh. © MSF
Sinimulang pagkaitan ng Myanmar ng birth certificates ang mga batang Rohingya. © Liba Taylor
Isang pansamantalang registration card, o "white card," ang binigay ng pamahalaan sa bawat Rohingya. Hindi ito itinuturing na citizenship identification. © A. Hollmann
Sa 20 na kampo na itinayo sa Bangladesh noong simula ng 1990s, dalawa na lang ang natira. Ang mga kondisyon ng pamumuhay sa kampo ay nakapanlulumo. Ayon sa isang pag-aaral, 58 porsiyento ng mga bata at 53 porsiyento ng matatanda sa kampo ay chronically malnourished. © Johannes Abeling
Sampu-sampung libo ng mga Rohingya ay tumakas mula sa Myanmar sakay ng mga bangka, dahil sa mga tunggalian sa pagitan ng mga Buddhist at Muslim na komunidad sa estado ng Rakhine. © Giulio Di Sturco
Nagpapatakbo ang Doctors Without Borders ng isang pasilidad medikal sa pansamantalang kampo ng Kutupalong sa Bangladesh. Maliit na porsiyento lang ng mga Rohingyang lumilikas sa Bangladesh ang opisyal na kinikilala bilang mga refugee, at ang mga di kinikilala ay nakararanas ng panliligalig at pananamantala. © Juan Carlos Tomasi
Ang mga white card ng Rohingya, na nagsisilbing ID nila, ay idineklarang imbalido ng pamahalaan. Sa halip, kailangang kumuha ng mga Rohingya ng national verification cards, na tumutukoy sa kanila bilang mga migrante mula sa Bangladesh, kahit hindi iyon tama. Ang mga bagong card na ito ay hindi tinatanggap ng karamihan sa mga Rohingya. © Alva Simpson White
Noong ika-9 ng Oktubre, ang pagsalakay ng mga Rohingya sa border police ng estado ng Rakhine sa Myanmar ay nagningas ng mga paghihiganti laban sa komunidad ng mga Rohingya. Dahil dito, may panibagong bugso ng mga refugee na tumawid ng border, at maraming pasyente ang pumasok sa klinika ng Doctors Without Borders sa Kutupalong makeshift camp, na nagbibigay ng kumprehensibong pangangalagang medikal sa mga Rohingya refugee at sa lokal na komunidad sa Bangladesh. © Alva Simpson White
Matapos ang pagsalakay ng Rohingya militia sa ilang mga pulis at mga sundalong nakatalaga sa Myanmar noong Agosto 25, naglunsad ang state security forces ng kampanya ng kahindik-hindik na karahasan at pananakot na nakapuntirya sa komunidad ng mga Rohingya. Mahigit 700,000 na Rohingya ang pinaalis mula sa Myanmar sa loob lamang ng ilang linggo. Ang siklo ng mass displacement ay nagsimula na naman, at ito’y umabot sa laking hindi inaasahan. Nagtala ang Doctors Without Borders ng mahigit 6,700 na kamatayang dulot ng karahasan sa mga Rohingya.
Ang mga pasilidad medikal sa Bangladesh, kabilang na ang mga pinapatakbo ng Doctors Without Borders, ay agad napuspos. Noong Setyembre, nanawagan ang Doctors Without Borders ng agarang pagdagdag sa humanitarian aid para sa Rohingya na nasa Bangladesh upang makaiwas sa kalamidad ng kalusugang pampubliko. Inuudyok din ng Doctors Without Borders ang pamahalaan ng Myanmar na payagan ang mga independent humanitarian organisations na gamitin ang access papunta sa estado ng Northern Rakhine. © Madeleine Kingston/MSF
Noong Disyembre, sinimulan na ng pamahalaan ng Bangladesh ang paglipat ng ilang mga refugee sa Bhasan Char, isang silt island sa Bay of Bengal na ngayon pa lang matitirhan, marahil dahil sa liblib na lokasyon nito at kapaligirang pabago-bago ng kondisyon. © Hasnat Sohan/MSF
Nagtakda ang mga awtoridad ng Bangladesh ng mga istriktong panukala kaugnay ng lockdown dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19. Ang mga paghihigpit na ito ay lalong nakaapekto sa paglalakbay at paghahanapbuhay ng mga Rohingya. Sa gitna ng mga ganitong kondisyon, ang mga armadong grupo ay lalong lumakas sa pamamagitan ng mararahas na gawain at pangingikil. Habang patuloy na lumalala ang mga kondisyon ng pamumuhay, nagkaroon pa ng mga sunog sa kampo. Isa sa mga sunog na ito ay nangyari noong Marso sa Balukhali kung saan may 11 na taong nasaktan at natupok ang klinika ng Doctors Without Borders. Mula Hulyo naman, ang kampo ay sinalanta ng malakas na pag-ulan at pagbaha.
Maraming mga taong gumagawa ng mahihirap na desisyon tungkol sa kanilang kinabukasan. Ang iba’y nakikipagsapalaran sa delikadong paglalakbay lulan ng mga trafficking boat na tumatawid sa Bay of Bengal upang makasama sa mahigit 100,000 na Rohingyang nakatira sa Malaysia. Ang mga bangkang ito ay kadalasang hinuhuli ng mga awtoridad ng Malaysia, ngunit kapag bumalik naman sila sa Bangladesh, hinaharangan din sila ng mga awtoridad doon. Naiiwan silang palutang-lutang sa dagat sa loob ng ilang linggo, o kaya’y ilang buwan.
Ang mga miserableng kondisyon sa kampo at ang kawalan ng maasahan para sa kinabukasan ay nagpapaningas sa krisis ng kalusugang pangkaisipan ng mga Rohingyang nakatira rito. © Pau Miranda
Limang taon matapos ang pinakamalaking kampanya ng karahasan na nakapuntirya sa mga Rohingya sa Myanmar, halos isang milyong tao na ang nakatira sa mga pansamantalang masisilungan na gawa sa kawayan at plastik sa Cox's Bazar. Umaasa lang sila sa tulong, at wala silang makitang mas epektibong solusyon para sa kanilang mga suliranin. © Saikat Mojumder/MSF
- Sino ang mga Rohingya?
Ang mga Rohingya ay ang mga taong mula sa estado ng Rakhine sa Myanmar, na nasa may hangganan ng Bangladesh sa hilaga. Bagama’t karamihan sa kanila ay mga Muslim, ilang siglo na silang nakatira sa bansa kung saan ang karamihan sa mga tao ay Buddhist. Ito’y sinalungat ng mga awtoridad ng Myanmar, na nagdeklarang ang mga Rohingya ay mga ilegal na migrante mula sa Bangladesh.
Bago ang military crackdown noong Agosto 2017, may mga 1.1 milyong Rohingya nang nakatira sa bansa.
Si Anwar Arafat, isang 15 taong gulang na Rohingyang nakatira sa Jamtoli Refugee Camp ay may mensahe para sa mga kabataan: "May gusto akong sabihin sa mga kabataang tulad ko sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Gamitin n’yo ang oportunidad na mayroon kayo, at subukan ninyong matutuhan ang lahat ng makakaya n’yo. Ako at ang aking mga kapwa Rohingya ay walang ganyang oportunidad." Bangladesh, 2022 © Saikat Mojumder/MSF
Nakapuntiryang karahasan
Daan-daang libong Rohingya ang tumakas matapos pag-ibayuhin ng pamahalaan ng Myanmar ang pagkilos ng militar laban sa kanila, bilang ganti sa mga pagsalakay na inako ng Arakan Rohingya Salvation Army noong 2017.
Naglakbay ang mga Rohingya papunta sa Cox's Bazar. May mga naglakad, may mga sumakay sa mga bangka, at may mga lumusong sa ilog sa pagitan ng Bangladesh at Myanmar.
Ayon sa United Nations noong 2013, ang mga Rohingya ay isa sa mga pinakainuusig na minority group sa buong mundo.
Ayon sa mga survey ng Doctors Without Borders, hindi bababa sa 6,700 Rohingya ang namatay mula ika-25 ng Agosto hanggang ika-24 ng Setyembre 2017. Sa konserbatibong pagpapalagay, hindi bababa sa 6,500 ang pinatay, kasama ang 730 na mga batang wala pang limang taong gulang. Kinukumpirma nito ang mga ulat mula sa mga pandaigdigang news organisations tungkol sa karahasan sa mga Rohingya na patuloy namang pinabubulaanan ng pamahalaan ng Myanmar.
- Bakit itinuturing na walang estado ang mga Rohingya?
Ang mga Rohingya ay itinuturing na mga dayuhan sa Myanmar, pagkatapos ng pagdeklara ng Citizenship Law noong 1982. Hindi sila kinikilala ng batas bilang isa sa mga "national race."
Bagama’t ang pamahalaan ng Myanmar ay nag-aalok ng pagkakataong maituring na mamamayan sa pamamagitan ng "verification" exercise, nag-aatubili ang mga Rohingya na tanggapin ang National Verification Card (NVC1). Kahit hawak nila ito’y hindi pa rin sila malayang nakakapaglakbay sa estado ng Rakhine o kahit sa ibang bahagi ng bansa, at limitado ang kanilang access sa mga pangunahing serbisyo dahil sa mga checkpoint, mga bureaucratic barrier, at iba pang pagpapakita ng diskriminasyon.
“Hindi kami mga walang estado. Galing kaming Myanmar. Ang mga ninuno namin ay galing Myanmar.” – Abu Ahmad, 52 taong gulang, tumakas papunta sa Bangladesh upang makakuha ng lunas para sa kanyang anak na paralisado. Bangladesh, 2018 ©Ikram N'gadi/MSF
- Ano ang kasalukuyang sitwasyon ng mga Rohingya?
Sa Bangladesh
"Mahirap ang buhay sa kampo; maliit ang espasyo, at walang lugar para makapaglaro ang mga bata.” – Abu Siddik
Limang taon na mula noong pumunta ang mahigit 770,000 na Rohingya sa Cox’s Bazar. Dumagdag sila sa mahigit 250,000 na Rohingya na tumakas din dati mula sa karahasan. Ngayon, halos isang milyong tao na ang nakatira sa 25-kilometre zone sa timog ng siyudad ng Cox’s Bazar.
Malugod naman ang pagtanggap ng Bangladesh sa mga Rohingya refugee na tumakas mula sa karahasan sa Myanmar, at inako pa nila ang malaking bahagi ng gastusin upang mabigyan ang mga refugee ng masisilungan at ng pagkain noong nagsimula silang dumating noong 2017. Sa tulong ng pamahalaan ng Bangladesh at ng iba pang mga tumutugon sa mga Rohingya na nasa Cox’s Bazar, ilang NGOs ang nagtrabaho sa mga kampo upang mabigyan ang mga tao ng kanilang mga pangunahing pangangailangan: food staples (tulad ng bigas at mantika), gas na pangluto, water and sanitation services, edukasyon (hanggang mababang paaralan lang), at pangunahing serbisyo para sa pangangalagang pangkalusugan. Iyon nga lang, hindi sapat ang mga serbisyong ito upang mapunan ang mga pangangailangan ng halos isang milyong refugees na nasa mga kampo.
Para sa mga awtoridad ng Bangladesh at sa host community, hindi sapat ang ginagawa ng pandaigdigang komunidad upang makahanap ng solusyon para sa krisis na ito. Idinidiin ng mga awtoridad na dapat isagawa na ang repatriation ng mga refugee sa lalong madaling panahon, at dapat ituring na pansamantala lang ang ginagawang pagtugon ng Bangladesh. Ito’y makikita sa pagkakagawa ng mga refugee shelter sa mga kampo pati na rin ng mga pasilidad ng mga NGO na kumikilos doon. Ang lahat ng mga establisiyemento sa loob ng kampo ay maaari lamang gumamit ng mga materyales na karaniwang para lamang sa mga pansamantalang istruktura (tulad ng kawayan at kahoy).
“Matanda na ako at malapit na akong mamatay. Makikita ko pa kaya ang aking lupang sinilangan bago ako mamatay? Hinihiling kong ang huli kong hininga ay sa Myanmar.” Ibinahagi ni Mohamed Hussein, 65 taong gulang ang kanyang hiling sa MSF.
Ang nagpapalala pa sa sitwasyon ay kailangang makipagkumpitensya ang problema ng mga Rohingya sa ibang mga krisis sa mundo para makakuha ng humanitarian attention. Sa anunsiyo ng UNOCHA, ang pondo para sa Rohingya Joint Response Plan (JRP) ay bumaba: mula sa $629 milyon noong 2020, ito’y naging $602 milyon na lang noong 2021. Pagdating ng Agosto 2022, ang pondo ay $266 milyon na lang.
Habang lumalala ang mga kondisyon ng pamumuhay sa kampo, ang mga tumatakas ay kinakailangang magbayad sa mga smuggler na magdadala sa kanila sa Malaysia, at maging sa Indonesia at Thailand.
Mula noong Disyembre 2020, bilang paraan upang mabawasan ang dami ng mga nagsisiksikan sa mga kampo, sinimulan na ng mga awtoridad ang paglipat ng ilang Rohingya sa Bhasan Char, isang 40 square kilometre na islang madalas na binabaha. Pagdating ng Hulyo 2022, mahigit 27,000 na tao na ang nailipat doon.
Sa Malaysia
Mahigit tatlumpung taon nang destinasyon ang Malaysia ng mga Rohingya refugee, na nakikipagsapalaaran sa mapanganib na paglalakbay sa Andaman Sea upang makahanap ng kaligtasan at pag-asa para sa hinaharap. Ngunit, sa Malaysia, ang buhay ng mga refugee ay isang pakikibaka para sa dignidad at pagtanggap. Ang Malaysia ay hindi pumirma sa 1951 UN Refugee Convention at sa kasunod nitong protocol. Ibig sabihin, hindi kinikilala at hindi poprotektahan ng bansang ito ang mga refugee at mga asylum seeker. Itinuturing na kriminal ang mga refugee at mga asylum-seeker sa Malaysia, at limitado ang kanilang access sa mga serbisyong pampubliko tulad ng pangangalagang pangkalusugan.
Ang card na galing sa UN High Commissioner for Refugees (UNHCR) ay nagbibigay sa mga registered refugee at mga asylum-seeker ng limitadong proteksyon, ngunit dahil wala silang legal status, lagi silang nanganganib na arestuhin o ikulong. Dagdag pa rito ang mga balakid sa pagkuha ng pangangalagang pangkalusugan, edukasyon at legal na hanapbuhay.
Maraming mga refugee, tulad ng mga Rohingya, ang nakapiit sa mga immigration detention centre ng bansa. Maski mga bata ay ikinikulong rin. Mula Agosto 2019 ay hindi na binibigyan ng access ang UNHCR sa mga detention centre. Dahil dito, hindi makapagsagawa ang UNHCR ng refugee status determination, at hindi rin nila maasikaso ang pagpapalaya ng mga nakakulong na mga asylum seeker at mga refugee.
Naobserbahan ng Doctors Without Borders ang pagsidhi ng xenophobic sentiment laban sa mga Rohingya mula noong nagsimula ang pandemyang dulot ng COVID-19 noong 2020, na nakasabay ng pagpalit ng mga namamahala sa bansa. Sa balitang maraming bagong dating na refugee, nagmatigas agad ang pamahalaan sa pamamagitan ng pagpigil sa pagdaong ng mga bangka, paghihigpit sa land at sea borders ng bansa, at pagsagawa ng mas madaming raid o pagsalakay ng mga opisyales ng immigration authorities sa mga lugar kung saan nakatira at nagtatrabaho ang mga migrante at refugee.
Noong Mayo 2022, iniulat ang pagdating ng tatlong grupo ng mga Rohingya, lulan ng mga bangka. Napag-alaman ng Doctors Without Borders na mas maraming lalaki kaysa babae sa mga dumating, gayong noong nakaraan, laging mas marami ang babae. Diumano, ang mga bagong dating ay sinampahan ng kaso at kasalukuyang nakakulong o nasa mga kamay ng mga opisyales ng immigration. Sinubukan ng Doctors Without Borders na makausap ang mga bagong dating upang mabigyan sila ng medical assistance at suporta para sa kalusugang pangkaisipan, ngunit hindi kami nagtagumpay.
Sa Myanmar
May mga 600,000 na Rohingya na nananatili sa estado ng Rakhine, at 140,000 sa kanila ay nakatira sa mga displacement site. Kabilang dito ang mga kampo kung saan napakalimitado ang kanilang kalayaang gumalaw. Ang mga nakatira naman sa mga barangay ay kinakailangang gumagastos pa para sa mga masalimuot na dokumentasyon upang makagalaw at makakuha ng limitadong access sa mga pangunahing serbisyo.
Para sa mga Rohingyang nakatira sa estado ng Rakhine, wala namang bagong naidulot ang coup ng militar sa kanilang sitwasyon – masama na ang kalagayan nila bago mag-Pebrero 1, 2021, at masama pa rin hanggang ngayon. Bagama’t ilang henerasyon na ng mga Rohingya ang tumira sa Myanmar, sa ilalim ng 1982 Myanmar Citizenship Law, hindi pa rin sila itinuturing na kabilang sa “135 official indigenous races.” Kaya naman, wala silang full citizenship o pagkamamamayan, at wala ring estado. Ang resulta nito ay ang paglabag sa kanilang mga karapatang pantao. Wala silang kalayaang maglakbay, na nakakaapekto sa kanilang access sa pangangalagang pangkalusugan, edukasyon, at hanapbuhay.
Ang mga kampo ay masisikip pa rin at napakarumi. Walang indikasyon na papayagan na ang mga taong bumalik sa kanilang mga barangay, at ang realidad para sa marami ay maaaring wala na silang mababalikang tirahan o di kaya nama’y naroon pa ang bahay, pero may iba nang nakatira.
Ang sitwasyon sa Myanmar ay hindi pa naaangkop para sa ligtas at boluntaryong repatriation o pagbabalik ng mga Rohingya mula sa Bangladesh. Maraming pamilya ang nagkawatak-watak, hindi lang ang mga pumunta sa Bangladesh kundi pati ang mga naglakbay tungo sa ibang bansa, partikular na ang Malaysia, sa kanilang paghahanap ng mas mabuting oportunidad. Ang lahat ng ito ay may seryosong epekto sa kalusugang pangkaisipan ng mga naiwan sa Myanmar.
Ang pagsunggab sa kapangyarihan ng mga militar sa likod ng pandemya ay may nakababahalang epekto sa ekonomiya ng bansa. Lubhang bumaba ang halaga ng kyat kumpara sa dolyar, kung kaya’t tumaas din ang mga presyo ng mga inaangkat. Tumaas din ang presyo ng gasolina at mga pagkain, partikular na sa estado ng Rakhine kung saan marami ang umaasa sa mga pumapasok na produkto mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa estado ng Rakhine, tumitindi ang tensyon sa pagitan ng Arakan Army at ng militar ng Myanmar. Bagama’t hindi naman direktang sangkot ang mga Rohingya sa alitan nila, maaaring madamay ang mga Rohingya sa karahasan at magdulot ng knock-on impact sa mga pagkilos ng Doctors Without Borders at sa aming access sa mga komunidad.
Ang paglala ng armadong labanan sa Rakhine ay naging sanhi ng displacement o pagkawala ng tirahan ng mga tao, ng pagiging limitado ng access sa humanitarian assistance, at ng pagsasara o pagbawas ng pasilidad pangkalusugan para sa lahat ng mga komunidad sa rehiyon. Dahil sa bagyong Mocha, naging kapansin-pansin ang mga kahinaan ng mga Rohingya at ng mga kampo ng Rakhine para sa mga displaced na tao, partikular na kapag nahahadlangan ang mga emergency response activity ng limitadong access at ng pangangailangan ng awtorisasyon upang makapaglakbay. Dahil dito, kinailangan ng mga komunidad na kayanin nang walang tulong ang mga kritikal na araw pagkatapos ng sakuna, at ito’y nakahadlang sa emergency response efforts.
Hinaharap ng Doctors Without Borders ang mga panghaharang at paninita sa mga checkpoint. Kadalasan, dahil sa mga checkpoint ng Navy sa daan papunta sa aming mga klinika sa Pauktaw, kung saan nabibinbin kami ng mga dalawang oras kada araw, kalahati na lang ng oras na nakalaan para sa klinika ang nagagamit namin. Kaya naman, bumagsak ang bilang ng mga konsultasyon ng 30% sa loob lamang ng isang linggo, at tinatantya naming may dalawang daang pasyente kada linggo na napagkakaitan ng pangangalagang pangkalusugan.
Ang iba’t ibang hamon ay kinakailangan ng kagyat na atensyon at pagtutulungan upang maibsan ang pagdurusa ng mga naapektuhan.