Ayon sa mga Doctors Without Borders survey, tinatayang hindi bababa sa 6,700 na Rohingya ang napaslang sa mga pagsalakay sa Myanmar
Nakapanlulumo ang mga kondisyon ng pamumuhay ng mga Rohingya refugee sa mga kampo sa Bangladesh. Bangladesh, 2017. © Mohammad Ghannam/MSF
Ayon sa mga survey ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) sa mga refugee settlement camp sa Bangladesh, hindi bababa sa 9,000 na Rohingya ang namatay sa estado ng Rakhine sa Myanmar sa pagitan ng ika- 25 ng Agosto at ika- 24 ng Setyembre.
Sapagkat 71.7% ng mga iniulat na kamatayan ay dahil sa karahasan,sa pinakakonserbatibong pagtatantiya, hindi bababa sa 6,700 na Rohingya ang pinaslang. Kabilang rito ang 730 o higit pa na mga batang wala pang limang taong gulang.
Nakita rin sa mga naturang survey na pinuntirya ang mga Rohingya, at ito ang pinakamalinaw na indikasyon ng malawakang karahasan na nagsimula noong ika-25 ng Agosto nang inilunsad ng mga militar, pulis at mga local militia ang kanilang ‘clearance operations’ sa Rakhine bilang pagtugon sa mga pagsalakay ng Arakan Rohingya Salvation Army. Mula noon, mahigit 647,000 na Rohingya (ayon sa Intersector Coordination Group noong ika-12 ng Disyembre) ang tumakas mula sa Myanmar papuntang Bangladesh.
"Nakipagpulong kami at nakipag-usap sa mga survivor ng karahasan sa Myanmar, na ngayo’y namamalagi sa mga siksikan at maruruming kampo sa Bangladesh. Nakabibigla ang mga nalaman namin: ang bilang ng mga taong namatayan dahil sa karahasan at ang mga kahindik-hindik na paraan kung paano sila pinaslang o sinaktan. Kasabay ng paglunsad ng 'clearance operations' ng Myanmar security forces noong huling linggo ng Agosto ay ang pagtala ng pinakamataas na bilang ng mga namatay."Dr. Sidney Wong, Medical Director
Noong simula ng Nobyembre ay nagsagawa ang Doctors Without Borders ng anim na retrospective mortality surveys sa iba’t ibang bahagi ng mga refugee settlement sa Cox’s Bazar sa Bangladesh, malapit sa hangganan ng Myanmar. Ang kabuuang populasyon ng mga lugar kung saan ginawa ang mga survey ay 608,108; 503,698 sa kanila ang tumakas mula sa Myanmar pagkatapos ng ika-25 ng Agosto.
Ang kabuuang mortality rate ng mga taong nasa mga kabahayan na kasama sa survey sa pagitan ng ika-25 ng Agosto at ika-24 ng Setyembre ay 8.0/10,000 tao kada araw. Katumbas ito ng pagkamatay ng 2.26% (sa pagitan ng 1.87% at 2.73%) ng sampled population. Kung ang pagtitimbang na ito ay gagamitin sa kabuuang populasyon na dumating mula ika-25 ng Agosto sa mga kampo na sakop ng mga survey, mahihinuha na 9,425 hanggang 13,759 na Rohingya ang namatay tatlumpu’t isang araw matapos magsimula ang karahasan. Kabilang sa mga namatay ang hindi bababa sa 1,000 bata na wala pang limang taong gulang.
Pinapakita ng mga survey na hindi bababa sa 71.7% ang namatay dahil sa karahasan, kahit ang mga batang wala pang limang taong gulang. Kabilang dito ang mga 6,700 na tao, kasama ang 730 na bata. Pamamaril ang dahilan ng pagkamatay ng 69% ng mga kamatayang kaugnay ng karahasan, kasunod nito ay ang pagkasunog habang sila’y nasa loob ng kanilang mga tahanan (9%), at mayroon ding mga namatay dahil sa pambubugbog (5%). Sa mga batang wala pang limang taong gulang, mahigit 59% ng pinatay ay iniulat na binaril, 15% ang nasunog sa kanilang mga tahanan, 7% ang namatay dahil sa pambubugbog at 2% ang namatay dahil sa pagsabog ng mga landmine.
Malamang ay kulang ang pagtatantiyang ito dahil hindi pa lahat ng mga refugee settlement sa Bangladesh ay naging bahagi ng survey, at dahil hindi rin kasama rito ang mga pamilyang hindi na nakaalis ng Myanmar. Nakarinig kami ng mga ulat ng mga pami-pamilyang ikinulong sa kanilang mga tahanan, at sinunog. Sa kasalukuyan, patuloy ang pagtakas ng mga Rohingya mula sa Myanmar patungo sa Bangladesh,at ang mga nakatawid ay nagpapahayag na sila’y nakaranas pa rin ng karahasan nitong mga nakaraang linggo. Dahil kakaunting independent aid groups lang ang nakakapasok sa distrito ng Maungdaw sa Rakhine, nangamba kami sa maaaring mangyari sa mga Rohingyang naroon.Dr. Sidney Wong, Medical Director
Kaya naman, ang pagpirma ng kasunduan para sa pagbabalik ng mga refugee sa pagitan ng mga pamahalaan ng Myanmar at Bangladesh ay hindi pa napapanahon. Hindi dapat puwersahin ang pagbabalik ng mga Rohingya at kailangan munang garantiyahan ang kanilang kaligtasan at mga karapatan bago ito gawin.
Mga epidemiology survey
-
Health Survey in Kutupalong and Balukhali Refugee Settlements, Cox’s Bazar, Bangladesh
-
Retrospective mortality, nutrition and measles vaccination coverage survey in Balukhali 2 & Tasnimarkhola camps
-
No one was left: Death and Violence Against the Rohingya in Rakhine State, Myanmar
Nagsimulang magtrabaho ang Doctors Without Borders sa Bangladesh noong 1985. Mula 2009, nagpapatakbo ang Doctors Without Borders ng pasilidad medikal at klinika malapit sa Kutupalong settlement sa distrito ng Cox’s Bazar. Kami’y nagbibigay ng kumprehensibong basic at emergency healthcare, pati na rin ng inpatient at laboratory services para sa mga Rohingya refugee at para sa lokal na komunidad. Bilang pagtugon sa pagpasok ng mga refugee sa Cox’s Bazar, dinagdagan pa ng Doctors Without Borders ang pagtulong upang saklawin na rin ang mga gawaing may kaugnayan sa supply ng tubig, sanitasyon, at mga serbisyong medikal para sa mga refugee.
Sa ibang bahagi ng Bangladesh, kumikilos ang Doctors Without Borders sa isang mahirap na komunidad sa Kamrangirchar sa Dhaka, ang kabisera ng bansa, upang mapangalagaan ang kalusugang pangkaisipan, upang makapagbigay ng reproductive healthcare, family planning at antenatal consultations, at pati na rin ng isang occupational health programme para sa mga nagtatrabaho sa pabrika.