Myanmar: Pagkatapos ng sampung taon sa mga kampo, patuloy pa ring hirap ang kalagayan ng kalusugang pangkaisipan ng mga Rohingya
Si Zaw Rina ay tumatanggap ng tulong para sa kalusugang pangkaisipan sa klinika ng Doctors Without Borders sa Ah Nauk Ywe camp. Ito ay nasa Pauktaw township ng Rakhine state. Myanmar, 15 Marso 2022. © Ben Small/MSF
Noong 2012, nang pumutok ang karahasan sa pagitan ng mga komunidad ng mga Rohingya at ng mga Rakhine, natupok ng sunog ang bahay ni Zaw Rina sa bayan ng Pauktaw. Napilitan siyang lumikas, kasama ang kanyang pamilya, patungo sa isang kampo sa Ah Nauk Ywe. Ang kampo ay matatagpuan sa isang islang mahirap puntahan, sa isang liblib na bahagi ng kanluran ng estado. Kung titingnan mo ang tila pansamantala at mahinang istrukturang kawayan na kanyang kasalukuyang tinitirhan,di mo maiisip na isang dekada na siya sa kampo.
Panay mahihinang istruktura ang nakahilera sa mga makikitid at mapuputik na daan tungo sa mga siksikang kampo kung saan nakatira ang mahigit sa limang libong tao. Hindi sapat ang dinadaluyan ng tubig, at ang naiipong tubig ay maaaring pamugaran ng mga lamok at magdulot ng sakit.Masyadong maraming tao para sa iilang palikuran, at dahil sa kakulangan ng tubig,lalo na sa panahon ng tagtuyot, ang mga pasilidad na ito ay kadalasang napakarumi. Dagdag pa rito na halos imposibleng magkaroon ang isang tao ng pribadong sandali.
Ang karahasan noong 2012 na tumupok sa tahanan ni Zaw Rina at pumatay sa daan-daang tao ay siya ring nagtaboy sa mga humigit-kumulang 140,000 na mga Rohingya at mga Kaman Muslim papunta sa mga kampong ito. Marami ang nananatili dito ngayon, kung saan nililimitahan ang kanilang kalayaang gumalaw, ipinagkakait sa kanila ang pagkakataong magkaroon ng mapagkakakitaan,edukasyon at pangangalagang pangkalusugan. Marami ang nangangahas na suungin ang mga mapanganib na paglalakbay, sa dagat man o sa lupa, tungo sa Bangladesh at Malaysia sa pag-aasam na mapabuti ang kanilang buhay.
Ang epekto sa kalusugang pangkaisipan
Para kay Zaw Rina at sa libo-libong katulad niya na nakatira sa estado ng Rakhine, ang bawat araw ay puno ng hamon—ang magkaroon ng pambili ng pagkain, ang mga agam-agam tungkol sa kaligtasan, at angg kawalan ng pag-asa. Ang pagpapatuloy ng ganitong sitwasyon ay may matinding epekto sa kalusugang pangkaisipan.
Ang stress na dulot ng ganitong pamumuhay ay nadagdagan pa nang nagtangkang magpakamatay ang 20 anyos na anak ni Zaw Rina matapos itong hingan ng kanyang asawa ng diborsiyo. Ngayon pareho silang nagpupunta sa Doctors Without Borders para sa pangangalaga ng kalusugang pangkaisipan. Myanmar, 15 Marso 2022. © Ben Small/MSF
Ang stress na dulot ng ganitong pamumuhay ay nadagdagan pa nang nagtangkang magpakamatay ang 20 anyos na anak ni Zaw Rina matapos itong hingan ng kanyang asawa ng diborsiyo.
“Madalas silang mag-away ng biyenan niya. Hinarap siya ng asawa niya at sinabihan siya ng ganito: Ayoko sa iyo, gusto ko nang makipaghiwalay. Hindi ako nagpakasal sa iyo nang dahil sa pag-ibig," kuwento ni Zaw Rina.
“Naging negatibo ang aking pag-iisip, at wala akong gaanong makitang positibo sa mundo. Sinisigawan ko ang asawa ko, ang aking mga anak. Wala akong mahanap na kasagutan sa aking sarili.”
Sa buong Myanmar, marami ang pagkukulang sa pangangalaga ng kalusugang pangkaisipan. Walang pinagkaiba ang estado ng Rakhine, kaya’t ang mga gaya ni Zaw Rina at ang kanyang anak ay walang gaanong mapupuntahan. May isang pribadong klinika sa Sittwe na nakatuon sa kalusugang pangkaisipan, pero masyado itong mahal para sa karamihan, habang ang mga serbisyong kaugnay ng psychiatry sa pampublikong ospital naman ay napakalimitado. Nakakadagdag sa hamon nila na ang siyudad ay mga sampung kilometro sa kabila ng Kaladan River mula sa mga kampo sa bayan ng Pauktaw. Dahil sa distansiya at sa mga patakarang naglilimita sa kanilang paggalaw, nahihirapan ang mga Rohingyang nasa kampo na makarating sa mga pasilidad na ito.
Sa pamamagitan ng mga klinika sa kampo, nakakapagbigay ang Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ng kinakailangang suporta para sa pangangalaga ng kalusugang pangkaisipan, kung saan maaaring komonsulta sa mga counsellor at doktor nang one-on-one, bilang isang grupo, o sa pamamagitan ng home visit. Maaaring makinabang ang sinuman, kahit ano pa man ang kanyang lahi o relihiyon, sa mga serbisyong ito mula sa aming mga pasilidad.
Nakatanggap ng counselling mula sa Doctors Without Borders si Zaw Rina at ang kanyang anak, at nakatulong ito sa kanilang pagharap sa mga sintomas ng kanilang mga karamdaman.
Pakiramdam ko noon, di ko alam kung saan ako pupunta. Hindi ko alam kung saan ako makakahingi ng tulong, hanggang nakausap ko ang [Doctors Without Borders] counsellor. Mas mabuti na ang pakiramdam ko ngayon, at malaki rin ang pagbabago sa kalusugang pangkaisipan namin ng anak ko.Zaw Rin, pasyente
Ang pagsusumikap kumita sa ghetto ng Sittwe
Bagama’t ipinanganak si Daw Than Than sa mga magulang na Buddhist sa Mandalay, nakapangasawa siya ng isang Kaman Muslim, kung kaya’t nagbago siya ng relihiyon at ngayo’y nakatira kasama ang mga Rohingya at Kaman sa Aung Mingalar, isang Muslim ghetto sa gitna ng Sittwe.
Dito nakatira ang natira sa populasyong Muslim ng Sitwe, na dati’y may bilang na umaabot sa halos kalahati ng 200,000 residente ng siyudad. Ang iba’y nagsilikas noong may naganap na karahasan noong 2012 o pinuwersang lumipat sa mga kampong tulad ng tinitirhan ni Zaw Rina. Sampung taong di pinalabas ang mga Muslim ng Sittwe sa maliit na komunidad na ito. Wala silang kalayaang gumalaw sa labas nito, at araw man o gabi’y may mga nakabantay na pulis.
Pumanaw na ang asawa ni Daw Than Than. Wala siyang mga anak o pamilyang susuporta sa kanya, kaya’t pag kaya niya, naninilbihan siya sa mga bahay-bahay sa pamamagitan ng pagluluto at paglilinis. Pero dahil wala siyang kalayaang lumabas sa komunidad, nahihirapan siyang kumita nang sapat.
Si Daw Than Than ay tumatanggap ng mga serbisyo sa pangangalaga sa kalusugang pangkaisipan sa klinika ng Doctors Without Borders sa Aung Mingalar ghetto sa downtown Sittwe, Rakhine state. Sampung taon na siyang biyuda, at ngayon ay nahirapang kumita ng ng sapat, dahil waa silang kalayaang gumalaw sa kanyang ghetto, at dahil na rin sa kalagayan ng kanyang kalusugan, na may malaking epekto sa kanyang kalusugang pangkaisipan. Myanmar, 11 Marso 2022. © Ben Small/MSF
Bagama’t lumuwag na ang mga ganitong patakaran sa Sittwe nitong nakaraang taon, hindi na siya gaanong makapagtrabaho dahil sa kanyang mahinang pangangatawan. “Nalulungkot ako dahil mag-isa lang ako sa pakikipagsapalaran sa buhay. Nalulungkot ako na walang susuporta sa akin kapag may nararamdaman ako. Wala naman akong pambayad sa pribadong ospital,” sabi niya. Dagdag niya, wala siyang sapat na pera para kumain nang tama, at nabubuhay na lang siya sa kanin at tsaa.
Tuwing Biyernes, nagbubukas ang Doctors Without Borders ng klinika sa Aung Mingalar. Ang mga nakatira sa ghetto ay pumaparito upang makatanggap ng panimulang pangangalagang pangkalusugan, suporta para sa kalusugang pangkaisipan, at pagbibigay ng lunas para sa mga di-nakakahawang sakit.
“Nahihirapan ako at nalulungkot sa buhay ko, pero kapag nakakausap ko ang mga Doctors Without Borders counsellor, gumagaan nang kaunti ang pakiramdam ko. Tuwing may iniinda akong sakit, sa katawan man o sa isipan, iniimbitahan ako ng mga Doctors Without Borderscounsellor na pumunta sa kanila. Tinutulungan nila ako sa pamamagitan ng mga exercises sa paghinga,na nakatutulong sa aking mag-relax. Kaya lang, pag nasa counselling session kami, di ko makontrol ang aking mga emosyon, at napapaiyak ako. Dinadamayan ako ng mga counsellor, at sinasabi nilang nauunawaan nila ang mga pinagdadaanan ko.Daw Than Than, pasyente
Pinapalala ng karahasan ang kalagayan ng kalusugang pangkaisipan ng mga kababaihang Rohingya
Dahil sa mga mapanghamon at nakaliligalig na kondisyong kinakaharap ng mga Rohingyang inilalagak sa mga kampong siksikan, kung saan walang gaanong oportunidad na kumita at kailangang umasa sa tulong ng mga grupong humanitarian, ang mga kababaihan ay nalalagay sa mga nakaambang panganib ng pang-aabuso, sexual harassment at domestic violence.
Si Khin Phyu Oo ay unang napadpad sa klinika ng Doctors Without Borders sa Sin Thet Maw pagkatapos niyang makaranas ng seizure. Pumasok sa kanyang isipan ang magpakamatay matapos siya bugbugin ng kanyang asawa. Ngayon nakakatanggap siya ng counselling mula sa klinika ng Doctors Without Borders sa Sin Thet Maw village, sa Pauktaw township ng Rakhine state. Myanmar, 14 Marso 2022. © Ben Small/MSF
Si Khin Phyu Oo ay unang napadpad sa klinika ng Doctors Without Borders sa Sin Thet Maw pagkatapos niyang makaranas ng seizure. Nang sabihan siya ng staff sa klinika na kinakailangang mag-ingat siya sa pagluluto dahil sa kanyang kondisyon, nagalit ang kanyang asawa dahil di niya magawa ang lahat ng gawaing-bahay, at binugbog siya nito. Hindi ito ang tanging pagkakataon na sinaktan siya ng kanyang asawa, at dahil dito’y pumapasok sa kanyang isipan ang magpakamatay. Dito siya nagsimulang bigyan ng counselling ng Doctors Without Borders, kasabay ng paggamot sa kanyang seizure.
Wala akong mapagsabihan [sa komunidad]. Walang gustong makinig sa akin. Kaya masaya ako pag pumupunta ako rito at sasabihin ko lahat ng nasa isip ko. Mas masaya na ako. Sa tingin ko, nakakabuti sa akin ang mga konsultasyon. Puwede akong magbahagi sa mga doktor dito, at inuudyukan nila ako, binibigyan nila ako ng mga mungkahi [kung paano mapapabuti ang aking pakiramdam]. Binigyan din ng mga doktor ang asawa ko ng edukasyon ukol sa kalusugang pangkaisipan.Khin Phyu Oo, pasyente
Ang paggapi sa mga ugat ng mga suliranin sa kalusugang pangkaisipan
Patuloy ang paghihirap na dulot ng mga suliranin sa kalusugang pangkaisipan habang ang mga ugat ng kanilang pagkadismaya ay di nabibigyang-linaw.
“Umaasa akong ang mga anak ko ay makakapag-aral balang araw,” sabi ni Zaw Rina.
“Gusto ko rin ng maayos na tirahan kung saan maaari akong mamuhay nang normal at masaya, tulad nang tahanan ko noon sa bayan ng Pauktaw. Noong nakatira ako sa sarili kong bahay, mas kampante ang pakiramdam ko.”
Ang Doctors Without Borders ay nagtatrabaho na sa Myanmar mula pa noong 1992, at tumutulong sa mga taong apektado ng alitan at nahihirapang makakuha ng pangangalagang pangkalusugan. Ngayon, mahigit 1,000 staff ang nagbibigay ng panimulang pangangalagang pangkalusugan, naggagamot ng HIV, hepatitis C at tuberculosis, at nagsasangguni sa mga ospital para sa mga emergency at specialised treatment sa mga estado at rehiyon ng Kachin, Rakhine, Shan, Tanintharyi at Yangon. Sa Rakhine, sinusuportahan ng mga MSF team ang mga komunidad na apektado ng mga alitan. Kabilang rito ang mga Rakhine Buddhists, Rohingya, at mga Kaman Muslim.