Nasa Bingit ang Myanmar: Isang Populasyong Desperadong Nangangailangan
Mga tirahan sa kampo ng mga Internally-Displaced Persons (IDP) sa Rathedaung, sa hilagang bahagi ng estado ng Rakhine, kung saan nakatira ang mga komunidad ng mga taong Rakhine. Oktubre 2023 © Zoe Bennell/MSF
18.6 milyong tao.
Sa Myanmar, 18.6 milyong tao ang nagpapakahirap upang makamtan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan—kabilang rito ang access sa pangangalagang medikal. Malala na ang sitwasyong humanitarian sa Myanmar, subali’t wala pa ring ginagawa ang pandaigdigang komunidad at sa iba nakatuon ang kanilang atensyon.
Sa aking mga gawaing humanitarian, nakasaksi ako ng mga krisis sa Africa at sa Middle East, na bunga ng mga alitan at malawakang paglikas. Ngunit sa pagbisita ko sa Myanmar kamakailan lang, namulat ang aking mga mata dahil sa mabilis na lumalalang krisis na humanitarian doon. Sa pagtindi ng digmaang sibil, malalaking bahagi ng bansa ang nilalamon ng kaguluhan ngayon. Isang katlo ng populasyon ang desperadong nangangailangan ng agarang humanitarian aid. Tatlong milyon ang napilitang lumikas sa kanilang paghahanap ng kaligtasan mula sa karahasan. Gaya ng sinabi ng isang mamamayan sa Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF), “Libo-libo na ang sumubok na makalikas ngunit karamihan ay namatay o nasugatan. Tuloy-tuloy pa rin ang karahasan.” Noong unang bahagi ng Agosto, ang aming mga koponan sa Bangladesh ay tumanggap ng dumaraming bilang ng mga sugatang Rohingya people, 40 porsiyento ng mga ito ay kababaihan at mga bata, na muling pinilit na tumakas sa Myanmar dahil sa karahasan.
Mahigit 30 na taon nang nagtatrabaho ang Doctors Without Borders sa Myanmar. Nagbibigay sila ng medical humanitarian assistance mula sa pangunahing pangangalagang pangkalusugan hanggang sa paggamot ng HIV, hanggang sa pangangalagang pangkaisipan. Matapos sunggabin ng hukbong militar ang kapangyarihan noong 2021, nasaksihan ng aming mga team kung paanong nakaaapekto ang mga matitinding labanan sa pampublikong kalusugan dahil sa pagbibitiw ang libo-libong mga medical professional sa kanilang mga trabaho. Dahil sa laganap na kawalan ng seguridad, pagtindi ng karahasan, at paghihigpit ng administrasyon sa paghahatid ng mga supply at sa humanitarian access, lalong naging limitado ang pangangalagang pangkalusugan sa bansa
©MSF
Sa Yangon, sinusuportahan ng Doctors Without Borders ang tanging tumatakbong ospital para sa tuberculosis (TB) sa Myanmar, kung saan halos 50% ng mga pasyenteng may drug-resistant TB sa bansa ay nakatatanggap ng pangangalaga. Kaya lang, ang mga paghihigpit sa humanitarian aid na itinalaga ng mga awtoridad ay nakaapekto sa kapasidad ng ospital. Ang ilang mga ward sa ospital ay isinara na at ang mga kagamitan ay hindi napapalitan. Inaalala rin ng Doctors Without Borders ang mga pasyenteng may TB/HIV sa Northern Shan at Kachin na ipinasa sa programa ng bansa para sa TB dahil ang anumang pagkaantala sa kanilang paggamot ay maaaring magresulta sa pagkakaroon nila ng resistance sa mga gamot o sa paglala ng kanilang kondisyon.
Sa Yangon, nakilala ko ang mga boluntaryong Doctors Without Borders mula sa etnikong komunidad ng mga Rohingya. Naglakad sila ng ilang araw upang makatakas mula sa tumitinding karahasan sa Buthidaung, sa estado ng Rakhine. Ang mga sibilyan ay nalalagay sa alanganin dahil sa mga labanan—sila’y natatamaan ng mga ligaw na bala, pinupuntirya ng mga walang habas na pagsalakay, at ang kanilang mga bahay at ari-arian ay natutupok ng mga kumakalat na sunog. Marami sa kanila ang napilitang tumakas dahil sa takot ng mga kalalakihan na sila’y gawing mga sundalo ng mga nagtutunggaliang partido.
Noong Agosto 10, 2024, ginamot ng mga Doctor Without Borders team sa Bangladesh ang 50 nasugatan sa digmaang Rohingya, kung saan 18 ang mga bata, na dumating mula sa Myanmar. Ang pagtaas ng bilang ng mga pinsalang may kaugnayan sa karahasan, kabilang ang mga sugat mula sa mortar shell at bala, ay nagpapahiwatig ng lumalalang krisis ng humanitarian sa Rakhine.
Sa mga estado ng Rakhine, Kachin, at Shan, ang pagtindi ng karahasan mula noong patapos na ang 2023 ay lubhang nakaapekto sa aming mga aktibidad medikal. Sinunog ang aming opisina at parmasya sa Buthidaung, Rakhine noong Abril—kasama ang mga makasagip-buhay na gamot. Ang pagkabigo ng isang taong ceasefire na nagsimula noong Nobyembre 2022 ay naging sanhi ng matinding pagbawas sa mga outpatient consultation ng Doctors Without Borders sa Rakhine kada buwan. Mula 6,684 noong Setyembre 2023, bumulusok ito sa 81 na lang noong Marso 2024. Inalerto na rin kami sa pagdami ng mga maternal at neonatal death mula 2023, isang indikasyon ng maraming hadlang sa pangangalagang pangkalusugan.
Ang nasunog na opisina ng Doctors Without Borders office sa Buthidaung, matapos ang lumalang karahasan na sanhi ng pagkasira ng maraming bahay at gusali. Abril 2024 © MSF
Gaya ng ibang mga organisasyong humanitarian, naging imposible rin para sa Doctors Without Borders ang pagbibigay ng mahalagang pangangalagang pangkalusugan sa mga taong nakatira sa mga lugar na kontrolado ng mga etnikong armadong grupo dahil sa paghihigpit ng mga awtoridad.
Sa estado ng Rakhine, nagpapatakbo dati ang Doctors Without Borders ng 25 na mobile clinic ngunit ang mga aktibidad namin ay nasuspindi ng walong buwan dahil sa alitan. Noong binisita ko ang Sittwe, katatanggap lang ng mga Doctors Without Borders team ng travel authorization sa isang lugar. Daan-daang pasyente, kabilang na ang mga nagdadalang tao mula sa mga komunidad ng Rohingya at Rakhine, ang dumating para magpatingin sa amin. Ang aming pagbabalik sa aktibidad na ito ay tumutugon lamang sa maliit na bahagi ng napakalaking mga pangangailangang medikal. Hindi pa rin natutugunan ang malalaking pangangailangang medikal at humanitarian sa ibang bahagi ng bansa.
Sa ngalan ng universal medical ethics at sa karapatan ng mga taong makatanggap ng tulong na humanitarian, ang Doctors Without Borders ay walang kinakampihan at walang kinikilingan. Kailangan namin ng ganap at hindi hinahadlangan na kalayaan sa pagbibigay ng lubos na kinakailangang pangangalagang medikal. Ngunit paano namin mapanghahawakan ang aming mga prinsipyo habang inaabot namin ang mga nangangailangan ng aming tulong sa Myanmar?
Ang sitwasyong humanitarian sa Myanmar ay malala na. Desperado ang pangangailangan para sa agarang pagkilos ng Japan, ASEAN, at ng ibang mga bansa upang makakuhang muli ng access ang mga organisasyong humanitarian sa mga nangangailangan. Kailangan ding protektahan ang mga sibilyan at ang mga pasilidad medikal ng lahat ng mga partidong sangkot sa alitan. Ang pagdurusa ng mga tao sa Myanmar, kung saan mahigit 18 milyong tao ang hindi makakuha ng kanilang mga pangunahing pangangailangan, pati na ng access sa pangangalagang medikal, ay hindi dapat isawalang-bahala.
Si Shinjiro Murata ang General Director ng Doctors Without Borders Japan. Mula nung sumali siya sa Doctors Without Borders nung 2005, nakapagtrabaho na siya sa Doctors Without Borders field projects sa Syria, South Sudan, at Yemen bilang Head of Mission.