Myanmar: Sinuspindi ng Doctors Without Borders ang mga gawaing medikal nito sa Northern Rakhine State
Namamahagi ang staff ng Doctors Without Borders ng gamot sa mga pasyente sa isang mobile clinic sa Northern Rakhine State.
Sa estado ng Rakhine, ang pagpapatuloy ng alitan noong Nobyembre 2023 ay naging dahilan upang tigilan ng Doctors Without Borders ang kanilang mga mobile clinic, kung saan ang aming mga team ay gumagamot ng 1,500 na pasyente kada linggo. Dahil sa mga harang sa daan at sa mga pagbabawal sa paglalakbay na resulta ng mga aktibong labanan sa mga lugar kung nasaan ang mga mobile clinic, nagiging imposible para sa mga team ng Doctors Without Borders na suportahan ang mga emergency referral para sa mga pasyenteng nasa kritikal na kondisyon.
Myanmar, Oktubre 2023. © Zoe Bennell/MSF
Dahil sa sukdulang pagtindi ng alitan at ng walang pinipiling karahasan, at ng mga mahigpit na pagbabawal sa humanitarian access sa Northern Rakhine State ng Myanmar, ang Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ay napilitang suspindihin ang mga medical humanitarian activity nito sa mga bayan ng Rathedaung, Buthidaung at Maungdaw.
Nagpatakbo ang Doctors Without Borders ng14 na mobile clinic sa Northern Rakhine kung saan sila ay nagbigay ng mga kinakailangang serbisyong medikal sa lahat ng komunidad. Kabilang rito ang mga taga-Rakhine, ang mga Rohingya at ang iba pang mga grupong minorya na kalimitang walang access sa pangangalagang pangkalusugan.
Kami ay lubhang nag-aalala para sa mga taong lubos na naapektuhan ng digmaan. Patuloy nilang tinitiis ang kanilang pagkalantad sa sinasadyang pagkitil ng mga buhay, pagwasak sa mga ari-arian, puwersadong pangangalap, pagkawala ng mga tirahan, at limitadong humanitarian access nang walang paraan upang makahanap ng kaligtasan mula sa kasalukuyang mga labanan at karahasan. Dahil hindi tiyak kung kailan namin maibabalik ang aming mga sinuspinding aktibidad, ang mga tao ay maiiwang walang access sa pangangalagang pagkalusugan kahit na napakalaki ng kanilang mga pangangailangan.
Ayon sa isang Rohingya na napilitang tumakas mula sa mga kaguluhan sa Buthidaung,“Magiging karangalan pa para sa amin kung lahat kami ay magkakasamang mamamatay dahil sa pagbobomba. Hindi na kami kailangang magdusa pa. Mas mabuti pa ang mamatay nang magkakasama kaysa maranasan ang pagdurusang ito.”
Ang mga paghihigpit sa humanitarian access
Mula noong Nobyembre 2023, hindi na nakapagpapatakbo ang mga team ng Doctors Without Borders ng mga regular na serbisyo para sa pangangalagang pangkalusugan sa mga mas malawak na lugar na sakop ng Central at Northern Rakhine. Humarap kami sa mga mahigpit na pagbabawal sa humanitarian access gaya ng mga kahirapan sa pagdadala ng pangangalaga sa aming mga pasyente at sa pagpapabilis ng mga pagsangguni sa mga township hospital, ang kawalan namin ng kakayahang maghatid ng mga medical supply at iba pang kagamitan, at ang masaksihan ang ganap na pagkawasak ng sistema para sa pangangalagang pangkalusugan.
Ang lahat ng komunidad ay walang angkop na pangunahin at sekundaryong pangangalagang pangkalusugan. Naobserbahan ng aming mga team na may mga nagdadalangtao at mga sanggol na nasa sinapupunan na namamatay dahil sa kakulangan ng pangangalagang pangkalusugan. Nagtala ang Doctors Without Borders ng siyam na maternal death o mga stillbirth sa pagitan ng Nobyembre 2023 at Marso 2024. Noong Abril 15, ang opisina at botika ng Doctors Without Borders sa Buthidaung ay sinunog, sa lugar na ito kung saan wala nang gumaganang pribado o pampublikong pasilidad pangkalusugan.
Panawagan upang makaabot ng tulong sa pinakamahihina
Bagama’t sa kasalukuyan ay hindi kami nakapagbibigay ng pangangalaga sa Northern Rakhine, naninindigan pa rin ang Doctors Without Borders na magbigay ng kinakailangang suportang humanitarian sa mga pasyente at tao roon. Hindi kami aalis sa Northern Rakhine upang mabilis kaming makapagsisimula muli ng aming mga gawain kapag bumuti na ang sitwasyon.
Nananawagan kami sa lahat ng sangkot sa alitang ito na tiyakin ang humanitarian access sa estado ng Rakhine at respetuhin ang mga pasilidad pangkalusugan at ang mga staff nito. Kinakailangang maibalik agad sa mga pinakamahihinang komunidad ang access sa pangangalagang medikal upang mapigilan ang patuloy na pagkawala ng buhay at ang pagdurusa nang walang saysay.
Basahin ang pagsasalin nito sa Burmese.