Skip to main content

    Myanmar: Opisina at parmasya ng Doctors Without Borders sa estado ng Rakhine, wasak sa gitna ng karahasan

    Myanmar destroyed

    Ang mga sunog na labi sa loob ng opisina ng Doctors Without Borders sa Buthidaung kasunod ng paglala ng hidwaan. Rakhine state, Myanmar, 15 Abril 2024. © MSF

    Ang pagsunog ng opisina at parmasya ng Doctors Without Borders ay isa na namang pagbawas sa mga makukuhang pangangalagang pangkalusugan ng mga taga-estado ng Rakhine at ang patuloy na pagkait sa kanila ng humanitarian assistance.

    Walang miyembro ng staff ang nasaktan, ngunit lahat ng medical stock at kagamitan sa opisina ay natupok. Kabilang rito ang mga gamot na pangsagip-buhay gaya ng antibiotics, na mahalaga para sa paggamot ng mga sakit tulad ng pneumonia, na ang pangunahing naaapektuhan ay mga batang wala pang limang taong gulang.

    Ang pagkatupok ng opisina ng Doctors Without Borders ay nangyari sa gitna ng lumalalang karahasan na nasaksihan sa Buthidaung mula pa noong nakaraang Biyernes. Nakarinig kami ng mga ulat na mahigit 200 na bahay ang sinunog, at nakita namin ang libo-libong taong nawalan ng tirahan na naghahanap ng mauuwian sa isang lugar na katapat lang ng aming opisina.

    Inuudyukan namin ang mga partidong sangkot sa hidwaan na igalang ang pagpoprotekta sa mga pasilidad ng panganagalagang pangkalusugan bilang kanilang obligasyon sa ilalim ng pandaigdigang batas na humanitarian. Hinihimok namin ang mga awtoridad na isaalang-alang ang kagyat na pangangailangan na bilisan ang pag-apruba ng paghatid ng mga medical supply, padaliin ang aming muling paglagay ng mga supply sa aming opisina sa Buthidaung, at pabalikin ang humanitarian access, na ngayo’y hindi pinahihintulutan sa estado mula noong Nobyembre 2023. 

    Myanmar destroyed

    Ang mga sunog na labi sa loob ng opisina ng Doctors Without Borders sa Buthidaung kasunod ng paglala ng hidwaan. Rakhine state, Myanmar, 15 Abril 2024. © MSF

    Sa loob ng halos anim na buwan, nakasaksi ang Doctors Without Borders ng walang habas na karahasan sa estado ng Rakhine, matinding paghihigpit sa humanitarian access, at ang halos buong pagkawasak ng sistema para sa pangangalagang pangkalusugan. Kami rin ay hindi na makapagsagawa ng mga medical activity sa hilaga at gitnang bahagi ng estado dahil sa kombinasyon ng karahasan sa paligid at ang pagkait sa amin ng travel authorisation ng mga awtoridad. Kailangan namin ang authorisation na ito upang makapagbukas ng 25 na mga mobile clinic na magbibigay ng kinakailangang serbisyong medikal sa mga taong nakatira sa mga rural area na kadalasa’y umaasa lamang sa mga klinikang ito para sa kanilang pangangalagang pangkalusugan.

    Malaki ang ibinaba ng bilang ng mga buwanang outpatient consultation na ibinibigay ng Doctors Without Borders sa mga tao sa Rakhine. Mula 6,684 noong Setyembre 2023, ito’y naging 81 na lang noong Marso 2024. Ang 81 na konsultasyong ito ay sa telepono na lang namin ginawa dahil wala na kaming direktang access sa mga pasyente.

    Noong simula ng Nobyembre 2023, napadali namin ang ilang mga emergency referral para sa mga pasyenteng nasa kritikal na kondisyon na nangangailangan ng access sa isang ospital para sa mas dalubhasang pangangalaga. Ngunit ito ngayo’y mas mahirap na dahil sa karahasan. May mga ulat ng mga namamatay, lalo na ng mga kababaihang manganganak, dahil hindi sila umaabot sa ospital. Ang mga team ng Doctors Without Borders ay nakapagtala ng siyam na maternal death o mga kaso ng stillbirth sa pagitan ng Nobyembre 2023 at Marso 2024.

    Sa isang kaso noong Pebrero 4, isang nagdadalang-taong Rohingya at ang kanyang sanggol ay iniulat na namatay matapos silang napilitang bumalik sa kampo ng Kyein Ni Pyin (na nasa isang isla sa Pauktaw Township) dahil hindi siya pinapasok sa Sittwe. Kailangan niyang makapasok sa Sittwe upang makapunta siya sa Sittwe General Hospital. Ang pagpapabilis ng emergency referral ay isang makasagip-buhay na serbisyo ng Doctors Without Borders na inaasahan ng mga Rohingya dahil sa mga paghihigpit sa kanilang paggalaw.

    Myanmar destroyed

    Ang mga sunog na labi sa loob ng opisina ng Doctors Without Borders sa Buthidaung kasunod ng paglala ng hidwaan. Rakhine state, Myanmar, 15 Abril 2024. © MSF

    Noong Marso, parehong tumigil ang pagtakbo ng Maungdaw Hospital at Buthidaung Hospital sa hilagang Rakhine. Sa dalawang ospital na ito nagsasangguni ang Doctors Without Borders ng mga pasyente sa hilagang Rakhine, at ang kanilang pagsasara ay nangangahulugang mahigit isang milyong tao ang nawalan ng mapupuntahan para sa mga emergency o advanced healthcare, gaya ng mga serbisyo para sa mga kumplikadong pagbubuntis. Ang sapilitang pagsasara, ang pagpuntirya sa mga pasilidad pangkalusugan, at ang paghaharang sa access ng mga tao sa mga pasilidad pangkalusugan, ay hindi katanggap-tanggap. Apektado ang lahat ng komunidad sa Rakhine ng ilang taon ng mga armadong hidwaan, ang mga kaugnay nitong hamon sa pamumuhay at ekonomiya, at ng mga paghihigpit sa paggalaw. Kami ay lubhang nag-aalala para sa mga Rohingya, na dahil sa kanilang kawalan ng legal na estado at dahil sa mga paghihigpit sa kanilang paggalaw, ay nahaharap sa mga imposibleng mapagpipilian para sa kanilang kinabukasan.

    Ang artikulong ito ay mababasa rin sa wikang Burmese. I-click upang mabasa.

    Categories