Si Mohd Ayas kasama ang kanyang pamilya sa Calgary, Alberta, Canada. © Private
Si Ayas ay nagsilbi bilang health educator habang si Sandar nama’y nakapagtrabaho sa health education, office administration, at sa finance. Nagulo ang buhay nila noong nagsimula ang mga marahas na labanan noong Hunyo 2012. Daan-daang tao ang napatay, habang libo-libong pamilya ng mga Rohingya naman ang napilitang tumakas mula sa kanilang mga tirahan. Napilitan ang Doctors Without Borders na suspindihin ang karamihan sa mga medikal na aktibidad nito sa estado ng Rakhine.
Ang Doctors Without Borders ang pinakamalaking organisasyong nagbibigay ng pangangalagang medikal sa mga Rohingya noon. Nang napilitang magsara ang mga klinika ng Doctors Without Borders, marami sa kanila ang walang mapagkunan ng pangangalagang pangkalusugan. Wala ring makuhang gamot ang mga pasyenteng may TB at HIV. Ang mga ospital na pag-aari ng pamahalaan ay di tumatanggap ng mga pasyenteng Rohingya.Ayas, isang Rohingya na volunteer
Nang nagsimula ang mga labanan, ang dati nang mapanghamong buhay ng mag-asawa at ng kanilang tatlong anak na babae ay lalong naging mahirap. Ilang buwan silang walang natanggap na balita tungkol sa kanilang mga kamag-anak na nakatira sa ibang bayan. Pagsapit ng gabi, pangkaraniwan na ang pag-aresto sa mga Rohingya ng mga sundalo at mga pulis.
The family spent most nights in the facilities of Doctors Without Borders and another NGO Ayas had volunteered for, hoping it would be safer. When Ayas learned that his name was on a police blacklist because of his volunteer work with NGOs and that he could be arrested at any time, he knew he had to leave Myanmar.
Kaya naman madalas, nagpapalipas ng gabi ang buong pamilya sa mga pasilidad ng Doctors Without Borders at ng isa pang NGO kung saan naging boluntaryo rin si Ayas, sa pagpapalagay na mas ligtas sila roon. Ngunit nang malaman ni Ayas na nasa blacklist siya ng mga pulis dahil sa pagboboluntaryo niya sa mga NGO at anumang oras ay maaari siyang arestuhin, napagtanto niyang kailangan na niyang lisanin ang Myanmar.
“Nakaramdam ako ng matinding pagkalungkot at pagkabalisa. Nagpasya akong tumakas papuntang Bangladesh, at inisip kong babalik na lang ako kapag bumuti-buti na ang sitwasyon,” sabi niya. Pagkalipas ng limang buwan, nakita ng mag-asawa na walang pagbabago sa sitwasyon sa Myanmar kaya’t nagdesisyon silang ilikas ang buong pamilya sa Malaysia. Mauuna roon si Ayas, at di magtatagal ay susunod ang asawa niya at mga anak.
Pagkalipas ng ilang buwan, nakapagsimulang muli ang Doctors Without Borders ng ilang mga gawaing medikal sa Rakhine, ngunit nanatiling mapanganib ang sitwasyon para sa mga Rohingyang nagboboluntaryo para sa mga dayuhang NGO.
Isang mapanganib na paglalakbay papuntang Malaysia
Noong Nobyembre 2013, nagpasya si Sandar na sumunod na sa kanyang asawa sa Malaysia. Kasama ang kanilang tatlong napakabata pang mga anak na babae – siyam na buwan, apat na taon, at labing-isang taon pa lang sila noon – sumakay siya sa isang bangka kung saan nakipagsiksikan sila sa mahigit sa 2000 na mga refugee na Rohingya. Nakapanghihina ang paglalakbay. Labintatlong araw ang biyahe mula sa Myanmar papuntang Malaysia, at isang beses lang silang tumigil nang saglit sa Thailand.
“Hindi nila kami binigyan ng tubig o pagkain. Dehydrated na ang mga tao. Ang mga bata’y hindi na tumitigil sa pag-iyak. Walang lampin ang mga sanggol. Napakainit. Walang makatulog. At dahil walang palikuran, ang mga tao’y dumudumi sa sahig na amin ding hinihigaan,” kuwento ni Sandar.
Pagdating ni Sandar at ng kanyang mga anak sa Malaysia, lahat sila ay may trauma dahil sa pinagdaanan nila sa biyahe. Kailangan silang ipaospital upang gamutin ang kanilang mga sakit sa balat, sunburn, at dehydration.
Buhay sa Malaysia
Nang muli na nilang nakasama si Ayas, ang pamilya’y tumira sa Kuala Lumpur, ang kabisera ng Malaysia. Ngunit dahil sa kawalan ng mga legal na dokumento noong hindi pa sila kinikilala ng UNHCR bilang mga refugee, pakiramdam nila’y di pa rin sila ligtas. “Takot pa rin kaming maaresto. Ang ipinagkaiba rito sa Myanmar, dito, alam naming di nila kami papatayin,” sabi ni Ayas.
Noong 2015, nalaman nilang may ilulunsad ang Doctors Without Borders na mga proyekto sa Penang upang suportahan ang mga refugee na Rohingya. Unang ilulunsad ang mga mobile clinic, at pagkatapos noon ay ang pagpapatupad naman ng referral system, at ang pagbubukas ng isang klinika. Nagdesisyon sina Ayas at Sandar na ilipat ang buong pamilya sa isla ng Penang. Doo’y naging bahagi sila ng team ng Doctors Without Borders bilang mga facilitator na namamagitan sa mga pasyenteng Rohingya at sa mga ospital.
Galing sa iba’t ibang bahagi ng Malaysia, maraming mga Rohingya— lalo na ang mga nagdadalang-tao— ang pumupunta sa Penang upang makakuha ng suportang medikal mula sa Doctors Without Borders. Abalang-abala na ang mga nagtatrabaho sa klinika ng Doctors Without Borders, pati na sa paggamot ng mga pasyenteng mula sa ibang mga komunidad.Ayas, isang Rohingya na volunteer
Maraming mga naging hamon ang buhay nina Sandar sa Malaysia. Nadagdagan pa ang mga anak nila ng dalawa. Ang isa sa kanila ay lalaki na ipinanganak sa Kuala Lumpur nang may kondisyon na kinakailangang operahan. “Noong una, ayaw ng ospital na operahan ang aming anak dahil mga refugee kami, at iniisip nilang mamamatay rin naman siya. Kinailangan naming magbigay ng napakalaking halaga upang gawin nila ang operasyon,” sabi ni Sandar.
Malaking bahagi ng allowance ng mag-asawa ang napupunta sa upa sa bahay, pagpapagamot sa kanilang anak na lalaki, at sa pambayad sa pribadong paaralan na pinapasukan ng mga nakatatanda nilang anak dahil hindi tumatanggap ang mga pampublikong paaralan ng Malaysia ng mga refugee na bata. Dahil sa mga paghihirap na ito, gustong-gusto na nilang makahanap ng malilipatan. Sa kalaunan ay tinulungan sila ng UNHCR na makalipat sa Canada.
Paglipat sa Canada
Sa pagtatapos ng 2019, lumipat ang pamilya sa Calgary, at ngayo’y nakatira na sila sa Edmonton. Kumukuha sina Sandar at Ayas ng mga kurso para sa professional development, nagtatrabaho nang part-time, at nagboboluntaryo upang suportahan ang ibang mga dating refugee na nasa Canada na rin ngayon.
Dahil sa pagkakait sa mga Rohingya ng kanilang pagkamamamayan sa Myanmar, halos buong buhay na walang estado sina Sandar. Ngayong sila’y mga mamamayan na ng Canada, sila’y malayang nakakakilos sa kauna-unahang pagkakataon sa kanilang mga buhay.
Mohd Ayas at ang kanyang pamilya, sa Calgary, Alberta, Canada.
Nabisita ni Sandar ang kanyang ina at ang iba pa nilang kamag-anak sa Yangon, ang kabisera ng Myanmar, noong simula ng taong ito. Doon sila nagsilikas matapos silang tumakas mula sa Rakhine. Iyon ang unang pagkikita ng mag-ina pagkatapos ng mahigit sa isang dekada. “Nakaranas ang ina ko at ang iba naming mga kamag-anak ng matinding kalungkutan at pagkabalisa. Ang ama ko naman ay namatay dahil sa shock matapos ang pinakahuling paglaganap ng karahasan sa Rakhine noong 2017.”
Ang panganay nilang anak na babae, ang tanging anak nilang nakaaalala pa ang traumatikong biyahe nila papuntang Malaysia, ay nasa kolehiyo na at kumukuha ng kursong kinesioliogy. “Gusto niyang pumasok ng medical school,” pagmamalaki ni Ayas. “Gusto raw niyang magtrabaho para sa Doctors Without Borders sa Myanmar o Malaysia balang araw."