Pamumuhay sa Myanmar: "Ang araw kung kailan nawala sa amin ang lahat"
Si U Myint Khaing ay ginagamot para sa sakit na tuberculosis (TB) sa Myanmar. Marso 2023 © MSF
Mula noong inagaw ng militar ang kapangyarihang mamuno noong 2021, kinailangang harapin ng Myanmar ang walang patid na mga hamon. Ang mga labanan sa pagitan ng militar, mga armadong grupo at mga etnikong minorya ay sumabog sa iba’t ibang bahagi ng bansa at nagkaroon ito ng mga malalang kinahihinatnan.
Ang seryeng ito ay tungkol sa buhay ng mga taong naapektuhan ng alitan sa Myanmar, na titingnan natin sa pamamagitan ng mga lente ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF). Sa unang bahagi ng seryeng ito, kinausap ng Doctors Without Borders staff ng isang ospital sa pinakamalaking siyudad ng Myanmar, ang Yangon si Shinjiro Murata, ang general director ng Doctors Without Borders sa Japan. Pinag-usapan nila ang tungkol sa mga kumplikadong hamon ng paghahatid ng pangangalagang pangkalusugan sa mga tao sa Myanmar.
Ang tanging gumaganang ospital para sa TB sa Myanmar
“Bago inagaw ng militar ang kapangyarihang mamuno noong 2021, may limang laboratoryo para sa tuberculosis o TB,” sabi ng isang miyembro ng staff ng Doctors Without Borders sa Aung San TB Hospital sa Yangon. “Ngayon, isang laboratoryo na lang ang gumagana.” Ang ospital na ito, na may 90 na kama, ay ang tanging malaking pasilidad sa Myanmar na nagagamit pa upang magamot ang mga pasyenteng may TB, partikular na ang mga multidrug na anyo ng sakit, na hindi tinatablan ng karaniwang paggamot. Mga siyam sa bawat sampung pasyente sa ospital ang may multidrug-resistant TB (MDR-TB). Bagama’t ang ospital ay mayroong laboratoryong may kapasidad para sa advanced diagnostics, ito ay halos hindi na magamit sa kasalukuyan. Ang ilang mga hospital ward ay isinara na at ang mga sirang kagamitan ay hindi na pinalitan. Ang mga ward at mga silid para sa konsultasyon na dati ay punong-puno ng mga aktibidad ay wala nang laman ngayon, at nakakikilabot ang katahimikan dito.
Kausap ni Shinjiro Murata, general director ng Doctors Without Border Japan, ang staff sa Aung San TB hospital © MSF
May mga 40 na staff ng Doctors Without Borders, kasama ang limang laboratory technician, na nagtatrabaho sa ospital na ito at sa National TB Reference Laboratory. Ang staff ng Doctors Without Borders ay nagbibigay ng mga serbisyong medikal para sa mga pasyenteng may TB at sinusuportahan ang pambansang programa para sa tuberculosis ng Ministry of Health. Ang Doctors Without Borders ay nagsasagawa rin ng mga aktibidad para sa pagtataguyod ng kalusugan nang nakatuon sa kalinisan at sa pagpigil ng mga impeksyon.
“Mayroon kaming mga 70 na inpatient, at ito’y hindi isang malaking bilang,” sabi ng isang doktor ng Doctors Without Borders. “Tanging ang mga malala at kumplikadong kaso ang nagpapatingin dito sa ospital.” Maraming taong may TB ang hindi nagpapagamot hanggang lumala na ang kanilang sakit. Ito ay dahil sa mga naantalang diagnosis, na dinagdagan pa ng kakulangan ng edukasyon ukol sa pangangailangan ng maagang konsultasyon, pati na rin ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at ng pagkawala ng seguridad, na kapwa nakasasagabal sa pagkuha ng mga tao ng pangangalagang pangkalusugan
Isang pasyente na ginagamot para sa sakit na drug-resistant TB (DR-TB) sa Aung San TB hospital, Marso 2023 © MSF
Ang access sa pangangalagang medikal ay nahahadlangan ng pagkawala ng seguridad
Mula noong inagaw ng militar ang kapangyarihang mamuno, ang pangangalagang medikal ay naging mahirap nang makuha sa Myanmar. Maraming mga healthcare worker ang nagbitiw bilang pagpoprotesta, at sila’y sumali sa Civil Disobedience Movement (CDM) laban sa mga awtoridad na militar. Sa Yangon, ang mga paghihigpit sa pagkilos ng mga tao at ang unti-unting pagkawala ng seguridad dahil sa mga labanan sa pagitan ng iba’t ibang grupo ay lalong nakapagpabigat sa dati nang marupok na sistema ng pangangalagang pangkalusugan, at nalilimitahan ang mga serbisyong medikal na maaaring makuha.
Ang mga curfew na ipinatutupad sa buong siyudad ay nakapipigil sa mga taong lumalala ang kondisyon kapag gabi na, na lumabas papuntang ospital. May mga ulat ng mga taong namamatay sa hika dahil hindi sila makakuha ng emergency care.
“Akala ng maraming tao, ligtas ang Yangon, ngunit nagkaroon na rin ng mga pagsalakay rito,” sabi ng isang staff ng Doctors Without Borders. “Mas mabuti-buti lang ang sitwasyon dito kaysa ibang rehiyon.”
Pakiramdam ng kawalan ng pag-asa
Maraming mga tao ang nagsabing nakadama sila ng kawalan ng pag-asa noong inagaw ng militar ang kapangyarihang mamuno.
“Nawalan ng Internet, ngunit nalaman ko pa rin ang nangyayari sa aming bansa sa pamamagitan ng balita sa telebisyon,” sabi ng isa. “Pakiramdam nami’y nawala ang lahat sa amin. Marami sana kaming planong gawin at maganda ang takbo ng buhay namin.”
Dahil sa pagbabago sa pamunuan, napilitan ang mga taong bitawan ang kanilang mga pangarap. Sabi nga ng isang miyembro ng staff, dati’y iniisip niyang mag-aral sa ibang bansa, ngunit ngayo’y tila imposible na ito. Ang sapilitang pagpapatala sa tungkuling militar na inanunsyo noong Pebrero ay lalong nakapagdulot ng kalungkutan sa mga tao.
Nabubuhay nang may pag-asa
Gayunpaman, maraming mga staff ng Doctors Without Borders ang nakahahanap ng pag-asa sa kanilang trabaho. Sila’y nakakakuha ng inspirasyon at pagganyak sa ginagawa ng isa’t isa upang masilbihan ang kanilang mga pasyente at mga komunidad.
“Ang pagtatrabaho sa Doctors Without Borders ay hindi lang para sa mga pasyente, sa komunidad, at sa aking pamilya, kundi para rin sa aking sarili,” sabi ng isang miyembro ng staff mula sa estado ng Rakhine sa kanlurang Myanmar. “Ngayon, nagtatrabaho ako at nakakakain araw-araw. Ngunit maraming mga tao sa Myanmar ang hindi nagagawa ang mga ito.” Ang kanyang pamilya ay hindi makaalis mula sa kanilang barangay sa Rakhine, kung saan patuloy ang matitinding labanan.
Sa gitna ng mga pagpigil at mga paghamon, patuloy ang pagtatrabaho ng mga staff nang may pag-asa para sa kinabukasan. Nang hiningan ng mensahe para sa mga tao ng Myanmar, ang sagot ng isa ay ito:
“Unahin n’yo ang kaligtasan at manatiling matatag para sa Myanmar. Naniniwala kaming balang araw ay matutupad ang aming mga pinapangarap.