Skip to main content

    Myanmar: Matapos ang pananalanta ng Bagyong Mocha, lalong naging mahalaga ang mga mental health counsellor

    Doctors Without Borders counsellors and community-based health workers provide ongoing support to patients in villages, health clinics, and internally displaced peoples’ camps. These photos were taken before Cyclone Mocha, which has increased the needs for mental health support in Rakhine state. Myanmar, March 2023. © Zar Pann Phyu/MS

    Ang mga counsellor ng Doctors Without Borders at ang mga community-based health worker ay nagbigay ng suporta para sa mga pasyente sa mga barangay, mga klinika, at mga kampo para sa mga taong nawalan ng tirahan. Kinunan ang larawang ito bago dumating ang Bagyong Mocha, na nagdagdag ng pangangailangan para sa suporta kaugnay ng kalusugang pangkaisipan sa estado ng Rakhine. Myanmar, Marso 2023. © Zar Pann Phyu/MSF

    “Madalas sabihin sa akin ng mga pasyente na ang aming mga session ay nagbibigay sa kanila ng pag-asa para sa hinaharap. Mas kalmado ang pakiramdam nila, mas positibo at mas handang harapin ang kinabukasan na aming susuportahan.” 

    Noong Mayo 14, hinagupit ng Bagyong Mocha, na may mga hangin na umaabot ang bilis sa 280kmh, ang estado ng Rakhine at ang hilagang kanluran ng Myanmar. Ang mga taong nakatira rito ay dati nang lubhang mahihina. Karamihan sa kanila ay nakatira sa mga bahay na gawa sa kawayan. May mga anim na milyong tao sa Rakhine na umaasa lang sa humanitarian assistance. May 26,500 na taong internally displaced na nakatira sa kampo sa lugar na iyon. Karamihan sa kanila ay mga Rohingya na dati nang nagdurusa dahil sa maraming taon ng pang-uusig at mahigpit na mga pagbabawal sa kanilang paglalakbay.

    Ang mga counsellor ng Doctors Without Borders at ang mga community-based health worker ay nagbigay ng suporta para sa mga pasyente sa mga barangay, mga klinika, at mga kampo para sa mga taong nawalan ng tirahan. Kabilang sa mga serbisyo ang edukasyon tungkol sa sikolohiya, counselling upang makatulong sa pag-unawa, at mga coping skills para sa mga pasyente (at kanilang mga caregiver) na nakararanas ng iba’t ibang alalahanin kaugnay ng kalusugang pangkaisipan. Ito’y maaaring tungkol sa matinding kalungkutan, pagkabalisa, psychosis, at pati mga kaisipan o aksyon ng pagtatangka sa sariling buhay kapag nawawalan ng pag-asa.

    Ang pakikiugnay namin sa mga pasyente at sa kanilang mga caregiver sa mismong lugar kung saan sila nakatira ay nakatutulong sa aming magbigay ng suporta at counselling na nakakaapekto sa kanilang buhay sa mga kritikal na sandali. Ang aming mga pasyente ay nahihirapang harapin ang displacement na sanhi ng mga hidwaang etniko o relihiyoso, sexual assault, at ang mga isyu kaugnay ng kalusugang pangkaisipan na maaaring ibinunga ng mga nakababahalang sitwasyon kung saan ang mga pangunahing pinagkukunang-yaman at pangangalagang pangkalusugan ay mahirap mahanap at ma-access. Tinutulungan namin silang gamutin ang kanilang mga sintomas at sinusuportahan namin sila sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga kasangkapan at mapagkukunang-yaman, hindi lang para mabuhay ngunit para rin matulungan silang umunlad kahit sa pinakamapanghamong sitwasyon.
    Sara Chesters, MH Activity Manager

    Ang suporta para sa kalusugang pangkaisipan ay isang mahalagang bahagi ng mga gawaing medikal ng Doctors Without Borders sa estado ng Rakhine. Dahil sa bagyong dumaan kamakailan lang, isinaayos ng team ang paraan nila ng pagtrabaho upang mapabuti ang pangangalagang ibinibigay sa mga apektadong komunidad. Ngunit sa halip na isang pormal at indibidwal na pamamaraang nakatuon sa paggamot, ang mga team ay kasalukuyang nagsusumikap na pagtibayin ang mga pagkakaugnay at mabigyan ang mga tao ng pagkakataong magpahayag ng kanilang mga saloobin.

    Pagkatapos ng bagyo, araw-araw lumalabas ang mga mental health counsellor at mga community health worker upang samahan ang mga medical team sa mga klinika ng Doctors Without Borders at sa mga kampo ng internally displaced people sa estado ng Rakhine. Ang pagsuporta sa mga tao sa kanilang sariling komunidad ay lumilikha ng ligtas na lugar para mag-usap-usap sila. Ang aming mg team ay nagpapatakbo rin ng mga maliliit at di pormal na session na nakatuon sa pakikinig upang masuportahan ang mga tao sa hirap na kanilang pinagdadaanan.

    “Kadalasa’y pumupunta kami sa mga monasteryo o mga barangay at doon kami nagsasagawa ng mga group session. Ang pangunahing mensahe namin sa mga pasyente ay na hindi sila nag-iisa. Sinisikap naming hikayatin ang mga taong maniwala na ang kanilang mga inaasahan at pinapangarap ay maaari nilang buhaying muli," sabi ni Ei Ngoon Phyo, isang mental health counsellor educator.

    Doctors Without Borders counsellors and community-based health workers provide ongoing support to patients in villages, health clinics, and internally displaced peoples’ camps. These photos were taken before Cyclone Mocha, which has increased the needs for mental health support in Rakhine state. Myanmar, March 2023. © Zar Pann Phyu/MS

    Ang mga counsellor ng Doctors Without Borders at ang mga community-based health worker ay nagbigay ng suporta para sa mga pasyente sa mga barangay, mga klinika, at mga kampo para sa mga taong nawalan ng tirahan. Kinunan ang larawang ito bago dumating ang Bagyong Mocha, na nagdagdag ng pangangailangan para sa suporta kaugnay ng kalusugang pangkaisipan sa estado ng Rakhine. Myanmar, Marso 2023. © Zar Pann Phyu/MSF

    Alam na alam ni Ei Ngoon Phyo ang nararamdaman ng mga pasyente dahil nawalan din ng bahay ang kanyang pamilya dahil sa Bagyong Mocha. Ilang araw rin siyang kinabahan hanggang sa wakas ay nakumpirma niya na ligtas ang mga miyembro ng kanyang pamilya. Pagbalik niya sa kanilang barangay, nakita niya ang malawakang pagkawasak ng mga bahay at mga puno

    “Dahil nabagsakan ito ng puno ng niyog, nahati ang bahay namin sa dalawa. Wasak na wasak ito. Marami sa mga pasyenteng kumokonsulta sa amin ay nawalan din ng mga bahay at negosyo. Marami sa mga pasyenteng ito ay nangangailangan ng suporta para sa pangangalagang pangkaisipan.”

    “Pagkatapos ng bagyo, may mga nakilala akong mga pasyenteng nangangailangan ng psychological first aid at nagsumikap akong suportahan sila sa abot ng aking makakaya. Ang pakikipag-usap sa mga pasyente ay isang karanasang nakakabuti rin sa akin. Ang paghihimok sa kanilang mag-isip sa isang partikular na paraan ay nakatutulong rin sa akin.”

    Ang kuwento ni Ei Ngoon Phyo

    Ibinahagi ni Ei Ngoon Phyo, Mental Health Counsellor Educator sa Myanmar, ang kuwentong ito:

    Dumating ang Bagyong Mocha noong gabi ng Mayo 13 at tumama ito sa hilagang bahagi ng Sittwe Township noong hapon ng Mayo 14. Ang dala nitong hangin ay umaabot sa 175 mph. Pagkatapos ng bagyo, wala akong makausap na kapamilya dahil bagsak ang mga linya ng kuryente at komunikasyon. Dalawang araw pagkatapos ng bagyo, sinubukan kong bumalik sa Sin Tat Maw, kung saan nakatira ang aking pamilya. Kung anu-anong malalagim na eksena ang sumagi sa isip ko.  

    Pagdating ko sa Sin Tat Maw, nadurog ang puso ko nang nakita ko ang aming bahay na hati sa dalawa. Hindi ko alam kung paano ko aaluin ang aking pamilya. Umulan nang bahagya at wala kaming masilungan. Sinikap kong itago ang aking nararamdamang kalungkutan mula sa aking pamilya.

    Pagkatapos ng bagyo, nahirapan ang aming barangay na makakuha ng malinis na inuming tubig dahil ang mga dati naming pinagkukunan ay naging kontaminado. Marami sa mga kapitbahay ko ang nawalan ng kabuhayan dahil sa pagkasira ng mga puno at pananim. Hirap na hirap ang mga tao.

    Sa Sin Tat Maw, mayroon kaming mga pasyenteng nakatatanggap ng paggamot at counselling mula sa Doctors Without Borders para sa kalusugang pangkaisipan. Walang paraan upang may makausap sa Sittwe. Hindi pa muling nagbubukas ang klinika doon, kaya’t ako ang pinupuntahan ng mga pasyente bilang tanging counselor na puwede nilang konsultahin. Nagpasya akong magprisinta para tumulong.

    Karamihan sa mga pasyente sa kampo at sa barangay ay nawalan ng tirahan. Maraming ikinuwento sa akin tungkol sa mga nasirang bahay. Ang iba’y nawalan ng bubong. Wala pa silang pondo para ipaayos ang mga ito kaya’t tinatakpan na lang nila ang mga nasirang bahagi ng tarpaulin. Batay sa aking karanasan, alam kong puno ng hamon ang mamuhay sa ganitong mga kondisyon. Ayon naman sa mga pasyenteng mula sa kampo, nahihirapan sila dahil bukod sa mga pinagdaanan nilang hidwaan, ngayon naman ay kailangan nilang harapin ang mga natural na sakuna. Nagbigay ako ng PFA sa mga pasyenteng kapos sa pera at sa mga pasyenteng nangangailangan ng psychosis medication. Ang karamihan sa kanila ay unti-unti na sanang bumubuti ang kalagayan, ngunit dumating naman ang bagyo.  

    Habang nagbibigay ng counseling, napagtanto kong nakabubuti rin sa akin ang mga sinasabi ko. Ang paghimok sa mga pasyenteng huwag magpatalo sa lungkot ay nakatulong rin sa aking pananaw tungkol sa sitwasyon.

    Pagbalik ko sa Sittwe, nagbigay ang Doctors Without Borders ng iba’t ibang uri ng suporta para sa staff na apektado ng bagyo. Kabilang rito ang pagbukas ng opisina at mga bahay para sa mga gustong maligo at sumilong, charging ng mga elektronikong kagamitan, pamamahagi ng mga rechargeable lamp, at mga damit. Nakipagtulungan din ang Doctors Without Borders sa isang organisasyong nagngangalang Metanoia upang makapagbigay ng kinakailangang suportang pangkaisipan at counseling para sa staff. Ibinahagi namin ng aking mga kapwa counselor ang aming mga pinagdaanang hirap at karanasan. Lahat kami ay nalagay sa magkakatulad na sitwasyon. Nakatanggap ako ng suporta mula sa lahat.

    Nag-organisa kami ng mga group-counseling session sa komunidad kung saan hinayaan namin silang magbahagi ng mga paghihirap at karanasan nila upang makatulong sa kanilang kalusugang pangkaisipan. Pinakikinggan din namin sila kapag pumuounta sila sa klinika. Ang mga session na ito ay maraming naidudulot na benepisyo sa mga pasyente. Natututo sila ng mga paraan upang pangalagaan ang kanilang sarili at tinutulungan din namin silang alalahanin na hindi sila nag-iisa. Marami na kaming pasyenteng bumuti ang pakiramdam at umunlad ang kalagayan pagkatapos nilang sumali sa aming mga session. Ang mga aktibidad na ito ay mahalaga, at umaasa kaming madaragdagan ang mga awareness session para sa mga komunidad sa hinaharap.

    A view of A Nout Ye IDP camp in Pauktaw, Rakhine State, Myanmar on the 21st June, over one month since Cyclone Mocha. © MSF

    Ang A Nout Ye IDP camp sa Pauktaw, Rakhine State. Myanmar, Hunyo 2023. © MSF

    Pagkatapos ng Bagyong Mocha, sinikap ng mga organisasyong humanitarian na palakihin ang kanilang mga ginagawa upang matugunan ang mga bagong pangangailangan. Nariyan pa rin ang mga balakid tulad ng limitadong access sa mga pasyente at ito’y nakakaapekto sa aming kakayahang maghatid ng mental health counselling sa mga nangangailangan nito.

    Ayon sa aming mental health supervisor sa Hilagang Rakhine, tumaas ang bilang ng mga humihingi ng tulong para sa kalusugang pangkaisipan pagkatapos ng Bagyong Mocha. "Nalaman namin na may malalaking pangangailangan sa komunidad ngunit nahihirapan kaming maabot ang napakaraming pasyenteng nangangailangan ng suporta."

    Nakita ng Doctors Without Borders staff ang malaking pangangailangan para bigyan ng suporta ang kalusugang pangkaisipan, lalo na nitong mga nakaraang buwan. Ngunit dahil sa kakulangan ng access sa mga pasyente, marami ang hindi nabibigyan ng suportang ito. Mahalaga na ang mga organisasyong humanitarian ay makaabot at makapaghatid ng pangangalaga sa mga komunidad at payagang palakihin ang kanilang mga aktibidad kung kinakailangan.

    Categories