Skip to main content

    Bagyong Mocha: Nakakasagabal sa mga nais tumulong ang mga bagong paghihigpit

    A view of A Nout Ye IDP camp in Pauktaw, Rakhine State, Myanmar on the 21st June, over one month since Cyclone Mocha. © MSF

    Ang A Nout Ye displaced population camp sa Pauktaw, Rakhine State, mahigit isang buwan pagkalipas ng Cyclone Mocha. Myanmar, Hunyo 2023. © MSF

    Ang bahay ni Daw Saw Nu ay binayo ng malakas na ulan at hangin na naglalakbay sa bilis na 280 kilometro kada oras. Dala ito ng bagyong Mocha, isang category-five cyclone na humampas sa lupa ng Myanmar nitong kalagitnaan ng Mayo, ang pinakamalakas na bagyong tumama sa estado ng Rakhine at sa hilagang kanluran ng bansa sa loob ng mahigit isang dekada.   

    Nakakabagal ng pagtugon ang mga paghihigpit 

    Mahigit dalawang buwan na ang nakalipas, at bagama’t napakalaking kalamidad nito, hindi ito mabigyan ng karampatang tugon. Hindi makakilos nang mabuti ang mga nagsasagawa ng emergency response upang tugunan ang mga malaking pangangailangan ng apektadong populasyon.  

    Ang humanitarian relief ay di makausad dahil sa mga paghihigpit na ipinataw ng mga  opisyal na militar. Pinapayagan lamang nila ang  mga regular na aktibidad na dati nang ginagawa, bago pa man bumagyo, at pinagbabawalan ang kahit anong pagpapalaki ng pagtugong nakatuon sa mga naapektuhan ng  bagyo. Kabilang rito ang mga paghihigpit sa malawakang pamamahagi ng relief items gaya ng pagkain, hygiene kits, at ang mga lubhang kinakailangang kawayan at mga tarpaulin para sa pagtayo at pag-aayos ng masisilungan. 

    Dapat tanggalin ng mga awtoridad ang mga ganitong paghihigpit nang mapabilis ang pagpapalaki ng humanitarian action upang pigilan na mas marami pa ang masaktan, maiwasang magkaroon ng  outbreak ng mga sakit, at mapababa ang bilang ng mga namamatay. 

    Mga dumaraming pangangailangan, dagdag sa kasalukuyang paghihirap 

    Ang mga pinakanaapektuhan ng bagyong Mocha ay ang mga taong dati nang nawalan ng tirahan dahil sa mga alitan at ngayo’y nakatira na sa mga kampo, mga nakatira sa mabababang lugar, at mga nakatira sa liblib na lugar—malayo sa mga lugar na nakatatanggap ng tulong.

    Lugar na masisilungan, pag-aayos o muling pagtayo ng mga nasirang imprastruktura para sa water and sanitation, ligtas na inuming tubig, pagkain, at access sa pangangalagang pangkalusugan ay ang pinakakailangan ng karamihan, at ito rin ang di nila nakukuha.

    Ang mga suliraning ito ay dumadagdag pa sa kanilang dati nang paghihirap, partikular na para sa mga Rohingya at sa mga etnikong komunidad sa Rakhine, na nawalan ng tirahan  dahil sa mga alitan, at ngayo’y nakaasa sa humanitarian assistance. Ang mga Rohingya ay humaharap sa maharap sa matitinding paghihigpit sa lahat ng aspeto ng kanilang  buhay tulad ng kalayaang maglakbay, access sa pangangalaga, mga oportunidad sa paghahanapbuhay, at edukasyon.

    Makikita sa pangunahing pagtugon na posible ang positibong pakikipag-ugnayan  

    Noong Mayo 14, nang bumagsak ang bagyong Mocha sa lupa, isa itong nakamamatay na kumbinasyon ng umiikot na hangin at mababang atmospheric pressure. Ang pananalanta nito’y nasaksihan ni Daw Saw Nuw at ng mga 670,000 pang ibang tao. 

    Positibo ang kinalabasan ng pangunahing pagtugon. Ang mga militar at ang mga armadong grupo gaya ng Arakan Army ay nanguna sa  pagtanggal ng mga kalat sa daan. Di naman natagalan at naibalik ang supply ng kuryente at naayos ang telekomunikasyon.

    Nang nagiging malinaw na kung gaano katindi ang pinsalang nagawa ng bagyo, naghanda na ang mga organisasyong humanitarian sa paglaki ng pagtugon upang mapigilan ang pagdurusa at ang pagtaas ng bilang ng mga namamatay.

    Binigyan ng prayoridad ng Doctors Without Borders ang pagpigil sa mga water-borne disease sa pamamagitan ng pamamahagi ng inuming tubig sa 9,000 na tao kada linggo at pagkukumpuni ng mga nasirang palikuran at water systems. Unti-unti na rin naming sinimulang muli ang aming mga regular na   mobile clinic, at ang aming mga emergency medical referral para sa mga pasyenteng nangangailangan ng pagsusuri at paggamot ng espesyalista.

    Damage to communal toilets A Nout Ye IDP camp in Pauktaw, Rakhine State, Myanmar, over one month after Cyclone Mocha. © MSF

    Nasira ang mga banyo sa A Nout Ye displaced population camp sa Pauktaw, Rakhine State, mahigit isang buwan pagkatapos ng Bagyong Mocha. Myanmar, Hunyo 2023. © MSF

    Mga napatid na pagtugon 

    Natigil ito noong Hunyo 8, tatlong linggo pagkatapos ng bagyo, nang pansamantalang sinuspinde ang mga travel authorisation para sa estado ng Rakhine. Ang pagbawi  sa mga travel authorisation ng Doctors Without Borders ay nangangahulugang hindi namin mabubuksan ang kahit alin sa aming 25 na klinika para sa pangunahing pangangalagang pangkalusugan at di namin maipapagpatuloy ang pagbibigay ng  makasagip-buhay na medical humanitarian assistance na nakatutulong sa tinatayang 214,000 na tao sa central Rakhine at 250,000 naman sa northern Rakhine. 

    Pagkatapos ng tatlong araw, pinayagan na kaming gawing muli ang aming  mga aktibidad simula Hunyo 11, ngunit iyon lamang mga napagkasunduan na bago pa man bumagyo. Humingi kami ng pahintulot na lakihan ang aming pagtugon upang matugunan ang mga karagdagang pangangailangan dahil sa bagyo, ngunit di kami pinayagan.

    Mga pansamantalang pagtigil, naging pangmatagalang hadlang 

    Ang kasalukuyang pagtugon ay malayo sa kinakailangang gawin matapos ang isang malakas na bagyo. Isa sa mga paghihigpit na ipinataw ay ang pagpapadaan ng relief items sa mga opisyal ng militar, at sila raw ang mangangasiwa ng pamamahagi nito.

    Ang humanitarian assistance ay malalagay sa alanganin dahil sa ganitong  patakaran. Sa isang estadong tulad ng Rakhine, kung saan may mga di nagkakasundo, maaaring ito ay makaaapekto sa pagtitiwala ng mga komunidad sa mga organisasyong  humanitarian. Ito rin  ay sumasalungat sa mga prinsipyong humanitarian na walang kinikilingan, walang kinakampihan  at may  kasarinlan. Ang mga prinsipyong ito ang gumagabay sa Doctors Without Borders at sa iba pang katulad nitong organisasyon.

    Noong una, sa pagsusumikap ng humanitarian community, ang mga paghihigpit na ito ay nakakuha ng atensyon. Ngunit ngayo’y tila naisantabi na ito.  

    Doctors Without Borders clinic at Kein Nyin Pyin camp Pauktaw, Rakhine State, Myanmar, over one month after Cyclone Mocha. © MSF

    Ang Doctors Without Borders clinic sa Kein Nyin Pyin camp, Pauktaw, Rakhine State, mahigit isang buwan pagkatapos ng Bagyong Mocha. Myanmar, Hunyo 2023. © MSF

    Ang kasalukuyang sitwasyon ay di maaaring maging new normal 

    Ang Doctors Without Borders ay labis na nag-aalala na ang nakapanlulumong kondisyon ng pamumuhay na resulta ng bagyo, ang mga di kinakailangang paghihigpit na siyang nagpapanatili sa di katanggap-tanggap na mga kondisyon, at ang kakulangan ng atensyon ng publiko sa sitwasyon ay unti-unti nang nagiging new normal sa Rakhine.

    Ang mga paghihigpit na ito ay nakakadagdag din sa dahilan kung bakit hindi makapangako ang mga nagbibigay ng donasyon ng pinansiyal na suporta para sa Myanmar.

    Ang mga opisyal ng militar, at ang iba pang sangkot sa alitan ay may responsibilidad na tiyaking nasa mabuting kalagayan ang mga naapektuhan ng Bagyong Mocha.

    Dapat ding ipawalang-bisa na ng mga opisyal na militar ang mga kasalukuyang paghihigpit, at sa halip ay padaliin ang walang hadlang na pagpasok sa bansa ng medical at humanitarian relief items para sa mga nangangailangan, at gawin ito sa paraang hindi makokompromiso ang aming mga prinsipyo.

    Ang Doctors Without Borders ay may mga team sa pitong bayan sa estado  ng Rakhine. Kabilang rito ang mga lugar na pinakanaapektuhan ng bagyo: ang Sittwe, Maungdaw, Rathedaung, Buthidaung at Pauktaw. Mahigit 550 na staff ang nagsasagawa ng aming mga regular na medical humanitarian activities.  

    Nagtatrabaho ang Doctors Without Borders sa Myanmar mula pa noong 1992, sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga pangmatagalang programa para sa pangangalagang pangkalusugan na nakatuon sa TB, HIV, Hepatitis C, Malaria at mga proyekto para sa pangunahing pangangalagang pangkalusugan.  Ngayon, mahigit 1,200 international at  national staff ang nagtutulungan upang makapagbigay ng de-kalidad na pangangalaga at paggamot sa mga pasilidad pangkalusugan at sa mga mobile clinic.  Patuloy kaming nagbibigay ng pangangalaga sa mga pasyenteng may HIV, tuberculosis at hepatitis C. Nagbibigay rin kami ng  basic healthcare,  reproductive and sexual healthcare services, at tumutugon sa medical emergencies. Kami’y kumikilos sa mga estado ng Rakhine, Shan at Kachin, at sa rehiyon ng Yangon at Tanintharyi.