Myanmar: dalawampung taon ng pagbibigay-tulong sa mga taong nabubuhay nang may HIV
Kinukuha ng isang pasyente ang kanyang mga gamot mula sa parmasya ng Dawei Clinic. Myanmar, Setyembre 2012. © Ron Haviv/VII Photo
Dalawang dekada nang nagbibigay ang Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ng komprehensibong HIV care sa Dawei. Kabilang rito ang mga outreach programme upang mapigilan ang pagkalat ng impeksyon sa mga marginalised at nanganganib na mga tao, gaya ng mga migranteng manggagawa at mga taong iniiniksyunan ng gamot. Sa Myanmar, ang epidemya ng HIV/AIDS ay nagdulot ng kaguluhan noong taong 2000, at ang mga taong nabubuhay nang may HIV ay nahirapang makakuha ng paggamot. Ang klinika ng Doctors Without Borders sa Dawei ay itinayo upang makapagbigay ng libreng paggamot at mahandugan sila ng pag-asa para sa mas mabuting buhay.
Pagdating ng katapusan ng 2023, ang mga pasyenteng nakatatanggap ng pangangalaga mula sa HIV project ng Doctors Without Borders sa Dawei ay ililipat sa National Aids Programme (NAP) kasama ang mga nakalaang Doctors Without Borders resources sa programa.
Matapos itong maantala nitong nakaraang dalawang taon, ang paghahabilin ng programa ay senyales ng pagsulong tungo sa pagsasatupad ng National Strategic Plan para sa paglipat ng pangangalaga sa mga may HIV sa ilalim ng pangangasiwa ng pampublikong sektor, lalo na sa antiretroviral therapy (ART). Gayunpaman, marami sa mga hamong bunga ng pagkasira ng sistema para sa pampublikong pangangalagang pangkalusugan noong 2021, na siyang nagpatagal sa paghahabilin nito, ay nariyan pa rin.
Ang pagtatapos ng dalawampung taon ng hands-on care ng Doctors Without Borders para sa mga pasyenteng nabubuhay nang may HIV sa Dawei
Sa mga nakalipas na taon, sinuportahan ng Dawei project ang mga taong nabubuhay nang may HIV sa maraming paraan, mula testing at paggamot, hanggang sa peer-to-peer support para sa pagharap sa sakit at sa stigma na nararamdaman ng karamihan sa mga pasyente.
Noong 2020, gaya ng ibang bahagi ng mundo, kinailangan ng proyektong harapin ang banta ng COVID-19, kung kaya’t nagkaroon ng mga pagkaantala sa paggamot ng mga tao para sa HIV. Ang mga paghihigpit sa paglalakbay ay nagpahirap din para sa mga pasyenteng may HIV sa Dawei, dahil ang karamihan sa mga tao ay nakatira sa mga rural na lugar at sa mga isla sa baybayin.
Naalala ni Ma Mi Mi kung paanong “nangyari ang COVID-19, at ang mga barko ay hindi na pumalaot, at hindi na ako makabalik sa klinika. Tatlong buwan akong walang iniinom na gamot.”
Ginagamot ang isang pasyente sa klinika ng Doctors Without Borders sa Dawei. Myanmar, Abril 2014. © Eddy McCall
Noong Enero 2021, sinimulan ng Doctors Without Borders ang paglilipat sa mga pasyente sa NAP para sa paggamot. Isang buwan pagkatapos noon, ang Myanmar ay nagkaroon ng pagbabago sa pamumuno at pinalitan ng militar ang inihalal na mga pinuno. Bilang tugon sa pagbabago sa liderato, ang mga healthcare worker sa Myanmar ay nagprotesta. Habang ang sistema ng pampublikong pangangalagang pangkalusugan ay nahaharap na sa hamon ng staffing, ang kakulangan ng pondo kasabay ng paghaharang sa mga inaangkat ay nakadagdag rin sa mga suliranin ng pangangalagang pangkalusugan sa Myanmar.
Ipinagpaliban muna ang paglilipat ng mga pasyente at nagsimula muli ang Doctors Without Borders na magparehistro ng mga bagong pasyente para sa Dawei HIV programme sa kauna-unahang pagkakataon mula 2019. Noong Hunyo, ilang buwan lang pagkalipas ng pagrerehistro, ang mga team ng Doctors Without Borders sa Dawei ay nakatanggap ng liham mula sa awtoridad sa rehiyon na nagsasaad na kailangan naming isuspinde ang lahat ng aming aktibidad. Noong panahong iyon, ang Dawei clinic ay nagbibigay ng ART sa 2,162 na tao na nabubuhay nang may HIV. Bagama’t nakapagsimulang muli ang Doctors Without Borders pagkatapos ng dalawang linggo, dahil sa pagsuspinde nito ay naputol ang suporta ng ibang pandaigdigan at mga lokal na non-governmental organisation para sa mga komunidad sa distritong ito.
Ngayong taong ito, ipinagpatuloy ng Doctors Without Borders ang handover ng mga pasyenteng may HIV sa NAP na nakapagbibigay ng ART. Ngunit wala namang balak ang Doctors Without Borders na bumitiw, at mula 2024, tatrabahuhin namin ang isang Support Model kasabay ng NAP. Sa Dawei, ang lahat ng pasyente ay maililipat na pagdating ng katapusan ng 2023. Tanda ito ng isang malaking hakbang patungo sa tamang direksyon at umaasang sa pamamagitan ng NAP, ang mga pasyente ay hindi na kailangang bumiyahe ng malayo upang makarating sa isang klinika. Ito’y magpapadali sa kanilang pagsunod sa paggamot na kinakailangan.
Pinangangasiwaan ng Doctors Without Borders staff ang mga pang-araw-araw na mga gawain, inirerehistro ang mga pasyenteng pumupunta roon para sa kanilang konsultasyon, at isinasaayos ang mga record ng mga pasyente. Myanmar, Pebrero 2012. © Matthieu Zellweger
Pagtanggap ng paggamot para sa HIV sa Myanmar
Para kay Gay Gay* (hindi niya tunay na pangalan), na nabubuhay nang may HIV, ang pagkakaroon ng mapupuntahang klinika ay isa sa pinakamahirap na hamong kanyang hinaharap.
“Noong bata pa ako at nalaman ko ang tungkol sa sakit ko, nahirapan ako dahil wala akong mapuntahang klinika o ospital para makakuha ng paggamot. Kinailangan ko pang pumunta sa kabilang barangay para mabigyan ng lunas. Bumalik ako sa Dawei dahil ang natanggap kong paggamot ay hindi epektibo at walang magandang resulta.”
Noong bumalik ako sa Dawei, nalaman ko ang tungkol sa Myittaryeik clinic mula sa Doctors Without Borders, ngunit wala pa silang permanenteng klinika noon. Pumupunta lang ang mga doktor sa bahay ng mga pasyente upang makapagbigay ng pangangalagang medikal. Sa paglipas ng panahon, naging malapit ako sa mga doktor at nars, at nakatanggap ako ng de-kalidad na mga gamot at pangangalagang medikal at mula noon, bumuti na ang pakiramdam ko. Dati, mahirap makakuha ng paggamot dahil tanging Myittaryeik clinic lang ang mapupuntahan, ngunit ngayon may mga iba nang klinikang bukas. At puwede rin akong pumunta sa ibang siyudad sa labas ng Dawei, gaya ng Yangon o Mandalay, upang makakuha ng paggamot.Gay Gay*, pasyente
“Labintatlong taong gulang ako noong una kong ininom ang gamot na iyon. Lumipat ako sa Yangon para maghaiskul. Noong panahong iyon, walong taon na akong ginagamot sa Yangon,” pagpapatuloy ni Gay Gay*.
“Maaaring mapabuti ang kondisyon ng mga pasyenteng nakatatanggap ng paggamot para sa HIV, at maaari silang mamuhay nang normal tulad ng ibang tao. Nagbago na ang pagtingin ng mga tao sa mga may HIV. Dati, ang pagtanggap ng tamang pangangalagang medikal ay malaking hamon ngunit nagbago na iyon ngayon dahil marami nang mga klinika at ospital ang nagsasagawa ng testing at paggamot. Mas madaling pumunta sa mga klinika at makatanggap ng paggamot ngayon.”
“[Gayunpaman], may mga hamon sa pamumuhay bilang HIV-positive sa Myanmar. May mga taong nagsusumikap na magkaroon ng angkop na hanapbuhay o pagkakakitaan para sa kanilang pamilya. Isinasaalang-alang din nila ang transportasyon papunta sa mga klinika,” sabi ni Gay Gay*.
Isang pasyenteng tumatanggap ng pangangalaga para sa HIV at TB. Myanmar, Disyembre 2018. © MSF/Scott Hamilton
Ang transfer-out at ang pagbabagong-anyo ng proyekto
Ngayon, nagbago na ang anyo ng transfer-out kung ikukumpara sa handover na naantala noong 2021. Marami sa mga puwang sa pampublikong sistema ng pangangalagang pangkalusugan ay nandoon pa rin, partikular na sa staffing. Dahil sa limitadong water and sanitation resources, ang mga klinika ay nahihirapang tumakbo nang maayos, sa kabila ng suportang ibinibigay ng mga organisasyong gaya ng Doctors Without Borders.
Ang populasyon sa Dawei ay binubuo ng maraming migranteng manggagawa na matagal nang nagtatrabaho rito, gaya ni Ko Maung Myint*, na bahagi ng isang deep-sea fishing operation sa Kawthaung.
“Noon, nakakakuha ako ng gamot na maaaring gamitin sa loob ng anim na buwan kaya’t nakakaya kong magtrabaho sa ibang lugar ng limang buwan at babalik lang ako rito ng isang buwan. Kailangan kong maglakbay para sa aking trabaho kaya’t ang National Aids Programme ay hindi akma para sa akin dahil dalawang buwan lang ang gamot na ibinibigay nito.”
Kapag hindi sapat ang gamot, ang mga pasyente ay kailangang magpabalik-balik sa klinika. Ang paglalakbay sa madaming bahagi ng Tanintharyi at Myanmar ay kasalukuyang napakahirap at delikado, lalo pa’t dumarami na naman ang insidente ng karahasan. Ang mga healthcare worker at pasilidad ay madalas puntiryahin sa Myanmar. Mahigit 1,000 na pagsalakay sa pangangalagang pangkalusugan ang iniulat mula pa noong nagkaroon ng kudeta.1
Habang bumubuti ang NAP, sa tulong ng suporta mula sa mga organisasyong tulad ng Doctors Without Borders, ang konteksto sa Myanmar ay may matinding epekto sa mga pasyenteng may HIV.
Hangga’t hinahadlangan ang pagbibigay ng supply sa lahat, maging sa pampublikpng sistema, at hangga’t hindi nagagamit ang lahat ng mga medical resource na makukuha sa loob at labas ng Dawei, ang mga taong ginagamot para sa HIV ay patuloy na maaapektuhan ng kakulangan ng regular na paggamot.
Tinatanggap ng Doctors Without Borders ang pagkakataong ipagpatuloy ang pagsuporta sa mga klinika ng NAP upang matiyak ang kalidad ng pangangalaga para sa mga pasyenteng may HIV sa Myanmar.
Ang Doctors Without Borders ay nagtatrabaho na sa Myanmar mula pa noong 1992, at ito ang kauna-unahang pandaigdigang NGO sa bansa. Noong 1994, sinimulan ng Doctors Without Borders ang pagbibigay ng pangangalaga para sa HIV/AIDS at edukasyong pangkalusugan sa Yangon, at ng screening at paggamot ng mga sakit na naipapasa sa pamamagitan ng pakikipagtalik (sexually transmitted diseases). Noong 2002, ang Doctors Without Borders ay naging unang tagapagbigay ng antiretroviral treatment sa bansa, at may punto rin kung kailan sila ang nagpapatakbo ng pinakamalaking HIV treatment programme sa bansa.
Basahin ito sa wikang Burmese.
1. Insecurity Insight: https://reliefweb.int/report/myanmar/tragic-milestone-more-1000-attacks-health-care-myanmar-february-2021-military-coup↩