Skip to main content

    Mga Kaguluhang Pampulitika sa Myanmar: Banta sa Pangangalaga para sa mga Nabubuhay nang may HIV

    Ma Sabai, 24, who was born with HIV and diagnosed at 17, waits for her appointment at MSF’s Moegaung clinic in Kachin state.

    Si Ma Sabai, 24 taong gulang, ay pinanganak na may HIV. Nasa edad 17 na siya nung nalaman niyang may HIV siya. Dito, hinihintay niya ang kanyang appointment sa Moegaung clinic ng Doctors Without Borders, sa Kachin state. Myanmar, 2021. © Ben Small/MSF

    Ang epekto sa mga nabubuhay nang may HIV 

    Ang pagkaantala ng pagtukoy ng sakit, o ang pansamantalang pagtigil sa paggamot ay lubhang makakasama sa mga taong nabubuhay nang may HIV. Nauuwi ito sa pagtaas ng antas ng virus sa kanilang dugo, na nagpapahina sa kanilang immune system. Dahil dito, nahihirapan ang kanilang mga katawang labanan ang impeksyon na posibleng nakamamatay.  At kapag ang HIV ay di agad natukoy at umabot na sa advanced stage, mas mahirap na itong gamutin. 

    2,929 ang di sumipot sa kanilang appointment sa mga klinika ng Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF) mula Pebrero hanggang Oktubre. Kung ikukumpara sa parehong mga buwan noong nakaraang taon, umakyat ang bilang ng 89%. Nakakabahalang hindi namin makontak ang marami sa aming mga pasyente. Sa estado ng Shan, 120 na pasyente ang hindi na makontak ng aming community outreach workers mula pa noong Pebrero. Umaakyat ang bilang nito ng 50 % taun-taon, at wala na kaming gaanong magagawa para sa mga taong ito.

    Hindi lang ang mga pasyente ang nalalagay sa panganib. Dahil sa mas mataas na virus levels, umaakyat din ang posibilidad na maipasa ang HIV sa iba. Kapag maraming tao ang di makakuha ng kailangan nilang lunas o hindi agad matukoy ang kanilang kondisyon upang masimulan na nila ang antiretroviral therapy, maaaring kumalat ang impeksyon sa mga komunidad, at masasayang ang mga nagawa sa pagharap sa epidemya.

    Ang mga mas malawakang epekto ng mga pampulitikang kaguluhan sa pampublikong sistemang pangkalusugan ng Myanmar ay ang pagsasara ng maraming ospital o ang pagkakaroon ng limitadong maibibigay na serbisyo dahil sa pagpoprotesta ng staff. Ibig sabihin, mas konti ang mapagpipilian na referral para sa mga pasyenteng may HIV kung kailan kritikal ang kanilang mga pangangailangan. Dahil dito, nalalagay sa panganib ang aming mga pasyente. 

    Pinupunan ng Doctors Without Borders ang mga kakulangan sa serbisyo para sa HIV

    Bagama’t unti-unti na itong bumabangon nitong nakaraang sampung buwan, wala sa posisyon ang NAP upang muling tumanggap ng mga pasyente mula sa Doctors Without Borders. Nakatitiyak kaming pinakamaaga na ang 2023 para simulang muli ang paglilipat ng mga pasyente.  

    Kung bukas man, marami sa mga pasilidad ng NAP ang limitado pa rin ang serbisyong maibibigay. Ang pagtukoy ng sakit at ang pagsimula ng pagbibigay-lunas ay itinigil na sa maraming lugar. Sa mga pasilidad sa mga liblib na lugar, isang nars lang ang maaaring tumao. Maaari siyang magbigay ng gamot, ngunit hindi siya makakasuri ng dugo upang tingnan ang viral load nito. Hindi rin siya makakatugon sa mga pangangailangan ng pasyenteng malala at kritikal na ang kondisyon.

    Dahil dito, hindi na itinuloy ng Doctors Without Borders ang planong magbawas ng mga aktibidad para sa HIV. Ngayon, nagsimula na kami sa diagnosis at paggamot para sa mga malalaking bilang ng mga bagong pasyente sa kauna-unahang pagkakataon mula 2019. 399 ang narehistro mula nang nagsimula ang pamumuno ng militar. Ang mga pasyente mula sa NAP ay bumisita sa mga pasilidad ng Doctors Without Borders sa Shan, Kachin at Tanintharyi nang mahigit sa 7,200 beses upang maituloy ang kanilang pagpapagamot dahil hindi sila kayang suportahan ng mga klinika ng gobyerno.

    The outside of MSF’s HIV clinic in Myitkyina, Kachin state

    Ang Doctors Without Borders HIV clinic sa Myitkyina, Kachin state. Myanmar, 2021. © Ben Small/MSF

    Ang kapasidad ng Doctors Without Borders sa pagtugon

    Iba-iba ang kakayahan ng aming mga klinikang makatulong sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga tao. Sa estado ng Kachin, maaari kaming magbigay ng panibagong supply ng mga gamot, diagnosis at mga check-up. Ngunit sa estado ng Shan, nalilimitahan ang suporta na naibibigay namin dahil sa sobrang dami ng mga pasyenteng galing sa NAP.

    Malaki ang epekto ng pagtaas ng bilang ng mga pasyente, sabay ng mga pagkaantala ng pagdating ng mga gamot, sa aming medical supplies. Ilang buwan ding ang maiaalok lang namin ay mga mas panandaliang prescription ng anti-retroviral drugs, at ngayon, malapit nang maubos ang aming mga gamot para sa mga mapagsamantalang impeksyon na karaniwang tumatama sa mga taong nabubuhay nang may HIV, gaya ng fungal meningitis, at ng kagamitang kailangan upang malaman kung may HIV ang isang sanggol. Pag tuluyang maubos ang mga ito, maaaring magdulot ito ng pagkamatay ng mga pasyente.

    Ang mga biyaheng puno ng hamon tungo sa mga klinika ng Doctors Without Borders para sa HIV

    Ang mga pampulitikang kaguluhan sa Myanmar ay lalong nagpapainit sa alitan sa pagitan ng hukbong militar ng Myanmar sa isang panig, at mga sibilyang pabor sa demokrasya at mga  etnikong armadong organisasyon naman sa kabila. Naging pangkaraniwan na ang mga pagpatay, pagbomba, at mga sagupaan para sa teritoryo sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

    Mahaba ang nilalakbay ng karamihan sa mga pumupunta sa aming mga klinika, at marami silang hamong haharapin na maaaring makapanghina sa kanilang kalooban. Laganap ang mga nakakatakot na military at police checkpoint, kung saan kinakapkapan ang mga tao at hinihingan ng “tea money” o suhol upang sila’y payagang makalabas. May curfew rin, o takdang oras kung kailan di na puwedeng lumabas ng bahay ang mga tao. Dahil sa 10pm hanggang 4am na curfew, nagkukulang ang oras ng mga tao upang makarating sa klinika at makauwi. Mayroon ding mga manaka-nakang insidente ng karahasan sa mga partikular na ruta  na naglalagay sa ilang manlalakbay sa panganib. 

    An MSF staff member washes her hands at MSF’s HIV clinic in Myitkyina on 1 October 2021. Myanmar, 2021. © Ben Small/MSF

    Naghuhugas ng kamay ang isang medical staff sa HIV clinic ng Doctors Without Borders sa Myitkyina. Myanmar, 2021. © Ben Small/MSF

    “Ilang buwan nang nakasara ang daan sa pagitan ng  Chipwe at  Myitkyina. Maraming mga checkpoint, kaya’t iilan lang ang nangangahas na pumunta rito,” sabi ni Brang Seng*, 30. Noong Abril, napag-alaman niyang siya’y positibo para sa HIV. Dahil dito, kailangang madalas siyang pumunta sa klinika ng Doctors Without Borders kung saan sisimulan na ang paggamot sa kanya.

    "Nag-aalala akong iigting pa ang mga alitan, na makakasagabal sa pagbibiyahe. Baka di ako umabot sa appointment ko, kaya’t inagahan ko ang punta. Makakapunta lang ako kapag may taxi, at hindi laging meron."

    Nalilimitahan ng wasak na ekonomiya ng Myanmar ang kanilang naibibigay na pangangalagang pangkalusugan 

    Dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19, at kasabay pa nito ang pagsunggab sa kapangyarihan ng hukbong militar ng Myanmar, naiwang wasak na wasak ang ekonomiya ng bansa. Marami ang nawalan ng trabaho, at umakyat nang todo-todo ang presyo ng mga pang-araw araw na bilihin, partikular na ang mga pagkain at gasolina. 

    Di pinapaandar ang mga tren na tumatawid sa iba’t ibang lungsod, na masasakyan sana sa abot-kayang halaga. Hindi rin maaasahan ang mga bus, kaya’t ang natitira na lang sa mga tao ay ang mas mahal na mga pribadong kotse o motorsiklo.  Para sa aming mga pasyenteng nabubuhay nang may HIV, nangangahulugan ito ng karagdagang gastos kung kailan sila’y gipit na gipit na.

    Bagama’t nakakarating naman siya sa klinika ng  Doctors Without Borders sa Moegaung, sa estado ng Kachin, nailalarawan ng mga karanasan ng pasyenteng may HIV na si U Hla Tun* ang mga hamong hinaharap ng mga taga-Myanmar mula pa noong Pebrero. Gamit ang kanyang motorsiklo, hanapbuhay niya ang magdala ng mga biik mula sa tirahan niya sa Karmine tungo sa bayan ng Hpakant, kung saan ibebenta niya ang mga ito. Dati rati, kumikita siya ng mga 100,000 kyats (US$55) kada biyahe. Pero ngayon, ang bayan ng Hpakant (na kilala sa pagmimina ng jade), ay nakararanas ng internet blackout at di tiyak na seguridad dahil sa mga alitan, kaya’t mahina ang benta niya. Isa pa, di na ganoon kadali ang mag-ikot sa mismong lugar.

    Mga pasyente sa HIV clinic ng Doctors Without Borders sa Myitkyina

    Brang Seng, 30, who was diagnosed with HIV in April 2021, stands outside MSF’s Myitkyina clinic in Kachin state. Myanmar, 2021. © Ben Small/MSF

    Nung Abril 2021 lang nalaman ni Brang Seng*, 30, na mayroon siyang HIV. Nakatayo siya sa labas ng Doctors Without Borders Myitkyina clinic sa Kachin state. Myanmar, 2021. © Ben Small/MSF

    Ma Sabai, 24, who was born with HIV and diagnosed at 17, with her family at MSF’s Moegaung clinic in Kachin state. Myanmar, 2021. © Ben Small/MSF

    Si Ma Sabai, 24 taong gulang, ay pinanganak na may HIV. Nasa edad 17 na siya nung nalaman niyang may HIV siya. Kasama niya ang kanyang pamilya sa Moegaung clinic ng Doctors Without Borders sa Kachin state. Myanmar, 2021. © Ben Small/MSF

    Naw Naw, 47, who has been receiving HIV services from MSF for 20 years, attends a consultation at MSF’s HIV clinic in Myitkyina, Kachin state. Myanmar, 2021.

    Si Naw Naw, 47 taong gulang, ay dalawampung taon na'ng nakakatanggap ng HIV services mula sa Doctors Without Borders. Dito, nagkonsulta siya sa Doctors Without Borders HIV clinic sa Myitkyina, Kachin state. Myanmar, 2021. © Ben Small/MSF

    A patient has a consultation with an MSF doctor at MSF’s Moegaung clinic in Kachin state. Myanmar, 2021

    U Hla Tun*, 58 taong gulang, ay dalawampung taon na'ng nakakatanggap ng HIV services mula sa Doctors Without Borders. Dito, nagkonsulta siya sa Doctors Without Borders HIV clinic sa Moegaung, Kachin state. Myanmar, 2021. © Ben Small/MSF

    "Naging mahirap na ang biyahe. Hindi ako makapaglibot sa lugar upang makapag-benta dahil sa mga alitan at dahil sa COVID. Kakaunti na lang ang natirang mamimili, at tila huminto ang negosyo ko," kuwento pa niya. "Walang garantiya ng seguridad sa Hpakant, kaya’t ayaw na ng mga taong bumili at magapalaki ng mga baboy.” 

    Para sa mga pasyenteng di makapunta sa aming mga klinika dahil sa mga ganitong hadlang, maaari pa rin namin silang bigyan ng mga gamot, gamit ang pampublikong transportasyon. Sa estado ng Shan, nakapaghatid na kami nang 270 beses mula noong Pebrero. Ngunit ito’y di pangmatagalang solusyon. Ang mga pasyenteng may hindi matatag na kondisyon ay kailangan pa ring magpatingin sa doktor. Kung hindi sila makakapagkonsulta, at di sasailalim sa mga tests na binibigay sa aming mga klinika, hindi sapat ang kalidad ng pangangalaga na kanilang makukuha.

    Ang kinabukasan?

    Napakahalaga na ang mga nabubuhay nang may HIV sa Myanmar ay may maasahang paraan upang makakuha ng pangangalagang pangkalusugan. Kalakip nito ang isang ganap na naisasakatuparang National AIDS Programme, at kung wala iyon, kailangan ng mga kikilos upang tumugon sa kanilang mga pangangailangan. Dahil ang mga gustong magbigay ng donasyon ay di maaaring magbigay sa pamahalaang militar ng Myanmar,kakailanganin ang tulong ng mga organisasyong tulad ng  Doctors Without Borders. 

    Kailangang tanggalin ang lahat ng mga hadlang sa pagbibigay ng pangangalaga para sa mga nabubuhay nang may HIV. Maaaring maituring nang isang tagumpay ang matiyak na makakakuha agad ng permiso upang mag-angkat ng mga gamot at medical supplies, ngunit kailangan pang doblehin ang panahon at tiyaga para malampasan ang mga hamon sa pagbibigay ng pangangalagang pangkalusugan sa mga pasyente sa Myanmar.

    Mahigit 20 taon nang nangunguna ang Doctors Without Borders sa pagtugon sa HIV sa Myanmar. Nakakuha kami ng mga kinakailangang pondo, at  kami ang kauna-unahang nakapagbigay ng antiretroviral treatment. Noong 2013, kami na ang pinakamalaking tagapagbigay ng  mga antiretroviral sa bansa, at 42,000 na pasyente na ang natulungan namin. Tinitiyak naming ang mga kumplikadong kaso, partikular na ang mga mayroong ibang karamdaman tulad ng tuberculosis, ay nakatatanggap ng mataas na kalidad ng pangangalaga.

    Sa nakalipas na limang  taon, pinapagtibay namin ang kapasidad ng pamahalaan sa pangangalaga sa mga nabubuhay nang may HIV, tungo sa aming layuning mailipat ang aming mga pasyente sa National AIDS Programme (NAP) at maisara na ang aming mga proyekto kaugnay ng  HIV. Noong 2021, nailipat na namin ang higit sa 26,000 taong nabubuhay nang may HIV sa programa ng gobyerno, kabilang na ang lahat ng aming pasyente sa Yangon.

    *hindi niya tunay na pangalan

     

    Basahin ito sa salitang Burmese.
    Categories