Skip to main content

    Myanmar: Nagtagumpay ako laban sa TB, at sana’y magawa rin ito ng ibang mga pasyente

    The sign indicating MSF’s clinic in Myanmar

    Ang multi-drug resistant tuberculosis ay isa sa pinakamahirap bigyang -lunas na uri ng tuberculosis. Kasalungat ito ng drug-sensitive, na maganda ang pagtugon sa gamot. Ang multi-drug resistant tuberculosis, tulad ng sinasabi ng pangalan nito, ay di tinatalaban ng ilan sa mga gamot na ginagamit para gamutin ang sakit na ito. Dahil dito, nagiging mas kumplikado ang paggamot dito, at kadalasan, ang mga doktor ay kinakailangang bumuo ng bespoke treatment plan, o paggamot na inaangkop sa mga partikular na pangangailangan ng isang pasyente.

    Ang ibig sabihin nito, ang proseso ng paggaling ay mahirap at matagal

    Ang paglaganap ng TB sa Myanmar

    Nahaharap pa rin ang Myanmar sa isang malaking krisis pangkalusugan, ang problema ng tuberculosis. Ayon sa pinakahuling ulat ng World Health Organisation, ang Myanmar ay isa sa mga tatlumpung bansa sa buong mundo na may mataas na burden ng TB at tangan nito ang tatlong pasanin ng drug-sensitive TB (DSTB), drug-resistant TB (DRTB) at HIV-associated TB, kung saan ang mga pasyenteng may HIV ay mayroon ding TB dahil sa kanilang mahinang immune system.

    Nagkaroon ng humigit-kumulang 257,000 na kaso ng TB sa Myanmar noong 2022.

    Nitong nakaraang tatlong taon, karamihan sa mga pasyente ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) na may TB sa Myanmar ay inilipat na sa pangangasiwa ng National Tuberculosis Programme (NTP). Kaya lang, ang NTP ay humaharap sa napakaraming hamon, mula sa kakulangan ng staff at regular na supply ng gamot na nakaapekto sa kanilang abilidad na makapagbigay ng de-kalidad at handang pangangalaga para sa mga pasyenteng may TB.

    Dahil dito, patuloy na naaantala ang pagsulong ng mga paraan upang malabanan ang TB. Naging mahirap din ang pagkakaroon ng access sa pampublikong pangangalagang pangkalusugan, lalo na para sa mahabang panahon ng paggamot para sa isang kumplikadong sakit na tulad ng TB.

    Sa kasalukuyan, sa Yangon, sinusuportahan ng Doctors Without Borders ang isang ospital na may 90 na kama na nakatuon sa paggamot ng DRTB. Ito lamang ang tanging specialised na ospital para sa DRTB sa buong bansa. Ang mga pasyenteng may kumplikadong kaso ng DRTB ay maaaring manatili ng anim na buwan o mahigit pa sa ospital, at kinakailangan nilang sumunod sa isang treatment plan na maingat na ginawa para sa kanila. Sa kasalukuyan, maingat na sinusubaybayan din ng ospital ang mga out-patient na regular na pumupunta roon para sa paggamot bilang bahagi ng kanilang pangmatagalang pagbibigay-lunas.

    Isang matagal at mahirap na pagpapagaling 

    "Kinailangan kong uminom ng pitong tableta araw-araw. Kailangan ko ng isang litrong tubig para lang mainom ito," pagbabalik-tanaw ni Zin Mar Lin. "Araw-araw ilang minuto kong kinukumbinsi ang aking sarili na inumin ang mga ito. May isang gamot, nakalimutan ko na kung anong pangalan, na kailangan kong inumin tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes. Nasusuka ako tuwing iniinom ko iyon."

    Ang paggamot sa DRTB ay napakahirap. Kadalasan, kinakailangan rito ng maraming gamot na iinumin araw-araw at may mga malalang side effect. Ayon sa mga pasyente, nakararanas sila ng pagkahilo, pakiramdam ng nasusuka at hirap silang makatulog (insomnia). Ilan lamang ito sa mga maaari nilang pagdaanan dahil sa kanilang paggamot. Sa ilang kaso, hindi nakakayanan ng mga pasyente ang mga side effect na ito, kung kaya’t tumitigil sila sa pag-inom ng gamot. Upang gumaling mula sa TB, mahalagang sundin nila ang plano ng paggamot at tiisin ang lahat ng maaaring idulot nito.

    Nitong mga nakaraang taon, may mga bagong natuklasan sa pagsasaliksik at ito’y nagbigay-daan sa paglikha ng mga alternatibong paggamot sa tuberculosis. Mahalaga ang papel na ginampanan ng Doctors Without Borders sa pagsasaliksik na ginamit upang makagawa ng mas maikling regimen na tinatawag na BPaLM. Ito’y nangangailangan lamang ng anim na buwan ng pag-inom ng gamot at kakaunting side effects lang ang mararanasan ng mga pasyente. Bagama’t huli na ito para kay Zin Mar Lin, ang pagkakaroon ng ganitong klaseng regimen ng paggamot ay nakapagbibigay ng pag-asa sa pagtugon ng Myanmar sa TB.

    Ang kahalagahan ng isang support network

     

    Bukod sa mga matitinding side effect ng mga gamot, hindi rin kinakaya ng mga pasyente ang pinansyal na aspeto ng matagal na gamutan.
     

    "Ako lang ang kumikita sa aming pamilya, kaya’t noong nagkaroon ako ng MDRTB, wala nang pumapasok na pera sa amin," sabi ni Aung Myo Khine. "Dumami rin ang aming mga gastusin dahil naospital ako. Malaking bagay ang suporta ng aking pamilya noong mga panahong iyon, emosyonal man o pinansyal, dahil wala akong paraang kumita noon."  

    Ang mahabang panahon ng paggaling mula sa MDRTB ay mabigat para sa mga pasyente, sa mga aspetong emosyonal, pisikal at pinansyal. Sa ospital para sa TB, mayroon ding social welfare team na sumusuporta sa pangkalahatang kagalingan ng mga pasyente at sa kondisyon ng kanilang pamumuhay. Ang pagtiyak na ang isang pasyente ay nabibigyan ng sapat na atensyon, nakakakain nang mabuti, at na mayroong mga taong sumusuporta sa kanila ay nakatutulong para sila’y magtagumpay laban sa sakit.

    Ang mapanghamong sistema para sa pampublikong pangangalagang pangkalusugan ng Myanmar

    Bukod sa mga hamong dala ng mismong paggamot, ang mga pasyenteng may TB sa maraming bahagi ng Myanmar ay nahaharap din sa karagdagang balakid ng kakulangan ng makukuhang pangangalaga. Nitong huling tatlong taon, malaki ang itinaas ng mga pangangailangang humanitarian sa buong bansa dahil sa mga alitan. Ito’y naglikha ng mga karagdagang malalaking puwang sa pagbibigay ng mga serbisyong kaugnay ng pangangalagang pangkalusugan.

    Mula noong 2021, nang ang militar na ang namumuno sa bansa, ang sistema para sa pampublikong pangangalagang pangkalusugan sa Myanmar ay hindi makaagapay sa biglang pagkawala ng mga staff at pondo. May mga puwang pa rin sa staff na kadalasa’y pinupunan na lang ng mga organisasyong humanitarian. Sa mga estado ng Kachin at Shan, nakipagtulungan ang Doctors Without Borders sa National Tuberculosis Programme upang suportahan ang mga pasilidad sa pangangalaga. Sinusuportahan din ang kanilang abilidad na mapanatili ang kinakailangang antas ng testing at paggamot.

    Sa kasalukuyan, may mga nagaganap pa ring malawakang labanan na nagiging hadlang rin upang makakuha ng pangangalagang pangkalusugan ang mga taga-Myanmar. Nagiging mapanganib ang paglalakbay upang makarating sa mga iilang tumatakbong pasilidad. Ang mga awtoridad, mga donor at iba pang mga kumikilos para sa kalusugan ay kinakailangang magtulungan upang mabilis na mapabuti ang kalidad ng pangangalaga ng TB (kasama na rito ang Drug Resistant-TB) sa Myanmar.

    Kung ang pasyente ay iinom ng kanyang mga gamot tuwing kinakailangan, magtitiis sa mga side effect, at makikinig sa mga doktor, maaaring magamot ang MDRTB. Nagtagumpay ako laban sa MDRTB, at sana’y magawa rin ito ng ibang mga pasyente.
    Zar Mar Lin, patient

    Ang Doctors Without Borders ay tumutulong na sa mga pasyenteng may TB sa Myanmar mula pa noong 2003. Nagsimula ito sa HIV associated TB. Ang mga orihinal na klinika ay isinara na noong 2020. Mula 2009, sinusuportahan ng Doctors Without Borders ang ospital para sa TB sa Yangon. Noong 2021, pinalaki ang mga aktibidad bilang tugon sa mga puwang sa sistema ng pangangalagang pangkalusugan.

    Categories