Sa Araw ng mga Refugee sa Buong Mundo, mithiin ng mga Rohingya ang magkaroon ng tahanan, kaligtasan, at kalayaan mula sa takot
Taong 1982 nang tinanggalan sila ng pagkamamamayan, at pagkatapos ay nagdusa ng ilang dekada ng pang-uusig at pang-aabuso sa Myanmar. Noong Agosto 2017, hindi bababa sa 6,700 na Rohingya ang naging biktima ng karahasan at pinatay. Ito ang nagtulak sa mahigit 600,000 sa kanila na lisanin ang Myanmar.
Ang mga nagsilikas ay dumanas ng mapanganib na paglalakbay sa lupa at sa dagat, at humantong sa mga bansa ng Bangladesh, Malaysia, Cambodia, Thailand at India.
Sa tinatayang dalawang milyong Rohingya na nasa Timog Silangang Asya, mahigit kalahati ang nakatira sa mga nababakurang kampo sa Cox's Bazar sa Bangladesh—ang pinakamalaking displacement camp sa buong mundo—habang 600,000 naman ang nagtitiis sa mga mahihigpit na kondisyon ng pamumuhay sa estado ng Rakhine.
“Ang gusto ko lang naman ay magkaroon ng ligtas na matitirhan, malaya sa mga pangamba.”
"Ako si Rohima Khatun at nakatira ako sa Camp 15 sa Bangladesh.
Mahirap ang buhay rito. Mula pa noong lumikas ako rito noong 2017 upang makatakas mula sa karahasan sa Myanmar, mahirap na talaga rito. Kinuha ng mga puwersang militar ang lahat mula sa akin—ang aking asawa, ang aking kalusugan, at ang aking pakiramdam ng seguridad. Ngayon, kami na lang ng walong taon kong anak na babae. Lagi kaming walang kasama, laging nag-aalala. Nakakatakot ang kapaligiran sa kampo. Maraming nagaganap na away, may mga nangingidnap, at laging di palagay ang aming kalooban.
Ang pinakamalaking takot ko ay para sa kaligtasan ng aking anak. Ni hindi siya makapasok sa paaralan dahil sa panganib na kaakibat nito. Gustong-gusto ko sanang makapag-aral siya, at magkaroon ng pagkakataong mapabuti ang kanyang buhay. Ngunit kahit ang mga pinakapangunahing pangangailangan ay mahirap makuha. Upang makakuha ng tubig, kailangang pumila ka nang matagal o lumabas kapag madilim na at delikado. Wala ring gaanong makain, at pag nagkakasakit ang aking anak, di ko kayang gastusan ang kanyang pagpapagamot. Kailangan kong mamili kung ano ang bibilhin—pagkain o ang kailangan niyang gamot. Hindi ito dapat maranasan ng kahit sinong ina.
Ang gusto ko lang naman ay ligtas na lugar na matitirhan, Malaya sa mga pangamba. Isang lugar kung saan ang aking anak ay lalaking malusog at may pagkakataong makapag-aral. Isang lugar kung saan makakaramdam ako ng kapayapaan. Ninakaw ng karahasan sa Myanmar ang aking pamilya, ang aking tahanan, at ang pakiramdam ko ng seguridad. Ngunit hindi nito mananakaw ang aking pag-asa. Umaasa pa rin ako para sa isang kinabukasan kung kailan mabubuhay ang aking anak nang walang pangamba."
“Sa pagdaan ng mga araw, unti-unting naglalaho ang aking pagkakakilanlan at ang aking mga pangarap.”
"Ako si Arafat Ullah,18 taong gulang at kasalukuyang nasa ika-labindalawang baitang.
Halos hindi kami makahinga rito. Daan-daan kaming nagsisiksikan sa espasyong para lang sa iilan. Ginagawa ng aming mga guro, mga Rohingya na kasama naming tumakas mula sa Myanmar, ang lahat ng kanilang makakaya, ngunit hindi iyon sapat. Noong nasa Myanmar pa kami, ang edukasyon ay landas tungo sa magandang kinabukasan. Dito, pagkatapos ng grade 12, wala ka nang patutunguhan. Walang mga unibersidad, walang pagkakataong maging doktor, inhinyero, o kahit ano sa mga pinangarap ko. Mga preso ang turing sa amin dito. Di kami pinapayagang lumabas ng kampo, hindi raw kami tatanggapin sa labas. Ito’y isang palagiang pagpapaalala na hindi kami nabibilang sa mundo nila.
Salat kami sa pagkain. Umaasa lang kami sa mga rasyon ng bigas at patani, na halos sapat lang upang manatili kaming buhay. Mas lalong mahirap makakuha ng tubig. Dahil maraming poso ang sira, mahaba lagi ang pila para rito. Anumang oras ay maari kang dapuan ng sakit dahil sa di malinis na tubig. Nakatutulong ang klinika ng MSF, ngunit laging mahaba ang pila rito, at ang takot sa mga gang na nagsisilabasan sa gabi ay nagiging sagabal sa pagkuha ng tulong ng mga tao kung kailan nila pinakakinakailangan ito.
Hindi ito matatawag na buhay. Ito’y pag-iral na napupuno ng kadiliman, at isang ninakaw na kinabukasan. Ang gusto ko lang naman ay ang mga pangunahing karapatan na karapat-dapat na matanggap ng bawat tao—pagkain, tubig, tirahan, pagkakataong makakuha ng edukasyon, makapaggamot, matupad kung anuman ang tadhana ko. Nabibilang kami sa Myanmar. Doon, maari kaming maging mga doktor, guro, at mga negosyante. Dito, wala kaming halaga. Sa pagdaan ng mga araw, unti-unting naglalaho ang aking pagkakakilanlan at ang aking mga pangarap. Gusto ko lang umuwi. Nais kong maging doktor. Napakalaki ba ng hinihingi ko?"
“Hindi perpekto ang buhay namin noon. Limitado ang oportunidad na makakuha ng edukasyon, pero kahit paano, maayos naman ang aming tirahan.”
"Ako si Zubair Nur. 17 taong gulang na ako at nakatira sa kampo ng Kutupalong kasama ang aking ina, ang dalawa kong kapatid na babae, at isang kapatid na lalaki. Iniwan kami ng ama namin noong sampung taong gulang pa lang ako, at noong taon ding iyon, nilisan namin ang Myanmar.
Hindi perpekto ang buhay namin noon. Limitado ang oportunidad na makakuha ng edukasyon, pero kahit paano, maayos naman ang aming tirahan –isang simpleng bahay na gawa sa luwad na pag-aari namin. Okey naman ang buhay rito sa kampo. Nakakatanggap kami ng aid, may ilang mga guro kaming pinananatiling buhay ang aming kasaysayan, ngunit kailangan mong magbayad kung gusto mong turuan ka nila. Wala akong pambayad, kaya’t nagtrabaho muna ako sa Bandarban. Kaya lang, nagkaroon ako ng dengue. Ipinasok ako sa ospital sa Bandarban, at kasimbilis ng pagbagsak ng kalusugan ko ang pagkaubos ng pinaghirapan kong kitaing pera.
Pangarap kong maging guro, pero paano ako magtuturo kung di ako matuturuan? Dito, dahil walang susuporta sa edukasyon ko, ang magagawa ko lang ay tulungan ang kapatid kong lalaki sa kung ano-anong mapagkakakitaan. Maayos naman ang water and sanitation sa mga kampo. Okey rin naman ang pagkain, wala akong mairereklamo. Sa ngayon, parang imposibleng makabalik sa Myanmar. Malala ang mga away na nagaganap ngayon doon. Ang pinakahinahanap-hanap ko? Ang pagkain. Ang mga inumin, ang mga juice, ang mga cake—lahat ng lasang nagpapaalala sa aming bayan na di na namin natitikman ngayon."
“Nais kong tumira sa isang lugar kung saan ligtas ako, at mayroon akong mga pangunahing karapatan.”
"Ako si Mohammad Ayas. Ako’y 29 na taong gulang.
Sariwa pa rin sa aking alaala ang aming naranasan sa Myanmar. Nagsimula ang karahasan noong Agosto 2017. Sinunog ng mga militar ang aming mga bahay, at pinagpapapatay ang sinumang makita nila. Tumakas kami ng pamilya ko, palipat-lipat kami sa iba’t ibang barangay hangga’t nakatawid kami sa ilog ng Naf papunta sa Bangladesh. Nakakatakot ang paglalakbay namin. Napakamahal ng siningil sa amin para makasakay sa bangka, at iniwan namin ang lahat – ang aming mga alagang baka, ang aming bukid, ang mga alaala ng buhay naming naging abo na lamang. Nakita ko kung paanong namatay ang mga tao, at ang magkasabay na pagkatupok ng kanilang mga tahanan at kanilang mga pangarap.
Sinagip kami ng Bangladesh. Pagod na pagod, takot, pero sa wakas ay ligtas na kami. Tinanggap nila kami, pinakain at pinainom. Hanggang ngayon, naluluha ako sa alaala ng kanilang ipinakitang kabaitan. Inilipat kami sa mga kampo, kung saan inaasahan naming mamamalagi kami ng ilang buwan lamang. Pitong taon na ang nakaraan, pero nandito pa rin kami. Hindi madali ang buhay sa kampo. Bulubundukin ang lupain, hindi maayos ang sanitation, limitado ang tubig – malayo sa normal na pamumuhay. Para kaming mga bitag na nakakulong, pinipigilan ang aming pagkilos ng mga alagad ng batas na sinasambit ang "Rohingya" na para bang sumpa. Hindi sapat ang rasyon ng pagkain. Kailangan namin ng gulay at karne, ng mga damit, at ng pagkakataong kumita para sa disenteng pamumuhay. Mahirap ding makakuha ng pangangalagang pangkalusugan. Ang mga pasilidad ay siksikan na, at kinakailangan na nilang tanggihan ang pagtanggap sa mga may sakit. Nag-aalala rin ako para sa sarili kong kalusugan—kapag hindi ako magpatingin, maaaring lumala ang aking kondisyon.
Isang taong gulang na ang anak ko. Ang pangarap ng aking ama na maging doktor ako ay namatay sa Myanmar. Dito sa kampo, tila napakalayo na rin ng mga pangarap ko. Paano ko mabibigyan ng magandang kinabukasan ang anak ko kung ang aking kinabukasan ay mapanglaw? Nangungulila ako para sa isang tahanan. Ngunit ang nais ko ay tahanan kung saan kami’y ligtas, kung saan kami’y may mga pangunahing karapatan, kung saan hindi ituturing ang anak ko bilang isang refugee. Gusto kong bumalik sa aming bayan nang may dignidad, isang mamamayan, hindi isang taong itinakwil.
Ang hinihingi ko lang naman ay pagkakataon. Pagkakataong makakuha ng edukasyon at ng pangangalagang pangkalusugan, at pagkakataong mamuhay nang malaya. Maaaring baguhin ng mundo ang aming tadhana. Makipag-ayos, itaguyod ang aming kapakanan, tulungan kaming lumikas sa ibang lugar. Nais lang naming mamuhay nang may dignidad, na karapat-dapat na makamit ng kahit sinong tao. Hinahanap-hanap namin ang aming mga dating buhay, ang mga bahay namin, ang mga paaralan namin. Ibalik ninyo sa amin ang aming pag-asa."
“Pakiramdam ko, hindi abot-kamay ang edukasyon dito, at ang takot na may dudukot sa akin ay lagi kong naiisip.”
"Ako si Kismat Ara. Ako’y 11 na taong gulang, nasa ikatlong baitang sa Mukti School.
Hindi na gaanong malinaw sa aking alaala ang Myanmar. Ang naaalala ko ay ang maliit na tindahan ng tatay ko, at kung paanong nasunog iyon pati ang katapat na bahay ng lolo ko. Nasunog din ang bahay namin. Iyon ang mga naaalala ko tungkol sa Myanmar. Tumakas kami ng mga magulang at mga kapatid ko, ngunit tila sinusundan kami ng mga away hanggang sa mga kampo. Naalala ko ang kaba namin nang dinukot ang tito ko, at ang pasasalamat namin nang nakabalik siya nang ligtas. Ang bahay namin sa Myanmar ay gawa sa kahoy. Maginhawa rito, at may hardin kung saan kami naglalaro. Dito, masisilungan lang ang mayroon, walang tahanan. Walang lugar kung saan malaya kaming makapaglalaro, lagi kaming pinipigilan.
Pangarap kong maging isang Quran Hafez. Pakiramdam ko, hindi abot-kamay ang edukasyon dito, at ang takot na may dudukot sa akin ay lagi kong naiisip. Lagi akong pinagbabawalan ng mga magulang kong lumayo mula sa aming tinitirhan. Pero di ko hahayaang maging sagabal ang takot sa pangarap ko. Gusto kong magturo, ibahagi ang nalalaman ko tungkol sa aming relihiyon sa ibang mga bata. Balang araw, kapag ligtas na, gusto kong bumalik sa Myanmar. Babalikan ko ang lugar na tahanan ng aking pamilya at ng aking komunidad."
“Patong-patong ang mga hamon dito – walang oportunidad na makakuha ng edukasyon, walang disenteng trabaho, at hindi sapat ang pagkain.”
"Ako si Solim Ullah, 22 na taong gulang, at tila preso sa kampo dito sa Balukhali.
Ang tahanan ko noon ay sa Maungdaw. Dito, ang lagi naming kasama ay ang takot. Hinihigpitan ang aming mga kilos, at dinidikta kung saan lang kami puwedeng pumunta. Nililimitahan ang puwede naming puntahan sa pamamagitan ng paglalagay ng alambre sa palibot nito. Edukasyon? Isang di-maabot na pangarap. May mga armadong grupo sa kampo na lagi kaming pinagbabantaan. Kailangang masunod ang kagustuhan nila, kundi ay maaari kang dukutin o bugbugin. Gusto lang naming mabuhay nang mapayapa, pero tila salitang dayuhan ang “kapayapaan” dito.
Patong-patong ang mga hamon dito – walang oportunidad na makakuha ng edukasyon, walang disenteng trabaho, at hindi sapat ang pagkain. Dumami nga ang mga rasyon, ngunit umakyat din ang mga presyo ng pagkain. 2,200 na taka para sa isang bag ng bigas? Paano namin makakayanang bumili ng pampalusog na pagkain sa ganoong mga presyo? Sapat naman ang tubig sa aming kampo. Pero ang waste management? Isang malaking kapalpakan. Dahil sobrang pagod ang mga boluntaryo, hindi nila binibigyang-pansin ang kanilang dapat sundin na iskedyul, at umaapaw na ang mga basura kaya nagkakasakit ang mga tao. Pagod na kami sa siksikang pamumuhay. Gusto lang naming maging malaya.
Myanmar. Labinlimang taon ko iyong naging tahanan. Gusto kong bumalik doon. Bagama’t may mga limitasyon din, makakapag-aral ako roon. Dito, ang pinakamataas na maaabot mo ay ika-labing isang baitang. Ang daming posibilidad sa mundo – maaari kang maging doktor, inhinyero, negosyante, ngunit kailangan ng isang sistema ng edukasyon. Hinahanap-hanap ko ang saya ng paaralan, ang makipagtawanan sa mga kaibigan. Dito, panay trabaho, pag-aalala, at pagmithi sa higit pa.
Bilang panganay ng pitong magkakapatid, ako ang nagdadala ng responsibilidad sa kanila. Umalis kami noong 2017, isang desperadong pagtawid sa mga kabundukan upang takasan ang hukbong militar ng Myanmar. Apat na araw ng paghihirap upang makarating sa Bangladesh, isang bansang bukas-palad kaming tinanggap. Nagpapasalamat kami, pero ang buhay sa kampo ay hindi nakabubuti sa amin. Ito’y tila isang kulungan. Dito, ang buhay ay pag-asam sa isang kinabukasan kung saan ang aming potensyal ay nabibigyang-daan ng edukasyon, at kailangan ng kalayaan upang mangarap kaming muli."