Mga walang-katapusang Hamon: Pagkatapos ng sunog, nagsisimulang bumangong muli ang mga refugee na Rohingya
Nag-umpisa ang sunog nang ala-una ng madaling araw ng Enero 7. Inabot ng tatlong oras bago naapula ang sunog, at sa panahong iyon ay natupok na ng apoy ang halos 900 na tirahan. Bangladesh, 2024. © Jan Bohm/MSF
Isang oras makalipas ang hatinggabi noong Enero 7, isang sunog ang nagsimula sa Camp 5, isa sa 33 na kampo sa Cox’s Bazar, Bangladesh. Inabot ng tatlong oras bago naapula ang sunog, sapat na panahon upang matupok ng apoy ang halos 900 na tirahan at magdulot ng pinsala sa daan-daan pa. Ang resulta nito’y 7,000 na mga Rohingya refugees ang nawalan ng tirahan. Muli.
“Nagising ako noong nag-aapoy na ang tinitirhan namin,” kuwento ni Nur Bahar, habang nakaupo sa labi ng dati nilang tirahan. Tumakas si Nur mula sa Myanmar noong 2017 matapos na may pumaslang sa kanyang asawa. Buntis siya noon, at sa Bangladesh na niya ipinanganak ang isang sanggol na lalaking pitong taong gulang na ngayon. Wala na silang bubong at mga dingding; siya at kanyang anak ay nakaupo sa isang karpet, napapaligiran ng mga pagkain at damit na donasyon ng ibang mga miyembro ng komunidad. “Dahil wala akong asawa o pamilya, walang mag-aalaga sa akin. Umaasa na lang ako sa mga donasyong pagkain at umaasa ring may tutulong sa aking itayo muli ang aming tirahan.”
Mahirap ang sitwasyong ito lalo na para sa mga may pamilya. Si Anuhara, 67, ay napapaligiran ng kanyang mga kamag-anak. Dati’y kasama niya ang kanyang dalawang anak na lalaki at manugang na babae, ngunit nang manganak ang manugang niya dalawang araw bago ang sunog, lumipat sila sa ibang bahagi ng kampo kung saan nakatira ang iba nilang kamag-anak. Kung sumama siya, ligtas sana siya mula sa sunog. Ngayon, ginagawan siya ng kanyang dalawang anak at ng iba pa nilang kamag-anak ng pansamantalang tirahan na gawa sa kawayan. Nawala ang lahat ng pag-aari ni Anuhara, maliban sa suot niyang damit. “Ito lang ang natira sa akin.”
Si Sona Ullah ay nagtatrabaho bilang humanitarian affairs officer ng Doctors Without Borders sa kanilang klinika sa Balukhali. Dati ay natupok din ng sunog ang klinika, at ito’y muling nabuksan kamakailan lang. Tungkulin ni Sona na makipag-ugnayan sa kanyang mga kapwa Rohingya sa mga kampo upang maintindihan ang kanilang mga pangangailangan at matukoy kung paano sila matutulungan ng Doctors Without Borders. “Katatapos lang naming maglagay ng dekorasyon sa bahay para sa kasal ng aking anak,” sabi niya, habang nakatayo sa ilalim ng plastic sheeting. Ngayon, siya ang nangangailangan ng suporta, dahil nilamon ng apoy ang bahay niya at ang bahay ng kanilang pamilya. Bangladesh, 2024. © Jan Bohm/MSF
Si Sona Ullah ay nagtatrabaho bilang humanitarian affairs officer ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) sa kanilang klinika sa Balukhali. Kamakailan lang, binuksan muli ang klinikang ito matapos itong matupok din ng sunog. Ang trabaho niya ay makipag-ugnayan sa kanyang mga kapwa Rohingya sa mga kampo upang maintindihan ang kanilang mga pangangailangan at matukoy kung paano makatutulong ang Doctors Without Borders. “Katatapos lang naming maglagay ng dekorasyon sa bahay para sa kasal ng aking anak,” sabi niya, habang nakatayo sa ilalim ng plastic sheeting. Ngayon, siya ang nangangailangan ng suporta, dahil nilamon ng apoy ang bahay niya at ang bahay ng kanilang pamilya.
Bagama’t ayon sa opisyal na datos ay walang namatay dahil sa sunog, damang-dama pa rin ng mga tao ang tindi ng epekto nito. Ang mga Rohingya, na tumakas mula sa karahasan sa Myanmar, ay nawalan muli ng tirahan. Mula noong malawakang paglikas noong 2017, sinusubukan nilang makibagay sa kawalan ng katiyakan ng pamumuhay sa isang provisional camp, sa ilalim ng mga napakahirap na kondisyon, at sila’y umaasa lamang sa aid. Ang sitwasyon ay itinuturing na pansamantala – hindi pinapahintulutan ang pagtayo ng permanenteng istruktura sa loob ng kampo, ang mga Rohingya ay hindi puwedeng maghanapbuhay, ang mga bata ay hindi nakatatanggap ng pormal na edukasyon, at ang mga tao ay nahaharap sa napakaraming paghihigpit.
Ang mga bata ay namimili mula sa mga damit na ibinigay bilang donasyon. Mabilis ang pagtugon ng komunidad ng mga Rohingya. Dahil sa maraming tao mula sa Camp 5 ang nasunugan ng halos lahat ng kanilang kagamitan, ang mga refugee na mula sa ibang bahagi ng kampo ay di nag-atubiling bigyan sila ng mga donasyon na damit at pagkain. Bangladesh, 2024. © Jan Bohm/MSF
Ang katatagan ng komunidad ng mga Rohingya ay kapuri-puri. Ang mga taong mula sa ibang bahagi ng kampo ay mabilis na dumating upang magbigay ng mga donasyong damit at pagkain, sila ay maituturing na first responders. Ang Doctors Without Borders naman ay nagbigay ng psychological first aid, at kasama ang ibang organisasyon, inalam namin ang kanilang mga pangangailangan at ngayo’y naghahanda para sa isang mas organisadong pagtugon. Wala pang isang linggo ang nakararaan nang nagkasunog muli, sa Camp 11 naman. “Matapos matupok ang Camp 5, binisita sila ng mga taga-Camp 11 nang may dalang mga pagkain at mga donasyong damit,” sabi ni Erik Engel, isang Project Coordinator ng Doctors Without Borders.
“Gayunpaman, sa kabila ng kanilang katatagan, kailangan ng mga Rohingyang makita ang posibilidad ng isang kinabukasang mapagkakatiwalaan nila. Ang pagtira sa mga pansamantalang masisilungan ay hindi nagbibigay sa kanila ng buhay na may dignidad.”Erik Engel, project coordinator