Skip to main content

    Bangladesh: Ang mga pangangailangan ay narito na ngayon

    MSF is a major provider of medical care in the Cox’s Bazar region. The Balukhali clinic is one of the nine operating medical centers and two standby multi-outbreak centers MSF runs in the camp.

    Ang Doctors Without Borders ay pangunahing tagapagbigay ng pangangalagang medikal sa rehiyon ng Cox’s Bazar. Ang klinika ng Balukhali ay isa sa siyam na gumaganang medical center at dalawang standby multi-outbreak center na pinapatakbo ng Doctors Without Borders sa kampo. © MSF/Jan Bohm

    Isang buwan pa lang pagkatapos ng sunog, nagsimula nang muli ang Doctors Without Borders na magbigay ng mga kritikal na serbisyong medikal sa mga pansamantalang istruktura. Ang pinaiiral na kalakaran sa kampo ay ituring ang krisis bilang pansamantala lamang, kung kaya’t di pinahihintulutan ang pagtayo ng mga permanenteng istruktura para sa serbisyong medikal man o para gawing mga tirahan. Upang maitayong muli ang klinika, pinaghirapan ng Doctors Without Borders ang pagkuha ng mga permiso upang mapahintulutan ang pagtayo ng semi-permanent na mga istruktura. Pagkaraan ng dalawang taon, saka lang sila binigyan ng mga permiso. Nagsimula ang konstruksyon noong Enero 2023. Kasabay ng pagdiriwang ng Pasko sa maraming bahagi ng mundo, ipinagdiwang namin ang pagtatapos ng bagong klinika. Noong Disyembre 21, 2023, dalawa at kalahating taon pagkatapos ng mapaminsalang sunog, binuksang muli ng Doctors Without Borders ang klinika sa isang seremonyang dinaluhan ng komunidad, staff, at mga awtoridad.

    “May mga pasyenteng naglalakbay pa nang malayo para lamang makakuha ng de-kalidad na paggamot na maibibigay namin,” sabi ni Sarmin Akter, Project Coordinator Support, na nagtatrabaho na sa pasilidad mula pa noong Setyembre 2017. “Malaki ang naging epekto ng sunog sa paghahatid namin ng serbisyo. Gayunpaman, patuloy kaming ginagawang sandigan ng mga pasyente dahil sa pagtitiwalang nabuo sa pagdaan ng panahon. Bagama’t may mga paghihigpit sa mga pagkilos kahit sa loob lang ng kampo, pinipili pa rin nila ang aming pasilidad sa halip na ang mga mas malalapit na alternatibo dahil sa tiwala nila sa amin.”

    Ang Doctors Without Borders Balukhali clinic ay nagbibigay ng ambulatory services na nakatuon sa dalawang pangunahing aspeto: ang sexual at reproductive health, kung saan kasama ang pangangalaga sa mga survivor ng karahasang sekswal at karahasang batay sa kasarian, at ang mga serbisyo para sa kalusugang pangkaisipan gaya ng psychiatric care, at paggamot ng epilepsy. Ang klinika ay naging sentro rin ng pagbabakuna, pagsulong ng kalusugan, water and sanitation, at nagsisilbing homebase ng aming humanitarian affairs team na nagtatrabaho sa mga kampo sa di-kalayuan. Nagsusumikap ang team na ito na makita kung ano pang mga suliranin ang nangangailangan ng humanitarian concern. Isang halimbawa ay ang pagbabawal sa mga refugee na makakuha ng pangangalaga mula sa mga secondary health centre, at ang pagkakait ng birth certificate para sa kanilang mga sanggol.

    Sexual and reproductive healthcare team of the MSF Balukhali clinic.

    Ang sexual at reproductive healthcare team ng Doctors Without Borders Balukhali clinic.  © MSF/Jan Bohm

    Ang mga kasalukuyang patakaran ay nakabatay sa pagpapalagay na babalik ang mga Rohingya sa Myanmar, isang bagay na inaasam ngunit malabong mangyari sa ngayon, dahil ang mga kondisyon para sa ligtas na pagbabalik ng mga Rohingya nang di nayuyurakan ang kanilang dignidad at napoprotektahan ang kanilang mga karapatan ay wala pa ngayon. Ngunit ang mga pangangailangan ay narito na ngayon.
    Antonino Caradonna, Head of Mission

    “Dumarami ang mga hamon, habang nababawasan naman ang suporta mula sa mga international donor. Mahalagang di mawala sa kamalayan ng mundo ang krisis ng mga Rohingya Rohingya upang matugunan ang mga kagyat at dumaraming mga pangangailangan ng mga Rohingya na aming nasasaksihan araw-araw. Ito’y dapat magpatuloy hanggang sa panahong maaari na silang makabalik sa Myanmar. Kailangan ng mga makahulugang pagkilos tungo sa pagpapadali para sa mga Rohingya na mamuhay nang di umaasa sa iba, nang ligtas at may dignidad,” pahayag ni Antonino Caradonna, ang Head of Mission ng Doctors Without Borders sa Bangladesh.

    Mula pa noong 1978, ang distrito ng Cox’s Bazar ay naging takbuhan na ng mga Rohingya refugee na tumatakas mula sa karahasan laban sa kanila sa estado ng Rakhine sa Myanmar. Ang pinakahuli at pinakamatinding bugso ng karahasan, na nagsimula noong Agosto 2017 ay naging sanhi ng paglikas ng daan-daang libong tao patungo sa Bangladesh. Kasama ang mga dati nang refugee na tumakas din noon dahil sa karahasan, may mga isang milyong Rohingya na ang namumuhay ngayon sa ilalim ng kalunos-lunos na kondisyon.

    Ang Doctors Without Borders ay pangunahing tagapagbigay ng pangangalagang medikal sa rehiyon ng Cox’s Bazar. Ang organisasyon ay nagpapatakbo ng siyam na medical center at dalawang standby multi-outbreak center. Dahil mas mabisang pigilan ang mga sakit sa halip na harapin ang mga kahihinatnan ng mga outbreak, nangangasiwa rin ang Doctors Without Borders ng ilang mga water network at nagpapatakbo ng dalawang planta para sa fecal sludge treatment. Sa pagitan ng Enero at Nobyembre 2023, nakapagsagawa ang mga team ng Doctors Without Borders ng 106,424 emergency consultation at 610,208 outpatient consultation. 718,176 ang naabot ng mga aktibidad na nagsusulong sa kalusugan. Araw-araw, nakagagamot ang mga medical team ng Doctors Without Borders ng humigit-kumulang 2,200 na mga pasyente.