Skip to main content

    Bangladesh: Nananawagan ang Doctors Without Borders para sa walang paghahadlang na pagtulong at proteksyon para sa mga refugee na Rohingya

    BGD

    Ang mga refugee na Rohingya ay nakatira sa mga siksikang kampo sa Ukhiya, Cox’s Bazar, Bangladesh. © Yunus Ali Shamrat/MSF

    Libo-libong mga refugee na Rohingya ang dumating sa Bangladesh nitong mga nakaraang buwan, habang ang iba naman ay pinabalik o ikinulong habang sinusubukan nilang makatakas mula sa Myanmar. Inilarawan sa aming mga team ng mga nakarating sa Bangladesh ang kanilang mga kahila-hilakbot na paglalakbay. Kadalasan, kabilang rito ang pagsaksi sa pagkamatay ng mga mahal sa buhay, ang pangangailangang ibenta ang kanilang mga natitirang ari-arian, o ang mapilitang mangutang para sa mga gagastusin sa isang paglalakbay na walang kasiguraduhan. Ang iba naman ay nagkuwento kung paano nila sinubukang tumawid sa hangganan upang makahanap ng kaligtasan – isang gawang hindi biro na minsa’y umaabot ng ilang araw.

    Sa mga kampo ng refugee sa Cox’s Bazar, suliranin ang access sa pagkain. Ayon sa mga dati nang nakatira sa mga kampo, ibinabahagi nila ang kanilang mga rasyon ng pagkain at kanilang mga tirahan sa mga bagong dating nilang kamag-anak. Ang mga ito’y walang access sa mga serbisyong tulad ng masisilungan, tubig, sanitasyon at proteksyon mula sa pang-aabuso, pananamantala, at pagpapabaya, lalo na sa mga bata at mga kababaihan. Mula Hulyo, nasaksihan ng Doctors Without Borders ang pagtaas ng bilang ng mga batang wala pang limang taong gulang na may katamtaman at malalang malnutrisyon. Ito ay isang isyu lalo na sa mga bagong refugee, dahil halos wala silang access sa pagkain at pangangalagang pangkalusugan sa Myanmar. Ang palagiang kakulangan sa mapagkukunang-yaman para sa pagtugong humanitarian ay malaking sagabal din sa pagkakaroon ng mahahalagang serbisyo, kung kaya’t nagiging mahirap para sa mga bagong dating na refugee na Rohingya na makuha ang lahat ng serbisyong humanitarian. Bagama’t ang mga pagsusumikap upang mapadali ang pagrerehistro sa mga refugee na Rohingya ay mahalaga, ang pagkaantala sa prosesong ito ay hindi dapat maging balakid sa pagbibigay ng agarang atensyon.
     

    Ang mga ingay na nanggagaling sa mga matitinding labanan sa Myanmar ay nagsisilbing paalala ng karahasang tinakasan namin. Kahit sa mga kampo, ang mga tensyon ay maaaring tumindi, at ang pangamba ng pagkakaroon ng karagdagang karahasan ay laging nariyan. Natakasan ko ang karahasan sa Myanmar, ngunit hindi ko matakasan ang takot. Bumibilis ang pintig ng puso ko sa tuwing makaririnig ako ng malakas na ingay.
    *Solim, isang Rohingya refugee

    Ang aming mga team ay gumagamot ng mga bagong dating na Rohingya sa mga kampo. Kasama rito ang mga pasyenteng may kritikal na karamdaman, at ang mga nasugatan dahil sa digmaan, gaya ng mga natamaan ng mortar shell at mga nasugatan dahil sa pamamaril. "Ibinahagi sa amin ng mga tao na takot silang humingi ng tulong dahil maaari silang pagsamantalahan o kaya’y ibalik sa Myanmar,” sabi ni Orla Murphy, ang Country Representative ng Doctors Without Borders sa Bangladesh.

    “Nakikita ng aming mga team para sa kalusugang pangkaisipan kung paano hinaharap ng mga tao ang mga karahasang nasaksihan nila sa Myanmar. At nakikita rin nila kung paanong ang kakulangan ng access sa mga serbisyong humanitarian ay naglilikha ng kawalang katiyakan na nagpapalala sa kanilang trauma. May mga bagong dating na Rohingya na mayroong mga sintomas ng stress, pagkabalisa at kalumbayan," sabi ni Murphy.

    “Ang bawat bagong trauma na nararanasan nila … ay nakapagpapalalim ng mga sugat sa kanilang isipan.”

    Bilang isang mental health professional na gumagamot ng mga refugee na Rohingya, nasaksihan ko ang nakawawasak na epekto ng trauma at karahasan sa kagalingang pangkaisipan ng mga tao na kamakailan lang umalis sa Myanmar. Kada buwan, ang aming mga pasilidad ay tumatanggap ng mahigit 30 na pasyente na may iba’t ibang alalahanin kaugnay ng kanilang kalusugang pangkaisipan, gaya ng complex trauma at post-traumatic stress disorder (PTSD). Maraming mga taong may mga karamdamang kaugnay ng kanilang kalusugang pangkaisipan, na dating maayos naman ang kondisyon sa Myanmar, ay nakararanas na ngayon ng paglala ng kanilang sakit dahil sa kakulangan ng paggamot habang sila’y naglalakbay.

    Kabilang sa mga pinakamahalagang isyu na kaugnay ng kalusugang pangkaisipan ay ang matinding pagkalumbay at pagkabalisa, na pinapalala pa ng mga kahila-hilakbot na karanasang pinagdaanan ng mga taong ito. Nang tumindi ang karahasan sa Myanmar noong Hulyo at Agosto nitong taong ito, nakakita kami ng pagdami ng mga pasyenteng naghahanap ng tulong. Ang bawat isa sa mga pasyenteng ito ay dala-dala hindi lang ang bigat ng kanilang mga pinagdaanan kaugnay ng kanilang kalusugang pangkaisipan, kundi pati na rin ang kanilang mga pisikal na karamdaman na resulta ng pangmatagalang pagkalantad sa karahasan at pagpapabaya.

    Kadalasan, binabalikan ng mga tao ang kanilang mahirap na paglalakbay mula sa Myanmar patungong Bangladesh, isang daang puno ng panganib at kawalan ng pag-asa. Marami ang humarap sa mga balakid sa hangganan, kasama na rito ang karahasan at mga pushback na nakapipigil sa kanilang pagtawid. Ang kanilang mga karanasan ay kakikitaan ng matagalang pagkalantad sa trauma, karahasan, pagkawala at pagkamatay ng mga mahal sa buhay. Sa kasamaang palad, ang mga karanasang ito ay bihirang naiuulat, kung kaya’t ang mga sugat ng pagdurusa ay hindi laging nabibigyan ng atensyon.

    Sa kabila ng kanilang pagdating sa kaligtasan ng Bangladesh, napapagtanto ng mga refugee na ang kanilang mga pangunahing pangangailangan ay hindi matutugunan dito. Nagpapahayag sila ng mga alalahanin ukol sa mga isyu sa pagpaparehistro, ang kakulangan ng masisilungan, at ang kahirapang mamuhay nang nagsisiksikan at kapos sa mapagkukunang-yaman. Habang sila’y nagsusumikap na maitaguyod muli ang kanilang mga buhay, patuloy ang unti-unting pagkasira ng kanilang kalusugang pangkaisipan. Isang hamon ang mapanatili ang tamang pag-iisip sa buhay na puno ng mga kumplikasyon at kawalan ng katiyakan.

    Ang mga kondisyon sa kampo ay lalong nagpapalala sa kalagayan ng kanilang kalusugang pangkaisipan. Pakiramdam ng mga pasyente, lagi silang nasa bingit ng panganib. Araw-araw, may balita ng mga barilan at mga alitan sa pagitan ng mga iba’t ibang grupo. Laging nakaamba ang takot sa karahasan, na nagdudulot ng mga pakiramdam ng pagkabalisa at kawalan ng kakayahan. Sa mga bagong dating, maaaring maihayag ang mga damdaming ito bilang matinding trauma, mga sintomas ng pagkalumbay, at nadaragdagang pagkabalisa—mga kondisyong pangkaraniwan na ngayon sa mga humihingi sa amin ng tulong.

    Ang mga kababaihan at mga bata ay nahaharap sa mga kakaibang hamon sa ganitong kapaligiran. Marami ang nagpapahayag ng kawalan ng pag-asa, kalungkutan at pagkabalisa na nag-uugat sa kanilang nararanasan o dinanas na trauma. Nitong nakaraang pitong taon, walang gaanong pag-unlad sa sitwasyon sa Myanmar. Matindi pa rin ang mga paghihigpit sa paggalaw at kulang na kulang pa rin sa mapagkukunang-yaman. Dahil sa pakiramdam ng pagkabigo sa kanilang kawalan ng kakayahan, maaaring mapagbuntunan ng galit ng mga kalalakihan ang mga mahihinang miyembro ng pamilya, na nakadadagdag pa sa trauma na nararanasan ng mga sambahayan.

    Ang mga sapilitang pagsama ng mga refugee sa labanan ay nakadadagdag din sa paghihirap ng mga pamilya sa kampo. Isipin mo ang pakiramdam ng isang magulang ng kabataang 17 na taong gulang pa lamang na pilit isinasama sa digmaan kung saan napakaliit ng tsansang makalalabas siya nang buhay. Ito’y isang realidad para sa maraming pamilya, sa Myanmar man o sa Bangladesh. Ang bawat panibagong trauma na kanilang mapagdadaanan—pagkawala man ng mga pag-aari, mga miyembro ng pamilya, o ng kanilang pakiramdam ng kaligtasan—ay lalong nagpapalalim sa sugat sa kanilang isipan. Ang mga kasalukuyang karahasan sa mga kampo ay nagpapaalala ng kanilang mga pinagdaanang trauma at nauuwi sa tinatawag na re-traumatisation at paikot-ikot na pagdurusa.

    Bilang tugon sa mga matitinding pangangailangang ito, binibigyan ng Doctors Without Borders ng mahalagang pagsuporta ang mga mahihinang grupo. Kapag pumupunta ang mga pasyente sa aming mga pasilidad, pinahahalagahan ng aming mga counsellor ang kanilang kaligtasan, dignidad at pagiging kompidensiyal. Lumilikha kami ng isang sumusuportang kapaligiran kung saan maaari silang magbahagi ng karanasan at magpahayag ng kanilang pagdurusa. Sa mga kababaihan, kadalasan ito’y may kasamang mga partikular na psychiatric consultation na dinisenyo para maging angkop sa kanilang indibidwal na karanasan.

    Kabilang sa aming pagbibigay-lunas ang isang ganap na pagtatasa upang masuri ang kalagayan ng kanilang kaisipan. Sinusundan ito ng counselling, upang gawing normal ang kanilang mga karanasan at magbigay ng edukasyon ukol sa kalusugang pangkaisipan. Nakatuon kami sa pagpapahusay ng mga positibong estratehiya para sa pagharap at pagpapalakas ng mga social support network sa pamamagitan ng komunikasyon sa pamilya, mga miyembro sa komunidad at ibang mga organisasyon. Para sa mga nangangailangan ng psychiatric care, tinatasa ng aming mga doktor para sa kalusugang pangkaisipan ang kanilang mga kondisyon at nagrereseta ng mga gamot na psychotropic ayon sa pangangailangan.Bangladesh

    Naiintindihan namin na ang mga pangangailangan ng bawat indibidwal ay natatangi, at iniimbitahan namin ang mga pasyente na bumalik para sa kanilang follow-up session linggo-linggo. Ang aming mga social worker ay may mahalagang papel sa pagtiyak na sinusuportahan ang mga pasyente at mabuti ang kanilang kalagayan sa kanilang mga tahanan.

    - Shariful Islam, Doctors Without Borders mental health activity manager sa Kutupalong at Balukhali Clinic

    Bagama’t ang mga awtoridad ng Bangladesh ay nangako kailan lang na kanilang tutugunan ang mga pinakakagyat na pangangailangan ng mga refugee na Rohingya sa mga kampo, marami pa rin ang dapat gawin upang ang lahat ng taong dumarating sa bansa ay magkaroon ng access sa mga mahahalagang serbisyo gaya ng pagkain, tubig, masisilungan, pangangalagang pangkalusugan, edukasyon at proteksyon.

    Nananawagan ang Doctors Without Borders para sa walang hadlang na access sa humanitarian assistance, pangangalaga at proteksyon para sa lahat ng mga refugee na Rohingya sa Bangladesh. Inuudyukan din ng Doctors Without Borders ang lahat ng mga awtoridad na may kinalaman sa mga nabanggit na isyu upang tiyakin na walang ibabalik sa isang lugar kung saan maaari silang mapahamak. Ang prinsipyo ng ‘non-refoulement’ ay bahagi ng pandaigdigang batas, na nagbabawal sa pagbabalik ng mga indibidwal sa isang bansa kung saan maaari silang humarap sa pang-uusig, pagpapahirap o iba pang pang-aabuso ng kanilang mga karapatang pantao.
     

    “Tinakbuhan ko ang karahasan, ngunit hindi ko matatakasan ang takot."

    Ako si *Solim. Ako’y 21 na taong gulang, at dumating ako sa Bangladesh noong Hulyo. Ipinanganak ako sa Myanmar at lumaki ako sa pangangalaga ng aking mga magulang. Malaki ang aming pamilya—mayroon akong anim na kapatid na lalaki at tatlong kapatid na babae. Ngayon, ang isa kong kapatid na lalaki ay nandito sa Bangladesh, at ang isa naman ay nasa Yangon. Wala akong ideya kung nasaan ang iba pa sa kanila. Isa sa aking mga kapatid na lalaki at dalawa sa aking mga kapatid na babae ang nawawala. Naging imposible ang komunikasyon sa pagitan ng mga barangay sa Myanmar, kaya’t hanggang ngayon, wala akong paraan upang matiyak kung sila’y ligtas o hindi.

    Bago ako umalis sa Myanmar, paulit-ulit akong pinipilit na sumali sa militar ng Myanmar o di kaya’y sa Arakan Army. Inaasahan ng magkabilang panig ang mga kalalakihang Rohingya na sumali sa mga labanan, dahil kailangan nila ng mga sundalo, ngunit ayaw kong maging bahagi ng karahasan. Isang gabi, pinaligiran ng army ang aming barangay. Tumakas ako kasama ang aking nakababatang kapatid na lalaki, at tumawid kami sa mga batis at sa mga bulubunduking lugar upang magtago sa ibang kapitbahayan. Ngunit hindi namin matakasan ang alitan; may mga putukan ng baril at shelling. Sa pag-iwas sa mga putukang iyon, nagpalipat-lipat kami ng mga barangay.

    Solim

    Sa kalaunan, dalawang araw kaming nagtago ng kapatid ko sa gubat, at umasang hindi kami makikita roon. Naglalakbay lang kami kapag gabi, at sinubukan naming makarating sa hangganan. Noong may nakita kaming bangka sa di-kalayuan, sinubukan naming tumawid ng dagat. Ngunit pagkarating namin sa hangganan, nakita kami ng Myanmar Border Guard Police, at pinagdudahan kaming mga miyembro ng Arakan Army. Sinubukan naming magpaliwanag na kami’y mga estudyante lang na ayaw makisali sa mga labanan. Hindi nila kami pinakinggan at paulit-ulit kaming pinagtatatanong. Pinipilit pa kaming sumali sa militar, ngunit nagawa naming tumakas habang may kinakausap silang iba.

    Matapos ang ilang araw, nakahanap kami ng bangkang magdadala sa amin sa Bangladesh. Ang pagtawid papuntang Bangladesh ay nagdulot ng kaunting kaginhawaan, ngunit nanghihina ang katawan ko. Nasaktan ako habang papunta roon; nahiwa ang aking binti ng matatalim na kabibi at dumudugo ito. At dahil hindi ako marunong lumangoy, muntik na akong malunod noong nahulog ako sa tubig. Nararamdaman ko pa rin ang sakit sa aking katawan at isipan dahil sa mga nangyari sa akin. Sinasabi ko sa aking sarili na ligtas na ako, ngunit hindi pa rin maalis ang takot. Araw- araw, hindi mawala sa aking isipan ang mga putukan at karahasan sa Myanmar.

    Ngayong ako’y nasa Bangladesh, lagi lang akong nasa loob ng aming tinitirhan. Napakarami naming nagsiksikan dito—mga pamilyang may pito o higit pang miyembro ang pinagkakasya sa maliliit na kuwarto, at marami pang dumaragdag araw-araw. Ibinabahagi namin kung anumang mayroon kami, ngunit napakahirap ng buhay. Hindi ako makapagtrabaho, wala akong kamag-anak na malapit dito, at walang paraan upang makausap ko ang mga nasa Myanmar. May malayong kamag-anak ang aking ama na nakatira rin sa kampo. Mabait siya at binibigyan niya kami ng pagkain kahit na kaunti lang ang nakukuha niyang rasyon.

    Ngayon, tuwing nakaririnig ako ng malalakas na ingay, pakiramdam ko’y nasa Myanmar muli ako. Ibinabalik ng mga ingay ang lahat ng kinakatakutan ko … ang takot na may darating upang kunin ako o may gawin pa sa aking mas malala. Bumibilis ang pintig ng puso ko. Hindi ako makatulog nang mabuti. Gusto kong maramdaman na ligtas na ako, pero mahirap talaga.

    *Pinalitan ang pangalan para sa kanyang proteksyon

    “May mga araw na isang beses lang kami kumakain, at kailangan kong makita ang pagkagutom sa mga mata ng aking mga anak.”

    Ang Teknaf ay isang sub-district ng distrito ng Cox’s Bazar sa Chittagong Division sa Bangladesh. Ang mga refugee na Rohingya na nakatira sa mga kampo sa Teknaf ay nahaharap sa mga kahila-hilakbot na kondisyon. Ang mga kampo ay umaapaw sa mga tao. Wala silang sapat na pasilidad para sa sanitasyon at limitado ang kanilang access sa malinis na tubig at sa pangangalagang pangkalusugan. Ang karamihan sa mga refugee ay nakatira sa mga masisilungang gawa lamang sa kawayan at tarpaulin, na hindi sapat na proteksyon laban sa masamang panahon. Lumala pa ang sitwasyon noong dumating ang mga bagong refugee kamakailan lang. Sa ngayon, walang mga pasilidad pangkalusugan ang Doctors Without Borders sa Teknaf. Ilang linggo pa lang ang nakalilipas mula noong pumunta roon ang aming team at nakausap ang isa sa mga bagong dating na refugee na Rohingya, si Zahir.

    “Ako si Zahir, isang refugee na Rohingya mula sa Myanmar. Dumating ako sa Bangladesh noong Hulyo at kasalukuyan akong nakatira sa Teknaf, kasama ang pamilya ng aking hipag. Bago nagkaroon ng karahasan, simple lang ang pamumuhay ko kasama ang aking pamilya sa isang maliit na barangay. Mayroon kaming maliit na bukid at kumikita kami ng sapat lang, ngunit masaya kami noon. Ngunit nitong mga nakalipas na taon, ang karahasan at kawalan ng katatagan ay naging bahagi na ng aming mga buhay.

    Noong Hulyo, umabot ang karahasan sa aming barangay. Nakaupo kami ng kapitbahay ko sa labas ng aming bahay nang biglang nakarinig kami ng putukan. Tinamaan siya ng isang bala, na agad niyang ikinamatay. Ako nama’y tinamaan sa likod. Dahil walang makukuhang tulong medikal sa Myanmar at dahil sa takot namin para sa aming mga buhay, ginawa namin ang desisyong labag sa aming kalooban: iniwan namin ang lahat. Sa kaguluhan, nawala ang aming anak na lalaki na tatlong taong gulang pa lamang. Sinubukan namin siyang hanapin, ngunit dahil sa nakaambang panganib, napilitan kaming magpatuloy nang wala siya at kasama ang mga naiwan naming anak.

    Kinausap ko ang isang kakilala kong may bangka, upang tulungan kaming makatakas. Pumayag siya pero napakamahal ng siningil niya sa amin—mga 250 US dollar kada tao. Pero wala kaming magawa. Pagdating ng hatinggabi, lumusong kami sa tubig na hanggang baywang upang marating ang kanyang bangka. Pagdating ng bukang-liwayway, dumaong kami sa dalampasigan ng Bangladesh. Pagod na pagod ako at nagdurusa pa sa sakit na dulot ng pagkakabaril sa akin.

    Inakala naming ligtas na kami, ngunit ayaw pakawalan ng may-ari ng bangka ang aking panganay hangga’t hindi ko nababayaran ng buo ang aming pamasahe. Buong araw kami sa Teknaf, nakikiusap sa mga kamag-anak at kaibigan na pahiramin kami ng pera. Lumalala na ang sugat ko, pero hindi ko puwedeng isipin iyon habang hindi ko pa nakukuha ang aking anak. Sa wakas ay nakakalap kami ng sapat na halaga at nakuha na namin ang aking anak.

    Tumuloy na kami sa refugee camp (Teknaf), kung saan sinabukan namin ng hipag ko na makahanap ng tulong medikal para sa aking sugat. Ang unang pasilidad na pinuntahan namin ay napakamahal ng sinisingil, kaya’t nagpatuloy kami sa paghahanap. Palipat-lipat kami ng lugar, at sinusubukan naming makahahanap ng makagagamot sa akin. Sa bawat lugar ay nabigyan lang ako ng pansamantalang kaginhawaan, ngunit patuloy ang paglala ng kondisyon ko. Sa kalaunan, isinangguni ako sa mas malaking pasilidad, kung saan ako’y inoperahan.

    Nakalabas ako ng ospital pagkalipas ng 45 na araw, ngunit sinabihan akong kakailanganin ko ng patuloy na pangangalaga. Noong mga panahong iyon, sinusubukan naming makakuha ng mga token bilang mga bagong dating, dahil kapag di namin ito nagawa, mas lalo kaming magdurusa. Lumala ang aking sugat, at alam kong kailangan kong bumalik para sa patuloy na paggamot, ngunit hindi ko magawang iwan ang aking pamilya sa ganitong kalagayan. Pagod na pagod ako, hindi ako sigurado sa aking gagawin, at nagsusumikap akong panatilihin kaming magkakasama.

    Kasama ang pamilya ng lola ng asawa ko, siyam kaming nagsisiksikan sa isang maliit na masisilungan na dapat ay para sa apat na tao lamang. Kakaunti ang pagkain, at umaasa lang kami sa mga rasyon na ibinibigay ng Majhee [pinuno ng komunidad] ngunit laging hindi iyon sapat. May mga araw na isang beses lang kami kumakain, at kailangan kong makita ang pagkagutom sa mga mata ng aking mga anak. Wala naman akong maibigay sa kanilang iba pa. Limitado rin ang tubig; kailangang pagkasyahin namin ang isang garapon sa isang araw.

    Ang aming kinabukasan dito ay tila mapanglaw. Wala kaming tirahan, wala kaming pinagkakakitaan, at walang katiyakan ang aming hinaharap. Ang buhay ng aming mga anak ay tila natabunan ng kahirapan. Ngayon, nabalitaan kong ang pamamahagi ng token ay ipinagpaliban na naman. Kapag wala ang kinakailangang dokumento, ipagkakait sa amin ang access sa mahahalagang serbisyo, kabilang roon ang pangangalagang pangkalusugan. Ang aking mga kasalukuyang pangangailangang medikal ay hindi natutugunan, at nangangamba ako para sa aking kalusugan at sa kagalingan ng aking pamilya.

    Ang bawat pagkaantala ay dumadagdag sa aming takot, sa kaalaman na maaaring mawalan kami ng suporta sa lalong madaling panahon. Nakahiram na kami sa lahat ng aming kamag-anak na gustong tumulong, ngunit nauubos na rin ang kanilang pasensiya. Hindi magtatagal at mawawalan na kami ng matatakbuhan."

    *Pinalitan ang pangalan para sa kanyang proteksyon