Skip to main content

    Bangladesh: Ang kakulangan ng pangangalaga para sa mga mayroong hepatitis C at ang nakababahalang pagdami ng mga kaso nito sa mga refugee camp ng mga Rohingya

    A patient is receiving medicines for Hep C from Doctors Without Borders’ Jamtoli facility at the Rohingya refugee camp in Ukhiya, Cox’s Bazar. Bangladesh, May 2024. © Abir Abdullah/MSF

    Tumatanggap ang isang pasyente ng mga gamot para sa Hep C mula sa Jamtoli, ang pasilidad ng Doctors Without Borders sa refugee camp ng mga Rohingya sa Ukhiya, Cox’s Bazar. Bangladesh, Mayo 2024. © Abir Abdullah/MSF

    Sa pagdami ng mga pasyenteng nakumpirmang may hepatitis C sa mga kampo ng Cox’s Bazar nitong mga nakaraang taon, ang Epicentre, na siyang epidemiology at research centre ng Doctors Without Borders, ay nagsagawa ng survey sa 680 na kabahayan sa pitong kampo mula Mayo hanggang Hunyo 2023. Napag-alaman nila na halos sangkatlo ng mga nakatatanda sa mga kampo ay nalantad sa hepatitis C sa isang punto ng kanilang buhay, at 20% ay may aktibong impeksyon ng hepatitis C.

    “Bilang isa sa mga pinakainuusig na etnikong minorya sa mundo, ang mga Rohingya ang nagbabayad para sa ilang dekadang pagkakait sa kanila ng access sa pangangalagang pangkalusugan at sa mga ligtas na kasanayang medikal sa bansang kanilang pinagmulan. Ang paggamit ng mga hindi nadisimpektang kasangkapan para sa pangangalagang medikal gaya ng mga syringe, na madalas ginagamit para sa mga alternatibong kasanayan sa pangangalagang pangkalusugan sa komunidad ng mga refugee, ay posibleng naging sanhi ng paglaganap ng hepatitis C sa populasyong nakatira sa mga siksikang kampo", paliwanag ni Sophie Baylac, ang head of mission ng Doctors Without Borders sa Bangladesh. 

    Kung ating gagamitin ang mga resulta ng pag-aaral na ito sa lahat ng mga kampo, maaaring isa sa bawat limang nakatatanda ay kasalukuyang nabubuhay nang may hepatitis C. Kung gayon, may mga 86,000 na ang nahawaan at kailangang gamutin.

    Araw-araw, kinakailangan na naming hindian ang mga pasyenteng may hepatitis C sapagkat ang aming kapasidad ay hindi sapat para sa kanilang pangangalaga. Bukod sa aming mga klinika, halos walang ibang makukuha na abot-kayang mga alternatibong paggamot sa mga kampo. Para sa isang populasyong walang estado at pinagkaitan ng kanilang mga pangunahing karapatan, isa na naman itong walang patutunguhang daan sa kanilang araw-araw na pamumuhay.
    Sophie Baylac, Head of Mission

    Kung tutuusin, mahigit 95% ng mga may hepatitis C ay maaaring magamot ng mga direct-acting antiviral drug. Ngunit hindi sapat ang access sa pagsuri at paggamot ng sakit na ito sa maraming bansang mahihirap kaya’t maituturing pa rin itong posibleng banta sa pampublikong kalusugan. 

    Sa mga siksikang kampo ng mga refugee sa Cox's Bazar, halos walang access ang mga tao sa pagsusuri at paggamot ng hepatitis C. Tanging ang Doctors Without Borders lang ang nagbibigay ng pangangalaga para sa hepatitis C doon nitong nakaraang apat na taon. Ngunit napakalaki ng pangangailangan nila para rito.  

    Ayon sa batas, ang mga refugee ay hindi maaaring magtrabaho o umalis mula sa kampo. Ang mga hindi namin magagamot ay walang kakayahang magbayad para sa mga mahal na diagnostic test at mga gamot. Hindi nila kayang kumuha ng angkop na pangangalaga sa labas ng mga kampo. “Karamihan sa mga refugee na hindi nagagamot ay mauuwi sa mga alternatibong paraan ng pangangalaga, na hindi epektibo at posibleng may mga dalang panganib pa sa kanilang kalusugan,” sabi ni Sophie Baylac. 

    Doctors Without Borders staff is collecting blood sample from a patient to run Hep C rapid diagnostic test (RDT) at the Hep C consultation room of Hospital on the hill at Ukhiya, Cox’s Bazar. Bangladesh, May 2024. © Abir Abdullah/MSF

    Ang staff ng Doctors Without Borders ay nangongolekta ng blood sample mula sa isang pasyente na sasailalim sa isang Hep C rapid diagnostic test (RDT) sa Hepatitis C consultation room ng Hospital on the Hill sa Ukhiya, Cox’s Bazar. Bangladesh, Mayo 2024. © Abir Abdullah/MSF

    Kami’y nagagalak sa pahayag ng World Health Organization (WHO), International Organization for Migration (IOM) at Save The Children na 900 na pasyenteng may hepatitis C ay gagamutin sa dalawang health centre sa mga kampo. Isa itong mahalagang hakbang patungo sa tamang direksyon. Ngunit kinakailangan pa rin ng malaking kampanya sa pagsusuri at paggamot nito upang mapigilan ang paglaganap ng virus at maiwasan ang mga seryosong kumplikasyon at kamatayan. Upang magawa ito, kinakailangan ang pagtutulungan at determinasyon ng lahat ng sangkot sa pagtugong humanitarian sa mga kampo sa Cox's Bazar.
    Sophie Baylac, Head of Mission

    “Ang bawat henerasyon ng mga refugee na nakatira sa mga kampo ay apektado ng hepatitis C. Nahaharap sila sa panganib ng mga seryosong kumplikasyon sa kanilang kalusugan – na hindi magagamot sa loob ng mga kampo – at maaari nilang ikamatay ito. Mayroon namang napakaepektibong gamot para rito na walang masamang epekto, at hindi ito mahirap para sa pasyente dahil isang tableta lang kada araw ang kailangang inumin sa loob lamang ng tatlong buwan. At di ito gaanong mahal,” pagpapatuloy ni Sophie Baylac.

    Ang mga patnubay ng WHO at ang kanilang mga pinasimpleng modelo ng pangangalaga na nagamit ng Doctors Without Borders sa mga kaparehong konteksto ay naging epektibo rin sa pagpapaunlad ng paggamot ng hepatitis C sa mga lugar na kakaunti ang mapagkukunang-yaman. Nitong nakaraang dalawang taon, sinuportahan din ng Doctors Without Borders ang Bangladesh Ministry of Health sa pagbalangkas ng pambansang clinical guidelines para sa paggamot ng hepatitis C. 

    Handa ang Doctors Without Borders na magpatuloy sa pakikipagtulungan sa mga opisyal ng bansa, gayon din sa mga organisasyong inter-governmental at non-governmental upang magsagawa ng malawakang mga aktibidad para sa pagpigil ng sakit na ito at pagtataguyod ng kalusugan, at pati na rin ng isang kampanya para sa maramihang pagsusuri at paggamot sa lahat ng mga kampo sa Cox's Bazar upang mapigilan ang pagkalat ng virus at magamot ang maraming pasyente sa lalong madaling panahon.

    Ang mga ginagawa ng Doctors Without Borders sa Bangladesh

    Mula pa noong Oktubre 2020, nagbibigay na ang Doctors Without Borders ng libreng hepatitis C virus screening, diagnosis at paggamot sa mga refugee na namamalagi sa Cox's Bazar sa Bangladesh. Ginagawa namin ito sa dalawa sa aming mga pasilidad pangkalusugan sa mga kampo (Jamtoli Clinic at Hospital on the Hill). Mula Oktubre 2020 hanggang Mayo 2024, mahigit 12,000 na taong pinaghihinalaang may aktibong impeksyon ng hepatitis C ay sumailalim sa testing ng Doctors Without Borders, gamit ang GeneXpert diagnostic machine. 

    Mahigit 8,000 na pasyenteng may kumpirmadong aktibong impeksyon ay nakatanggap na ng paggamot sa mga pasilidad ng Doctors Without Borders. Dahil sa mataas na bilang ng mga pasyenteng may HCV, kasisimula pa lang ng programa ay kinailangan na ng aming mga team na limitahan ang mga pasyente at magtalaga ng admission criteria sapagka’t mabilis na nasagad ang aming kapasidad. Ang kapasidad ng treatment programme ng Doctors Without Borders ay para lamang sa 150 hanggang 200 na mga bagong pasyenteng nangangailangan ng paggamot buwan-buwan.

    Sa pamamagitan ng aming kampanyang ‘Time for $5’, nilalayon ng Doctors Without Borders na makumbinsi ang Cepheid, ang kumpanyang gumagawa ng medical test at ang namumunong korporasyon nito, ang Danaher na babaan ang presyo ng GeneXpert hepatitis C viral load test na ginagamit sa diagnosis para sa hepatitis C. Ayon sa napag-alaman ng Doctors Without Borders sa kinomisyon naming pagsasaliksik, kahit isasaalang-alang ang ginagastos sa paggawa nito, kikita pa rin ang kumpanya kung ibebenta nila ito sa halagang US$5 para sa bawat test.Sa kasalukuyan, ibinebenta ito sa mga bansang may mababa at katamtamang kita sa halagang US$15 para sa bawat test. Dahil sa pandidiin ng kampanya, naglabas ng pahayag ang Danaher noong Setyembre 2023 na bababaan nito ang presyo ng tuberculosis test. Mula sa $10, ang bawat isa’y nagkakahalaga na lang ng $8. Kaya lang, nananatiling doble ng presyong iyon ang sinisingil nila para sa test ng ibang mga sakit gaya ng hepatitis C. Hinihingi ng Doctors Without Borders sa Cepheid at Danaher na gawing $5 ang presyo ng bawat diagnostic test para sa lahat ng sakit, upang mas maraming tao ang makakuha nito, at mabigyan sila ng makasagip-buhay na paggamot, lalo na ang mahihinang populasyon gaya ng mga refugee sa mga kampo sa Cox’s Bazar, Bangladesh.