Mula pa noong 400 BC, may mga ulat na ukol sa hepatitis virus. Pero noong kalagitnaan lang ng ika-labingsiyam na siglo una itong nailarawan. Noong dekada sitenta (1970s), ang mga virus ng hepatitis A at B ay pormal nang kinilala. Pagkalipas ng ilang taon, naobserbahan ng mga siyentipiko na matapos masalinan ng dugo, may ilang pasyenteng nagkaroon ng bagong uri ng hepatitis. Noong April 1989, kinilala ang bagong impeksyon bilang hepatitis C virus o HCV.
Sa buong mundo, tinatayang may 58 milyong tao ang may chronic HCV infection nung 2019. 72% sa kanila’y nakatira sa mga bansang mahirap at may sapat lamang na kita lamang o tinaguriang low- at middle-income countries (LMICs).
Ano Ang Ginagawa Ng Doctors Without Borders Tungkol Sa Hepatitis C?
Ginagamot ng Doctors Without Borders ang mga taong may hepatitis C sa iba’t ibang bansa, at may mga proyekto kaming nakatuon lang sa HCV sa Iran, Myanmar, Ukraine, Pakistan, India at Cambodia.
Noong 2019, nagbigay-lunas ang Doctors Without Borders para sa HCV sa 10,000 na tao sa buong mundo.
Cambodia
Ang Doctors Without Borders ay nakikipagtulungan sa Cambodian Ministry of Health upang paunlarin ang access ng mga tao sa pangangalaga, at nagsaliksik at nagpakilala ng mga makabagong pamamaraan sa pagsusuri at paggamot ng HCV sa Cambodia. Una, lahat ng mga pasyente ay tumatanggap ng magkakaparehong paggamot kahit na anong klase o yugto ang kanilang sakit sa atay. Ang implikasyon nito’y di na nila kinakailangang sumailalim sa karamihan ng pre-treatment analysis na hinihingi ng mga dating pagsusuri. Ikalawa, ang direct-acting antivirals (DAAs) ay ligtas, kaya’t di na kinakailangan ang karagdagang pagsusuri at pagsusubaybay, na dati’y ginagawa bago at pagkatapos ng paggamot. Sa kabuuan, kailangan na lang ng mga pasyente ng limang konsuItasyon sa halip na 16, kaya’t napapadali ang proseso at gumagaan ang gastos sa paggamot. Mahigit sa 13,000 na pasyente na ang nagamot sa bagong rehimen mula noong 2016.
Mula dekada nobenta (1990s) hanggang 2010s, ang paggamot ay tumatagal ng anim hanggang labindalawang buwan. Bukod pa roon, may negatibong epekto ito sa kalusugan ng pasyente, kaya’t kailangan silang subaybayan nang mabuti. Ang pinakamasaklap pa doon, hindi gaanong epektibo ang paggamot na iyon—kalahati lang ng mga pasyenteng binigyan nito ang gumaling.
Nitong nakaraang limang taon, sinimplehan na ang paggamot. Ang Drugs for Neglected Diseases Initiative (DNDi), isang organisasyong nagsasagawa ng pananaliksik ukol sa mga bagong pamamaraan ng paggamot, ay nagsisikap na makapaghatid ng gamot na kasing-epektibo ng pinakamagaling na gamot na pang-HCV, sa mas mababang halaga. Isang bagong henerasyon ng paggamot na tinawag na DAA ay pinakilala sa pagtatapos ng 2013. Nanguna ang DNDi sa ilang klinikal na pagsubok ng ravidasvir (RDV) at sofusbuvir (SOF) sa Malaysia noong 2016, sa pakikipagtulungan sa Malaysian Ministry of Health. Katuwang din ang gobyerno ng Thailand, ginawa rin ito doon noong 2017.
Ayon sa mga unang resulta na iniulat noong 2018, 97% ng mga nasa klinikal na pagsubok ay gumaling pagkatapos makumpleto ang 12 linggo ng paggamot. Hindi na kinakitaan ng HCV ang dugo ng pasyente tatlong buwan pagkatapos makumpleto ang paggamot. Indikasyon ito na ang kumbinasyong RDV/SOF ay maihahambing sa pinakamagaling na HCV therapies na ginagamit sa kasalukuyan. Ipinapakita rin nito na ang ganitong klaseng regimen ay may potensyal na maging simple at abot-kayang paggamot para sa kasalukuyang HCV strains.
Nung Hunyo 2021, inaprubahan ng Malaysia ang paggamit ng Ravida® (ravidasvir), kasama ang iba pang gamot para sa paggamot ng impeksyon sa HCV. Ito ang kalabasan ng ilang taong pakikipagtulungan ng DNDi at ng gobyerno ng Malaysia, para mabawasan ang mga hadlang sa pagkuha ng gamot at maging abot-kaya ang presyo ng mga gamot para sa HCV sa Malaysia.
Nitong mga nakaraang taon, ang Doctors Without Borders —sa pamamagitan ng Access Campaign at DNDi—ay nagsusulong na mapababa ang presyo ng mga DAA upang ito’y makayanang bilhin ng mga pasyenteng nangangailangan nito. Noong 2018, sa 71 milyong taong may HCV sa buong mundo, may mga 3 milyong pasyente ang naka-enrol sa DAA treatments.
Isang tagumpay ang DAAs sa laban kontra-HCV. Kaya lang, limitado ang DAAs dahil mataas ang presyong sinisingil ng mga kumpanyang gumagawa ng gamot. Sa ilang lugar, hinaharangan ng malalaking korporasyon ang pagpasok ng mas murang generic na gamot. Kaya naman napipilitan ang mga bansa na gamutin na lamang ang mga pasyenteng malala na ang kondisyon.
Bagama’t ang halaga ng paggawa ng isang kurso para sa labindalawang linggo ng sofosbuvir at daclatasvir ay di aabot ng US$100, prinesyuhan ito ng mga gumawa nito, ang Gilead at Bristol-Meyers Squibb, ng nakayayanig na US$147,000 para sa bawat treatment noong inilunsad ito sa Estados Unidos. Marami ang umalma sa ginawa nilang iyon, pero ang ganitong pagpepresyo ay isa pa ring malaking balakid para paggamot sa kahit anong bansa.
Mula noong nailunsad ang mga DAAs, nagsumikap ang Doctors Without Borders na mabuwag ang balakid na iyon sa pamamagitan ng mga stratehiyang nakatuon sa pagbibigay ng mura pero de-kalidad na generic na katumbas ng mga mamahaling gamot. Isa sa pinakamahalagang tagumpay na naganap noong 2017 ay nang nakipagnegosasyon ang Doctors Without Borders at Access Campaign sa mga gumagawa ng generic drugs. Pumayag ang mga gumagawa na kumuha ang Doctors Without Borders ng mga DAAs sa halagang $120 lang kada treatment. Dahil dito, nakapagsimula ng treatment ang Doctors Without Borders sa maraming tao.
MGA TOTOONG TAO, TOTOONG KUWENTO
Nawawalan na ng pag-asa si Din Savorn, isang pulis sa Phnom Penh. Nalaman kasi ng 50 taong gulang na ama ng tatlo na merong gamot na makakapagpapagaling sa hepatitis C niya, ngunit malaking halaga ang gugugulin. “Gusto ko sanang magpagamot, pero hindi ko kaya ang presyo,” paliwanag niya. “Kakailanganin kong ibenta ang bahay namin. Mawawalan ng tirahan ang mga anak ko. Kaya naghintay na lang muna ako.”
Karga ni Din Savorn ang kanyang anak papuntang daycare sa Phnom Penh, Cambodia. Abril 2017. © Todd Brown
Si Din Savorn, kasama ang kanyang mga anak, sa kanilang apartment sa Phnom Penh, Cambodia. Abril 2017. © Todd Brown
Nagtagumpay ang pagpapagamot ni Din Savorn sa hepatitis C, ayon sa doktor ng Doctors Without Borders na si Hang Vithuneat, sa Hepatitis C clinic sa Preah Kossamak Hospital, sa Phnom Penh, Cambodia. Abril 2017. © Todd Brown
Tapos, nakita niya sa social media na may inaaalok na libreng paggamot ang Doctors Without Borders. Noong nagsimula ang 2017, nagsimulang magpagamot si Din sa isang klinika ng Doctors Without Borders sa Phnom Penh. Ito lang ang pasilidad sa Cambodia kung saan libre ang HCV treatment. Noong Mayo ng taon ding iyon, natanggap ni Din ang magandang balitang mahigit dalawang dekada niyang hinintay: tagumpay ang kanyang pagpapagamot. Magaling na siya.
Mapapagaling ng bagong gamot ang mga may HCV sa loob lamang ng 12 linggo, at maaari itong magdulot ng positibong pagbabago sa buhay ng pasyente. Pero milyon-milyong tao pa ang hindi pa rin nakakakuha ng at nakikinabang sa mga bagong gamot na ito.
- Ano ang hepatitis C?
-
Ang hepatitis ay pamamaga ng atay, at ang posibleng sanhi nito’y alinman sa limang virus – hepatitis A, B, C, D, o E. Sa limang ito, ang hepatitis C virus o HCV ay itinuturing na isa sa pinaka-nakamamatay at pinakamahirap gamutin. Ang HCV ay may walong genotypes o strains at 86 na subtypes. Kabilang rito ang 19 novel subtypes na nakilala kamakailan lang. Ang ganito karaming strains at subtypes, at ang pagiging RNA virus nito na mabilis magbago ang anyo ang mga dahilan kaya ito’y mahirap gamutin.
Itinuturing ang HCV bilang “nakatagong mamamatay-tao” dahil kadalasan, di alam ng mga tao na may impeksyon na pala sila, at maaaring ilang taon ang dumaan bago ito mabigyan ng lunas. Dahil wala silang napapansing sintomas ng sakit, di sila nagpapagamot.
- Ang hepatitis C ba ay kapareho ng HIV?
-
Ang HCV at ang human immunodeficiency virus (HIV) ay parehong RNA virus. Pumapasok ang mga ito sa cytoplasm, o sa likidong bahagi ng selula kung saan ito’t nagpaparami at lumilikha ng kaparehong virus. Bagamat ang HCV ay isang flavivirus at ang HIV ay retrovirus, pareho itong mabilis magbago ng anyo. Dahil dito, mahirap makagawa ng bakunang panlaban sa mga virus na ito.
Posible para sa isang pasyente na magkaroon ng HCV at HIV. Ang tawag dito’y coinfection. Ayon sa World Health Organisation (WHO), may dalawa hanggang labinlimang porsiyento ng mga taong may HIV sa buong mundo ang may HCV din. 90% sa mga taong iyon ay mga nagtuturok ng gamot, o tinatawag na PWID (people who inject drugs). Sa buong mundo, umaabot ng 2.3 milyong tao ang may HIV-HCV coinfection, at ang 1.3 milyon sa mga ito ay mga PWID. Pinakamalaki ang bilang ng coinfections sa rehiyon ng Africa at Timog Silangang Asya.
- Paano naipapasa ang hepatitis C?
-
Ang HCV ay isang blood-borne virus. Ibig sabihin, ito’y maaaring kumalat sa ibang bahagi ng katawan kasama ng pagdaloy ng dugo, halimbawa, pagkatapos masalinan ng dugo o kaya’y pagkatapos magpa-iniksyon nang di ligtas. Maaari ring mahawa sa mga lugar na nagbibigay ng di ligtas na pangangalagang pangkalusugan, ang mga nasalinan ng dugo o mga produktong may dugo, at sa pamamagitan ng mga aktong sekswal kung saan maaaring malantad ang tao sa dugo.
Ayon sa mga siyentipiko, posibleng mahawaan ng HCV ng inang buntis ang sanggol niya habang nasa sinapupunan pa ito. Pero sabi naman ng World Health Organisation (WHO), hindi gaanong pangkaraniwan ang pangyayaring ito.
- Pwede mo ba ikamatay ang hepatitis C?
-
Ang HCV ay isa sa pinaka-nakamamatay na klase ng hepatitis. Ayon sa WHO, umabot na ng 300,000 ang namatay dahil sa HCV noong 2019. Karamihan sa mga ito’y dahil sa mga kumplikasyong gaya ng cirrhosis at liver cancer. Sa bawat 100 kaso ng HCV, mga lima hanggang 25 sa kanila ang magkakaroon ng cirrhosis sa susunod na sampu hanggang dalawampung taon.
Sa mga pasyenteng may HCV, mas malaki ang posibilidad na sila’y magkakaroon ng cirrhosis kung sila’y lalaki, lampas 50 taong gulang na, umiinom ng alak, o may non-alcoholic fatty liver disease o hepatitis B o HIV coinfection.
Pero ang hepatitis C ay isang sakit na maaaring gamutin.
- Ano ang ginagawa ng hepatitis C sa katawan?
-
Kapag nasa loob na ito ng ating katawan, sinasalakay ng HCV ang atay. Pumapasok ito sa tinatawag na lobules, mga pagkaliit-liit na bahagi ng atay na kailangan nito upang gumana. Tulad ng kahit anong virus, kailangang makapasok ang HCV sa selula para ito’y manatiling buhay at makapagparami.
Maaalerto ang ating katawan sa pagpasok ng mga estrangherong ito, kaya’t magpapadala ito ng mga immune cells, ang ating unang depensa laban sa virus. Pero sa pagpuksa ng mga immune cells sa virus, mawawasak din nila ang mga selula ng atay.
Iniulat ng WHO na sa kabuuang bilang ng mga nahawaan, mga 30% ang gagaling, o matatanggalan ng virus sa loob ng anim na buwan nang walang paggagamot.
Pero mas marami pa rin ang kaso kung saan di kinakaya ng immune cells ang laban. Pagkalipas ng anim na buwan, maaaring maging talamak ang impeksyon, habang ang virus ay patuloy sa pagdami, at mas marami pang lobules ang nahahawa, na pinupuksa naman ng immune cells. Pero maaari itong mauwi sa pagkakapilat ng atay, isang prosesong tinatawag na liver fibrosis. Lumiliit at tumitigas ang atay, at napipipi ang daluyan ng dugo kaya’t napipilitan ang dugong lampasan o laktawan ito.
Ang mga fibrosis na matagal na ay mauuwi sa cirrhosis, na mas malala at maaaring maging sanhi ng pinsala na di na maaayos. Ang cirrhosis din ay maaaring mauwi sa kanser sa atay, na puwedeng umusbong sa kahit anong yugto ng sakit.
- Sino ang mga nanganganib na makapitan ng hepatitis C?
-
Ang mga maaaring makapitan ng HCV ay mga taong gumagamit ng mga gamot na itinuturok o people who use injection drugs (PWID); mga taong nasa bilangguan o iba pang nakasarang lugar na kadalasang madumi; at mga taong nakatanggap ng kontaminadong dugo o sumailalim sa mga operasyong invasive kung saan hindi maayos ang pamamaraan sa pagkontrol ng impeksyon.
Ang iba pang nanganganib na makapitan ng virus na ito ay ang mga batang ipinanganak ng inang may HCV; mga taong may relasyong sekswal sa taong may HCV o HIV; at mga taong nagpapa-tattoo o nagpapabutas ng tainga o anumang bahagi ng kanilang katawan upang magsuot ng mga alahas o burloloy.
Ang mga manggagawang medikal o nakatuon sa pampublikong kaligtasan ay maaari ring magka-HCV kung sila’y magtamo ng sugat mula sa isang matalas na kagamitan, tulad ng karayom o scalpel na ginamit sa isang pasyenteng positibo sa HCV.
- Kailan ka dapat kumonsulta o magpatingin sa doktor?
-
Kumonsulta sa doktor kapag may nararanasan kang kombinasyon ng mga sintomas na ito: lagnat, pagkapagod, kawalan ng ganang kumain, paninilaw ng balat at mata, pagdilim ng kulay ng ihi, pagkahilo, at pagduduwal. Kung kabilang ka sa mga nanganganib na makapitan ng HCV, dapat mo nang pag-isipan ang pagpapatingin sa doktor. Kadalasan ay dekada ang lumilipas bago lumabas ang sintomas ng impeksyon ng HCV.
- Maaari bang mawala nang tuluyan ang HCV?
-
Bagama’t ang HCV ay nagagamot, milyon-milyong tao ang hindi makakakuha ng lunas dahil sa kamahalan ng paggamot. Upang mawala nang tuluyan ang HCV, kailangan ng mga pagbabago sa mga pamamaraan ng pagsusuri at pagbibigay-lunas.
Ang mga diagnostic, serological o nucleic acid tests na kasalukuyang ginagamit ay masyadong kumplikado, at/o masyadong mahal para sa mga bansang limitado ang kakayahang pinansiyal, at/o may mahinang sistemang pangkalusugan. Kailangan ng mas simpleng pagsusuri sa mas abot-kayang halaga.
Sa kabutihang-palad, nag-anunsiyo ang WHO na nanindigan na ang mga pinuno ng iba’t ibang bansa sa daigdig na pupuksain ang HCV bilang banta sa kalusugan sa pamamagitan ng paggamot sa 80 porsiyento ng mga taong may HCV sa buong mundo, sa taong 2030.
- Paano maiiwasan at paano gagamutin ang hepatitis C?
-
Para sa mga pagsasalin ng dugo at mga kritikal at invasive procedures, magpunta sa mga pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan na nagsasagawa ng tamang pamamaraan ng pag-iwas o pagpigil sa impeksyon. Tiyakin ding ligtas ang paggamit at wasto ang pagtatapon nila ng mga hiringgilya at iba pang basurang medikal.
Upang maiwasan din na mabahiran o malagyan ng dugo habang nakikipagtalik, obserbahan ang wasto at palagiang paggamit ng condom.
Sa kasalukuyan, isinusulong ng Doctors Without Borders ang paggamit ng direct-acting antivirals (DAAs) na ligtas at epektibo sa paggamot ng HCV infection. Itinatayang sa pagtatapos ng 2019, may 9.4 milyong tao sa buong mundo ang nabigyan ng sofosbuvir-based treatment regimen. May 48.6 milyong tao pang naghihintay na makakuha ng mas ligtas, mas kakayanin, at mas epektibong direct-acting antivirals (DAAs) para gamutin ang kanilang HCV infection.
- Maaari pa rin bang magka-hepatitis C pagkatapos kang mabigyang-lunas?
-
Kahit nagka-HCV ka na dati, di ito nangangahulugang hindi ka na maaaring kapitan pa ng pareho o ibang strain o genotype ng virus na ito. Posible ring magkaroon ng tinatawag na superinfection, o ang magka-impeksyon ng higit sa isang HCV strain kung ipagpapatuloy ang mga gawi na nagbibigay-panganib, tulad ng pagtuturok ng gamot.
SAMPUNG TANONG TUNGKOL SA HEPATITIS C
IBA PANG DAPAT MONG MALAMAN
Posibleng magkaroon ng aktibong impeksyon ng dalawa o higit pang klase ng viral hepatitis. Ang hepatitis B virus (HBV) at hepatitis C virus (HCV) coinfection ay isang kumplikadong kondisyon kung saan ang mga virus ay dumadami sa iisang tao, o host. Sa ilang pagkakataon, may mas dominanteng virus. Minsan naman, pinapasigla o pinipigilan ng isang virus ang pagpapadami ng isa pa. Malaki ang posibilidad na ang mga pasyenteng may HBV-HCV coinfection ay magkakaroon ng cirrhosis, o ng malubhang sakit sa atay.