Sa mahigit na 70 bansa kung saan kami nagtatrabaho, ang Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ay kadalasang aktibong nagmamadaling tumugon sa sa COVID-19, at sumuporta sa mga kagawaran ng kalusugan upang mapaghandaan at/o matugunan ang mga pangagailangan ng mga pasyente sa gitna ng pandemya, habang naglulunsad din ng ibang mga proyekto sa iba’t ibang bansa na ngayo’y nagiging hotspots ng pandemya. Kahit tila natabunan ng pandemya ang ibang isyung pangkalusugan, patuloy pa rin ang aming field teams sa pagharap sa mga krisis pangkalusugan na nakakaapekto sa aming mga pasyente taon-taon. Hindi namin maaaring ipagwalang-bahala ang mga ito.
Noong nagsisimula pa lang ng taong 2020, nagkaroon na ng 40% na pagtaas sa bilang ng mga kaso ng tigdas sa kampo ng mga Rohingya refugees sa Cox’s Bazar. Nung Enero, 120 pasyente ang kinailangang ipasok sa MSF isolation wards, at mahigit 900 tao ang sinuri bilang outpatients.
Taon-taon, milyon-milyong tao ang namamatay dahil sa mga nakahahawang sakit na puwede namang maiwasan o magamot. Tatlo sa mga sakit na ito ang laganap sa Timog Silangang Asya: tigdas, tuberculosis, at hepatitis C.