Skip to main content

    Ang unang detalyadong paglalarawan ng tigdas ay ibinigay ng iskolar na Persian na si Rhazes noong ika-sampung siglo. Bago iyon, ang sakit na ito ay napapagkamalang smallpox.

    Noong ika-dalawampung siglo, may mga mahahalagang hakbang na nagawa sa pagsasaliksik ukol sa tigdas sa Estados Unidos. Taong 1954 nang si John Enders, isang Amerikanong biologist na nagkamit ng Nobel Prize, ay nagtagumpay sa paghihiwalay sa virus na sanhi ng tigdas. Ito ang naging susi sa paggawa ng unang bakuna laban sa tigdas, ang Rubeovax, noong 1963.

    Pagdating ng 1971, ipinakilala naman ang Attenuvax, isang bakunang kayang labanan ang tigdas, beke, at German measles. Ito ang kauna-unahang bakunang isang beses lang kailangang iturok, at susundan na lang ng booster.

    Nagdulot ang pagbabakuna ng malaking pagbaba ng bilang ng mga namamatay dahil sa tigdas. Noong 1980, nang di pa laganap ang pagpapabakuna, 2.6 milyon ang namatay sa buong mundo dahil sa tigdas. Nung 2014 hanggang 2016, malaki ang ibinaba ng mga kaso ng impeksiyon at pagkamatay sa tigdas, dahil sa patuloy na programa sa pagbakakuna sa buong mundo. Pero noong 2019, 207,500 ang namatay sa tigdas, dahil sa pagkulang sa pagbakuna, ayon sa World Health Organisation at sa US Centres  for Disease Control and Prevention.

    Ano Ang Ginagawa Ng Doctors Without Borders Tungkol Sa Tigdas?

    Paggamot na Nakatuon sa Pasyente
    Klinikal na Pananaliksik at Pagsubok
    Adbokasiya

    patient centred treatment

    Ang mga kampanya para sa pagbabakuna kontra-tigdas (at ang paggamot dito, lalo na kapag may outbreak), ay mahalagang aktibidad para sa Doctors Without Borders. Taon-taon ay may kampanya sa pagbabakuna sa iba’t ibang bansa tulad ng Democratic Republic of Congo at Central African Republic. Nagsusumikap din ang Doctors Without Borders na tugunan ang outbreak ng tigdas sa Chad, Niger, Nigeria at Bangladesh. Mula 2006, 28 milyong bata na ang nabukanahan ng Doctors Without Borders kontra tigdas. Ang mga outbreak ay pinapalala ng mahinang sistema ng pampublikong pagbabakuna at di malawak na sakop ng binabakuna. Kasama na rito ang mga lugar ng hidwaan, at ang mga siksikang tirahan, tulad ng kampo para sa refugees.

    clinical research and trials

    Karamihan sa pananaliksik ng Doctors Without Borders ukol sa tigdas ay may kaugnayan sa mga namamatay dahil dito, at sa nasasakop ng nababakunahan para rito.  Inaasahang ang lahat ng kampanya para sa pagbabakuna ay sinusundan ng vaccination coverage survey, upang masukat ang naging resulta ng kampanya.

    Ang ilan sa mga survey na ito ay inilathala ng Epicentre. Ang iba nama’y makukuha sa Doctors Without Borders Field Research.

    advocacy

    Ang adbokasiya ng Doctors Without Borders na tumutukoy sa tigdas ay nakatuon sa pagbibigay-daan sa mga taong makakuha ng bakuna, at ang pagkakaroon ng pondo para rito. Nakikipagtulungan ang Doctors Without Borders sa mga gobyerno upang matiyak na meron silang sapat na bakuna, at na ito’y mabibili ng kahit sino sa presyong abot-kaya. Para naman sa mga taong walang-wala, may mga kampanya ang Doctors Without Borders kung saan ibinibigay nila ito nang libre.

    Ang Access Campaign ng Doctors Without Borders, na ginagawa nila kasama ng Vaccine Working Group, ay nagsusulong sa pakikiisa ng mga patakaran ng GAVI Alliance sa mga rekomendasyon ng World Health Organisation, kung saan magiging posible para sa mga bansang bakunahan ang mga batang mahigit isang taong gulang na, at isusulong rin ang pagkakaroon nila ng sapat na bakuna upang ipatupad ito.

    MGA TOTOONG TAO, TOTOONG KUWENTO

    Ang siyam na buwang anak ni Nurata, si Nur Salima, ay anim na araw nang nilalagnat bago siya nakatanggap ng pangangalagang medikal sa Kutupalong Hospital sa Cox's Bazar, Bangladesh. Ikinuwento ng nars na Younus na halos walang malay si Nur Salima noong dumating sila sa emergency room.

    Ang malubhang respiratory infections at ang hirap sa paghinga ay mga karaniwang kumplikasyon ng mga kritikal na kaso ng tigdas.  Inilarawan ni Dr. Nowshad Alam Kanan ng Doctors Without Borders ang mga dumadating na bata sa klinika. “Naghahabol sila ng hininga,” sabi niya.

    Measles patient story

    © Tariq Adnan/MSF 

    Binigyan ng mga doktor ang sanggol ng oxygen para matulungan siyang huminga, at antibiotics upang malabanan ang mga impeksyon.

    Matapos ang limang araw sa isolation ward, bumuti na ang lagay ni Nur Salima, at nakita nilang may sapat na siyang lakas para maibalik na sa kanilang tahanan. Labis na ikinatuwa ito ni Nurse Younus, "Hindi ko mailalarawan ang pakiramdam habang pinapanood mo ang pasyenteng mong bumubuti  na ang kalagayan, “ sabi niya habang umaapaw ang galak.

    SAMPUNG TANONG TUNGKOL SA TIGDAS

    Ano ang tigdas?

    what is measles

    Ang tigdas ay isang viral respiratory disease na lubhang nakahahawa. Karamihan sa naapektuhan nito ay mga bata. Maaari itong maging nakamamatay, pero mapipigilan naman ito ng mga bakunang  bagama’t noon pang dekada sisenta ipinakilala ay epektibo pa rin hanggang ngayon.

    Hawig ba ang tigdas sa beke, o di kaya’y sa tigdas-hangin?

    is measles similar to mumps or rubella

    Ang tigdas, beke, at tigdas-hangin ay magkakaibang sakit na dala ng magkakaibang virus. Pero, may mga magkakapareho silang  katangian.

    Nagsisimula ang tigdas sa lagnat, ubo, sipon, conjunctivitis (pink eye) o pamumula ng mata, at namumulang pantal na nagsisimula sa mukha at kumakalat sa buong katawan.  Kapag kumapit ang virus sa baga, ito’y maaaring maging sanhi ng pulmonya. Sa mas matatandang bata, ito ay maaaring makapagdulot ng encephalitis, o pamamaga ng utak, na mauuwi sa seizures at sa pinsala ng utak.

    Ang virus naman na sanhi ng beke ay kadalasang nagpapamaga ng mga glands sa baba ng tainga, kaya’t lumolobo ang bahaging ito na parang pisngi ng chipmunk. Bago nagkaroon ng bakuna, ang beke ang pinaka-karaniwang sanhi ng meningitis (pamamaga ng lining ng utak at ng gulugod) at ng pagkabingi. Sa mga lalaki, ang beke ay maaaring magdulot ng impeksyon sa testicles, na maaaring maging sanhi ng pagkabaog.

    Ang tigdas-hangin, o rubella, ay kilala rin bilang German measles. Maaari itong magdulot ng pantal sa mukha, pamamaga ng glands as likod ng tainga, at  sa ilang kaso, pamamaga rin ng mga kasu-kasuan at low-grade fever. Karamihan sa mga bata ay mabilis gumaling, at walang naiiwang epekto ang sakit sa kanila. Pero ibang kuwento na  kapag nagdadalang-tao ang kinapitan ng sakit na ito. Kapag ang babae’y  nakaranas magka-rubella sa unang trimester ng kanyang pagbubuntis, may 20% na tsansang ang anak niya’y magkakaroon ng depekto sa kapanganakan, tulad ng pagkabulag, pagkabingi, sakit sa puso, o problema sa intelektwal na kakayahan.

    Paano nakahahawa ang tigdas?

    how is measles transmitted

    Ang tigdas ay airborne, o dinadala ng hangin. Kumakalat ang virus ng tigdas sa pamamagitan ng pag-ubo, pagbahin, o pagdura.

    Kumakalat ito sa paligid at  mananatili ang virus sa mga kagamitan o sa kahit anong makakapitan. At sa loob ng dalawang oras, puwede pang malipat ang virus sa ibang mga tao.

    Sa susunod na sampu hanggang labing-apat na araw, hindi pa kakikitaan ng sintomas ng sakit ang nagka-impeksyon.

    Nakamamatay ba ang tigdas?

    can measle kill you

    Ang tigdas ay maaaring maging napakalubha, at puwede pa ngang nakamamatay para sa mga batang wala pang limang taong gulang, lalo na iyong mga nakatira sa masisikip na tirahan, mga malnourished, o mga nagpositibo sa HIV.  Bagama’t di pangkaraniwan, posible pa ring magkaroon ng encephalitis, o pamamaga ng utak, ang isa sa kada isang libong kaso. Ang mga kumplikasyon ang nakamamatay, lalo na para sa mga batang edad lima pababa.

    Ano ang ginagawa ng tigdas sa katawan?

    what does measles do to your body

    Palaban ang manloloob na ito. Pumupuwesto ang virus sa respiratory tract, nagpapadami, at pagkatapos ay papasok sa daloy ng dugo upang makarating sa ibang mga bahagi ng katawan: sa pali (spleen), lymph nodes, sa baga, at sa atay. Dito nagsisimulang lumitaw ang mga sintomas tulad ng mataas na lagnat, sipon, ubo, pamumula ng mata, at minsa’y diarrhea. Ito rin ang panahon kung kailan lubhang nakahahawa ang nagka-impeksyon.

    Isang natatanging sintomas ng tigdas ang Koplick’s spots, mga maliliit na bilog na marka na lumilitaw sa loob ng bibig.

    Tapos, mamamantal na ang nagka- impeksyon. Sa loob ng apat na araw, may mga maliliit na bilog na markang lilitaw  sa mukha. Tapos, ito’y kakalat sa katawan. Ang bawat bilog ay mukhang butil ng puting buhangin na napapaligiran ng pula. Pagkatapos ng tatlo hanggang apat na araw, mawawala ang pantal , pero hindi laging magbabakbak ang balat, tulad ng karaniwang nangyayari kapag may pantal.

    Ang karamihan sa mga bata ay magkakaroon ng di kumplikadong karanasan ng tigdas,  at makararamdam lang ng pagod sampung araw bago tuluyang gumaling. Mga 10% hanggang 40% ay makararanas ng mga kumplikasyong tulad ng impeksyon sa tainga , pulmonya, at iba pang respiratory infections.

    Kailan dapat kumonsulta sa doktor at magpagamot?

    when should you meet the doctor or seek treatment

    Kailangan mong kumonsulta sa doktor matapos mong  manatili sa lugar kung saan merong may tigdas, at di ka pa nababakunahan. Kailangang naka-dalawang dosis ka ng bakunang MMR.  At kahit walang sintomas na makikita, kailangan mo pa ring magpatingin kapag di ka pa nagkakaroon nito at napalapit ka sa taong may tigdas.

    Sino ang pinakamadaling kapitan ng tigdas?

    who is most prone to measles

    Ang mga nasa bansa kung saan mababa ang kinikita ng karamihan ay ang mga pinaka-nanganganib mula sa sakit na ito, lalo na ang mga bata. Kapag sinabayan pa ito ng malnutrisyon o malaria,  talagang matindi ang epekto nito.

    Sa mga bansang ito, ang mga namamatay dahil sa tigdas ay mula tatlo hanggang anim na porsiyento. Pero sa mga kampo ng refugee at sa mga liblib na komunidad, maaari itong umabot hanggang 30%.

    Paano iiwasan at gagamutin ang tigdas?

    how can you prevent or treat measles

    Walang partikular na gamot para sa tigdas. Sa halip, ang paggamot ay nakatuon sa pagpigil ng mga posibleng kumplikasyon, at sa pagbibigay-lunas sa mga sintomas nito. Paracetamol ang binibigay para sa sakit ng ulo, ointment para sa mga impeksyon sa mata. Ang antibiotics naman, kailangan lang pag mayroong  secondary bacterial infection tulad ng pulmonya, o impeksiyon sa tainga.

    Ang pinakamahusay na sandata laban sa tigdas ay ang MMR vaccine, ang  bakuna laban sa tigdas,  beke, at tigdas-hangin o rubella. Upang maiwasan ang epidemya, mahalagang ang vaccination coverage, o ang antas ng pagbabakuna sa isang populasyon, ay higit sa 90% upang mabawasan, o di kaya’ y maalis nang tuluyan ang mga carriers at matigil ang hawaan. Sa ganitong paraan, makakamit ang tinatawag na herd immunity.

    Maari bang magkatigdas uli pagkatapos itong gamutin?

    can I still get measles after medicaton / treatment

    Ang isang taong gumaling mula sa tigdas ay nagkakaroon ng antibodies, na nagbibigay sa kanya ng immunity sa virus. Ibig sabihin, hindi na siya tatablan ng virus na ito. Ganito rin ang epekto ng pagbabakuna. Inirerekomenda na ang lahat ng bata ay makatanggap ng dalawang dosis ng bakunang MMR upang tumaas ang proteksyong maibibigay sa kanila ng 98%.

    ANO PA ANG DAPAT MONG MALAMAN

    Measles is highly contagious. It has a ‘basic reproduction ratio’ (also called R0) of 12-18. This means that one infected person can infect 12 to 18 other people.

    Ang tigdas ay lubhang nakakahawa.  Mayroon itong basic reproduction ratio (o R0) na 12-18. Ibig sabihin,  ang bawat isang may tigdas ay maaaring makahawa ng 12 hanggang 18 tao.