Ang tuberculosis (TB) ay libo-libong taon nang nasa mundo. May ebidensiya nito sa mga mummies ng Egypt, at karaniwan lang raw ito para sa mga sinaunang Griyego at maging sa Imperial Rome.
Pero Marso 24, 1882 na noong napabalita ang pagkakatuklas ni Dr. Robert Koch sa tuberculosis, ang bacteria na sanhi ng TB.
Ilang dekada pa ang nakalipas bago nakagawa ng malalaking hakbang sa kasaysayan ng TB, mula sa tuberculin skin tests noong 1908 nina Pirquet at Mantoux, ang bakunang gawa nina Albert Calmette at Camille Guérin noong 1921, hanggang sa pagpapakilala ng gamot sa TB noong dekada kuwarenta.
Ang pagkatuklas sa antibiotics ay mahalagang kaalaman sa paggamot sa TB. Noong 1943, ipinakilala nina Selman Waksman, Elizabeth Bugie, at Albert Schatz ang gamot na streptomycin, at noong Nobyembre 1944, ito’y binigay sa isang pasyente sa kauna-unahang pagkakataon. Noong 1951, sinundan ito ng isoniazid, na gawa naman ng mga siyentipiko ng Bayer Chemical ng Germany at ng dalawang kumpanyang parmasyutiko, ang Squibb at Hoffmann-La Roche. Nagpatuloy ang paggawa ng mga gamot na pang-TB, at nagkaroon na ng pyrazinamide (1952), ethambutol (1961), at rifampin (1966).
Ano Ang Ginagawa Ng Doctors Without Borders Tungkol Sa Tigdas?
Matagal nang nilalabanan ng Doctors Without Borders ang TB. Noong 2018, sinumulan ng Doctors Without Borders ang 18,800 na tao ng sa paggamot, kasama na ang 2,000 na taong may drug-resistant TB (DR-TB).
Iba’t ibang klaseng lugar ang binibigyan ng pangangalagang pang-tuberculosis ng Doctors Without Borders. Kasama rito ang mga lugar na may matagal nang hidwaan, gaya ng Chechnya; kampo ng mga refugees sa Chad o Thailand; mga bilangguan sa Kyrgyzstan; at mga bansang nahihirapan na ang sistema ng kalusugan, tulad ng Papua New Guinea.
Magkakaiba rin ang pinagtutuunan ng mga proyekto: mayroong para pagsamahin ang serbisyo para sa HIV at TB, tulad ng ginawa sa South Africa at Kenya; mayroong mga nangangalaga sa mga pasyenteng may DR-TB, gaya ng sa Uzbekistan at Georgia; at may iba namang para sa mga populasyong wala gaanong access sa pangangalagang medikal, tulad ng mga migrante sa Thailand.
Sinisikap din ng Doctors Without Borders na gawing mas madali ang pagtiyak kung may TB nga ang mga pasyente. Ang isang paraan ay ang TB LAM, na gumagamit ng ihi. Ito ay mabilis, mura at madaling gawin kahit walang kuryente o kagamitan. Hindi ito ang pinaka epektibo, dahil marami pa ring kaso na hindi nito natutukoy nang tama kung positibo. Pero kapag kasabay ang ibang test tulad ng GenXpert MTB/RIF at TB-LAMP, nakakatulong pa rin ito para malaman kung may TB ang mga taong may HIV, na madaling makaligtaan.
Isa pang importanteng test ay ang drug susceptibility testing (DST). Para magamot ang pasyente na may drug-resistant TB (DR-TB), kailangan ang DST para matiyak na ang may TB ay hindi mabigyan ng gamot na hindi epektibo sa TB bacteria sa kanilang katawan.
Kung paggamot naman ang pag-uusapan, ang Doctors Without Borders ay kasalukuyang sumusubok ng iba’t ibang paraan ng pagtiyak na ang pasyente ay susunod sa doktor, at naninindigang gagamit ng fixed-dose combinations at mga de-kalidad na gamot para sa mga programa nito. Layunin din ng Doctors Without Borders na pagsamahin ang mga serbisyo para sa TB at HIV kung saan posible, at gamutin ang drug-resistant TB sa angkop na lugar.
May mga hamon sa pagharap sa problema ng tuberculosis. Karamihan sa mga gamot para sa TB ay ilang dekada nang ginagamit. Ang iba pa nga sa mga ito ay hindi naman nilikha para gamitin sa TB, at ang iba ay may toxic side effects. Isa pang hamon ay ang mahabang panahong kailangan sa paggamot—inaabot ito ng dalawang taon para sa DR-TB. Kailangan ng pananaliksik tungkol sa mga bago, madaling matapos, at mas epektibong paggamot.
Ang Doctors Without Borders ay kasali sa dalawang klinikal na pagsubok, EndTB at PRACTECAL, para makahanap ng bagong kurso ng paggamot. Ang dalawang pagsubok na ito ay tumanggap ng kanilang mga unang pasyente sa pagtatapos ng Marso 2017.
Ang DR-TB ay nakababahala, at sa maraming lugar kung nasaan ang Doctors Without Borders, ito’y isang lumalaking problema. Sa pakikipagtulungan sa iba pang mga organisasyon, ang Doctors Without Borders ay nagsasagawa ng mahalagang pananaliksik upang makapagkalap ng ebidensiya para sa therapeutic value ng mga bagong paggamot sa DR-TB.
Karamihan sa mga gamot para sa TB ay matagal nang ginagamit. Ang ilan sa mga ito ay maaaring toxic,o nakakalason. Nitong nakaraang dekada, tatlong bagong gamot ang lumabas: ang bedaquiline, delamanid at ang pinakabago, ang pretomanid. Ang mga gamot na ito’y nagbibigay ng pag-asa sa mga pasyente, at nagbibigay sa mga doktor ng mapagpipilian.
Noong unang pinayagang gamitin ang bedaquiline noong 2012, iyon ang unang gamot para sa DR-TB matapos ang higit sa 40 taon. Pero sa pagtatapos ng 2018, 28,700 na tao lang ang nakatanggap nito sa buong mundo. Wala pa ito sa 20% ng mga taong dapat sana’y nakinabang mula rito.
Noong 2018, nagbigay ng pahayag ang Doctors Without Borders na naghihikayat sa Johnson & Johnson (J&J), ang korporasyong parmasyutiko na may hawak ng patente ng bedaquiline, na gumawa ng mabilis na aksyon upang magamit ang gamot na ito ng lahat ng nangangailangan. Noong Hulyo 2020, matapos pumirma ang 120,707 na tao sa mga petisyon na humihimok sa korporasyon na bawasan ang presyo ng gamot, naglabas ang J&J ng anunsiyo na ibababa na nila sa US$1.50 ang presyo. Ito ay 32% na mas mababa kaysa sa dating pinakamababang halaga nito. Pero ang diskwentong ito ay para lamang sa mga bansang nasa isang listahan na nilabas ng J&J, at nakatali sa mga pangako ng pagbili na ginawa sa pamamagitan ng Global Drug Facility (GDF), isang organisasyong pinatatakbo ng Stop TB Partnership na naghahatid ng mga gamot para sa TB sa mga bansa kung saan mababa at katamtaman lang ang kita ng karamihan. Nananawagan pa rin ang Doctors Without Borders sa J&J na babaan pa ang presyo ng bedaquiline at ialok ito sa lahat ng bansang may maraming kaso ng DR-TB at nang sa gayon, mas maraming buhay ang maliligtas.
Sa pamamagitan ng Access Campaign, patuloy ang pananawagan ng Doctors Without Borders sa mga gobyerno at mga kumpanyang parmasyutiko na tuparin ang kanilang mga pangako upang sugpuin ang TB para magligtas ng buhay at mawakasan ang pagdurusa mula sa sakit na ito.
MGA TOTOONG TAO, TOTOONG KUWENTO
Limang taon pagkatapos pumanaw ang kanyang ina dahil sa MDR-TB, nalaman ni Ankita Parab na siya rin ay kinapitan ng sakit na ito. Matapos ang dalawang taon ng paggamot, gumaling si Ankita. Pero sumunod namang kapitan ng MDR-TB ang kapatid niyang lalaki.
© Abhinav Chatterjee
Noong 2016, nang lumala ang kondisyon ng kapatid ni Ankita, isinangguni siya ng doktor sa klinika ng Doctors Without Borders sa Mumbai, India. Agad siyang sinimulan sa isang kurso ng mga bagong gamot para sa TB. Si Ankita ay sumailalim uli sa isang test, bilang bahagi ng serbisyo ng Doctors Without Borders para sa mga kapamilya na kasama sa tirahan ng pasyenteng may TB. Laking gulat ni Ankita nang dumating ang resulta. Kahit na nagpagamot na siya dati, meron pala siya uling TB, at ito’y ang pinakamalalang uri pa, ang XDR-TB.
Bagama’t halos sabay silang pinasimula sa mga bagong gamot, masyado nang malala ang lagay ng kapatid niyang lalaki, kaya’t di nagtagal ay binawian ito ng buhay. Ang pagkamatay ng kanyang kapatid, at ang resulta ng pagsusuri sa kanya ay malalaking dagok sa buhay ni Ankita. Sabi niya, “Halos sabay lang kaming nagsimula. Kung nangyari iyon sa kanya, puwede ring mangyari yun sa akin. Hindi naman ako espesyal. Mas naalagaan pa nga niya ang sarili niya kaysa ako.”
Lubhang mahirap ang makatapos ng mahabang DR-TB treatment regimen nang walang suporta, lalo na kapag sinabayan pa ito ng mga personal na pasanin tulad ng pagkamatay ng isang miyembro ng pamilya, kawalan ng trabaho, o ang pagbubukod sa lipunan dahil sa iyong sakit.
- Ano ang tuberculosis?
-
Ang tuberculosis (TB) ay isang nakakahawang sakit na ang sanhi ay ang Mycobacterium tuberculosis, isang bacterium na ang pangunahing naapektuhan ay ang baga.
Noong 2019, 1.4 milyong tao ang namatay sa TB. Ito ay isa sa sampung pinaka-nakamamatay na sakit sa buong mundo, sanhi ng iisang nakakahawang bagay. Iniulat ng World Health Organization (WHO) na 10 milyong tao ang nagkakasakit ng TB nung 2019.
Sa mga ito, dalawang-katlo (two-thirds) ng mga taong may TB ay makikita sa walong bansang ito: India, Indonesia, China, Pilipinas, Nigeria, Bangladesh, at South Africa.
- Hawig ba ang tuberculosis sa pneumonia?
-
Ang pulmonary tuberculosis at ang pneumonia o pulmonya ay dalawang magkaibang uri ng impeksiyon ng baga. Pero dahil may ilan silang magkakaparehong senyales at sintomas, tulad ng pag-ubo at ang hirap sa paghinga, minsa’y napagpapalit ang dalawang ito.
Ang pulmonya ay pamamaga ng lung tissue sa isa o dalawang baga. Maaaring ang sanhi nito ay isang bacterial infection, o di kaya’y virus o fungus. Ito ay acute, o biglaang nararamdaman, at ito ay mabilis lumala. Kung bacteria ang sanhi ng impeksiyon, makatutulong ang antibiotics at bubuti ang kondisyon ng pasyente sa loob ng 48 oras. Ilang araw din ang itinatagal ng paggamot, pero matapos ang 3 hanggang apat na araw, hindi na kakikitaan ng sintomas ang mga pasyente. Kung viral pneumonia ito, kailangan ng pasyenteng magpahinga, uminom ng maraming tubig, at uminom ng gamot para sa lagnat.
Samantala, ang sanhi ng TB ay bacteria. Hindi ito kapareho ng pulmonya dahil ang mga sintomas nito ay dahan-dahan at unti-unting lumilitaw. Mabagal ang paggaling mula sa TB kung ikukumpara sa pulmonya. Ang sakit na ito ay nangangailangan ng mas matagal na gamutan na hindi bababa ng anim na buwan.
- Paano nakahahawa ang tuberculosis?
-
Kapag ang may TB ay umubo, magsalita, tumawa, kumanta o bumahin, ang bacteria ay napupunta sa hangin. Kapag ito ay nalanghap ng ibang tao , maaaring pumunta ang bacteria sa baga ng nakalanghap at doon ito tutubo.
Malaki ang posibilidad na mahahawa ng mga taong may TB ang mga kasama nila araw-araw, tulad ng kanilang mga kapamilya, kaibigan, kasama sa trabaho o sa paaralan.
- Nakamamatay ba ang tuberculosis?
-
Nakahahawa ang sakit na ito at maaaring ikamatay kung hindi ito mabigyan ng tamang lunas.
Kung hindi matapos ng may TB ang inirerekomendang kurso ng paggamot, maaaring maging drug-resistant strain (DR-TB) ang bacteria. Ibig sabihin, magiging mas mahirap itong puksain kaysa sa mga kayang talunin ng gamot.
Isa pang dahilan kung bakit maaaring maging kumplikado ang paggamot sa isang pasyente ay immunocompromised, o mahina ang resistensya laban sa sakit, o kung mayroon siyang ibang sakit tulad ng HIV o diabetes.
- Ano ang ginagawa ng tuberculosis sa katawan?
-
Kapag ang bacteria na sanhi ng TB ay pumasok sa baga at nagkaroon na ng impeksiyon ang tao, maaalerto ang katawan niya at pagagalawin noon ang kanyang immune cells. Kasama na rito ang mga macrophages, mga selula na ang tungkulin ay kontrahin ang bacteria at iba pang mapanganib na organismo. Kung magtagumpay ang ganitong proseso, ang tao ay magkakaroon ng latent TB infection o nakatagong TB. Pero kung matalo ang immune system at dumami ang bacteria, magakakaroon ng tuberculosis ang tao.
May dalawang uri ng TB: ang latent TB infection, kung saan ang bacteria ay natalo at nakatira sa inyong katawan nang hindi ka nagkakasakit at hindi kakikitaan ng sintomas; at ang TB disease kung saan aktibo ang bacteria sa inyong katawan, dumami at nagdudulot ng sakit.
Marami sa mga kaso ng latent TB infection ang hindi nagiging sakit. Pero sa mga taong may mahinang immune system, maaaring maging aktibo ang bacteria hanggang sa ito’y maging TB disease.
- Kailan dapat kumonsulta ng doktor o magpagamot?
-
Ang mga karaniwang sintomas ng aktibong TB sa baga ay ang pag-ubo—minsan may kasamang plema at dugo—nang mahigit sa tatlong linggo,paninikip ng dibdib, panghihina, pagbaba ng timbang, lagnat at pagpapawis sa gabi.
Kung mayroon ka ng kahit ano sa mga sintomas na ito, kumonsulta sa doktor.
- Sino ang madaling kapitan ng tuberculosis?
-
Kahit sino ay puwedeng magkaroon ng tuberculosis. Pero may mga taong mas malapit sa panganib, tulad ng mga matagal na nakakasama ng mga taong may impeksiyon, at mga taong namamalagi sa siksikang tirahan.
Malaki rin ang posibilidad na mahawaan ng TB ang mga may kondisyon na nagpapahina ng kanilang immune system, tulad ng diabetes. Nakakadagdag din sa panganib ang mahinang kalusugan, o ang kawalan ng nutrisyon dahil sa pamamaraan ng pamumuhay at iba pang problema tulad ng pagkalulong sa droga o alkohol, o ang kawalan ng tirahan.
- Maaari bang mawala ang tuberculosis nang tuluyan?
-
Kahit na ito’y isang sakit na maaari namang iwasan at gamutin, patuloy pa rin ang TB sa pagkitil ng milyon-milyong buhay taon-taon. Sa mga mahihirap na bansa, problema pa rin ang pagkuha ng mas mahusay na paggamot at pagsusuri. Ang pagsulpot din ng drug-resistant strains ng TB—kapag di na kayang patayin ng first-line drug treatment ang TB bacteria—ay nakakasagabal din sa mga ginagawa upang puksain ang sakit.
- Paano pipigilan at gagamutin ang tuberculosis?
-
Kung meron kang latent TB infection, kailangan mong maggamot para bumaba ang posibilidad na ito’y maging TB disease.
Kung meron ka nang TB disease, kailangan mo ng ilang gamot at hindi bababa sa anim na buwan hanggang sa isang taon ang gamutan upang mapatay ang lahat ng bacteria. Ang Ethambutol, Isoniazid, Pyrazinamide, at Rifampin ang mga kadalasang ginagamit na gamot para sa TB disease. Napakahalaga na kumpletuhin ang gamutan, at na inumin ang gamot ayon sa tagubilin ng doktor. Kung hindi, maaaring ang mga bacteria na buhay pa ay magiging mahirap nang puksain, at maaaring maging drug-resistant TB/DR-TB.
- Maaari ka pa rin bang magkaroon ng tuberculosis pagkatapos maggamot?
-
Ang pagkakaroon ng TB ay maaaring maulit. Kung ang isang taong nawalan na ng TB ay nakalanghap uli ng bacteria, maaari siyang magkaroon uli ng impeksiyon. Maaari ring maulit ang sakit dahil sa pagbabalik ng nakaraaang impeksiyon.
Dapat mong seryosohin ang kahit anong sintomas ng TB. Kumonsulta agad sa doktor at magpagamot kung ito ang payo.
SAMPUNG TANONG TUNGKOL SA TUBERCULOSIS
ANO PA ANG DAPAT MONG MALAMAN?
Bagama’t ang karaniwang pinupuntirya ng TB ay ang mga baga, maaari ring magkaroon nito sa labas ng baga. Ang tawag dito ay extrapulmonary. Ang mga ibang bahagi ng katawan na maaaring maapektuhan ay ang gulugod, bato, utak, at ang lymph nodes. Kadalasa’y mabagal ang paglala ng sakit.