Breadcrumb
- Home
- Tandaan ang Rohingya – Ang mga maaari mong gawin
Ang mga maaari mong gawin
Sama-sama nating itaguyod ang mga pangunahing karapatang pantao ng mga Rohingya.
Samahan kami sa pagbahagi ng award-winning animated video ng Doctors Without Borders kung saan ipapakita namin ang paglalakbay ng mga Rohingya nang may buong tapang at pag-asa. Ilalantad ng pelikulang ito ang hirap ng paglikas ng mga Rohingya refugee, at ang mga nakapanghihinang realidad na hinaharap nila sa kanilang paghahanap ng kaligtasan.
Ang inspirasyon para sa pelikulang ito ay ang mga karanasan sa tunay na buhay ni Muhib, isang lalaking Rohingya na tumakas mula sa Myanmar patungong Malaysia. Ang pelikulang ito ay nagpipinta ng malinaw na larawan ng pagtitiyaga at sakripisyo. Mahigit dalawang linggo sa laot si Muhib sa gitna ng Andaman Sea. Kasama niya sa isang siksikang bangka na ginagamit sa pangingisda ang ilang mga desperadong lalaki, babae, at mga bata. Isang trahedya na dalawampu’t pitong kasama niyang mga pasahero ang namatay dahil sa mga malulupit na kondisyon, at napilitan silang ilagak ang mga bangkay sa dagat.
Sa pamamagitan ng mga eksenang tila panaginip at mga nakaaantig na pagbabalik-tanaw, ilulublob ka ng 'Lost at Sea' (Nawawala sa Karagatan) sa mga alaala ni Muhib, partikular na ang isang kuwento tungkol sa kanyang ina sa Myanmar. Huling-huli ng pelikulang ito ang mga malalalim na personal na sakripisyo at ang hindi natitinag na katatagan na siyang naglalarawan sa sitwasyon ng mga Rohingya refugee.
Ibahagi ang emosyonal na paglalakbay na ito sa iyong mga kamag-anak at kaibigan, at iangat ang kamalayan at pakikiramay para sa mga nagtitiis ng mga makadurog-pusong karanasang ito.
Kumilos para sa Rohingya
Halos pitong na taon na mula noong lumikas mula sa Myanmar ang pagkarami-raming Rohingya, ngunit hanggang ngayo’y wala pa rin silang estado, at limitado pa rin ang kanilang mga mapagpipilian at mga karapatan, saan man sila magpunta. Maaari kang makatulong sa pamamagitan ng pagkilos para sa kanila.
Isang trahedya na maraming bansa sa gilid ng Andaman Sea ang nagsasara ng kanilang mga hangganan upang hindi makapasok ang mga Rohingya. Matapos payagan ang mga refugee na bumaba mula sa kanilang mga bangka, ikukulong sila agad at parurusahan ayon sa mga batas ng lugar na dinaungan.
Ang hindi ligtas na pagbaba mula sa mga sasakyang pandagat at ang pagtrato sa mga taong naghahanap ng kanlungan na para bang sila’y kriminal ang mga nagtutulak sa mga Rohingyang makipagsapalaran sa mapanganib na paglalakbay sa Andaman Sea – at ito’y nauuwi sa di mabuting kahihinatnan.
Inilantad sa isang ulat kamakailan lang ng UNHCR, ang UN Refugee Agency, "ang biglang pagdami ng mga desperadong Rohingya refugee na diumano’y namatay o nawala" sa mga biyaheng-dagat noong 2023.
“569 na Rohingya ang iniulat na namatay o nawawala nitong nakaraang taon sa karagatan ng Southeast Asia. Halos 4,500 ang sumuong sa mapanganib na pagtawid sa dagat – ito’y higit na malaki kaysa sa bilang ng mga naglakbay nitong mga nakaraang taon.”
Ilahad Mo
Kailangang-kailangang sumulat ka sa inyong MP upang sabihing dapat nilang protektahan ang mga karapatan ng mga Rohingya refugee at asylum seeker, at dapat nilang ilahad ang kanilang di pagsang-ayon sa marahas at hindi makataong mga patakaran at batas. Maaaring piliin ng inyong pamahalaan na huwag ipatupad ang malulupit na patakaran.
Hindi kami nagbigay ng template, o ng maaaring paggayahan ng sulat, dahil naniniwala kaming mas epektibo kung kayo mismo ang maglalahad ng inyong saloobin. Subalit, narito ang mga maaari ninyong hilingin:
- Igiit sa pamahalaan na kailangan nilang ipatigil agad ang kanilang mga plano para sa repatriation ng mga Rohingya sa Myanmar. Ito’y magiging sanhi ng matinding paghihirap at kalungkutan, na nasaksikhan ng mga team ng Doctors Without Borders sa ibang bahagi ng mundo, at pinahihina nito ang diwa ng Refugee Convention. Kinakailangang boluntaryo, ligtas, at may dignidad ang anumang repatriation ng mga Rohingya na magaganap.
- Tanungin ang pamahalaan kung anong pagsusuri ang nagawa upang tasahin kung ang mga lalaki, babae, at mga bata ay malalagay sa panganib ng pananakit ng sarili, pagpapatiwakal o pagkabalisa sa isip bilang resulta ng pagkakakulong sa mga detention centre, o ng sapilitang repatriation.
- Hilingin na buksan ng inyong pamahalaan ang mga hangganan ng inyong bansa upang makapasok ang mga bangka ng mga refugee at payagan silang bumaba nang hindi nauuwi sa kanilang pagkakulong
- Manawagan para sa makatao at may dignidad na pagtrato sa mga Rohingya at bigyan sila ng access sa murang pangangalagang pangkalusugan, pormal na edukasyon, at hanapbuhay.
Magbigay ng plataporma para sa mga Rohingya
Makatutulong ka rin sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga Rohingya ng plataporma upang sila ay mapakinggan.
Mag-organisa ng mga webinar o sharing session, makinig sa mga kuwento at patotoo ng mga Rohingya, alamin at intindihin ang kanilang sitwasyon, kasaysayan at kultura. Sa ganitong paraan, maiintindihan mo na sila rin ay mga tatay, nanay, anak, kaibigan, at tulad mo’y gusto lang nila ng mas mabuting buhay para sa kanilang mga sarili at para sa kanilang mga anak.
May nasisilungan naman kami, pero bukod doon ay wala na kaming gaanong naibibigay sa aming mga anak. Umaasa lang kami sa food assistance, kaya’t lagi kaming nag-aalala kung anong ipapakain sa kanila at kung ito’y sapat. Nag-aalala kami kung paano namin sila bibigyan ng maisusuot, at ng edukasyon. Hindi ko maibigay ang kanilang mga pangangailangan dahil wala akong pera. Minsa’y hindi ako kumakain nang sapat dahil gusto kong ibenta ang natitirang pagkain para mabilhan ko ng gamit ang aking mga anak. Ganito ang buhay namin--laging kulang ang kinakain.Tayeba Begum, ina ng anim
Kailangan ng mga Rohingya ng tulong mo
Sa Myanmar, Bangladesh at Malaysia, ang Doctors Without Borders ay nagtatrabaho upang suportahan ang pangunahing pangangalagang pangkalusugan ng mga Rohingya, kasama na ang kanilang kalusugang pangkaisipan, sexual reproductive health, at suporta para sa mga survivor ng karahasang sekswal at karahasang batay sa kasarian.
Sa halaga lamang ng isang tasa ng kape, maaari ka nang makatulong sa tatlong batang Rohingya na makatanggap ng kinakailangan nilang gamot para sa malaria. Sa tulong ninyo, maaari kaming magpatuloy sa pagbibigay ng suporta sa kanila, at sa ibang mga taong naaapektuhan ng krisis.