Breadcrumb
- Home
- Tandaan ang Rohingya – Ang aming mga ginagawa
Ang aming mga ginagawa
Ang Walang Patid na Pagtulong ng Doctors Without Borders sa mga Rohingya
Ilang dekada nang tumutugon ang Doctors Without Borders sa krisis ng mga Rohingya refugee. Nagsimula kaming tumugon sa Bangladesh noong 1985, at mula noon, pinalawak na namin ang aming suportang medikal at humanitarian para sa mga Rohingya na kinailangang tumakas papunta sa ibang bansa sa rehiyon, upang magkaroon ng holistic approach sa krisis.
Sa kasalukuyan, may mga proyekto kami sa Bangladesh, Myanmar, at Malaysia, kung saan wala kaming kapaguran sa paghahatid ng pangunahing pangangalagang medikal sa mga Rohingya sa panahong kailangang-kailangan nila ng tulong.
Regional Rohingya Activity Report 2023 - Myanmar, Bangladesh and Malaysia
Nasa ulat na ito ang ilan sa mga aktibidad namin bilang tugon sa pangangailangang humanitarian ng komunidad ng Rohingya sa rehiyon.
Pinalawak nang husto ng Doctors Without Borders ang mga pagkilos nito sa Bangladesh mula noong Agosto 2017 upang matugunan ang mga pangangailangan para sa pangangalagang pangkalusugan ng mahigit sa isang milyong refugee na Rohingya sa mga kampo, pati na rin ng lokal na komunidad. Sa pamamagitan ng team na binubuo ng mahigit sa 2,000 na staff, nakapagbibigay ang Doctors Without Borders ng iba’t ibang klase ng serbisyo, gaya ng pangkalahatang pangangalagang pangkalusugan, paggamot ng mga talamak na sakit gaya ng diabetes at altapresyon, mga serbisyo para sa mga emergency, pangangalagang pangkalusugan para sa mga kababaihan, suporta para sa kalusugang pangkaisipan, at pangangalaga para sa mga survivor ng karahasang batay sa kasarian. Nagsusumikap din ang Doctors Without Borders na paunlarin ang mga pasilidad para sa water and sanitation sa loob ng mga kampo.
Kamakailan lamang, tumugon ang Doctors Without Borders sa dumaraming pinsalang natatamo ng mga refugee na Rohingya kaugnay ng karahasang nararanasan nila habang papatawid ng hangganan mula sa Myanmar. Noong unang bahagi ng Agosto 2024, ginamot ng Doctors Without Borders ang 39 na tao para sa mga ganoong pinsala, kabilang ang mga nasugatan dahil nabaril o di kaya’y natamaan ng mga mortar shell. Mahigit 40% ng mga pasyente ay mga babae at mga bata. Dahil sa silakbo ng karahasan, marami ang nababahala sa lumalalang krisis na humanitarian sa Myanmar at ang epekto nito sa populasyon ng mga Rohingya, na ang karamihan ay humaharap sa mga kondisyong maaari nilang ikamatay at sumusuong sa mga mapanganib na paglalakbay upang maghanap ng kaligtasan sa Bangladesh.
Bukod sa emergency care, nakatuon din ang Doctors Without Borders sa isang mahalagang isyu ng pampublikong kalusugan sa mga kampo: ang hepatitis C. Sa isang pag-aaral na isinagawa ng Doctors Without Borders, napag-alamang halos 20% ng mga refugee na Rohingya na sumailalim sa testing sa mga kampo sa Cox’s Bazar ay may aktibong impeksyon ng hepatitis C. Ang Doctors Without Borders ay ang tanging tagapagbigay ng pangangalaga para sa hepatitis C sa mga kampong ito mula noong Oktubre 2020, ngunit ang pangangailangan para sa paggamot ay higit sa kapasidad ng organisasyon. Sa kasalukuyan, mahigit 8,000 na pasyente na ang nagamot, at ang kaya na lamang ng pasilidad ng Doctors Without Borders ay 150 hanggang 200 na bagong pasyente kada buwan. Ito’y nauwi sa mas mahihigpit na admission criteria at sa pangangailangan para sa mas malawakang pagtugong humanitarian.
Itinataguyod ng Doctors Without Borders ang isang malawakang pagpigil at ‘test and treat’ campaign upang malabanan ang pagkalat ng hepatitis C sa mga kampo.
Ang Doctors Without Borders ay nagbibigay ng pangangalagang pangkalusugan sa mga refugee, mga asylum-seeker, at mga hindi dokumentadong komunidad ng mga migrante sa Malaysia mula pa noong 2015. Sinimulan bilang bahagi ng isang mas malawak na pagtugon sa refugee crisis, itinaguyod ng Doctors Without Borders ang programa sa Penang upang magbigay ng pangunahing pangangalagang pangkalusugan, mga serbisyo para sa kalusugang pangkaisipan, psychosocial support, at counseling para sa mahihinang populasyon.
Noong 2018, nagtayo ang Doctors Without Borders ng klinika sa Butterworth. Sa kasalukuyan, ang klinika’y nakapagbibigay ng serbisyo sa humigit-kumulang 900 hanggang 1,000 na pasyente kada buwan. Dagdag pa rito ang mga lingguhang mobile clinic, na pinapatakbo sa pakikipagtulungan sa isang lokal na NGO, ang ACTS (A Call to Serve). Sa pamamagitan ng mga mobile clinic, napapaabot ang mga serbisyo sa mga mas liblib na bahagi ng Penang. Nakikipagtulungan din ang Doctors Without Borders sa mga lokal na klinika at mga ospital para sa pagsangguni ng mga pasyente, at nakikipag-ugnayan sa mga lokal na NGO upang magbigay ng suportang medikal sa ilang mga Immigration Detention Centre (IDC).
Sa pamamagitan ng mga pagsusumikap sa adbokasiya at pakikipag-ugnayan, tinutulungan ng Doctors Without Borders ang mga refugee at mga asylum-seeker na nangangailangan ng proteksyon, nagsasangguni ng mga kaso sa UNHCR at nakikipagtulungan sa mga katuwang na Malaysian upang matukoy ang mga kakulangan sa naibibigay na serbisyo. Kabilang sa itinataguyod ng Doctors Without Borders ang pagpapawalang-bisa ng Health Circular 10/2001 at ang pagtiyak ng ligtas na pagbaba ng mga refugee na nanganganib sa karagatan. Dagdag pa rito, nakikipagtulungan ang Doctors Without Borders sa mga lokal na katuwang at sa mga institusyon ng estado para sa mga pangmatagalang pagbuti ng access ng mga refugee sa pangangalagang pangkalusugan.
Mula noong Nobyembre 2023, malalaking hamon ang hinarap ng Doctors Without Borders sa pagbibigay ng pangangalagang pangkalusugan sa Myanmar dahil sa pagsimulang muli ng mga labanan sa pagitan ng hukbong militar ng Myanmar at ng Arakan Army. Sa loob ng walong buwan, di makapagpatakbo ng mga mobile clinic ang Doctors Without Borders sa Rakhine State, pati sa mga kampo para sa mga internally displaced persons (IDP) sa Pauktaw Township, kung saan kadalasan, ang Doctors Without Borders ang tanging tagapagbigay ng pangangalagang pangkalusugan. Dahil sa patuloy na mga sagupaan, naging halos imposible nang mapuntahan ng mga team ng Doctors Without Borders ang mga pasyente, samantalang hinahadlangan naman ng mga paghihigpit sa pagbiyahe ang pagdala ng mga emergency patient sa mga ospital.
Noong Hunyo 2024, napatakbong muli ng Doctors Without Borders ang mobile clinic sa Aung Mingalar quarter sa Sittwe, ngunit sa loob lamang ng maikling panahon at nang may limitadong kapasidad dahil sa matinding kakulangan ng mga supply. Maraming mga lugar, tulad ng Pauktaw Township, ang di pa rin maaaring puntahan. Dahil din sa mga paghihigpit, hindi makapaghatid ang Doctors Without Borders ng mga gamot sa mga kampo, kung kaya’t lumalala ang dati nang kritikal na sitwasyon. Ang mga emergency referral, na maaaring makasagip ng buhay ng mga pasyenteng nangangailangan ng pangangalaga ng mga espesyalista, ay hinahadlangan na rin, kaya’t dumarami ang hindi makakuha ng kinakailangan nilang pangangalagang pangkalusugan. Ang kasalukuyang digmaan din ang nagiging sanhi ng nakababahalang pagdami ng mga namamatay na mga ina at mga bagong panganak na sanggol.
Lubos na naapektuhan din ang mga pampublikong pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan sa Rakhine State. Marami sa mga ito ang nagsara dahil sa mga suliranin sa kaligtasan, at sa kakulangan ng mga staff, supplies at gasolina. Ang mga teleconsultation, na itinuturing ng ilang pasyente bilang lifeline, ay kadalasang nagiging mapanghamon dahil sa mahinang phone signal, kung kaya’t nahihirapan ang mga komunidad na makakuha kahit man lang ng remote medical support.