Skip to main content

    Isasara na ang mga refugee camps sa Kenya. Paano na ang mga refugee?

    MSF hospital in Dagahaley

    Naglalakad ang isang nars kasama ang isang pasyente papasok sa consultation room sa ospital ng Doctors Without Borders sa Dagahaley. 2020 © MSF

    Ang mahigit 430,000 na refugee na nakatira sa mga kampo ay mabibigla sa balitang ito. Hindi man lang sila sinali sa usapan, gayong mababago nito ang kanilang buhay at malaki ang epekto nito sa kanilang kinabukasan.  

    Kami sa Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ay sumasang-ayon na ang refugee camp ay di pangmatagalang solusyon. Ngunit dahil sa mabilis na pagdedesisyon nang di man lang kinokonsulta ang mga refugee, kinukuwestiyon namin ang pagsasara ng mga kampo sa ganoon kaikling panahon. Magagawa kaya ito nang may paggalang para sa mga karapatan at kaligtasan ng mga refugee? 

    Sa pagsasara ng mga kampo, masyado nilang binibigyang-diin ang voluntary repatriation. Imposibleng lagyan ng taning ang pagbabalik nila sa kanilang bansa, lalo pa’t ang ilan sa mga lugar na ito’y di pa rin ligtas. Ang mga refugee ay may karapatang pumili nang may kalayaan at may pinagbabasehan. Ang desisyong bumalik, at kung kailan nila ito gagawin ay di dapat itinatakda para sa kanila. 

    Ang mga Somali refugee sa Dadaab ay mag-aatubiling bumalik sa isang bansang maraming pinagdadaanang hamon, pero hindi naman sila binibigyan ng alternatibo. Malamang, ito ay mauuwi sa pagkataranta, na mas magpapalala pa sa kanilang sitwasyon. 

    Sa halos 30 taon ng pagsuporta ng Kenya sa mga refugee, masasabi nating lamang na lamang ito sa nagawa ng maraming mayayamang bansa. Pero matapos ang ilang dekada ng kabutihang-loob, hindi nila dapat isara ang kanilang pinto sa mga refugee at pabayaan na lang ang mga ito.
    Adrian Guadarrama

    Bukod sa pagsuporta ng  Kenya, dapat ding pag-ibayuhin ng mayayamang pamahalaan ang kanilang pagsusumikap na makihati sa responsibilidad ng pagsuporta sa mga refugee. Hindi lang nila kailangang tiyakin ang patuloy at sapat na humanitarian assistance para sa mga refugee habang sila’y nasa kampo pa,kailangan din nilang suportahan ang Kenya sa pagpapabilang ng mga refugee sa mga lokal na komunidad. At kailangan din silang makapagbigay ng mga oportunidad para sa resettlement at iba pang makatutulong sa kanilang pamumuhay. 

    Kailangan ng mga refugee ng mga pangmatagalang solusyon. Pero ang puwersahang pagpapatupad ng solusyon na naiisip natin para sa kanila ay hindi kasagutan. Kailanga’y pakinggan din natin ang kanilang mga saloobin ukol sa kanilang hinaharap at hayaan silang mamili ng sa tingin nila’y pinakamabuting landas na tatahakin.

    Adrian Guadarrama
    Deputy Programme Manager

    Adrian Guadarrama is deputy programme manager for Kenya, based in Geneva with Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF). 

    Categories