Ang Pagsasara ng mga Refugee Camp ay di Maaaring Maging Huling yugto ng Pakikiisa ng Kenya
Tauhan ng Doctors Without Borders, naglalakad sa kalye sa Dagahaley camp, Dadaab. Kenya, 2019. © Paul Odongo/MSF
Ang refugee agency ng UN, ang UNHCR, ay binigyan ng dalawang linggo para mapagdesisyunan ang kapalaran ng mga kampo. Ibig sabihin, hinihingan sila ng plano sa pagsasara ng mga kampo—isang planong kung nakatuon sa pagpapauwi sa mga refugee sa kanilang mga tahanan, ay maaaring maglagay ng kanilang mga buhay at kapakanan sa panganib. Sa ngayon, pansamantalang ipinagpaliban ng Kenyan High Court ang pagsasara ng mga kampo. Pero para sa mga nakatira rito, ang posibilidad na mangyari ito ay isang lumalaking aninong kanilang pinangangambahan.
Subukan ninyong ilarawan sa inyong diwa na kayo ay nasa Dadaab: palutang-lutang sa gitna ng pulang alikabok sa liblib na bahagi ng hilagang-silangang Kenya, kung saan maraming payat ngunit matinik na puno. Di mo alam kung ano ang susunod na mangyayari, at wala kang pinanghahawakang kinabukasan. Umaasa ka lang sa paliit nang paliit na humanitarian aid, at natatakot na itutulak pabalik sa Somalia, isang bansang di mo kilala, dahil halos tatlong dekada na ang nakalilipas mula nang ito’y nilisan ng iyong mga magulang. Mula nang umalis sila roon, ang karahasan sa Somalia ay lalo pang lumala. Dagdag pa rito ang klimang pababago-bago—minsa’y tagtuyot, minsa’y bumabaha—at dahil dito, nahihirapan ang mga taong mabuhay nang angkop sa panahon.
38-year-old Janai Issack Aden has been living in Dagahaley since 1991. She fled violence in Somalia with her parents and siblings, settling in the camp. Janai came to the camp in 1991 from Kismayu, Somalia, with six members of her family including both her parents. Her parents have both died. She has 10 children, all who were born inside the camp. Kenya, 2019. © Paul Odongo/MSF
Ang pagpapasara ng mga kampo, partikular na sa Dadaab, ay bunsod ng mga pagsalakay ng mga terorista sa Kenya. May mga di-kumpirmadong balita kasi na tumutulong ang mga kampo sa mga pagsalakay na ito, kaya’t lalong napasama ang tingin sa mga refugee.
Pero dati pa iyon, at ang kanilang pagpapahayag muli ng kagustuhang isara bigla ang mga kampo ay tila walang pakundangan, walang konsiderasyon, at walang paggalang sa mga maapektuhan. Sa gitna ng isang pandemya, lalo na sa panahon kung kailan nagiging malala ang kaguluhan sa Somalia, ang pagpapasara ng mga kampo ay di lang isang padalos-dalos na desisyon, ito rin ay sumasalungat sa mga karapatang pantao, at sa tamang kalakaran sa pampublikong kalusugan. Kapag di pinag-isipan, ang desisyong ito ay maaaring magdulot ng mga nakapanlulumong epekto sa mga refugee. Ang pagiging refugee sa Dadaab ngayon ay tila isang palabas kung saan nasa pinakaharap ka ng mga manonood, nagmamasid lamang habang sinusugal ng ibang tao ang iyong kinabukasan.
Bagong krisis
Gayunpaman, kailangang kilalanin ang pagpapakita ng Kenya ng kabutihan sa pagpapatira ng daan-daang libong mga refugee, samantalang may mga mayayamang bansa na patuloy na nakahahanap ng paraan upang ipagsawalang-bahala ang mga karapatan ng mga ito. Ang biglaang pagpapasara ay hindi nababagay na maging huling yugto sa pakikiisa na ipinakita ng Kenya sa pagpapatuloy sa mga refugee.
Walang dahilan ang Kenya upang isara ang kanilang pinto sa mga refugee at iwan ang mga ito nang walang inaalok na alternatibong daan tungo sa pagkakaroon ng buhay na may dignidad, ng buhay na ligtas at malaya. Hindi nga solusyon ang refugee camps— at sumasang-ayon kami sa Kenya sa puntong ito—lalo na kapag ang kanilang pamamalagi rito’y inaabot na ng dekada. Ito ang dahilan kaya’t matagal na kaming nananawagan sa pagkakaroon ng solusyong mapapanatili para sa mga refugee.
Maaaring suportahan ng Kenya ang mga refugee upang mapabilang sila sa lipunan. Ang mabilis na pagpasa at pagpapatupad ng Refugee Bill—na ngayo’y pinagdedebatehan pa sa kongreso ng Kenya—ang makatitiyak na maaaring kumilos ang mga refugee nang may kalayaan, makapaghanapbuhay, at makinabang sa mga serbisyong pampubliko. Kapag natuloy ito, sa wakas ay mayroon na silang mga mapagpipilian, maitatakda na nila ang pupuntahan ng kanilang mga buhay, at kung bibigyan sila ng seguridad, maaari pa nilang mapayaman sa iba’t ibang paraan ng lipunan ng Kenya.
Hindi kakayanin—at di rin dapat—na gawin ito ng Kenya nang mag-isa. Ang ekonomiya ng Kenya, tulad ng maraming ibang bansa, ay lubhang naapektuhan ng pandemya. Nagpatong-patong na ang utang nila, at makabangon man sila’y siguradong mahihirapan sila sa mga susunod na buwan at taon.
Iilang pamahalaan lamang ang nagbibigay ng humanitarian assistance para sa mga refugee na nakatira sa mga kampo. Pero maging ang pondo para sa humanitarian efforts ay bumababa na, kung kaya’t babawasan ng World Food Programme ang ipinamimigay nilang pagkain ng halos 60 porsiyento.
Mahalagang ang mga gobyernong maraming mapagkukunang-yaman ay makibahagi sa pag-ako ng responsibilidad sa mga refugee.Kailangan ding taasan ang development funding upang palawakin ng Kenya ang mga serbisyong publiko para maisali ang mga refugee sa mga lokal na komunidad, habang tinitiyak na mayroong sapat na antas ng humanitarian assistance upang maisakatuparan na ang mga lokal na solusyon.
Abdo and his family in their home in Dagahaley camp. Abdo fled his country Ethiopia in 1997 due to political tensions, and settling in Somalia until 2011, where he also met his wife. He was a farmer there but he says life became increasingly difficult there due to frequent fights, which sometime came even near his home. He then fled Somalia in 2011 with his family, settling in Dagahaley camp. Kenya, 2019. © Paul Odongo/MSF
Panahon na rin para sa mga multilateral institution na tulad ng World Bank na pabilisin ang paghahanap ng mga solusyon para sa mga problema ng mga refugee. Kasama ang UNHCR, kailangan ng kanilang walang patid na paghimok sa mga mambabatas at iba pang opisyales ng Kenya na magpatupad ng lokal na solusyon para sa mga refugee.
Pero ang local integration ay di dapat magmistulang kontrata para sa outsourcing ng mayayamang pamahalaan, kung saan maaari nilang ihallili sa kanilang responsibilidad na tumanggap ng refugee ang payout. Nitong nakaraang taon naitala ang pinakamababang bilang ng mga benepisyaryo ng resettlement. Dapat suportahan ng pamahalaang maykaya ang pagpaparami ng nakikinabang sa resettlement, at bigyang-daan din ang iba pang paraan ng pagtulong sa mga refugee. Maaari na ring magpatupad ng safety and health screening protocol, at di na maaring gawing dahilan ang pandemya.
Higit sa lahat, kinakailangan ng UN at ng pandaigdigang komunidad na pag-ibayuhin ang kanilang mga pagsusumikap na isulong ang kapayapaan at katatagan sa Somalia. Ang tatlong dekadang pagkakaroon ng Dadaab ay isang indikasyon na bigo ang peace initiatives sa bansa.
Mental health
Ang mga bali-balita tungkol sa napipintong pagsasara ng mga kampo ang tuluyan nang makapanghihina ng kalooban ng mga refugee. Ito ay dumadating sa panahong ang karamihan sa mga refugee, lalo na sa Dagahaley, ay nagpapakita ng mental health concerns dahil sa kawalan ng solusyon sa kanilang mga problema. Noong 2020, sa Dagahaley lang – kung saan mahigit isang dekada nang nagbibigay ang Doctors Without Borders ng pangangalagang pangkalusugan –tatlong tao na ang nagpakamatay at dalawampu’t lima na ang nagtangkang magpakamatay.
Sa Dadaab, tinanong ko ang isang refugee kung paano nila gustong maisulat ang huling yugto ng kampo. Simple lang ang sagot niya: ‘Nais ko lang ng mapayapang buhay.'
Nakikiisa ako sa pangarap ng mga refugee na makaalis sa Dadaab balang araw, pero hindi sa kahit anong paraan lamang. Pag dumating ang tamang panahon, sana’y aalis sila dahil sa sarili nilang desisyon, at nakatitiyak sila na gagawin nila ito nang may dignidad, kalusugan, at kalayaan.
Si Adrian Guadarrama ay deputy programme manager para sa Kenya, kasalukuyang nasa Geneva para sa Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF).