Skip to main content

    Hong Kong: Doctors Without Borders, nagbigay ng pagsasanay sa mga dayuhang kasambahay para sa psychosocial support

    Doctors Without Borders is providing a Community Care Training Programme to the community leaders of HK’s foreign domestic helpers. Here, MSF Mental Health Supervisor Karen Lau (Left) shares the basic concepts and skills of mental health to two of them; Dee (middle) and Luisa (right).©MSF

    Nagsagawa ang Doctors Without Borders ng Community Care Training Programme para sa mga namumuno ng komunidad ng mga dayuhang kasambahay sa Hongkong. Dito ibinabahagi ng Doctors Without Borders Mental Health Supervisor na si Karen Lau (nasa kaliwa) ang mga panimulang konsepto at kasanayan kaugnay ng kalusugang pangkaisipan sa dalawa sa kanila; si Dee (nasa gitna) at si Luisa (nasa kanan). © MSF

    Sa isang survey na isinagawa ng Doctors Without Borders at ng lokal na organisasyong Uplifters, lumalabas na 72% ng mga dayuhang kasambahay na tumugon sa survey ay nakaranas ng mga sintomas ng matinding kalungkutan. 47% sa kanila ang humingi ng tulong mula sa mga kasamahan nila sa Hong Kong. Upang ang tulong ay maging epektibo, nagbigay ang  Doctors Without Borders ng apat na linggong Community Care Training Programme para sa mga lider ng komunidad sa Hong Kong. Sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila ng active listening at psychological first aid, layunin ng Doctors Without Borders na bigyan sila ng kakayahang suportahan ang kanilang mga kasamahan, habang inuunawa rin nila ang kanilang mga hangganan sa pagtulong sa iba.

    Ang disenyo ng online survey ay batay sa Patient Health Questionnaire-9, kung saan ang mga tumugon ay kinakailangang tasahin ang kanilang sariling kalusugang pangkaisipan sa loob ng anim na buwan bago mag-Setyembre. Isandaang makabuluhang sagot ang nakalap. Ayon sa mga resulta ng survey, ang pagkawalay sa kanilang pamilya at ang pagtatrabaho sa ibang bansa ang pinakakaraniwang dahilan ng kanilang pagkabalisa (47%); kasunod noon ay ang pag-aalala nila sa kalusugan ng kanilang pamilya ngayong may pandemyang dulot ng COVID-19 (39%). Nagbunga ang mga stressors ng iba’t ibang sintomas na kaugnay ng matinding kalungkutan nitong nakaraang anim na buwan: ang pakiramdam ng pagkalugmok, kalungkutan, o kawalan ng  pag-asa (82%), pagkalungkot o pagkadismaya (74%), o hirap makatulog (70%).

    “Ang mga pangangailangan para sa kalusugang pangkaisipan, di tulad ng para sa kalusugan ng pangangatawan, ay mahirap matuklasan agad dahil di nakikita ang mga sintomas nito. Dahil sa nakatanim na stigma ng sakit sa pag-iisip sa mga lipunang Asyano, nagiging mas malaking hamon ang pagtugon sa mga pangangailangang ito,” sabi ni Karen Lau, Mental Health Supervisor ng Doctors Without Borders. “Ngayong ang COVID-19 ay pinagmumulan ng pagdurusa saan mang bahagi ng mundo, marami sa atin ang nahihirapang makaya ang walang katiyakan ng ating kahihinatnan at ang mga paghihigpit na ipinataw sa atin ng pandemya. Halimbawa, aming napag-alaman na marami sa mga dayuhang kasambahay ay nahihirapan sa nabawasang social support dahil di nila mabisita ang kanilang mga pamilya mga paghihigpit sa paglalakbay. Marami rin ang napipilitang magtrabaho nang mas mahahabang oras, o di kaya’y di na nakakalabas mula sa mga tirahan ng kanilang mga pinagtatrabahuhan. Limitado ang pondo para sa pangangalaga ng kalusugang pangkaisipan ng mga dayuhang kasambahay sa Hong Kong. Gayunpaman, nakilala ng Doctors Without Borders kung paano magagamit ang kanilang katangi-tanging samahan bilang komunidad at ang kanilang extended peer networks upang makakuha sila ng social support at pagbutihin ang kanilang pag-unawa sa kalusugang pangkaisipan. Sa ganitong paraan, mas mababantayan nila ang kanilang mga sarili, at pati na rin ang iba, sa gitna ng mapaghamong panahong ito.”

    Batay sa mga napag-alaman sa survey, ang team ng Doctors Without Borders ay lumikha ng isang training programme kung saan pagyayamanin ang kaalaman at mga kasanayan ng mga tao ukol sa kalusugang pangkaisipan. Ang unang grupo na dumaan sa pagsasanay ay kinabibilangan ng mga kinatawan ng Uplifters at Pathfinders, mga lokal na NGO na tumutulong sa mga dayuhang kasambahay. Isa sa kanila ang Pilipinang si Luisa, na 17 taon nang nagtatrabaho sa HK. Kinuwento niya ang mga nakakadagdag sa stress ngayong may COVID-19. “Nagdesisyon ang dati kong amo at ang kanyang pamilya na lumipat sa United Kingdom, at ako rin ay lumipat na sa isang bagong bahay. Dahil sa COVID-19, hindi kami nagkaroon ng pagkakataong mag-usap nang personal. Isa pa, matagal na akong nagbabalak na mabisita ang aking pamilya, pero dahil sa pandemya,  hindi ko sila puwedeng puntahan at makita. Talagang stressful ang panahong iyon, pero tiwala lang at lakas ng loob, naharap ko rin ang lahat sa tulong ng mga kapamilya at kaibigan ko.”

    Mahigit sampung taon nang nagtatrabaho bilang kasambahay sa Hong Kong si Dee, isang Indonesian. “Lahat naman tayo, may kanya-kanyang stress, lalo na sa panahon ngayon. May mga kaibigan akong nawalan ng trabaho, na nakadagdag sa dati na nilang problema sa pera. Dahil sa mga paghihigpit na dulot ng pandemya, hindi kami makaalis sa bahay na aming pinagtatrabahuhan, 24 oras, 7 araw linggo-linggo. Ang resulta nito’y mas matinding stress ang nararamdaman namin. Minsan, kapag stressed kami, gusto lang naming may makinig sa amin, pero di namin alam kung saan kami  pupunta. Sa pamamagitan ng pagbibigay sa amin ng mental health support, malaki ang naitulong ng Doctors Without Borders.” Naramdaman ni Dee ang epekto nito maging sa pagtulong niya sa ibang tao. “Bago ako dumaan sa pagsasanay na ito, tuwing nagkukuwento ang kaibigan ko, hinuhusgahan ko siya. Sinasabi ko sa kanya kung ano ang dapat at hindi dapat gawin. Pero dahil sa pagsasanay na ito, natutunan kong ang simpleng pakikinig lang ay nakakatutulong na. Maaari mo siyang payuhan, ngunit huwag mo siyang husgahan.”

    Sabi nga ni Karen Lau ng Doctors Without Borders, kailangan nating maging mabait sa ating mga sarili. “Kahit na alam naman natin na lahat tayo’y maaaring makaranas ng negatibong emosyon, marami sa atin ang mapanghusga sa ating mga sarili kapag nakakaramdam tayo ng kahinaan. Ito’y pinapalala pa ng takot na mahusgahan ng ating komunidad. Sa okasyon ng International Migrants Day ngayong ika-18 ng Disymbre, sa panahon ng COVID-19, mas lalong mahalaga na sa gitna ng pandemya’y magkaroon tayo ng malawak na pang-unawa sa sarili natin, at sa ating kapwa.”

    -----------------------

    Mula noong nagkaroon ng unang kaso ng COVID-19 sa Hong Kong noong huling bahagi ng Enero 2020, ang Doctors Without Borders ay nakikipag-ugnayan sa mga grupong pinakananganganib, at nagsagawa ng 39 na health education sessions at  stress and anxiety management workshops, kung saan nagbabahagi sila ng impormasyong medikal at sinasagot ang mga katanungang may kaugnayan sa pandemya.

    Categories