Breadcrumb
- Home
- Ang Ginagawa Namin: Pagbibigay ng Suporta sa Mental Health
Ang Ginagawa Namin: Pagbibigay ng Suporta sa Mental Health
Ang Doctors Without Borders ay nagtatrabaho sa mga lugar kung saan napakahirap at napakalupit ng pamumuhay, mga lugar na minsan pa’y nasa gitna ng giyera o karahasan. Sa marami sa mga ito, ilang taon na kaming nagbibigay ng komprehensibong suporta para sa mental health ng mga pasyente. Mula sa psychological first aid para sa isang emergency, hanggang sa serbisyo para sa mental health na ibinibigay kasabay ng pangangalaga para sa dati nang mga karamdaman at sa standalone psychosocial at psychiatric care, narito ang ilang paraan ng pagtugon ng aming mga team.
Mula sa pagtulong sa mga biktima ng armadong labanan, hanggang sa mga nasalanta ng bagyo, nakapagbigay na kami ng pangangalaga para sa mental health sa Pilipinas. Noong 2017, 370,000 na tao ang napilitang lumikas sa kanilang mga tahanan sa Marawi City, Maguindanao dahil sa pagsalakay dito ng mga grupong kumikiling sa Islamic State, ang grupo ng Maute at ng Abu Sayyaf. Inalok namin ng psychological first aid ang mga naapektuhan ng mga labanang ito, at nanatili kami sa lugar upang makapagbigay ng suporta sa mga taong nawalan ng tirahan, at sa mga bakwit.
Noong taon ding iyon, tumugon kami sa pagsalanta ng bagyong Tembin sa timog na bahagi ng Pilipinas. Dito’y nag-alok kami ng psychological support na may kasamang grief counselling.
Noong 2020, ang mga paghihigpit dahil sa pandemya na dulot ng COVID-19 ang nagbunsod sa aming team na humanap ng mga bagong paraan para makapagbigay ng suporta para sa mental health. Kabilang rito ang pagbibigay ng remote mental health and psychosocial support para sa mga taong naapektuhan ng COVID-19.
"Sa hinaharap nating mga hamon ngayon, hindi na sapat ang mga karaniwan nating ginagawa upang labanan ang stress," paliwanag ni Lyka Lucena, isang mental health social worker ng Doctors Without Borders.
Ang Indonesia ay nasa tectonic 'Ring of Fire', kaya’t madalas itong makaranas ng mga natural na kalamidad. Ang aming team sa Indonesia ay aktibo at mabilis na tumutugon kapag may mga ganitong kaganapan. Nakapagbigay na sila ng suporta para sa mental health ng mga biktima ng mga sakuna, at kabilang sa suportang ito ang group mental health counselling.
Sa gitna ng patuloy na pagkalat ng COVID-19 sa bansa, nakatuon ang aming team sa mga kampanya para sa mental health upang mabigyan ang populasyon ng mga kagamitang makatutulong sa kanila upang kayanin ang mga hamon ng panahon. Babala ni Dyah Larasati, isang sikolohista, “Ang burnout ay maaaring mangyari kapag ang isang tao ay nakararanas ng matinding pagkapagod ng damdamin, ng katawan, at ng isipan, dahil sa matagal at sobra-sobrang stress."
Ang Doctors Without Borders ay nasa Malaysia na mula pa noong 2015, upang punan ang mga kakulangan sa pangangalagang pangkalusugan para sa mga refugee at mga naghahanap ng asylum. Nagbibigay ang aming team, na kinabibilangan ng mga sikolohista at mga mental health counsellor, ng komprehensibong suporta para sa mental health. Kasama doon ang edukasyon tungkol sa mental health, psychosocial support at counselling, na aming binibigay sa mga mobile clinics sa komunidad at sa isang fixed clinic sa Penang, Malaysia.
"Dagdag pa sa mga kasalukuyang binubuno ng mga nabubuhay bilang refugee sa Malaysia ang epekto ng pandemyang dulot ng COVID19, na nakasama sa dati nang nanganganib na kondisyon ng mental health ng komunidad na ito,” sabi ni Sarah Chou, isang mental health activity manager.
Nung 2020, nakipagtulungan kami sa R-vision upang maabot ang mga Rohingya online. Ang R-vision ay isang online media network sa wikang Rohingya. Kasama sa tinalakay namin ang mga panukala sa pagpigil ng COVID-19. Ipinaliwanag din namin ang paghuhugas ng kamay, pagbubukod, at kung paano gumawa ng sariling mask. Gumawa rin kami ng video na nakatuon sa mental health, kung saan aming pinagnilay-nilayan kung paano natin masusuportahan ang isa’t isa sa panahon ng pandemya.
Bilang tugon sa pandemyang dulot ng COVID-19, nagbigay ang aming mga team ng mga face-to-face at virtual health promotion session para sa mga taong nangangailangan, na malamang ay kulang sa access sa impormasyon. Ang ilang halimbawa nito ay ang mga refugee at domestic worker, at ang mga tinuturing na nasa frontline, tulad ng mga street cleaners.
Lumikha kami ng website upang makatulong sa mga taong harapin ang kanilang mga stress at alalahanin. Kasama rito ang ilang mga tip at kasangkapan upang makayanan ang sakit.
Noong 2020, nagsagawa ang Doctors Without Borders ng 349,500 na indibidwal na konsultasyon para sa mental health.
Isa ka bang espesyalista para sa mental health? Gusto mo bang tumulong sa pagbibigay ng pangangalaga para sa mental health?
- Ang pagbibigay ng mental health first aid
Nagbibigay ang Doctors Without Borders ng psychological first aid sa mga komunidad na dumaan sa matinding pagdurusa, katulad ng mga nakaranas ng natural na kalamidad. Ang ganitong pangangalaga ay nagbibigay sa mga tao ng pangunahing suporta pagkatapos nilang makaranas ng trauma o kritikal na insidente. Ang mga community mental health workers o iba pang miyembro ng komunidad na binigyan ng pagsasanay ay maaaring magbigay ng psychological first aid.
Pagkatapos ng tripleng kalamidad na nanalasa sa Central Sulawesi, Indonesia noong 2018, hindi lang sinuportahan ng Doctors Without Borders ang mga health centre sa pamamagitan ng pagbibigay ng pangunahing pangangalagang pangkalusugan at lunas para sa mga nasugatan. Nagsama rin kami ng dalawang sikolohista bilang bahagi ng aming medical team na magbibigay ng psychological first aid sa mga nagkaroon ng trauma dahil sa kalamidad.
- Trauma counselling at dalubhasang pangangalaga
Ang mga survivor ng mga sitwasyong nagdulot ng matinding stress—ang mga refugee, mga nawalan ng tirahan, mga naging biktima ng natural na kalamidad, mga biktima ng abuso at iba pang krimen, mga survivor ng digmaan o genocide—ay nanganganib na makaranas ng matinding epekto ng stress sa kanilang mental health.
Upang makatulong sa paghilom ng mga sugat sa kalooban ng pasyente, ang aming mga espesyalista sa mental health ay nakikinig, sumusuporta at nagsasanay sa mga survivor na gumamit ng self-care practices upang hindi idikta ng kanilang mga masasakit na karanasan ang kahihinatnan ng kanilang mga buhay. Ang pangunahing layunin ay mabawasan ang mga sintomas, at mabigyan sila ng kakayahang mamuhay nang masaya at malusog.
Ayon sa Mental Health Activity Manager ng Doctors Without Borders na si Kathy Lostos, na katrabaho ang mga Rohingya refugee sa Bangladesh, “Ang pinakamainam na paraan upang mapaunlad ang mental health ay ang pagbibigay muli sa kanila ng pakiramdam na sila’y nasa ligtas na kalagayan. Ang pagkakaroon ng kahit kaunting kontrol sa kahihinatnan ng kanilang hinaharap ay mahalaga sa pagkakaroon ng pakiramdam ng kaligtasan. Kaakibat nito ang mga bagay na tulad ng pagsama sa mga komunidad sa proseso ng paggawa ng mga desisyon, o ang pagbibigay sa kanila ng kasarinlan, at paglalagay sa kanilang mga kamay ng kanilang kinabukasan. Nakakatulong ito upang mabawasan ang pangmatagalang epekto ng trauma.”
- Mental health support para sa mga gawaing medikal
Ang mental health ay mahalagang bahagi ng pagbibigay-lunas sa HIV/AIDS, tuberculosis, malnutrisyon, mga di-nakahahawang sakit, at mga pasyenteng naoperahan, o nasunog ang balat. Sa aming pagtugon kamakailan lang sa pandemyang dulot ng COVID-19, nasaksihan ng aming mga team ang kahalagahan ng pangangalaga sa mental health para sa paggaling ng mga pasyenteng nagka-COVID-19.
Ang mga pasyenteng may HIV at tuberculosis ay kinakailangang magtiis sa mahaba at nakakapagod na gamutan. Ang mga taong may mga ganitong sakit o iba pang talamak na kondisyon, o di kaya’y mga nakahahawang sakit tulad ng Ebola at Lassa fever, ay nakararanas din ng stress dahil sa mga gastusin, kalungkutan, at stigma. May mga nakararanas din ng psychiatric side effects mula sa kanilang mga iniinom na gamot. Ang adherence counselling ay makakatulong sa mga pasyenteng ituloy-tuloy ang kanilang pagpapagamot at harapin ang mga hamon na kasama sa pakikipagbuno sa kanilang karamdaman.
Ang mga batang malnourished naman ay nahaharap sa panganib na maantala ang kanilang pag-unlad. Ang paggamot para sa mental health ay makakatulong sa kanila, at sa kanilang tagapangalaga, na maaaring nakararanas din ng mental health disorder.
- Mga tugong lokal at naaayon sa kultura
Kapag ang aming mga mental health team ay magsisimula pa lang magtrabaho sa isang bagong komunidad, isa sa mga unang hakbang ay ang lapitan ang mga namumuno sa kanila upang magabayan ang aming team sa mga angkop na estratehiya upang mapunan ang pangangailangan ng mga tao. Kadalasan, kinakailangan ng mga komunidad na muling itaguyod ang kanilang sarili upang mapagtibay ang pagkakakilanlan ng mga tao.
Sa maraming kaso, ang aming mental health staff ay galing sa mga komunidad na aming tinutulungan. Ang kanilang kaalaman at pang-unawa sa mga naranasan ng kanilang komunidad, pati na rin ang kanilang mga pinahahalagahan at ang kanilang mga ginagawang may kaugnayan sa mental health, ay malaking tulong sa pagbibigay ng epektibong lunas.
Ang aming holistic approach sa pangangalagang pangkalusugan
Ang Doctors Without Borders ay nagbibigay ng pangangalaga para sa mental health bilang bahagi ng aming mga medikal na aktibidad, at mayroon ding mga standalone o hiwalay na proyekto para sa mental health.
Layunin ng aming mga team na maibsan ang paghihirap ng mga tao sa kanilang kaisipan, mapahusay ang kanilang mga kakayahan, at irespeto ang kanilang dignidad, sa pamamagitan ng kombinasyon ng holistic approach sa pangangalagang klinikal at mga aktibidad sa komunidad. Kadalasan, ito’y isinasagawa ng mga lokal na counsellor na dumaan sa pagsasanay ng aming mga team sa Doctors Without Borders, kung saan ang mga sikolohista at mga psychiatrist ay nagbibigay ng suportang teknikal at clinical supervision.
Kapag naangkop, tinataguyod o sinusuportahan ng aming counselling services ang mga pamamaraan sa pagbibigay ng pangangalaga para sa mental health na ginagamit na sa mga lokal na komunidad kung saan kami nagtatrabaho. Mahalaga na gawin naming bahagi ng aming pamamaraan sa pagbibigay ng pangangalaga para sa mental health ang mga lokal na kahulugan at ang kanilang konsepto ng psychosocial health ayon sa kanilang kultura.