Breadcrumb
- Home
- Ang Maaari Mong Gawin: Pangalagaan ang iyong Mental Health
Ang Maaari Mong Gawin: Pangalagaan ang iyong Mental Health
Sa kahit anong emergency, nababalisa ang mga tao. Nakararanas tayo ng mas matinding pagkabalisa sa maraming kadahilanan: ang hirap sa pagkamit ng mga pangunahing pangangailangan at pangangalagang medikal; kakulangan ng pangunahing kagamitan upang mapanatili ang kalinisan ng katawan; kakulangan ng maaasahang impormasyon. Dagdag pa rito ang kawalan ng katiyakan kung kailan magwawakas ang emergency, ang di-pagkakaunawaan, o ang pandemya. At ito’y nauuwi pa sa karagdagang stress.
Kaya naman mahalagang pangalagaan natin ang ating mental health, lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Dumalo Sa Webinar
Kasabay ng World Mental Health Day, ang Doctors Without Borders ay magkakaron ng talakayan upang pag-usapan ang mga isyu sa mental health, at upang ibahagi ang mga tip sa kung paano mapabuti ang iyong kagalingan sa pag-iisip.
Gusto mo ba ng self-care activities?
Subukan mo ang mga ito:
Ano pa ang ibang mga paraan para mapangalagaan mo ang iyong mental health? Narito ang ilang mga bagay na maaari mong gawin:
1. Maging maingat sa iyong mga nararamdaman.
Ang ating mga emosyon ay malaking bahagi ng ating pagkatao. Nakakaimpluwensiya ito sa ating pag-iisip, sa ating mga damdamin, at sa ating pagkilos. Huwag hayaang mapuno ang iyong isipan ng mga negatibong emosyon, at huwag itong hayaang makaapekto sa buhay mo.
2. Bumuo ng routine para sa araw-araw.
Nababalisa ka ba o di mapalagay? Normal lang iyan, lalo pa’t dahil ang pandemya ay naghatid sa atin ng maraming pagbabago at hamon. Subali’t, may isang bagay na maaari mong gawin upang magkaroon ng kaunting kaayusan sa gitna ng walang katiyakang panahon, at ito ay ang pagbuo ng routine!
3. Mag-ehersisyo!
Ang regular na ehersisyo ay nakakabuti di lang sa iyong pisikal na kondisyon, kundi pati na rin sa iyong mental health. Ayon sa mga pag-aaral, ang pag-eehersisyo ay nakakabawas ng stress, nakakatulong sa pagbangon mula sa kalungkutan o pagkabalisa, at nakakatulong upang makatulog ka nang mahimbing.
4. Pag-isipan ang iyong circle of control.
Mahalagang kilalanin na may mga bagay sa buhay mo na makokontrol mo, at meron din namang hindi. Mahalagang tingnan mo ang buhay sa dalawang magkaibang bilog na ito.
5. Kilalanin ang mga bagay na dapat mong ipagpasalamat.
Ang pagpapasalamat ay daan patungo sa kaligayahan! Ang pasasalamat ay ang pagpapahalaga sa mga mayroon ka, at pagiging masaya sa mga iyon. Sa pagpapasalamat, sinasanay natin ang ating isipan na pagtuunan ang mga positibong bagay kahit sa hindi kalugod-lugod na sitwasyon. Hindi lang ito nakapagpapasaya sa atin, nakatutulong rin itong mahasa ang ating kakayahan sa paghanap ng solusyon sa problema.
6. Magsimula ng journal.
Bukod sa journal ng pasasalamat, maaari mong gawin ang tinatawag na journal therapy. Makatutulong ito sa pagharap sa iyong mga emosyon, at makabubuti rin sa iyong mental health. Isulat sa iyong journal ang kahit ano, ang lahat ng gusto mong isulat--mula sa laman ng iyong isipan, hanggang sa laman ng iyong puso!
7. Subukang ipahayag ang iyong sarili sa pamamagitan ng sining at kulay.
Ang art and color therapy ay makatutulong na bawasan ang iyong stress, at makakatulong rin sa iyong makipag-ugnayan at ipahayag ang iyong sarili. Kabilang sa ganitong klaseng therapy ang pagguhit, pagpinta, paglilok, pagkulay, at marami pang ibang malikhaing gawain.