Skip to main content

    Noong ika-25 ng Agosto 2017, mahigit 700,000 na Rohingya ang tumakas mula sa sistematikong pang-uusig sa Myanmar, at nagtungo sa Cox's Bazar district sa Timog Silangang Bangladesh. Dumating ang mga Rohingya refugees sa kampo roon nang gutom, sugatan, at na-trauma.  

    Ibinahagi nila sa Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF) ang mga nakapanlulumong kuwento tungkol sa mga bahay na sinunog, ang iba habang may pamilya pang nasa loob. Ginahasa ang mga kababaihan, bata man o matanda. Pinaghahampas ang mga bata hanggang sila’y mamatay. Ang mga kalalakihan, bata at matanda ay tinipon at pinagpapatay sa harap ng kanilang mga pamilya.  

    Animation about the enduring plight of the Rohingya

    Kinomisyon ng Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF) ang British artist na si Richard Swarbrick (@rikkileaks) na lumikha ng rotoscope animation na maglalarawan ng pinagdadaanan ng mga Rohingya, na ilang dekada nang dumaranas ng struktural at pisikal na karahasan sa Myanmar. 

    Dumating ang mga military sa amin ng bandang alas-sais ng gabi. Sabi nila: "Umalis na kayo rito bago mag-alas otso ng umaga bukas. Papatayin ang lahat ng maiiwan."
    61-taong-gulang na pasyente ng MSF

    Ngayon, halos isang milyong Rohingya refugees ang nakatira sa Cox's Bazar. Nagsisiksikan sila sa lupaing 26 kilometro ang sukat, sa itinuturing na ngayon bilang pinakamalaking displacement camp ng mundo. Kumakapit pa rin sila sa kakaunting pag-asa para sa isang magandang kinabukasan.  

    Walang katiyakan sa buhay ng mga Rohingya refugees na nasa Bangladesh ngayon. Pinagkakaitan sila ng pormal na edukasyon, ng mga oportunidad na makapagtrabaho, at ng paraang makabalik sa kanilang sariling bayan. Ang mga mahalagang pasilidad na tulad ng mga palikuran at ang pamamahagi ng pagkain ay binibigay sa komunidad. Kaya naman kadalasan, naghihintay ang malalaking grupo para makakuha ng mga pangunahing pangangailangan, kasama na ang tubig at kalinisan. 

    Ang kawalang katiyakan ng kanilang buhay ay lumala dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19. Lalong nalimitahan ang kanilang kalayaan at access sa makasagip-buhay na pangangalagang pangkalusugan.  

    An injured Rohingya boy sits on his bed at MSF's medical facility in Kutupalon

    Nakaupo ang isang batang Rohingya sa kanyang kama sa MSF medical facility sa Kutupalong. © Antonio Faccilongo/MSF

    @rikkileaks OCA commissioned British artist Richard Swarbrick to create a rotoscope animation about the enduring plight of the Rohingya

    Kinomisyon ng Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF) ang British artist na si Richard Swarbrick (@rikkileaks) na lumikha ng rotoscope animation na maglalarawan ng pinagdadaanan ng mga Rohingya, na ilang dekada nang dumaranas ng struktural at pisikal na karahasan sa Myanmar. 

    Rohingya refugee camp

    Binabaybay ng "big road" ang kahabaan ng megacamp sa Cox's Bazar District, kung saan mahigit na 600,000 katao ang nakatira.  © Vincenzo Livieri/MSF

    Nakatira kami sa isang bukas na kulungan. Ang buhay ng isang refugee ay mala-impiyerno. Pare-pareho lang ang mga araw. Minsan, kinakagat ko ang sarili ko para lang tingnan kung may mararamdaman ako. Sinubukan ko na ring magpakamatay.
    Faruk, isang Rohingya refugee

    Noong Disyembre 2020, nagsimulang magdala ng mga Rohingya refugee na nasagip mula sa karagatan, sa Bhasan Char, isang islang may layo ng mga 30 kilometro mula sa mainland ng bansa. Pagdating ng Hulyo 22, mahigit 27, 000 na tao mula sa Cox’s Bazar ang inilipat sa kontrobersyal na lugar na ito. Ang 40-square-kilometre na islang ito ay mga dalawang dekadang taon pa lang naririto. Bahain ito, at nasa isang rehiyon kung saan may humigit-kumulang 700,000 na tao na ang namatay sanhi ng mga bagyo nitong nakaraang limampung taon. Malamang ay madaragdagan pa ang mga Rohingya na dadalhin doon, dahil ayon sa mga awtoridad, ang isla ay may itinatayang kapasidad na 100,000. Wala pang pinahihintulutang humanitarian organization na makabisita rito, kung kaya’t lalong nagkakaroon ng mga agam-agam ukol sa pamumuhay sa isla.

    Happiness for the opening of water faucet.

    Kaligayahan sa pagbukas ng gripo. © Vincenzo Livieri/MSF

    A registered refugee from Nayapara camp, Cox’s Bazar

    Si Faruk (hindi tunay na pangalan) ay isang Rohingya refugee na nakatira sa Nayapara camp, Cox’s Bazar. © Farah Tanjee

    Rohingya refugees in Kutupalong megacamp

    "Mahirap magplano ng kinabukasan para sa aming mga anak." Nakaupo ang Rohingya refugee na si Bibi Jan sa isang tea stall kasama si Fayezorahman, ang kanyang limang taong gulang na anak, sa Kutupalong megacamp. © Dalila Mahdawi/MSF

    Para sa mga daan-daan libong Rohingya refugees sa Bangladesh, tila wala nang pag-asa ang kanilang sitwasyon. Patuloy silang namumuhay nang nagsisiksikan para sa mga pangunahing pangangailangan, humaharap sa posibilidad ng paglaganap ng sakit, at nagsusumikap na kalimutan ang trauma ng kanilang mga pinagdaanan. 

    Ang medikal at humanitarian na pagkilos ng Doctors Without Borders sa Bangladesh, Myanmar, at Malaysia ay bunsod ng aming paninindigang mabigyan ang komunidad ng mga Rohingya ng paraan na makuha ng sapat at de-kalidad na pangangalagang medikal, at maging saksi sa kanilang pinagdaraanan.

    Ang Tugon ng Doctors Without Borders sa Rohingya Crisis

    Bangladesh

    Mula pa noong 1985, ang Médecins Sans Frontières/Doctors Without Borders (MSF) ay nasa kabiserang siyudad ng Dhaka na at sa Cox's Bazar sa Bangladesh. 

    Sa Cox’s Bazar, may walong aktibong pasilidad at dalawang nakaantabay na emergency facilities kung saan ang Doctors Without Borders ay nagbibigay ng dalubhasang pangangalagang pangkalusugan upang matugunan ang iba’t ibang klase ng pangangailangang pangkalusugan ng mahigit sa 925,000 Rohingya refugee na nakatira sa mga kampo at ang umaakyat na bilang ng mga pasyente mula sa komunidad kung saan sila nakatira. Kasama rito ang mga serbisyo sa pangkalahatang pangangalagang pangkalusugan, pagbibigay-lunas sa mga talamak na sakit gaya ng diabetes at hypertension, emergency care para sa mga pasyenteng nagkaroon ng trauma, kalusugang pangkaisipan, at pangangalagang pangkalusugan para sa mga kababaihan. Sinusuportahan din ng Doctors Without Borders ang mga gawaing kaugnay ng water and sanitation sa mga kampo, gaya ng latrine de-sludging, faecal sludge treatment, maintenance ng hand pumps, tube wells, at water networks, pati na rin mga gawaing nagtataguyod ng kalinisan.  

    Nagsimula ang kasalukuyang pagkilos ng Doctors Without Borders sa Cox’s Bazar noong 2009, nang itinatag ang Kutupalong field hospital upang pagsilbihan ang mga refugee at ang lokal na komunidad. Matapos ang pagpasok sa bansa noong Agosto 2019 ng mahigit sa 770,000 Rohingya refugee na tumakas sa pinakamalaking kampanya ng karahasang nakatuon laban sa mga Rohingya sa Myanmar, pinag-ibayo ng Doctors Without Borders ang mga aktibidad sa Bangladesh upang matugunan ang napakaraming pangangailangang pangkalusugan ng populasyon.  Noong 2019, nagkaroon ng mga pagbabago sa programa ng Doctors Without Borders upang matugunan ang mga pangmatagalang pangangailangang pangkalusugan. Ang mga siksikang pansamantalang tirahan at ang malubhang mga suliranin sa water and sanitation services, sunog, pagbaha, at mga limitasyon sa paggalaw ay nagiging sanhi ng panganib sa kalusugan at nakaaapekto sa kakayahan ng mga Rohingya na mabuhay nang may dignidad. 

    Tala: Ang proyekto ng Doctors Without Borders sa Kamrangirchar sa Dhaka (kapital ng Bangladesh) ay hindi bahagi ng pagtugon sa sitwasyon ng mga Rohingya.

    Map detailing the MSF response in Bangladesh, with specific COVID–19 treatment centres.

    Isang mapang nagdedetalye ng  mga gawain ng MSF sa Bangladesh, kasama ang COVID–19 treatment centres. © Daniella Ritzau-Reid

    Paano namumuhay ang mga Rohingya sa Bangladesh?

    Lubhang limitado ang mga oportunidad ng mga Rohingya upang makapagtrabaho, bagama’t mayroon sa kanilang mga nakahahanap at nakikipagsapalaran sa di pormal na hanapbuhay. Dahil dito, sila’y umaasa sa humanitarian assistance. Kasama sa tulong na ito ang rasyon ng pagkain, ang gas na pangluto, at ang mga masisilungan na binigay noong 2017.  Sapat naman ito upang manatiling buhay ang mga tao, ngunit karamihan sa mga Rohingya ay walang pambili ng ibang mga pangangailangan tulad ng damit, mga groceries, at mga kagamitang pangkumpuni ng kanilang mga tirahan. Ang pagiging dependyente sa humanitarian aid ay nakababawas din sa dignidad ng mga tao, dahil nalilimitahan ang kanilang kakayahan na mamuhay nang di umaasa sa iba.  

    Ang mga pansamantalang tirahan na karaniwa’y itinatayo sa mga dalisdis ay lubhang mapanganib. Ang taon-taong pagbaha ay nag-iiwan ng mga panganib ng kamatayan, pinsala, at maging pagkawala ng tirahan—paulit-ulit na may ulat tungkol sa mga pansamantalang tirahan na natatangay ng tubig.  

    Ang dikit-dikit nilang mga tirahan ay may dala ring panganib kahit sa simpleng gawain ng pagluluto. Naging karaniwan ang magkasunog. Noong 2021,15 ang namatay sa isang malaking sunog, 560 ang nagtamo ng pinsala, at mga 10,000 na pamilya (mahigit 45, 000 na tao) ang nawalan ng tirahan. Maging ang klinika ng Doctors Without Borders sa Balukhali ay tinupok din ng apoy.

    Kakaunti rin ang oportunidad upang makakuha ng edukasyon ang mga bata. Tanging panimulang edukasyon lang ang binibigay ng mga NGO, at para sa ilang libong mga bata lang. Ibig sabihin, marami sa buong kampo ang hindi nakakakuha kahit ng panimulang edukasyon. Ito’y ikinababalisa ng mga magulang na nag-aalala para sa isang henerasyon ng mga batang di nakapag-aral, kung anong kinabukasan ang naghihintay sa kanila sa Bangladesh, o sa Myanmar— kung makabalik man sila rito balang araw.
     

    Pag-aaral ng water and sanitation sa Cox's Bazar

    Results from a Doctors Without Borders study of water and sanitation conditions in the camps in Cox’s Bazar

    Resulta ng pag-aaral na sinagawa ng Doctors Without Borders tungkol sa water and sanitation sa Cox's Bazar

    Results from a Doctors Without Borders study of water and sanitation conditions in the camps in Cox’s Bazar

    Resulta ng pag-aaral na sinagawa ng Doctors Without Borders tungkol sa water and sanitation sa Cox's Bazar

    Results from a Doctors Without Borders study of water and sanitation conditions in the camps in Cox’s Bazar

    Resulta ng pag-aaral na sinagawa ng Doctors Without Borders tungkol sa water and sanitation sa Cox's Bazar

    Ang sitwasyon ng Water, Sanitation and Hygiene (WASH)  

    Sa pagitan ng Enero at Marso 2022, nagsagawa ng water and sanitation assessment sa Cox's Bazar. Sa pag-aaral na ito, kung saan kinapanayam ang 361 na sambahayan sa 19 na kampo mula sa iba’t ibang Doctors Without Borders catchment area, ikinumpara ang sitwasyon ngayon sa mga kondisyon noong nagsimula ang initial emergency response noong 2018.

    Nakita sa pagtatasa na may pag-unlad naman sa bilang ng mga nakakakuha ng tubig na mabuti na ang kalidad, mula sa 53% noong 2018, umabot ito sa 99% ngayong 2022. Ito ay bunga ng pagkakaroon ng mga water network at ang paggamit ng chlorination, na kailangan nating kilalanin bilang tagumpay ng nagawang pagtugon. Subali’t 56 % ng mga sumagot ang nagsabing hindi laging may tubig.  Ibig sabihin, bagama’t bumuti ang kalidad ng tubig, ang supply ng tubig ay di pa rin sapat para sa mga pangangailangan ng mga tao.

    Sa pangkalahatan, ang sanitasyon sa mga kampo ay lumala nitong nakalipas na apat na taon. Bagama’t nadagdagan ang mga pintong nakakandadado at nakapagkabit ng mas maraming takip, 76% ang nagsabing umaapaw ang mga inidoro, kumpara sa 38% noong 2018. Ayon sa mga sumagot, ang mga palikuran ay hindi regular na nalilinis o napapanatili. Ang paglala ng kalagayan ng sanitasyon ay di lang naghahatid ng panganib sa kalusugan ng mga refugee, ito rin ay may epekto sa kanilang kakayahang mabuhay nang may dignidad.

    24% ang nagsabing kulang ng mga lalagyan ng basura na galing sa kanilang mga tahanan. Ito’y nakababahala dahil ang mga pansamantala nilang tirahan, kung saan kulang ang mapaglalagyan ng basura, ay maaaring pugaran ng mga daga at mga lamok na maaaring magdala ng mga sakit tulad ng dengue. Sa katunayan, ngayo’y dumadami ang kaso ng dengue sa mga kampo.
     

    Ang sitwasyong pangkalusugan sa Bangladesh


    Nasasaksihan ng mga team ng Doctors Without Borders ang epekto sa katawan at kaisipan ng mga Rohingya ng matagal nilang pananatili sa siksikang mga kampo. Ang kakulangan ng tubig at ng angkop na serbisyong kaugnay ng sanitasyon ay nagdadala ng panganib sa kalusugan ng mga refugee, ngunit maaari pa itong maagapan. Ang pagbibigay ng sapat na tubig at sabon ay mahalaga upang matiyak ang kanilang kalinisan at mabawasan ang mga panganib sa kanilang kalusugan. May ambag din ito sa kakayahan nilang mabuhay nang may dignidad.

    Mga impeksyon sa balat: Sa nabanggit na WASH study noong 2022, 31% ng mga sambahayan ang nag-ulat ng pagkakaroon ng impeksyon sa balat kumpara sa 7% lang noong 2018. Sa dalawang pasilidad ng Doctors Without Borders sa kampo 14 at 15, ang mga team ay nagbigay lunas sa 42,000 na pasyenteng may scabies mula Marso hanggang sa pagtatapos ng Hunyo 2022. Sa Kutupalong Hospital ng Doctors Without Borders, ganoon din karami ang mga pasyenteng ginamot para sa impeksyon sa balat noong unang sangkapat ng 2022, at noong buong 2021.

    Diarrhea: Ang mga sakit na dala ng tubig ay isa pa sa mga ikinababahala ng mga tao. Ayon sa pagtatasa ng Doctors Without Borders, 21% ng sambahayan ang nag-ulat ng mga kaso ng diarrhea sa mga batang wala pa sa edad na limang taong gulang. Ang bilang ng mga pasyenteng ginagamot para sa acute watery diarrhea (AWD) sa mga pasilidad ng Doctors Without Borders noong 2022 ay umakyat ng mahigit 50% kumpara noong 2019. Ang acute watery diarrhea ay isa sa mga nangungunang limang sakit na nakakaapekto sa mga refugee.

    Dengue: Ang dengue fever ay isang viral infection na naipapasa sa mga tao ng mga lamok na kadalasa’y nangigitlog sa mga hindi umaagos na tubig. Ito’y pangkaraniwan sa mga kampo dahil sa dami ng open water accumulation points at kakulangan ng paagusan. Bagama’t taon-taon ay may dengue outbreak sa Bangladesh, nakita naming may tuloy-tuloy at maagang pag-akyat ng bilang ng mga pasyenteng may dengue sa aming mga pasilidad medikal sa Cox’s Bazar ngayong 2022. Sa loob lamang ng dalawang buwan (Hunyo at Hulyo), tumanggap ang mga pasilidad ng Doctors Without Borders ng 248 na pasyenteng may dengue mula sa mga refugee at mula sa komunidad kung saan sila nakatira.

    Mga talamak na sakit: Ang aming mga team ay nakatatanggap din ng madaming mga pasyente na may mga talamak na sakit tulad ng hypertension, diabetes at hika. Mula Enero hanggang Hulyo 2022, ang aming mga team ay nagsagawa ng 35,306 na konsultasyon para sa mga pasyenteng may talamak na sakit. Ito’y dagdag sa dati nang 3,035 na pasyente na mayroon ding mga talamak na sakit at regular nang nakatatanggap mula sa amin ng mga gamot.  

    Malaysia

    Ang mga refugee, asylum-seeker at mga taong walang estado ay itinuturing na mga kriminal ayon sa kanilang batas. Dahil sa kanilang irregular status, hindi sila makakakuha ng pangangalagang pangkalusugan, edukasyon, at hanapbuhay.

    Ang aming mga team ay nagbibigay sa mga Rohingya at ibang mga komunidad ng pangunahing pangangalagang pangkalusugan at suporta para sa kalusugang pangkaisipan sa pamamagitan ng isang klinika sa Butterworth, sa mga mobile clinic sa Penang at Kedah, at mga aktibidad sa mga detention center. Isinasangguni namin ang mga pasyente sa secondary at tertiary healthcare at sinusuportahan namin ang dumadaming biktima ng karahasang sekswal.  Kasama din dito ang mga biktima ng human trafficking, babae man o lalaki.

    Bumuo rin ang Doctors Without Borders team ng refugee advocacy group, upang makatulong sa mga tao sa kanilang mga kasanayan sa adbokasiya. 

    Malaysia 2022

    Paano namumuhay ang mga Rohingya sa Malaysia?

    Dahil ang mga refugee na may UNHCR card ay hindi pinapayagang magtrabaho, marami ang tumatanggap ng mga di-pormal na mapagkakakitaan at gumagawa ng mga trabahong kilala sa tawag na 3D: dirty (marumi), dangerous (delikado), at difficult (mahirap). Ngunit ang mga trabahong ito ay nagiging daan para sila ay abushin at pagsamantalahan.

    Ang mga Rohingya at ibang mga refugee at asylum seeker ay puwersado ring magbayad ng foreigners’ rate sa mga pampublikong pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan. Ito’y maaaring mas mataas ng 100 porsiyento sa binabayad ng mga mamamayan.

    Samantala, ang mga refugee at asylum seeker na walang dokumento mula sa UNHCR ay maaaring isumbong sa mga awtoridad ng immigration, at posibleng makulong kapag sinubukan nilang makakuha ng pampublikong pangangalagang pangkalusugan. Ito ay ayon sa direktiba ng Ministry of Health, na nag-oobliga sa mga medical staff ng mga pampublikong pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan na isumbong sa Immigration Department ang mga magpapatingin sa kanilang mga undocumented o irregular migrant.
     

    Myanmar

    Nagsimula ang Doctors Without Borders sa pagbibigay ng pangangalagang pangkalusugan sa Rakhine State noong 1994, a pamamagitan ng paggamot ng mga may malaria sa Sittwe.

    Ngayon, nagpapatuloy ang Doctors Without Borders sa pagbibigay ng suportang medikal para sa mga Rohingyang nakatira pa rin sa Myanmar, kasama na rito ang mga nasa kampo sa central Rakhine State at sa mga nayon sa hilaga. Nagbibigay kami ng panimulang pangangalagang pangkalusugan, reproductive healthcare, suporta para sa kalusugang pangkaisipan, at mga pagsangguni para sa emergency at dalubhasang paggamot. Nagbabahagi rin ang aming mga team sa mga komunidad ng impormasyon ukol sa wastong pamumuhay nang may pagsasaalang-alang sa kalusugan, mga paraan upang makilala ang mga senyales at sintomas ng sakit, at kung saan sila maaaring pumunta kapag kinakailangan nilang mabigyan ng lunas. 

    Nagbigay din kami ng serbisyo para sa pangangalagang pangkalusugan sa mga Rakhine na nawalan ng mga tirahan dahil sa alitan at ngayo’y nakatira sa mga kampo para sa mga internally displaced.

    Paano namumuhay ang mga Rohingya sa Myanmar?

    Limitado ang kalayaan sa paggalaw ng mga Rohingya. Wala silang mga oportunidad para maghanapbuhay, makakuha ng edukasyon, at matulungan ng pangangalagang pangkalusugan. Ang mga nakatira sa kampo ay umaasa lang sa humanitarian assistance.

    Isang hamon para sa mga Rohingya sa Rakhine State ang makakuha ng pangunahing pangangalagang pangkalusugan. Dahil sa mga limitasyon sa kanilang kalayaang gumalaw ay di sila basta-bastang makakakuha ng emergency treatment, kahit kinakailangan man. Tatanggapin lang sila sa mga ospital kung mayroon silang referral mula sa Doctors Without Borders. Ang mga asal na nagpapakita ng diskriminasyon laban sa mga Rohingya, gaya ng pangingikil, partikular na sa mga pampublikong ospital at ng mga opisyales ng pamahalaan, ay nagiging karagdagang hadlang sa pagkuha nila ng pangangalagang pangkalusugan. Kahit sa mismong ospital ay nakararanas sila ng diskriminasyon, hinihiwalay sila sa ibang pasyente.

    Dahil ang buhay nila ay puno ng pangamba, ng pag-aalala kung saan kukuha ng pambili ng pagkain sa araw-araw, at ng kawalan ng pag-asa, naaapektuhan na ang kalusugang pangkaisipan ng mga Rohingya. Ito’y lalong damang-dama ng mga nakatira sa siksikan at kalunos-lunos na mga kampo.

    Ang kakulangan ng tubig sa mga kampo para sa mga Rohingya sa central Rakhine at sa mga nayon sa hilagang Rakhine ay maaaring magdulot ng mga sakit na dala ng maruming tubig, at ng mga impkesyon sa balat, lalo na kapag tagtuyot.
     

    Dagdag-kaalaman:

    Sino ang mga Rohingya? 

    Ang mga Rohingya ay nanggaling sa Rakhine state, Myanmar na katabi ng Bangladesh sa bandang hilaga. Karamihan sa kanila ay mga Muslim, na nakatira sa isang bansa kung saan ilang siglo nang nakararami ang mga Buddhist. Gayunpaman, idineklara ng mga awtoridad ng Myanmar na ang mga Rohingya ay illegal immigrants mula sa Bangladesh. 

    Bago umaksyon ang militar noong Agosto 2017, tinatayang may 1.1 milyong Rohingya na ang nakatira sa bansa. 

    Karahasang nakapuntirya 

    Bilang ganti sa mga pagsalakay noong 2017 na inako ng Arakan Rohingya Salvation Army, pinag-ibayo ng pamahalaan ng Myanmar ang mga aksyong militar laban sa mga Rohingya. Dahil dito, napilitang tumakas ang daan-daang libong Rohingya mula sa Myanmar.  

    Naglakbay sila papuntang Cox's Bazar sa pamamagitan ng paglalakad, pagsakay sa mga bangka at  paglusong sa ilog na pumapagitan sa Bangladesh at Myanmar. 

    Kaya naman noong 2013, tinawag sila ng United Nations na “one of the most persecuted minorities in the world.” 

    Hindi bababa sa 9,000 Rohingya ang mga namatay mula ika-25 ng Agosto hanggang ika-24 ng Setyembre 2017. Ito ay ayon sa mga survey na isinagawa ng Médecins Sans Frontières/Doctors Without Borders (MSF). Sa pinakakonserbatibong tantiya, hindi bababa ng 6,500 ang pinatay. Kasama rito ang 730 na mga batang wala pang limang-taong gulang.  

    Kinukumpirma nito ang mga ulat ng international news organisations ng targeted violence, o karahasang nakapuntirya, na patuloy na ipinagkakaila ng pamahalaan ng Myanmar. 

    Bakit itinuturing na stateless ang mga Rohingya? 

    Dahil sa Citizenship Law na ipinatupad noong 1982, itinuturing na dayuhan ang mga Rohingya. Hindi sila kinikilala ng batas bilang isa sa mga "national race." 

    Bagama’t nag-alok ang pamahalaan ng Myanmar ng citizenship sa pamamagitan ng isang "verification" exercise, nag-alangan ang mga Rohingya na tanggapin ang National Verification Card (NVC1) dahil kahit na hawak na nila ito, hindi pa rin sila malayang maglakbay sa Rakhine state o maging sa buong bansa. Hindi rin sila makakakuha ng mga serbisyo para sa kanilang mga pangunahing pangangailangan dahil sa mga balakid tulad ng checkpoints, bureaucratic barriers, at iba pang gawaing nagpapakita ng diskriminasyon.  

    “Hindi kami stateless. Kami ay tubong Myanmar. Kahit ang mga ninuno namin ay tubong Myanmar din.”    – Abu Ahmad, 52 taong gulang na Rohingya na tumakas papuntang Bangladesh para ipagamot ang kanyang paralisadong anak

    Ano ang Rohingya refugee crisis? 

    Mahigit 745,000 Rohingya refugees ang pumunta sa Bangladesh noong ika-25 ng Agosto 2017. Sa kanilang pagdating, dumagdag sila sa libo-libong taong lumikas sa mga refugee camps noong nakalipas na ilang taon at patuloy pa ring nahihirapan sa kanilang pamumuhay. 

    Ngayon, ang Cox's Bazar district ay tahanan sa halos isang milyong refugees kaya’t maituturing ito bilang pinakamalaking refugee camp sa mundo. 

    May mga ibang Rohingya rin na lulan ng kanilang mga bangka ay tumawid ng Andaman Sea upang pumunta sa ibang bansa tulad ng Malaysia, Thailand, Indonesia, Cambodia at Laos. 

    Ang mass displacement ng mga Rohingya sa ganito kaikling panahon ay ang pinakamalaking displacement sa mundo sa kasalukuyan. 

    Ano ang kasalukuyang sitwasyon ng mga Rohingya? 

    Sa Bangladesh

    Limang taon na ang nakararaan mula noong dumating ang mahigit sa 770, 000 na Rohingya sa Cox’s Bazar. Nakasama nila ang mahigit sa 250,000 na Rohingya na dati nang naroon dahil sa mga nakaraang karanasan ng karahasan. Ngayon, halos isang milyong tao na ang nakatira sa itinatayang 25-kilometro na lugar sa timog ng siyudad ng Cox’s Bazar. 

    Noong 2017, tinanggap ng pamahalaan ng Bangladesh ang mga Rohingya refugee na tumakas mula sa karahasan sa Myanmar. Noong una, inako ng pamahalaan ang malaking bahagi ng responsibilidad ng pagbibigay ng tirahan at pagkain sa mga refugee. Sa pakikipagtulungan sa pamahalaan ng Bangladesh at sa iba pang mga sumusuporta sa mga Rohingyang nasa kampo sa Cox’s Bazar, may ilang NGO na tumulong rin sa pamamagitan ng pamamahagi ng ibang mga pangangailangan ng mga Rohingya tulad ng food staples (bigas at mantika), gas na pangluto, mga serbisyong kaugnay ng water and sanitation services, panimulang edukasyon (hanggang primary school lang), at mga pangunahing serbisyo para sa pangangalagang pangkalusugan. Kaya lang, hindi sapat ang mga serbisyong ito para sa isang milyong refugee na nasa kampo.  

    Sa pagdaan ng panahon, pakiwari ng ang mga awtoridad ng Bangladesh at ang host community ng mga refugee ay wala o kulang ang ginagawa ng pandaigdigang komunidad upang makahanap ng solusyon sa krisis na ito. Idinidiin ng mga awtoridad na kailangan ng magsagawa ng repatriation sa lalong madaling panahon, at dapat daw ituring ang ginagawa sa Bangladesh bilang pansamantalang solusyon lamang. Kitang-kita ito sa mga refugee shelter sa loob ng kampo, pati na rin sa mga pasilidad ng mga NGO na kumikilos doon. Ang mga puwedeng gamitin lang ng mga establisyimento sa loob ng kampo ay mga materyales na angkop sa mga istrukturang pansamantala lamang, gaya ng kawayan at mga tablang kahoy. 

    Isa pang nagpapalala sa sitwasyon ang hamon ng iba pang mga krisis sa buong mundo. Tulad ng inanunsiyo ng UNOCHA, ang pondo para sa Rohingya Joint Response Plan (JRP) ay bumaba mula sa $629 milyon noong 2020 hanggang sa $602 milyon noong 2021. Noong Agosto 2022, ang pondo ay umabot lamang ng $266 milyon. 

    Habang lumalala ang mga kondisyon sa kampo, ang mga taong gustong tumakas ay nagbabayad sa mga smuggler upang dalhin sila sa ibang lugar tulad ng Malaysia, Indonesia at Thailand. 

    Upang mabawasan ang dami ng mga tao sa mga kampo, noong Disyembre 2020 ay nagsimulang ilikas ng mga awtoridad ang mga Rohingya sa Bhasan Char, isang isla na 40 square kilometers lang ang laki at bahain pa. Sa ngayon, mahigit 27, 000 na tao na ang inilipat doon.

    Sa Malaysia

    Mahigit 30 na taon nang pumupunta ang mga Rohingya refugee sa Malaysia. Nakikipagsapalaran sila sa delikadong pagtawid ng Andaman Sea, sa pag-asang makahahanap sila ng ligtas na lugar kung saan maaari silang magkaroon ng magandang kinabukasan. Kaya lang, sa Malaysia, ang buhay ng mga refugee ay isa pa ring pakikibaka para sa dignidad at pagtanggap. Ang Malaysia ay hindi kabilang sa mga bansang pumirma sa 1951 UN Refugee Convention at sa protocol nito. Ayon sa kanilang batas, hindi nila kinikilala at hindi nila poprotektahan ang mga refugee at asylum seeker. Dahil sa batas na ito, ang mga refugee at asylum-seeker sa Malaysia ay itinuturing na mga kriminal at may limitadong access sa mga sebisyong pampubliko, tulad ng pangangalagang pangkalusugan.

    Ang card na galing sa UN High Commissioner for Refugees (UNHCR) ay nagbibigay sa mga registered refugee at asylum-seeker ng limitadong proteksyon. Hindi ito nagbibigay sa kanila ng legal status, kung kaya’t lagi silang nanganganib na maaresto at makulong. Bukod pa rito, maraming balakid ang haharapin nila upang makakuha ng pangangalagang pangkalusugan, edukasyon, at legal na hanapbuhay.

    Maraming refugee, gaya ng Rohingya, ang nakakulong sa mga immigration detention centre sa bansa. Maging ang mga bata ay kinukulong. Mula noong Agosto 2019, ang UNHCR ay di pinahihintulutang makapasok sa mga centre na ito.   Dahil dito, hindi makagawa ang UNHCR ng refugee status determination, at hindi nila matulungang makalaya ang mga nakakulong na asylum seeker at refugee.

    Noong nagsimula ang pandemyang dulot ng COVID-19 noong 2020, na sumabay sa pagbabago ng pamahalaan, nakita ng Doctors Without Borders ang pagtindi ng sentimyentong xenophobic laban sa mga Rohingya. Sa simula ng 2020, kasunod ng mga balitang may mga bagong dating na lulan ng mga bangka, nagmatigas ang pamahalaan: hindi nila pinahintulutang makarating ang mga bangka sa baybayin, naghigpit sila sa mga borders o hangganan ng bansa, sa lupa man o sa dagat, at naging mas madalas ang pagsasagawa ng mga raid ng mga awtoridad ng immigration sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kung saan pinupuntirya nila ang mga lugar kung saan nakatira at nagtatrabaho ang mga refugee at migrante.

    Noong Mayo 2022, iniulat ang pagdating ng tatlong grupong lulan ng mga bangka. Nalaman ng Doctors Without Borders na sa mga dumating, mas maraming lalaki kaysa sa babae. Iba ito sa mga nakaraang grupo, kung saan mga kababaihan ang malaking porsiyento ng mga dumadating. Ayon sa mga ulat, ang mga bagong dating na Rohingya refugee at mga asylum seeker ay dumaan na sa korte, at ngayo’y bilanggo o nasa ilalim ng pangangasiwa ng mga awtoridad ng immigration. Sinubukan ng Doctors Without Borders na makausap ang mga ito upang mabigyan sila ng tulong medikal at suporta para sa kalusugang pangkaisipan, ngunit hindi kami nagtagumpay 

    Sa Myanmar

    May mga 600,000 Rohingya na nananatili sa Rakhine State, at 140,000 sa kanila’y nakatira sa mga displacement site. Kabilang sa mga displacement site ang mga kampo kung saan lubhang limitado ang kanilang kalayaang gumalaw. Ang mga nakatira sa mga nayon ay nangangailangan din ng mahal at mabusising documentation para lang makapunta sa ibang mga lugar, at limitado rin ang access nila sa mga saligang serbisyo.

    Para sa mga Rohingyang nakatira sa Rakhine State, walang malaking pagbabagong naidulot ang isinagawang kudeta ng mga military sa kanilang sitwasyon—terible ang sitwasyon nila bago Pebrero 1, 2021, at terible pa rin ito hanggang ngayon. Kahit na ilang henerasyon na ng mga Rohingya ang tumira sa Myanmar, sa ilalim ng 1982 Myanmar Citizenship Law, ang mga Rohingya ay di itinuturing na kabilang sa “135 official indigenous races”, kung kaya’t sila’y hindi pagkakalooban ng full citizenship, at itinuturing silang stateless. Maraming paglabag sa kanilang mga karapatang pantao ang ibinunga nito. Hindi sila malayang pumunta kung saan-saan, wala silang paraan upang makakamit ng pangangalagang pangkalusugan, edukasyon, at kabuhayan.

    Ang mga kampo ay nananatiling siksikan at kalunos-lunos. Walang indikasyon na ang mga tao rito ay pahihintulutang bumalik sa mga nayong napilitan nilang iwan. At, para sa karamihan, maaaring wala na silang bahay na mababalikan, o di kaya’y may mga iba nang nakatira.

    Ang mga kondisyon sa Myanmar aynapakalayo sa kinakailangan upang magkaroon ng ligtas at boluntaryong repatriation ng mga Rohingya mula sa Bangladesh. Nahati ang mga pamilya,at hindi lang ang mga napunta sa Bangladesh.  Nangyayari rin ito kapag sumusuong sa mapanganib na paglalakbay ang Rohingya patungo sa ibang bansa, partikular na sa Malaysia, sa kanilang paghahanap ng mas mabuting mga oportunidad. Ang mga kondisyong ito ay nagkakaroon ng seryosong epekto sa kalusugang pangkaisipan ng mga naiwan sa Myanmar. 

    Ang pagsunggab ng militar sa kapangyarihan sa likod ng pandemya ay naging sanhi ng kaguluhan sa ekonomiya ng bansa. Bumagsak ang kyat, at sa pagtaas ng dolyar ay umakyat din ang presyo ng mga inaangkat ng bansa. Parehong tumaas ang presyo ng gasolina at mga pagkain, partikular na sa Rakhine State kung saan umaasa lang sila sa mga produktong galing sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

    Ang mga tensyon sa Rakhine sa pagitan ng Arakan Army at sa militar ng Myanmar military ay tumutubo. Habang ang mga Rohingya ay di tuwirang sangkot sa alitang ito, ang lumalaking kawalan ng kapanatagan ay maaring mauwi sa pagkatangay ng Rohingya sa karahasan at makaapekto sa pagkilos ng Doctors Without Borders at ang aming access sa mga komunidad.

    Naranasan naman na ng Doctors Without Borders na humarap sa mga blockage at checkpoint. Ngunit papunta sa aming mga klinika sa bayan ng Pauktaw, kinakailangan naming dumaan sa mga Navy checkpoint kung saan kadalasa’y nakakaalis lang kami pagkatapos ng humigit-kumulang dalawang oras. Kinakain nito ang kalahati ng oras namin para sa klinika. Kaya naman ang mga medical consultations namin ay bumagsak ng 30% sa loob lamang ng isang linggo. At bawat linggo, tinatantiya naming 200 pasyente ang napagkakaitan ng pangangalagang pangkalusugan.

    Ano ang kinabukasan ng mga Rohingya? 

    Mga pangmatagalang solusyon ang kinakailangan upang maresolba ang napakatagal nang Rohingya refugee crisis. Ang mga pangunahing problema ay ang kawalan ng citizenship sa Myanmar at ang hindi pagkilala sa refugee status sa Bangladesh at Malaysia. 

    Para sa mga Rohingya refugees na naiwan sa Rakhine, inaalala ng MSF ang mga balakid sa pangangalagang pangkalusugan dahil sa kanilang mga paghihigpit sa paglalakbay. Kailangan ng mga humanitarian organizations na magkaroon ng access sa mga refugees upang makatulong sa pagtugon sa kanilang mga  pangangailangan. 

    Para sa Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF), kritikal na ang kahit anong pagbabalik sa Myanmar ay mangyari lamang kung ito ay kusang-loob, o kagustuhan ng mismong refugees;  kung ginagarantiya ang kaligtasan ng mga refugees; at kung ang mga dahilan ng mga karahasan ay hinarap na. Ibig sabihin, haharapin din ang mga nagaganap na diskriminasyon at pagkait ng pangunahing karapatang pantao.