Skip to main content

    India: "Ang mga pinakamalaki kong alalahanin ay ang mga epekto ng COVID sa ibang aspeto ng pangangalagang pangkalusugan"

    Mass awareness campaign at Industrial pocket in M-East Ward, Mumbai

    Si Shagufta Sayyed, Health Educator, ay nagpapahayag sa publiko tungkol sa COVID-19 sa M-East Ward, Mumbai. © Premananda Hessenkamp

    Noong pangalawang bugso, mataas ang bilang ng mga iniuulat na kaso ng COVID. Umaabot ng 6,000 hanggang 7,000 kaso kada araw, kaya’t napilitan ang mga awtoridad na magtakda ng full lockdown. Sa kasalukuyan, ang pribadong sektor ay nagtatrabaho mula sa bahay, sarado ang mga tindahan, at tanging mga mahahalagang serbisyo ang tumatakbo. Bumaba ang bilang ng mga bagong impeksyon ngayong linggo, sa 3,000 kaso na lang kada araw. 

    Sa aming klinika at sa OPD na pinapatakbo namin sa pakikipagtulungan sa National TB Elimination Programme ay sumusunod kami sa paghihigpit. Nitong nakaraang tatlong linggo, nasa klinika lang kami tuwing makalawa upang tumingin ng mga bagong pasyente at magbigay ng konsultasyon para sa mga malulubha ang karamdaman. Mahalaga na ang aming serbisyo ay hindi maantala para sa mga pasyenteng may complex f resistant patterns. Marami kaming bagong pasyente na may TB na hindi makakuha ng tulong dahil sa mga paghihigpit sa paggalaw.

    Sa ibang mga araw, ang aming medical team ay nagtatrabaho mula sa bahay sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga konsultasyong medikal at pagbibigay ng psycho-social support sa telepono. Kung kinakailangan, maaari rin silang magbigay ng reseta sa WhatsApp at kokolektahin na lang ito ng pasyente mula sa parmasya. O di kaya naman, maaari ring isangguni ang mga pasyente sa mga malalapit na ospital para sa side effect management o sa mga laboratoryo para sa mga kailangang siyasatin. Ang mga community health workers na dati’y bumibisita sa mga bahay-bahay upang magsagawa ng contact tracing at nagbibigay edukasyon sa komunidad tungkol sa TB ay gumagawa na lang ng followup at nagbibigay ng suporta sa telepono upang panatilihing  ligtas ang komunidad at ang aming health workers. 

    Pamilyar na sa mga pasyenteng ginagamot para sa TB ang infection, prevention controls (IPC) tulad ng pagsusuot ng masks at sinusunod nila ang mga panukala sa pag-iingat. Ngunit kapag may pumupuntang tao sa aming klinika, nagsusumikap kaming magbigay ng impormasyon ukol sa COVID-19, at tinityak naming masusunod ang mga IPC measures tulad ng pagsusuot ng mask, pag-obserba ng social distancing at gumagawa rin kami ng screening at triage ng mga pasyenteng nagpapakita ng sintomas ng COVID upang sila ay makilala ng maaga. Noong unang bugso, madami ang natatarata at nakita namin ang takot sa mga pasyente. Ngayon, mayroon ng mga malalawak na awareness programmes at ang mga tao ay pinapayagan nang bumukod sa bahay kapag sila’y nagpositibo para sa COVID. 

    Kinakausap ng aming patient support team ang kanilang mga pasyente sa telepono upang tulungan silang harapin ang kanilang mga ikinababalisa habang sila’y nakabukod. Kung kailangan nila ng oxygen support, isinasangguni sila sa ospital. Sa aming catchment area, may isang itinakdang municipal health facility para sa pagbubukod ng TB COVID-19 co-infected patients at para sa pangangasiwa ng mild at moderate cases. Para sa pangangasiwa ng malulubhang kaso, isinasangguni ang mga pasyente sa tertiary care centres. Ngunit, ang bilang ng kama sa critical care isolation para sa mga pasyenteng may TB at COVID-19 coinfection ay kaunti lamang. Kailangang damihan pa ito lalo na para sa mataong siyudad tulad ng Mumbai kung saan mataas ang bilang ng may TB at DRTB.

    Ang MoH ay nagsusumikap na gawin ang lahat sa abot ng kanilang makakaya, pero dahil sa dami ng mga kaso, napupuspos na ang sistema. Habang karamihan sa mga pasilidad na pangkalusugan ay ginagawa nang mga COVID-19 care centres, ang pagpapagamot para sa ibang co-morbidities ay isang hamon.

    Para sa mga pasyenteng may kumplikasyon sa baga dahil sa tuberculosis, may mga nag-aalalang mas mabilis na lalala ang kanilang kondisyon. Nag-aalala rin kami na hindi sila magpapagamot para sa TB dahil natatakot sila na makapitan ng COVID, at nangangamba sila sa maaaring mangyari sa kanilang pamilya kapag naging malubha ang kanilang kalagayan.
    Aparna Iyer, Project Medical Referent

    Populasyon ng mga Migrante

    Ang M-East ward, kung saan isinasagawa namin ang aming proyekto para sa DRTB, ay may mataas na bilang ng mga pasyenteng may TB at mahigit 70% ng populasyon ay nakatira sa slums. Marami sa mga pasyenteng ginamot namin ay mga migrante na pumunta sa Mumbai para maghanap ng trabaho, at ngayo’y naninirahan sa mga slums sa M-east ward. Ito ang mga trabahador na  arawan kung sumahod. Noong nakaraang taon, malakas ang epekto sa kanila ng unang bugso. Marami ang nawalan ng trabaho at napilitang bumalik sa kanilang mga dating tirahan. Para sa mga taong may drug-resistant TB, nagdulot ito ng pagkaantala sa kanilang paggamot dahil ang kanilang mga gamot ay kadalasang hindi mabibili sa maliliit na siyudad o sa probinsya. Sinubukan ng aming patient-support team na tiyakin ang pagpapatuloy ng pangangalaga para sa mga pasyente sa pamamagitan ng pag-uugnay sa mga pasyente sa mga TB treatment centres sa tulong ng District TB officer. Kaya lang, marami sa kanila ang hindi matawagan dahil walang signal para sa telepono sa lugar nila.

    Upang maiwasan ang ganitong sitwasyon ngayong taong ito, kami mismo ang nagsasabi sa mga pasyente na kontakin kami kung kailangan nilang umalis at ipaalam sa amin kung saan sila pupunta upang makapagpadala kami ng mga gamot sa kanilang local health centres at makontak din ang kanilang local medical teams. Kailangang tiyaking di magkakaproblema sa pagpapatuloy ng kanilang pangangalaga kapag sila’y pinauwi na. Nagbibigay rin kami ng telephone counselling upang subukang tulungan sila sa ibang mga problemang hinaharap nila. Kasama na rito ang pagkawala ng trabaho, at ang hirap na pinagdadaanan nila sa pagkuha ng daily ration support. Nagbibigay ang aming team ng suportang sikolohikal at naghahanap kami ng paraan upang makipagtulungan sa ibang mga organisasyon.

    Educational talk at the Doctors Without Borders independent clinic in Mumbai, India

    Si Shagufta Sayyed, Community Health Educator, nagsasalita sa Doctors Without Borders independent clinic sa Mumbai, India. © Premananda Hessenkamp

    Mga Alalahanin

    Ang mga pinakamalaki kong alalahanin ay ang mga epekto ng COVID sa ibang aspeto ng pangangalagang pangkalusugan. Sa kasalukuyan, maraming mga ospital, health care centres, at  health care workers ang nakatuon sa COVID, kung kaya’t ang mga pasyenteng may ibang sakit tulad ng TB, HIV, diabetes o hypertension ay kinakailangang maglakbay nang mas malayo upang makahanap ng titingin sa kanila. Sa ngayon, mas mahirap para sa kanila ang makakuha ng kinakailangan nilang tulong. Halimbawa, ang mga pasyenteng may TB ay nangangailangan ng isolation facilities para sa pagpapagamot upang matiyak na makokontrol ang impeksyon.

    Ang aking pangunahing alalahanin ay oxygen availability at isolation bed capacity, kasama na rito ang critical care para sa pasyenteng may DRTB at COVID.  Ano ang mangyayari kapag dumami ang mga nagkakasakit habang kailangan pa rin namin ng mas malaking kapasidad para sa mga may kritikal na pangangailangan? Kung may mga pasyenteng kailangang operahan, at di sila mabibigyan ng prayoridad dahil inuuna ang may COVID, ang mga pasyenteng iyon ay maaaring makaranas ng mga kumplikasyon. Ito ay napakalaking alalahanin.
     

    Aparna Iyer
    Project Medical Referent, India