"Hindi sapat ang bilang ng mga nars namin."
Kausap ng Health Educator ang street vendor tungkol sa pagsuot ng mask. Ito ang ginagawa nila sa M-East Ward, Mumbai © Premananda Hessenkamp
Sinimulan muli ng Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF) ang emergency response dahil sa ikalawang bugso ng COVID-19 sa Mumbai, sa Maharashtra state. Araw-araw, ang bagong impeksyon sa buong bansa ay higit sa 200,000 sa isang araw, na may napakalaking 115,736 na mga bagong kaso na iniulat sa estado ng Maharashtra sa isang araw sa Abril 16.
Iniulat ni Dilip Bhaskaran, Project Coordinator, ang ginagawa ng Doctors Without Borders sa Mumbai.
Nakikipagtulungan kami sa Municipal Corporation of Greater Mumbai (MCGM) sa pangangasiwa ng Dedicated Jumbo COVID Care Centre sa Bandra Kurla Complex (BKC). Nasisiyahan kami sa mga nagawa ng MCGM , at sinimulan namin ang kolaborasyong ito noong unang bugso, sa pagbibigay ng pangangalaga sa mga pasyente. Ngayon, sa ikalawang bugso, ang papel namin ay ang paunlarin ang kalidad ng pangangalaga para sa mild/moderate cases at ang pagbibigay halaga sa dignidad ng mga pasyente sa BKC. Ang ospital na ito, na may dalawang libong kama, ay nahahati sa dalawang bahagi o phase. Ang bawat phase ay may isang libong kama. Sa ngayon, pinangangasiwaan namin ang anim na wards sa Phase 1 at apat naman sa Phase 2. Ang bawat ward ay may 28 na kama.
Kahit na tila maliit na bahagi lang kami ng isang napakalaking proyekto, mahalaga ang aming ginagawa. Ang pagpapabuti ng kalidad ng pangangalagang natatanggap ng mga pasyenteng ito at ang pagbibigay sa kanila ng sapat na oxygen ay nangangahulugang mas kaunti sa kanila ang mangangailangan ng ventilator sa mga ICU.
Ang pagpapabuti ng kalidad ng pangangalaga ay may dalawang aspeto: medikal, at logistical.
Patungo ang doktor sa mga pasyente sa Doctors Without Borders / MoH Dedicated COVID Care Center sa BKC, Mumbai © Siddhesh Gunandekar
Sa larangang medikal, ang pinakamalaking isyu ay ang pagsuporta at pagsanay sa mga bagong junior medical staff sa public sector. Pagkatapos ng unang bugso, maraming doktor ang nagkaroon ng mga bagong posisyon, kaya’t ngayon, marami sa aming katrabaho ay mga bagong doktor na kakatapos pa lang mag-aral. Kailangan nila ng pagsasanay sa pangangalaga sa pasyente, at sa bedside management. Ganito rin ang sitwasyon sa pharmacy management at nursing care – kailangang gabayan ang mga bagong staff. Ang paghahanap ng tao ay malaking hamon, lalo na pagdating sa mga nars. Hindi sapat ang bilang ng mga nars namin.
Sa aspetong logistical naman, marami ring kailangang gawin. Ang infection prevention and control (IPC) ay kailangang pangasiwaan. Pati ang tubig at mga pangangailangang pangkalinisan ay dapat isaayos. Nasa kalagitnaan tayo ng panahon ng tag-araw, kaya’t lubhang mainit sa loob ng mga tolda. Ang mga pasyente ay nasa mga pansamantalang wards, kung saan ang temperatura ay maaaring umabot ng higit pa sa 40 degrees. Sinisikap naming gumawa ng mga hakbang upang makapagdulot ng malaking kaunlaran sa kalidad ng pangangalaga.Dilip Bhaskaran, Project Coordinator
Halimbawa, kaninang umaga lang ay nasira ang ilan sa aming tent coolers. Hindi ito mga aircon, para itong mga malalaking bentilador na bumubuga ng hangin sa tubig, upang maging presko ang espasyong nakapalibot dito. Sinubukan naming kumuha ng magkukumpuni ng mga ito upang kahit paano’y maging komportable ang aming mga pasyente. Pero kumplikado pala,dahil ang nangasiwa sa paggawa ng tolda ay kumuha ng ibang grupong mag-aasikaso ng tent coolers. Hindi sila makakuha ng spare parts o makapagpadala ng magkukumpuni dahil sa mga paghihigpit ngayong lockdown. Sinabihan na namin ang management team na kumuha ng mga kinakailangang permiso. Samantala, naghahanap pa rin kami ng makakatulong sa gitna ng istriktong lockdown.
Ang aming medics ay nakasuot ng PPE sa loob ng mahigit anim na oras, kahit na ang temperatura sa lugar ay mas mataas pa sa 40 degrees. Sa ganitong kondisyon, parehong nawawalan ng tubig sa katawan ang mga pasyente at health care workers at kahit sino sa kanila’y maaaring makaranas ng dehydration. Kaya naman sinusubukan din naming maresolba ang isang di-pagkakaunawaan tungkol sa power supply. Kapag nahanapan ito ng solusyon, maaari na kaming magpakabit ng mga aircon.Maraming mga pormalidad na kailangang pagdaanan, at ang paglutas ng mga problema ay nangangailangan ng pakikipagtulungan at tiyaga.
Sa labas naman ng ospital, pinapalawak namin ang aming mga gawain sa komunidad. Matagal na kaming nagtatrabaho sa M-East Ward, kung saan nagpapatakbo kami ng mga proyektong kaugnay ng drug-resistant tuberculosis. Nahahati ang Mumbai sa 24 administrative wards, at ang M-East ay ang ward na maraming pangangailangan. Matao ito kaya’t isang malaking hamon ang social distancing. Mahigit 800,000 ang populasyon, at mahigit 70 porsiyento sa kanila ay nakatira sa mga lupang di nila pag-aari. Ito ang mga pinakananganganib na komunidad, at para sa kanila ang aming isinasagawang awareness at preventive activities.Dilip Bhaskaran, Project Coordinator
Ang aming health promotion team ay nagsusumikap na maisulong ang mga gawaing angkop sa pagharap sa pandemya. Muli rin naming sisimulan ang aming WASH intervention, o ang paglilinis ng mga pampublikong palikuran. Araw-araw, mahigit isang libong tao ang maaaring gumamit ng mga palikurang ito, na pawang hindi maayos ang kondisyon. Sa mga ganitong lugar madaling kakalat ang impeksyon.
Ako’y bahagi na ng Doctors Without Borders mula pa noong 2006, at marami na akong napagdaanang emergencies. Sa pangkalahatan, maganda naman ang aming mga nagagawa bilang isang team. Nagtutulungan kami, at ang bawat miyembro ng team ay may kontribusyon para maabot namin ang aming layunin. Mapalad ako’t naging bahagi ako ng isang napakagaling na team.
Dilip Bhaskaran has been with Doctors Without Borders since 2006