Skip to main content

    Doctors Without Borders magpapatuloy ng mga aktibidad bilang tugon sa ikalawang bugso ng COVID-19 sa India

    Checking a patient in the consultation room of Designated COVID-19 health centre

    Ang medikal na doktor na si Dr Sharanya Ramakrishna, sumusuri ng isang pasyente sa consultation room ng Designated COVID-19 health centre sa Pandit Madan Mohan Malviya Shatabdi hospital, na matatagpuan sa Govandi M East ward Mumbai. Larawan mula 2020. © Abhinav Chatterjee/MSF

    Ang malaking bilang ng mga tao sa siyudad na ito, ang kanilang kahirapan, at ang mga di magandang kondisyon ng kanilang kalinisan ay tatlong bagay na nagpapadali ng pagdami ng virus, at pagkalat ng sakit.

    Araw-araw, maraming bagong kaso ng COVID-19 ang naitatala sa buong bansa—umabot pa nga ng 200,000 sa loob lang ng isang araw. Sa Maharashtra, ang pinakamataas na bilang ng bagong kaso ay 115,736 ay naitala noong ika-16 ng Abril.

    “Nakababahala ang sitwasyon,” sabi ni Dilip Bhaskaran, C-19 Coordinator ng Doctors Without Borders sa Mumbai. “Ito ang pinakamalaking bugso mula noong nagsimula ang pandemya. Kami sa Doctors Without Borders ay handang magdagdag ng binibigay naming serbisyo bilang pagsuporta sa mga pasilidad pangkalusugan na kasalukuyang di na kinakaya ang dami ng mga nangangailangan ng atensyong medikal.”

    INDIA: taking a swab sample

    Ang isang medikal na doktor ay kumukuha ng sample sa itinalagang COVID-19 health centre sa Pandit Madan Mohan Malviya Shatabdi, isang ospital na matatagpuan sa Govandi M East Ward Mumbai. Larawan mula 2020. © Abhinav Chatterjee

    Samantala, ang aming mga teams ay aktibo sa pagkilala ng mga kaso, pagsasagawa ng screening at ng angkop na triage para sa infection prevention and control ng mga pasyenteng may TB/DR-TB sa ospital ng Shatabdi at sa klinika ng Doctors Without Borders. Ang mga pasyenteng may COVID-19 at tuberculosis ay isinasangguni sa Sewri Hospital habang ang mga pasyenteng may COVID-19 pero walang TB ay sa Dedicated COVID-19 Health Centre (DCHC) facilities pinapapunta.

    Nagbibigay rin ang Doctors Without Borders ng prevention kits, counseling at phone follow-up para sa mga high risk patients, tulad ng mga matatanda at mga mayroong TB/DR-TB o Diabetes melitus. Upang matiyak na tuloy-tuloy ang pangangalaga, sinusuportahan din ng Doctors Without Borders ang apat na health centers sa MEW.

    Mula noong ika-17 ng Abril, nagsasagawa na ang MSF ng shielding, digital health promotion, at mga aktibidad na kaugnay ng water at sanitation sa M-East Ward (MEW) ng Mumbai. Gagawin din ang mga aktibidad na ito sa lima pang health facilities.

    COVID-19 Health Promotion activities conducted by Doctors Without Borders in Govandi slums in Mumbai, 2020

    Health promotion activities ng Doctors Without Borders sa Govandi slums, Mumbai, para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19. Larawan mula 2020. © Abhinav Chatterjee/MSF

    Naghahanda ang Doctors Without Borders na suportahan ang dalawang units sa Jumbo hospital sa Mumbai. Kasama rito ang dalawang grupo ng mga tolda, na ang bawat isa ay may 1000 intensive care unit bed capacity. Limang doktor at limang nars ang kinuha ng Doctors Without Borders para mabigyang lakas ang tugon. 

    Magpapatuloy ang Doctors Without Borders sa pagbibigay ng suportang medikal at teknikal sa pamamagitan ng mga donasyong oxygen supplies at pagsasagawa ng therapy.

    Matindi at malupit ang mga pangyayaring ito.

    Si Gautam Harigovind ay ang Medical Activity Manager ng Doctors Without Borders COVID-19 project as Mumbai. Nilalarawan niya ang kanilang trabaho.
     

    Binago ako ng COVID bilang isang tao, at isang doktor.

    Ilarawan ninyo sa inyong isipan ang isang ospital na may isang libong kama. May 28 wards dito, at meron ding emergency, casualty at triage areas. Ang pansamantalang istrukturang ito’y isang malaking toldang gawa sa metal. Nang pumasok ako doon sa kauna-unahang pagkakataon, parang di totoo; ngayon lang ako nakakita ng ganito. Para akong sumakay sa napakalaking barko. Napakataas ng kisame, pero hindi gaanong maayos ang daloy ng hangin. Bagama’t naaabot nito ang ilang pamantayan, di ito angkop para sa Mumbai. Sa umaga kasi, lubhang maalinsangan sa Mumbai. Ang tindi ng init. At kapag idagdag mo pa ang pagsusuot ng PPE sa loob ng anim na oras, parang di mo na maubos-isip. Di kakayanin ng sinuman ang ganitong init.

    Nasa ikalawang linggo kami ng aming emergency project. Noong nakaraang linggo, tumanggap kami ng 200 hanggang 250 na bagong pasyente kada araw. Bagama’t malala pa rin ang sitwasyon sa Mumbai, mas mabuti-buti ang linggong ito para sa team namin. Ngayong linggong ito,bumuti ang kalagayan ng aming mga pasyente, mas mabuti kaysa aming inaasahan.

    Noong nagsimula akong magtrabaho sa Mumbai COVID centre noong Setyembre 2020, napakagulo. Laksa-laksang taong takot na takot ang dumadating araw-araw. Pagkatapos noon, naging maayos na ang mga bagay-bagay; naging maayos na ang pangangalaga sa pasyente.

    Ngayon, ang pinakamalaking hamon ay ang panghihina ng aming staff. Hindi kaya ng mga taong magtrabaho sa ganitong kondisyon nang matagal. Nakakaramdam sila ng tinatawag na burnout, at mas mabilis na nilang nararamdaman ito ngayon kaysa noong unang bugso. Sa kasalukuyan, tatlong araw lang, burn out ka na. Kahit na anim na oras ka lang sa trabaho, iyon ay anim na oras ng COVID. Ang mga kondisyon ng kapaligiran, ang dami ng pasyente at ang kakulangan ng tamang pagtatalaga sa mga tungkulin. May 28 wards; dapat sa bawat ward, may dalawang nars kada shift, at may apat na shifts. I-suma total mo iyon at doon mo makikita – mahirap makahanap ng ganoon kadaming nars. 

    Nakatuon kami sa paghahanap at pagsasanay ng bagong staff. Karamihan sa mga nars mula sa Ministry of Health na aming nakakatrabaho ay katatapos lang sa pag-aaral. Napapasabak sila sa isang sitwasyong di-inaasahan at di rin maarok. Nagsusumikap silang magawa ang trabaho, pero dahil sa kakulangan ng karanasan, hindi sila marunong magplano ng kanilang gagawin at kung paano nila pagkakasyahin ang oras. Ang mga nars mula sa Doctors Without Borders ang sumusuporta sa kanila sa pamamagitan ng mentorship at coaching na ibinibigay na lang sa tabi ng pasyente. 

    Binago ako ng COVID bilang isang tao, at isang doktor. Maraming tao ang namamatay, pero nasanay na ako. Tanggap na namin ito. Wala akong panahon para magnilay-nilay tungkol dito. Dati, nakatuon ako sa pasyente at sa mga adbokasiya kaugnay ng pasyente. Ngayon, takot akong magkaroon ng kaugnayan sa pasyente. Noong una, ginagawa ko pa iyon. Pero pagbalik ko, makikita kong wala nang nakahiga sa kama niya at madudurog ang puso ko. Mapapansin mo iyan kahit sa pagtawag ko sa kanila na ‘ang pasyente’. Dati, pangalan nila ang gagamitin ko o kaya tatawagin kong ‘ang aking pasyente’. Sa ganitong paraan ako nabago.

    May mga paraan kami para maging mas madali ang trabaho ng staff. Ang mga miyembro ng Doctors Without Borders team ay mga taong malalakas ang personalidad. Ito ang tinitingnan ko kapag naghahanap ng mga mapapabilang sa aming team. Ang bawat miyembro ng aming team ay malakas, mahusay sila sa trabaho man o sa kanilang pakikitungo sa tao. Hinihimok namin ang aming staff na maaga pa lang ay kausapin na ang kanilang pasyente sa maaaring mangyari dahil sa COVID. Nakatutulong ito sa staff at sa pasyente upang maintindihan ang posibilidad ng kamatayan. Positibo ang mga nakuha naming resulta mula rito. Natulungan nito ang aming team na tanggapin ang nangyayari sa kanilang mga pasyente. Hindi lang dahil nakapag-usap na sila, pero dahil alam na ng pasyente kung ano ang mangyayari, at kahit paano, handa na siya para rito. 

    Lahat tayo’y kailangang magsalita tungkol sa sitwasyon sa India. Ang nangyayari ngayon ay kahindik-hindik, at kung walang magsasalita tungkol dito, mangyayari lang ito. Para itong puno na natumba sa gitna ng gubat. Maraming tao sa India ang handang tumulong sa kahit anong posibleng paraan, at marami rin ang gustong makatanggap ng pangangalagang medikal hangga’t maaari. Pero may mga puwang sa imprastruktura. 

    Sa ngayo’y medyo humupa na ang bugso, pero pakiramdam ko padating pa lang ang bagyo. May pangambang magkakaroon ng complete lockdown sa Mumbai. Puspusan ang aming pagtatrabaho upang maisaayos ang mga bagay-bagay bago pa man lalong lumala ang sitwasyon. Kung walang mangyari, salamat naman. Ito ang sitwasyong mas gugustuhin ko nang maging mali!