Skip to main content

    India: "Sa sobrang laki ng idinami ng mga kaso, di na sapat anga aming staff."

    Shagufta Sayyed, Community Health Educator for Mumbai’s COVID-19

    Ipinapakita ni Shagufta Sayyed, Community Health Educator sa COVID-19 intervention sa Mumbai, ang tamang paraan ng paghugas ng kamay, bilang bahagi ng COVID-19 health promotion, infection and prevention activities. © Premananda Hessenkamp

    Ang mga awtoridad dito ay organisado, at sila’y umaangkop sa sitwasyon habang ito’y  nagbabago, sa abot ng kanilang makakaya. Pero habang tumataas ang bilang ng mga kaso, pahirap nang pahirap makahanap ng mga kama. Tumatawag  sila sa iba’t ibang ospital, at sinusubukan nilang sumangguni ng mga pasyente, pero nahihirapan na talaga sila.

    Kahit nahaharap kami sa maraming hamon, hindi pinanghihinaan ng loob ang aming team. Ang lahat sa amin ay labis na naninindigan. Ang iba sa kanila ay nakatrabaho na namin sa unang COVID intervention dito sa India noong unang bugso. Noong tinawagan namin sila, agad silang dumating at sumama agad sa amin. Ito’y nakapagpalakas ng loob namin. Pero sa sobrang laki ng idinami ng mga kaso, di na sapat anga aming staff. Kailangan na naming maghanap ng karagdagang tao.

    Health Educator in the informal settlement rehabilitation colony in MEast Ward, Mumbai

    Ang mga Health Educators ng Doctors Without Borders ay nasa informal settlement rehabilitation colony sa MEast Ward, Mumbai, para kausapin ang mga tao tingkol sa COVID-19 © Premananda Hessenkamp

    Ang team ay nagtatrabaho ng anim na araw kada linggo, at walong oras ang bawat shift. Hindi madali ang magtrabaho sa treatment centre. Napakainit sa loob ng mga tolda. Dagdag pa roon ang mga suot nilang PPE, face masks,guwantes at iba pa, at alam mo nang di madali ang sitwasyon namin.
    Mabel Morales, Medical Coordinator

    Ngunit kahit na nakapanghihina ang sitwasyon, ang katapatan at dedikasyon ng staff ay di matatawaran. Ramdam na ramdam ang pagkakaisa ng mga kabilang sa team. At nakatuon ang lahat sa pagtulong sa mga pasyente.

    Walang handa para sa pangalawang bugso,  ito’y ikinagulat ng lahat. At sa napakaikling panahon, ito’y naging isang malaking krisis. Mas malala ito kaysa ang una, at  mas nakabibigla dahil noong Pebrero lang ay winakasan na ng Doctors Without Borders ang pagsuporta nito sa COVID centre sa Mumbai, dahil halos wala nang kaso. Mabuti na lang at nagpatuloy pa ang aming mga aktibidad sa komunidad, at hindi naputol ang komunikasyon namin ng mga nakatrabaho namin noong una.

    Shagufta Sayyed, Community Health Educator for Mumbai’s COVID-19 Intervention

    Ipinapakita ni Shagufta Sayyed, Community Health Educator sa COVID-19 intervention sa Mumbai, ang tamang paraan ng paghugas ng kamay, bilang bahagi ng COVID-19 health promotion, infection and prevention activities. © Premananda Hessenkamp

    Marami kaming ginagawa sa komunidad at nakatuon kami sa mga pinakananganganib na kapitan ng sakit, mga taong may chronic health condition, at ang mga may  HIV. Puno ng hamon ang kanilang pamumuhay. Paano mo sila kukumbinsihing magbukod ng may sakit, o obserbahan ang social distancing kung sila’y isang pamilya na may walong miyembrong nakatira sa iisang silid na wala man lang bintana?  Paano mo sila pagsasabihang maghugas lagi ng kamay kung hirap silang makakuha ng tubig? Sa gano’ng sitwasyon, paano ka magtatakda ng mga patakarang dapat sundin? Ang mga mensahe tungkol sa pag-iwas sa hawaan ay di magagamit sa ganitong konteksto.

    Napakalaki ng mga pangangailangan dito, at ang ginagawa ng Doctors Without Borders ay maliit na bahagi lamang, Pero, mahalagang naririto kami. Ang mga staff mula sa ibang mga ospital ay pumupunta sa amin upang sumali sa aming mga pagsasanay. Sa ganitong paraan, nasusuportahan namin sila at naibabahagi namin ang aming kaalaman. Nakakaramdam kami ng pakikiisa sa aming mga pasyente at staff. Pakiramdam ko, nasa tamang lugar kami, at nagtutulungan kaming lahat. Mahirap ang ginagawa namin, pero nagbibigay ng ligaya sa akin ang maging bahagi nito.
    Mabel Morales, Medical Coordinator
    Mabel Morales
    Medical Coordinator, India